IGINALA ni Iñaki ang paningin sa bago niyang tahanan. Mula sa araw na iyon ay sa condominium unit na siya maninirahan. Malaki ang condo unit para sa isang tao. Hindi kaya ng kasalukuyang sahod niya ang tahanan na iyon kung tutuusin. Kay George Salvador ang unit, ang kanyang ama na isang news anchor sa telebisyon. Hindi nito nagagamit ang unit dahil nagpatayo na si George ng bungalow house para sa asawa nitong si Elizabeth at mga anak. Gusto ng ama na ibigay na lang ang unit sa anak ngunit mahigpit na tumanggi si Iñaki. Napagpasyahan nilang huhulog-hulugan ang unit. Alam niyang matatagalan pa bago mabuo ang bayad sa ama ngunit pagsusumikapan pa rin niya.
“Bakit hindi mo na lang tanggapin ang unit, Iñaki? You’re my son, I can give you anything in this world. If this is about Eli—”
“Are you giving me the unit because of Eli?” tanong ni Iñaki sa ama bago pa man nito matapos ang sinasabi.
Hindi kaagad nakatugon si George. Nabasa ni Iñaki sa mga mata ng ama ang kaunting guilt. “You’re my son.”
“And you raised a responsible son. I’m twenty-six. I can take care of myself. You’ve already sent me to med school. Hindi na po ninyo ako kailangang bigyan ng matitirhan. I like your unit and it’s closer to the hospital kaya hayaan na po n’yo akong hulog-hulugan para masasabi ko talaga na akin ang unit.”
Wala nang nagawa ang ama sa reasoning niya. “Okay,” ang sumusuko nitong sabi.
Naupo sa malambot na sofa si Iñaki. Fully furnished na ang unit ng ama kahit na hindi naman yata nito nagamit iyon noon. Kasama ang mga kagamitan sa mga babayaran niya. Masuwerte siya na may mga furniture na dahil wala na siyang gaanong panahon sa pagsha-shopping. He was starting a new job at Dr. Rizalino Mendoza Memorial Hospital soon. Noong una ay hindi niya inakala na matatanggap siya. Sinubukan lang talaga niyang mag-apply para sa kanyang residency. Ang DRMMH ang pinakamahusay na pribadong ospital sa bansa. Nasa ospital ang mga pinakamakabagong medical equipments. Nasa ospital din ang mga pinakamahuhusay na doktor sa bansa at maging sa Asya.
His application started with a suggestion from his friend Dr. Lavender Munis. Kasamahan niya ang kaibigan sa clinic na kanyang pinagtatrabahuhan dati—sa clinic kung saan niya nakilala si Elizabeth, ang babaeng asawa na ng kanyang ama ngayon. Lavender was also Elizabeth’s sister-in-law. Nabanggit ni Iñaki kay Lavender ang plano niyang pagkuha ng espesyalidad sa pediatrics. Kaagad ipinaalam ng kaibigan sa kanya na nasa DRMMH ang mahuhusay na doktor sa pediatrics. Sinubukan niyang magpasa ng application para sa residency, hindi talaga gaanong umaasa. Nasisiguro niya na mas maraming doktor ang mayroong mas impresibong records kaysa sa kanya. Iñaki believed he was a good doctor, he could be a better doctor, but DRMMH’s caliber was way off the chart. Gayumpaman ay naisip niya na wala namang mawawala kung susubukan niya. George didn’t raise a sissy.
Hindi maipaliwanag ni Iñaki ang nadama nang matanggap ang sulat na tumatanggap sa kanyang application sa DRMMH. He was extremely happy and extremely relieved. Noon lang nagkaroon ng lakas ng loob si Iñaki na aminin sa kanyang sarili ang totoong dahilan ng pag-a-apply niya sa DRMMH. May-kalayuan ang ospital sa dati niyang pinagtatrabahuhan kaya kailangan niyang lumipat.
Nais niyang lumayo sa kanyang ama at kay Elizabeth. Iñaki fell in love with his father’s wife.
George had him when he was a teen. Hindi pa nagtatapos ang kanyang ama ng high school ng mabuntis nito ang kanyang ina. His mother suffered from serious post-natal depression. Iniwan siya ng ina sa pangangalaga ng ama. George was too young to be a father but he somehow managed to grow up fast. Naging news anchor ang ama at napag-aral siya nito sa medical school. Nang magtrabaho siya sa klinika ng isang dating propesor ay nakilala niya si Dr. Elizabeth Munis, isang obstetrician-gynecologist. Mas matanda ng maraming taon ang babae sa kanya ngunit hindi iyon naging factor upang hindi siya umibig. Wala siyang pakialam sa agwat ng kanilang edad. Wala rin siyang pakialam kung mayroon nang anak na lalaki si Elizabeth. Anak na kapatid pala niya.
