“Interesting. So paano nagtagpo ang landas n’yo ni Doctor Salvador?”
Mas lumawak at tumamis ang ngiti sa mga labi ni AJ. Ngayon ay kaya na niyang ngumiti at matawa tuwing naaalala ang mga naging pagsubok noong nagsisimula siya bilang yaya ni Gilbert. Nais niyang hangaan kahit na paano ang sarili sa naging desisyon, sa naging tapang niya para makipagsapalaran.
Kaswal na sinagot ni AJ ang tanong ni Sybilla. “It’s a typical boy meets girl.”
AJ SHOULD’VE had expected this. Hindi siya matalinong-matalino ngunit naniniwala siya na medyo above average ang kanyang katalinuhan. Hindi man siya nakasali sa top board passers sa Nursing Licensure Exam, hindi rin naman pasang-awa ang nakuha niyang percentage. Kaya hindi niya mapaniwalaan na hindi man lang sumagi sa isipan niya ang bagay na ito. Alam niya kahit na paano ang sagot doon. Mas inisip niya ang celebrity status ni Isabel Briones. Mas inalala niya ang mga issue nito na napapanood sa telebisyon at naririnig sa mga tsismosa. Hindi niya gaanong pinagtuunan ng pansin ang kanyang magiging alaga. Itinuring niya itong isang tipikal na bata. Walang tipikal kay Gilbert.
Hellion ang alaga ni AJ.
Mabait na salita pa nga yata ang salitang “hellion.” Pinakapasaway sa lahat ng pasaway.
Siguro ay hindi lang sanay si AJ at wala pa siyang gaanong nakakasalamuhang bata na katulad ni Gilbert kaya nababaghan siya at na-stress nang husto. Puro maysakit na mga bata ang nakasalamuha niya sa kanyang mga pediatric rotations sa Related Learning Experience noong nag-aaral pa kaya hindi marahil siya sanay sa batang hyper—napaka-hyperactive.
Hindi nananatili sa isang lugar si Gilbert. Sa halos lahat ng panahon. Palaging tumatakbo, palaging gumagalaw. Pinapanood pa lang niya ang alaga ay napapagod na si AJ. Lahat ng madaanan ni Gilbert ay nag-iiwan ito ng destruction. Hindi gaanong exaggeration ang bagay na iyon. Lahat ng madaanan ni Gilbert ay may nagugulo, natutumba, o nababasag.
Cute na cute na bata si Gilbert. Kamukha ng bata ang ama nito. Tisoy at maituturing na matangkad para sa limang taong gulang. Maamo ang mukha at maaaring sabihin na mukhang anghel, lalo na tuwing ngumingiti. Mas naniningkit ang singkit nitong mga mata kapag ngumingiti o tumatawa. Nang unang beses silang magkaharap ay naisip ni AJ na magkakasundo sila nang husto. Hanggang sa ibuka ni Gilbert ang bibig at magsalita.
“I don’t like you. You are ugly!”
Hindi kaagad nakapagsalita si AJ sa labis na pagkagulat. Hindi niya gaanong inasahan ang ganoong pananalita mula sa isang limang taong gulang. Hindi rin niya inasahan ang masidhing disgusto na kanyang nakita sa mga mata nito. He looked like he genuinely hated her.
Hindi sanay si AJ sa ganoon. Hindi siya lumaki o na-expose sa isang hostile environment. He wasn’t loved or adored by everyone all the time but she was definitely not hated. Hindi maiwasan, umahon din ang disgusto sa kanyang dibdib para sa bagong alaga.
Pagod na pagod si AJ pagkatapos ng unang araw niya sa trabaho. Bagsak siya sa kama ngunit hindi kaagad nakatulog. Naisip na kaagad niya ang pagsuko. Hindi niya kinakaya ang kakulitan ni Gilbert. Parang gusto na niyang bumalik sa Tarlac at balikan ang dating trabaho.
