3rd Chapter

2230 Words
PINIPILIT na lang ni Tyra na huwag matawa ng malakas habang pinagmamasdan ang shock na mukha ni Colin pagkatapos niyang sabihin dito na hindi siya makikipag-s*x dito at ipipinta niya lang ito ng nakahubad. Mukhang sa wakas ay naintindihan na nitong hindi siya ang klase ng babaeng iniisip nito. At iyon ang gustung-gusto niya – ang makita ang shock na mukha ng mga tao kapag nalalaman ng mga ito na mali ang tingin ng mga ito sa kanya. Hindi siya ang tipo ng babae na nagbabayad ng lalaki para mapaligaya siya. In fact, nafi-feature pa nga sa iba't ibang international magazine ang mga artwork niya. "Just so you know, I'm Tyra Penelope Lopez. Mukhang wala kang kaalam-alam sa art kaya hindi mo ko kilala. Hindi sa pagmamayabang pero isa akong kilalang artist – I'm a nude painter, to be exact. Forte ko ang pagguhit at pagpipinta kung saan ang subject ko ay mga lalaking nakahubad." Nanatili pa ring shock si Colin. "Kung gano'n... 'yong lalaking binayaran mo nang unang gabing nagkita tayo..." "He was my model." "At kaya nagpupunta sa host club ay para..." "Para maghanap ng mga modelo," pagtatapos niya sa sinasabi nito. "Alam ni Lou 'yon, at sinasabi niya rin 'yon sa mga host niya na interesadong mag-modelo para sa'kin. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi niya sinabi 'yon sa'yo. You're not a real host, are you?" Napakurap-kurap si Colin, pagkatapos ay namula ang mukha nito sa galit. "Bakit hindi mo agad sinabi sa'kin?" "Mukha naman kasing nag-e-enjoy ka sa mga ilusyon mo." Ginalaw-galaw niya ang mga kamay niya gaya ng ginawa nito kanina. "Rawr?" "Ginawa mo 'to para pagtrip-an na naman ako, 'di ba? Hindi ka na talaga nagbago!" galit na akusa nito, saka dinampot ang mga damit nito. His gray eyes were burning in anger. Mukhang nainsulto talaga ito sa ginawa niya. Well, ilang beses din naman siya nitong ininsulto sa pag-iisip nito ng masama tungkol sa kanya. Saka wala naman siyang kasalanan kung mali ang iniisip nito tungkol sa kanya. "You're really cruel, Tyra," galit na sabi ni Colin bago ito umalis at padabog na sinara ang pinto. Nagkibit-balikat lang siya. Madali lang naman humanap ng panibagong modelo. Sigurado nga siya na kung gugustuhin niya, kahit ang premiadong aktor ng bansa ay magkakandarapang maging modelo niya. She was Tyra Penelope Lopez after all. Naglakad siya patungo sa mesa. Binuksan niya ang Toblerone na tunaw. A melted Toblerone had always been her comfort food. Pero sa pagkakataong iyon, walang lasa ang tsokolate. Hindi niya kasi maalis sa isip niya ang sakit sa kulay abong mga mata ni Colin sa likod ng galit nito. *** "I HATE that woman!" galit na bulalas ni Colin nang muli na namang gumuhit sa isip niya ang mukha ni Tyra. Damn that woman for being so beautiful! Nagagalit siya sa sarili niya dahil hinayaan niyang mapag-trip-an na naman siya ni Tyra. Sumosobra na talaga ang babaeng 'yon! Dala kasi ng sama ng loob niya dahil sa pambabasted ni Tyra noon sa kanya kaya ni minsan ay hindi siya nag-abalang hanapin ito. Ayun pala ay sikat na artist na ito. "Colin, babe, what's wrong?" malambing na tanong ni Marielle sa kanya. "Pinaglaruan na naman ako ng babaeng 'yon!" "So, anong balak mo?" tanong uli ni Marielle, habang hinalik-halikan ang leeg niya. Bahagyang inilayo niya ang mukha niya rito sa paraang hindi masasaktang ang damdamin nito. Hindi niya alam kung bakit nawalan na siya ng ganang makipagtalik o makipaghalikan man lang sa mga babae ngayon. "Kailangan kong makaganti." Dala na rin siguro ng pinagsamang espiritu ng alak, labis na sama ng loob at nasaktang pride kaya hindi na niya napigilan ang sarili niya sa sumunod pa niyang mga sinabi. "I will seduce that woman. At kapag nakuha ko na ang gusto ko sa kanya, saka ko siya iiwan nang maramdaman niya kung gaano kasakit ang ginawa niya sa'kin," galit na sabi niya, saka niya inisang-lagok ang laman ng alak niya. "Talaga? Kaya mong gawin 'yon?" parang nanghahamong tanong ni Marielle. Ngumisi siya. "Kung gusto