Nalaman ni Iñaki na nagkaroon ng ugnayan ang kanyang ama at si Elizabeth maraming taon na ang nakararaan. Hindi alam ni George na nabuntis nito si Elizabeth. Nagtagpo uli ang dalawa dahil kay Iñaki. Elizabeth fell in love with George instead of Iñaki.
Labis siyang nasaktan ngunit tinanggap niya ang katotohanan na wala na siyang magagawa pa. Mahirap panindigan noong una ngunit pinilit niya ang sarili na maging masaya para sa dalawang taong mahalaga sa kanyang puso. George and Elizabeth deserved to be happy and they would be the happiest if they were together.
Lumayo si Iñaki dahil patuloy pa rin siyang nasasaktan. Napagpasyahan niyang bahagyang lumayo upang maging madali ang ilang bagay-bagay sa kanya. Ayaw na niyang magtrabaho sa iisang klinika kasama si Elizabeth kahit pa hindi sila araw-araw na nagkikita. Hindi sa ayaw niyang nakikita na masaya ang dalawa na kapiling ang isa’t isa. May malaking bahagi sa kanya ang totoong masaya para sa mga ito, para sa kanyang mga kapatid.
Ngunit may mga pagkakataon na naiinggit siya. He kept on thinking: this could’ve been him. His father’s life could have been his. Napakaraming “what ifs” sa kanyang isipan. What if he was the same age as Elizabeth? What if George was not his father? What if his father and Elizabeth had not met that night? Paano kung hindi nabuo si Sebastian nang gabing iyon? Hindi gusto ni Iñaki na nakakaramdam siya ng ganoon. Pakiramdam niya ay nagtataksil siya sa ama. Wala na siyang magagawa pa dahil namili na si Elizabeth at hindi siya ang pinili nitong mahalin. Nangyari na ang mga dapat mangyari.
Nagpakawala ng marahas na buntong-hininga si Iñaki. Alam niya na darating ang araw na hindi na niya iisipin ang anumang “what if.” Darating ang araw na ganap na niyang matatanggap ang mga nangyari. Darating ang araw na ganap na siyang magiging masaya para sa ama at kay Elizabeth. Darating din ang araw na iibig siyang muli, iibig nang higit-higit pa sa naramdaman niya para kay Elizabeth.
Nasisiguro ni Iñaki ang bagay na iyon dahil pagsusumikapan niya. Hindi niya hahayaan na lamunin siya ng mga negatibong pakiramdam. Hindi niya hahayaan na maging bitter siya dahil sa mga nangyari.
Matapos niyang makapagpahinga ay inumpisahan na niya ang pag-aayos ng kanyang mga gamit. Inilista niya ang mga kailangang bilhin sa grocery store. Nagpadala ang lola niya ng ilang frozen food at alam niyang regular siya nitong padadalhan sa mga susunod na araw ngunit kailangan pa rin niyang magtungo sa grocery store para sa ilang necessities.
Napangiti si Iñaki nang maalala ang kanyang Lola Georgina. She had been his father’s rock. Kung wala ang matanda ay hindi siya maayos na mapapalaki. She had been Iñaki’s mother while growing up. Bahagyang nag-aalala ang matanda sa pagsosolo niya. Baka raw mapabayaan niya ang sarili. Hindi siya nainsulto, sa halip ay natawa siya. Ganoon marahil ang ilang lola sa kanilang mga apo. Sa paningin ng matatanda ay hindi lumalaki ang kanilang mga apo.
Umpisa na ng panibagong kabanata ng buhay ni Iñaki. He was excited. Malakas ang kanyang pakiramdam na magiging maayos ang lahat, magiging masaya siya sa mga pagbabagong magaganap sa kanyang buhay.
Maybe he’d find a nice wonderful woman he would fall in love with in this new environment. Isang babae na siya ang pipiliin at hindi ibang lalaki. Isang babae na susuklian ang pagmamahal na kanyang ibibigay.
Hindi iyon ang priyoridad niya sa ngayon ngunit nais niyang umasa sa mas magandang hinaharap. He was not going to give up on love.