Ngunit ganoon na lang ba talaga? Susuko na siya kaagad? Isang araw pa lang siya nagtatrabaho. Magdedesisyon kaagad siyang sumuko dahil nahihirapan siya? Kaya nga tinawag na trabaho kasi mahirap. Kaya nga siya binabayaran ay upang magtrabaho hindi upang madalian sa mga bagay-bagay.
Ano ang mangyayari sa kanyang buhay kung susuko siya kaagad?
Kinabukasan, sinabi ni AJ sa sarili na mas magpapakatatag siya. Hindi lang siya sanay at bago ang lahat sa kanya kaya nahihirapan siya. Magiging mas madali ang mga bagay-bagay kapag sanay na siya, kapag nakagamayan na niya ang trabaho.
Puno ng sigla na inihanda niya ang almusal ng kanyang alaga. Ang sabi ni Ate Ana ay mapili sa pagkain si Gilbert. Hindi rin nito madalas makain ang mga nakahanda dahil kahit sa pagkain ay nangungulit ang bata. Nasaksihan na iyon ni AJ sa hapunan noong isang gabi. Gayumpaman ay sinikap pa rin niyang maging positibo. Inisip niya na magugutom si Gilbert sa umaga. Kailangan nito ng enerhiya para sa kakulitan nito sa maghapon.
Hindi kaagad naubos ang optimism na pinagpursigihang ipunin ni AJ. Gilbert couldn’t sit still for five minutes. Kailangan niyang sundan ang alaga para mapakain ng agahan. Maaari niyang pabayaan na magtatakbo ang bata ngunit naniniwala siya sa kahalagahan ng pagkain ng almusal. Nag-fasting ang katawan sa magdamag, kailangang lamnan ang sikmura sa umaga.
Nang tumigil ang alaga sa katatakbo ay iniumang ni AJ ang kutsara na may pagkain. Bahagya niyang ikinatuwa nang ibuka nito ang bibig at isinubo ang pagkain. Kaagad naglaho ang kaligayahan na iyon nang ibuga ni Gilbert ang pagkain sa kanyang mukha. Tumatawang ipinagpatuloy ng bata ang pagtakbo.
Ilang sandali na hindi nakagalaw si AJ sa kanyang puwesto. Muli, hindi niya gaanong mapaniwalaan ang nangyari. Nang makahuma ay idineretso niya ang katawan at ibinuka ang bibig, akmang sisigawan ang alaga. Ngunit napigilan niya ang sarili sa huling sandali. Hindi niya dapat kalimutan na limang taong gulang na bata si Gilbert. Makulit at pilyo. Siguro ay normal ang ganoon. Papatol siya sa bata? There was also a rule written somewhere saying one cannot yell at her boss. Gilbert was her boss.
Mariing nakagat ni AJ ang ibabang labi. Frustration was building up so fast. Para siyang sasabog ngunit alam niyang hindi siya maaaring sumabog.
“I’m gonna make you quit!” ang deklara ni Gilbert, determinado at seryoso ang ekspresyon ng mukha. Nangangako. “I’m gonna make you miserable!”
Muli ay ikinagulat ni AJ ang mga narinig mula sa bata. Paano nito nasasabi ang mga ganoon? Saan nito nakuha? Alam ba nito ang ibig sabihin ng mga tinuran nito? And she was already miserable.
Dinampot ni Gilbert ang isang throw pillow at ibinato kay AJ. Naikuyom niya ang mga kamay at nagpakawala ng marahas na buntong-hininga. Pilit niyang kinalma ang sarili habang naglalakad patungo sa kusina. Naroon sina Ate Ana at Gretchen. Nag-aalmusal ang huli samantalang abala sa harap ng kalan ang una. Hindi na kinailangang magtanong ng dalawa kung ano ang nangyari sa kanyang mukha na maraming nakadikit na kanin at ulam.
Halos sabay-sabay silang napangiwi nang marinig ang pagbagsak ng anumang mabigat na bagay sa sahig.
“Hindi ba magigising ang mommy niya?” tanong ni AJ habang nililinis ang mukha gamit ang paper towel. Hindi pa niya nakakaharap si Madam Isabel dahil sa kaabalahan nito sa trabaho. Madaling-araw na ito nakauwi kanina.
“Soundproof ang room ni Madam,” tugon ni Gretchen bago uminom ng orange juice. Ilang sandali siya nitong mataman na pinagmasdan. “Okay ka lang? Kaya pa?” Hindi nakaligtas kay AJ ang pag-aalala sa tinig nito kahit na sinikap nito iyong itago.
Ang hula ni AJ ay hindi lang siya ang yaya na sumuko pagkatapos lang ng isang araw kay Gilbert. Waring may munting tinig na nagsasabi na sumuko na siya ngunit may malaking parte rin sa kanya ang masidhi ang pagtutol. Siguro ay pride iyon. Siguro ay hindi niya matanggap na ganoon kadali para sa kanya ang pagsuko. Wala pa namang nangyayaring malala sa kanya.
Hindi lang ako sanay. Iyon ang paulit-ulit niyang sinabi sa sarili.
“Kung makakagaan ng loob mo kahit na paano, hindi lang ikaw ang binugahan o tinapunan niya ng pagkain,” ani Ate Ana, may mababakas ding pag-aalala sa mga mata nito. “Hindi ako magsisinungaling at sasabihin sa `yo na magiging mabait din si Gilbert. Lalala pa ang mga ginagawa niya sa `yo. At seryoso siyang talaga sa pangakong binitiwan niya. Misyon na ng batang iyon na gawing miserable ang buhay ng mga nagiging yaya niya.”
“Ano ang record ng pinakamatagal na yaya?” tanong ni AJ. Nais niyang malaman para malampasan niya. Siguro kapag nakalampas siya ay hindi na gaanong mahirap sa kalooban ang pagku-quit kapag dumating na siya sa kanyang sukdulan.
Bakit nga ba niya madalas isipin ang pagsuko? Bakit hindi niya pagsumikapan ang pagtatagumpay?
“Isang linggo,” tugon ni Gretchen pagkatapos mag-alangan. “Mula nang umalis si Marie ay isang linggo na ang pinakamatagal na yaya kay Gilbert.”
“Sino si Marie?” kunot ang noo na tanong ni AJ.
“Ang yaya ni Gilbert mula pagkasilang. Ikinasal siya noong isang taon at hindi na pinagtatrabaho ng napangasawa kaya wala na siya. Nasa Albay na ngayon si Marie. Naging mahirap para kay Gilbert ang pag-alis ng yaya niya,” sabi ni Ate Ana.
Nakadama ng simpatya si AJ. Siyempre mahihirapan ang bata na mawalay sa taong palagi nitong nakakasama, ang taong palaging nakaalalay at nag-aalaga. Itinuring din marahil ni Gilbert na magulang si Marie.
“So, hindi naman pala ganito kapasaway si Gilbert? Nami-miss lang niya ang dati niyang yaya.” Nakadama siya ng panibagong pag-asa.
Hindi kaagad nakasagot sina Ate Ana at Gretchen. Nagkatinginan ang dalawa. Tumikhim si Ate Ana. “Lahat naman ng mga bata ay may-kakulitan talaga,” ang nasabi na lang nito.
Napapabuntong-hininga na pinalis ni AJ ang anumang iniisip o nadaramang hindi maganda. Gagawin na lang niya ang kanyang trabaho. Binalikan niya si Gilbert at napasinghap nang makita ang mga nagkalat na bagay sa sala. Konsolasyon na marahil na maituturing na walang nabasag. Hindi pa rin napapagod ang bata sa katatakbo.
“Prepare na tayo for school, Gilbert,” ani AJ sa malumanay na tinig. Sinikap pa niyang ngitian ang bata para maitago ang nadarama niyang stress.
Parang walang narinig ang bata mula kay AJ. Patuloy ito sa pagtakbo. Inulit ni AJ ang sinabi, hindi siya uli pinansin. Pagkatapos ng mahabang pakiusapan, nagawa niyang mapapasok sa silid nito si Gilbert. Pinaliguan niya ang alaga ngunit paglabas niya sa banyo ay para na rin siyang naligo. Basang-basa siya. Pahirapan din ang pagbibihis. Waring hindi kayang pumirmi ng alaga kahit na ilang segundo lang.
Hindi pa man sila nakakaalis ng bahay ay pagod na pagod na si AJ.
Sinamahan niya si Gilbert sa pagpasok. Naipaliwanag na ni Gretchen ang mga kailangan niyang gawin. May printout pa siya ng mga dapat niyang gawin kung sakaling mangyari ang ilang bagay. Nakalagay na sa phonebook ng cell phone niya ang mga taong kailangan niyang tawagan kung sakaling may emergencies. Mayroon siyang numero ng isang doktor at abogado. Natatakot siyang tanungin si Gretchen kung bakit kailangang nasa speed dials niya ang mga numerong iyon.
Isang malaking bagpack ang kanyang dala-dala bukod sa malaking bag ni Gilbert. Mayroon siyang extensive first-aid kit at maraming towel, baby wipes, at spare clothes. Hindi pa full day sa preschool si Gilbert sa lagay na iyon.
Hindi malaman ni AJ kung bakit nasorpresa pa siya sa mga sumunod na nangyari sa preschool. Kung ano ang ikinakulit ni Gilbert sa bahay ay nadoble sa loob ng eskuwelahan. Mas malawak ang lugar na tatakbuhan nito. Mas maraming mga tao at kapwa batang makukulit. Hindi malaman ni AJ kung paano sasawayin ang kanyang alaga. Maging ang mga guro nito ay nakikita niyang malapit nang maubusan ng pasensiya. Waring walang pinakikinggan si Gilbert.
Ni hindi mapanatili ng mga guro ang bata sa upuan nito. Hindi rin nito mapagtuunan ng pansin ang ilang activities at leksiyon. Sinikap ignorahin na lang ng mga guro ang kakulitan ni Gilbert ngunit waring walang pakialam ang bata.
Nakita niya ang awa sa mga mata ng kapwa yaya ni AJ na nasa eskuwelahan. Makukulit din ang mga alaga ng ilan sa mga ito ngunit walang tatalo sa kakulitan ng kanyang alaga. Walang kapaguran si Gilbert. At tila lahat na lang ng bagay ay pumupukaw ng interes nito, lahat ay nais pakialaman at kutingtingin. Pagkatapos ay bigla na lang bibitiwan dahil kaagad ding naglaho ang interes nito.
Lupaypay na si AJ sa pag-uwi nila. Marahas siyang nagpakawala ng buntong-hininga habang nasa loob ng elevator. Patakbong iniikutan siya ni Gilbert. Dalangin niyang sana ay mahilo ang bata. Hindi na siya gaanong nakadama ng guilt sa pag-iisip ng ganoon dahil titigil si Gilbert sa paggalaw kung mahilo na ito. Tumingin siya sa mga numero na waring kaya niyang utusan ang elevator na mas bumilis sa pag-akyat.
Dalawang palapag bago sila makarating sa floor nila ay biglang tumigil sa kakaikot sa makipot na elevator si Gilbert at isinandal ang sarili sa kanyang likuran. Nahapo at hiningal sa wakas ang kanyang alaga. Pinigilan ni AJ ang pagguhit ng nasisiyahang ngiti sa kanyang mga labi.
Hindi niya inasahan ang ginawa ni Gilbert pagkabukas ng elevator. Kahit na sino yata ay hindi maiisip ang kapilyuhan na iyon ng kanyang alaga. Pagbukas ng elevator ay hinila ni Gilbert pababa ang kanyang suot na ibabang bahagi ng bulaklaking scrubsuit. Dahil garterized ang pantalon, madali iyong naibaba ni Gilbert hanggang sa kanyang ankles.
Nasalubong ng mga mata ni AJ ang mga mata ng isang lalaki na nag-aabang ng pagbukas ng elevator. Naiproseso na ng kanyang isipan ang naganap ngunit hindi pa rin niya maigalaw ang kanyang katawan sa shock. Ni hindi niya maiiwas ang kanyang mga mata sa lalaking namilog ang mga mata sa gulat. Hindi niya mapaniwalaan ang nangyayari. Noon lang niya naranasan ang ganoong klase ng kahihiyan.
AJ was in front of a man in her underwear, her pants around her ankles!
Tumatawang itinulak siya ni Gilbert bago patakbong lumabas ng elevator na waring hindi pa sapat ang kahihiyan na dinaranas niya. Dahil wala pa rin sa katinuan at hindi talaga niya inasahan na may pahabol pa si Gilbert, nawalan ng balanse si AJ at sumubsob sa harapan ng lalaki. Naririnig pa rin niya ang nasisiyahang tawa ni Gilbert. Hindi pa rin niya malaman kung ano ang kanyang gagawin, kung paano babangon. Nahiling na lang niya na sana ay bumuka ang lupa at lamunin siya nang buo. O sana ay magkaroon ng sariling buhay ang pantalon niya at kusang gumapang paangat sa kanyang baywang.
Naramdaman ni AJ ang pagyuko ng lalaki. Hindi maisara-sara ang pintuan ng elevator dahil nakaharang ang nakahandusay niyang katawan.
“Miss? Okay ka lang?” Mababakas ang pag-aalangan at pagkailang sa tinig ng lalaki.
Mabilis siyang tumayo nang maramdaman ang kamay na waring aalalay sa kanya. Hindi siya makatayo nang maayos dahil sa nakababang pantalon. Nagkukumahog na inayos niya ang kanyang kasuotan. Kailangan niyang papurihan kahit na paano ang lalaki dahil iniiwas nito ang mga mata at hindi siya nito “tinulungan” habang ginagawa niya iyon. Hindi rin ito tumawa o ngumiti man lang.
“I-I’m s-sorry,” usal ni AJ habang palabas ng elevator, nag-iinit ang mukha. Hindi niya sigurado kung ano ang eksaktong inihihingi niya ng tawad. Ni hindi siya sigurado kung dapat siyang humingi ng tawad.
“It’s okay?” tugon ng lalaki na bahagyang nagsasalubong ang mga kilay. Base sa ekspresyon ng mukha nito, waring hindi nito alam kung paano siya pakikitunguhan. Nakikita rin niya na hindi ito komportable.
Napansin niya na napakaguwapo ng lalaki.
Mabilis na pumihit si AJ patalikod at mabilis na naglakad patungo sa unit ng kanyang amo. Bakit kailangan niyang mapansin na guwapo ang lalaki? Itinuon niya ang kanyang buong kaisipan kay Gilbert. Malalagot ang kanyang alaga sa kanya. Hindi pa niya sigurado sa kung paanong paraan ngunit nasisiguro niyang hindi niya basta-basta palalampasin na lang ang nangyari.
Pagpasok niya sa unit ay mabilis na napuksa ang galit na nadarama niya para sa bata. Ang eksenang nadatnan niya sa loob ay nagpakirot ng kanyang dibdib. Gilbert was with his mother. Tumatalon-talon si Gilbert sa harap ni Isabel na may kausap sa telepono.
“Mommy! Mommy! Look at me! Look at me,” bulalas ni Gilbert, may bahid ng pagmamakaawa sa tinig.
Waring naiirita si Isabel sa ginagawa ng anak. Patuloy ito sa pakikipag-usap at ayaw sanang pansinin ang anak ngunit ayaw ring tumigil ni Gilbert sa pagtalon-talon at pagsigaw. Sinusundan ng bata ang ina na sinisikap umiwas.
“Gilbert, honey, mommy is talking to her director,” ani Isabel sa tinig na pilit na pinalalambing at pinalulumanay ngunit hindi pa rin nito gaanong naitago ang iritasyon. “Go play somewhere.”
Nagawi ang mga mata ni Isabel kay AJ. Naging hayag na ang iritasyon sa ekspresyon ng mukha nito. “What are you standing there for? Do something!” ang mataray nitong utos sa kanya.
Noon lang nakagalaw si AJ. Nilapitan niya si Gilbert ngunit bago pa man niya maakay ang alaga palayo ay pinagsusuntok na siya nito. Nasasaktan si AJ ngunit hinayaan lang niya ang bata. Hindi siya makaramdam ng galit o yamot. Mas nakakadama siya ng awa.
“Control him!” ang naiinis na singhal ni Isabel bago sila nito nilayuan.
“Mommy!” Akmang susunod si Gilbert ngunit maagap na pinigilan ni AJ ang alaga. Ayaw na niyang makaranas pa ng rejection ang bata mula sa sarili nitong ina.
Ngayon ay kay Isabel na labis na naiinis si AJ. Hindi niya malaman kung paano naging mas importante na kausapin ang isang direktor kaysa sa sarili nitong anak. Ang tanging hiling lang ng bata ay tumingin ang ina.
Pinagsusuntok na naman siya ni Gilbert ngunit pilit niya itong hinila sa kusina. Inihahanda na ni Ate Ana ang meryenda ni Gilbert na pasta. Base sa nakita niyang ekspresyon ng mukha ni Ate Ana, masasabi niya na pareho ang bagay na tumatakbo sa kanilang mga isipan.
Napaupo ni AJ si Gilbert na nakasimangot. Inilapag niya ang isang plato ng spaghetti sa harap nito. Ayon kay Ate Ana ay paborito nitong pagkain ang spaghetti. Naisip niyang malamang na nagugutom na ang alaga dahil hindi gaanong nakain nito ang meryenda kanina.
Hindi dinampot ni Gilbert ang kubyertos kaya si AJ na lang ang gumawa niyon. Nakabusangot pa rin ang kanyang alaga. “Susubuan kita, kakain ka, ha?” Bago pa man maiumang ni AJ ang pagkain sa bibig ng alaga ay dinampot na ni Gilbert ang pinggan at itinapon sa kanya ang laman niyong spaghetti.
“I hate you!” bulyaw ng bata bago patakbong lumabas ng kusina. Tinungo nito ang silid at pabalibag na isinara ang pinto. Waring hindi apektado si Isabel sa inasal ng anak dahil patuloy ang amo sa pakikipag-usap sa telepono.
Nagpakawala ng nahahapong buntong-hininga si AJ. Mukhang naawa naman sa kanya si Ate Ana dahil inutusan siya nitong magtungo sa kanilang munting silid at magpalit ng damit. Ito na raw ang mag-iimis ng mga kalat.
Muling nagpakawala ng buntong-hininga si AJ nang makita ang hitsura sa salamin. Daig pa yata niya ang namolestiya. Wala na sa ayos ang kanyang buhok na itinali niya sa ponytail kaninang umaga. Hindi niya alam na may dumi pala sa kanyang kanang pisngi. Bakas sa kanyang mukha ang kapagalan at hindi pa natatapos ang araw.
Bahagya siyang na-conscious nang maalala na nakita siya ng guwapong lalaki sa hitsurang ganoon. Naiinis na napabuga siya ng hangin sa bibig. Nakita ng lalaki na hinubuan siya ng alaga niya, ano pa ang mas nakakahiya roon?
Nais niyang magalit at mainis kay Gilbert ngunit hindi niya ganap na magawa. Hindi niya kayang kamuhian ang alaga. Naisip kasi niya na katulad si Gilbert ng mga batang madalas niyang napapanood sa telebisyon. Mga batang sagana sa mga materyal na bagay ngunit salat sa pagmamahal at atensiyon mula sa mga magulang. Iniisip niyang nagiging pasaway lang si Gilbert dahil nais nitong pukawin ang atensiyon ng ina. Nais nitong mapansin ng ina.
Napagpasyahan ni AJ na kailangan niyang mas maging mabuti at matiyaga kay Gilbert.