mo, magpustahan pa tayo." *** "ISOSOLI ko na si Colin. Hindi siya totoong host sa club mo, hindi ba, Lou?" diretsang tanong ni Tyra kay Lou pagkapasok pa lamang niya sa pribadong opisina nito sa LC Club. Dumaan ang guilt sa mga mata nito. "Pasensiya ka na, Miss Tyra. Hindi nga host si Colin dito sa club ko." "Bakit hindi mo ipinaliwanag sa kanya na modelo ang hanap ko at hindi lalaking magpapaligaya sa'kin?" "Pasensiya na uli, Miss Tyra. Nawala na kasi sa isip ko ang ipaliwanag 'yon kay Colin sa pagmamadaling maasikaso ka." Bumuntong-hininga siya. "All right. Pero nagkaroon kami ng problema kaya sa tingin ko, kailangan ko nang humanap ng bagong modelo. Okay lang ba 'yon?" Umaliwalas ang mukha nito. "Of course, Miss Tyra." Palabas na sila nang opisina nang may dalawang babae pumasok na nakabihis pang-waitress, bitbit ang isang lalaking mukhang walang malay. "Lily, Milly, ano'ng nangyari?" tanong ni Louisse sa mga tauhan nito. "Ma'am, si Sir Colin ho. Nakipag-inuman, eh iniwan din naman ni Marielle." Napatingin siya kay Colin. "Ako nang bahala sa kanya." Iyon ang naala-ala ni Tyra habang hinihilot ang nanakit niyang balikat. Nakatingin siya no'n kay Colin na nakahiga sa sofa niya. Mag-isa niyang binuhat ang walanghiyang lalaki dahil wala na siyang kasama sa bahay. Tumatanggap siya noon ng housemate dahil kailangan niya ng magbabantay sa bahay niya bilang madalas naman ay nasa ibang bansa siya. "Ano bang pumasok sa isip ko para iuwi ka?" naiinis na tanong niya sa sarili. Napatitig siya sa mukha ni Colin at pinag-aralan iyon– from his messy black hair, to his square jaw, chiseled nose and... and kissable lips. Habang pinagmamasdan ang guwapong mukha nito ay biglang pumasok sa isip niya ang mukha ng isang matabang binatilyo na may maamong mga mata at magandang ngiti. Hindi totoong hindi niya ito naaalala. Pero kailangan niyang magsinungaling sa binata dahil kung meron man siyang bahagi ng buhay niya na gustong kalimutan, 'yon ay ang buhay-kolehiyo niya... "Anong ginagawa niyo?" nababagot na tanong ni Tyra sa isang grupo ng mga babae na pinagti-trip-an ang isang matabang binatilyo na sa tingin niya ay freshman pa lang. Junior na siya no'n sa kursong Fine Arts. Halatang natakot ang mga babae nang makita siya. Bakit hindi? Siya lang naman ang leader ng pinakamalaking sorority sa unibersidad nila – ang Beta Sigma Sorority na notorious sa pananakit at pagiging bayolente. "M-Mistress..." "Anong ginagawa niyo?" mariin na pag-uulit niya. "W-wala naman ho... ito kasing baboy na 'to. Haharang-harang sa daan namin." Hinila ni Diamond– ang pinsan niya– ang dulo ng damit niya. "Tyra, kawawa naman siya. He reminds me of my piggy bank. Tulungan mo siya." Parang nakababatang kapatid na ang turing niya kay Diamond kaya pagbibigyan niya ito. "Bumalik ka na klase mo. Ako nang bahala rito," sabi niya kay Diamond. Diamond giggled again, before she walked away happily. Muli niyang tinapunan ng masamang tingin ang mga babaeng halatang nanigas sa kinatatayuan ng mga ito. Bukod sa malakas niyang personalidad, natural na rin siguro sa kanya ang pagiging bully kaya siya kinatatakutan. "Huwag niyo na uli gagalawin ang baboy na 'yan," sabi niya na ang tinutukoy ay ang matabang binatilyo. "He's my personal pet from now on." "Y-yes, Mistress!" sabay-sabay na sagot ng mga babae, saka nagmamadaling umalis. Paalis na sana siya nang may kung sinong yumakap sa binti niya. Kunot-noong nagbaba siya ng tingin sa matabang binatilyo. "Ano bang problema mo?" iritadong tanong niya rito. Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Kahit madumi mula sa putik ang malapad nitong mukha ay nagawa pa rin nitong ngumiti sa kanya. Pati ang kulay abong mga mata nito ay ngumiti rin. "Salamat sa pagliligtas sa'kin." Nagulat siya. Kinakatakutan siya sa unibersidad nila. Pero ngayon, may isang baboy na binatilyong parang tuwang-tuwa pa sa kanya. Tumayo ang binatilyo at pinunasan ang putik sa mga pisngi nito, pero lalo lang iyong kumalat sa mukha nito. "I'm Colin. Colin Lincoln Arellano." Napangiti siya nang maalala kung paano sila nagtagpo ni Colin. Ang hindi niya kagustuhang iligtas ito mula sa mga bully ang naging dahilan para araw-araw siyang sundan-sundan ng noon ay mataba pang binatilyo. "Water..." Natauhan lang siya nang magsalita si Colin. Ang kapal ng mukha nitong mag-utos kahit natutulog ito. Bumuga siya ng hangin bago nagpunta sa kusina para kumuha ng isang basong tubig. Gamit ang buo niyang lakas, pinilit niyang inupo si Colin. Umupo siya sa tabi nito at inabot niya ang baso sa mesa, saka ito pinainom. Pero dahil nakapikit ito at parang hindi nito alam ang ginagawa, halos tumapon din ang kalahati ng laman ng baso sa polo nito. Bumuntong-hininga siya. Ito na nga ba ang dahilan kung bakit ayaw niyang alalahanin si Colin. Nababale-wala ang pilit niyang pagmamatigas pagdating dito. Paalis na sana siya nang biglang dumantay na sa kanya ang buong katawan ni Colin kaya napahiga na rin siya sa sofa dahil sa bigat nito. Ang walanghiyang lalaki, nakuha pang dumapa! Pero dahil siya ang nasa ilalim nito, sumubsob ang mukha nito sa pagitan ng kanyang mga dibdib! Ngalingaling itulak na niya ito nang magsalita ito. "Tyra... na-miss kita... sobra," tunog-lasing at parang batang sabi ni Colin. Nag-iinit ang magkabila niyang pisngi dahil sa posisyon nila ni Colin. Pero may kakaibang init naman na bumalot sa puso niya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nito nakakalimutan. Colin... he used to be very special to her. He was her light when she was lost. Pero hindi niya nasabi at naiparamdam dito noon kung gaano kalaki ang pasasalamat niya na dumating ito sa buhay niya. Sinuklay niya ang mga kamay niya sa buhok ni Colin. "Na-miss din kita, Colin." Isang malakas na hilik lang ang tugon ni Colin sa sinabi niya. Natawa siya dahil hindi pa rin nagbabago ang tunog ng hilik nito. Tunog iyak ng baboy pa rin. Five minutes... Hindi na niya alam kung nakailang "five minutes" na siya sa isip niya. Totoo naman kasing na-miss niya talaga si Colin kaya hindi rin niya ito magawang bitawan agad. Hanggang sa maramdaman niya ang marahang pagpisil ng walanghiyang si Colin sa kaliwang dibdib niya! "Soft..." Buong-lakas na hinila niya ang buhok ni Colin upang ilayo ang mukha nito sa dibdib niya. Napahiyaw ito ng malakas kaya alam niyang nahimasmasan na ang mokong. Tinadyakan niya ito sa sikmura bago siya mabilis na tumayo. Marunong siya ng karate at iba pang martial arts, isa sa mga dahilan kung bakit siya ang campus' sorority queen noong kabataan niya. "You're a big pervert," nanggigigil na sabi niya. Hinimas-himas ni Colin ang nasaktan nitong sikmura. Mukhang tuluyan na ngang nawala ang kalasingan nito. "What? Kasalanan ko ba kung paggising ko, nakahiga na ko sa malalambot mo –" Hindi na nito naituloy ang sinasabi ng sapakin niya ito sa mukha. Napahawak ito sa panga nito. "Masakit, ha! Bakit ka ba nagagalit eh ni hindi ko nga alam kung bakit tayo magkasama ngayon?" Tinapunan niya ito ng masamang tingin. "Nandito ka sa bahay ko. Lasing na lasing ka sa club ni Lou kanina kaya nagmagandang-loob akong iuwi ka hanggang sa mahimasmasan ka dahil gusto kong humingi ng pasensiya kung nasaktan kita no'ng nakaraan." Napakurap ito, halatang hindi makapaniwala sa narinig. "Ikaw? Hihingi ng pasensiya sa'kin?" "Mukhang nainsulto ka nang paglaruan kita at pagmukhaing tanga. Ngayong tinulungan na kita, bayad na ko sa'yo. Puwede kang umalis ng bahay ko bukas ng maaga." Biglang lumamlam ang mga mata nito habang matamang nakatingin sa kanya. "Tyra... salamat sa pag-aalaga sa'kin." Tumango lang siya. "Matulog ka na d'yan sa sofa. Aakyat na ko sa kuwarto ko. And for your information, as a famous person na minsan nang pinagtangkaang nakawan ng artworks, nakakuha ako ng permiso para magkaroon ng baril. I always have it with me," banta niya rito. Wala naman sa itsura ni Colin ang ipipilit ang sarili nito sa mga babae pero mabuti na 'yong nag-iingat. Natawa lang si Colin. "Tyra, you're a good woman. Ang gago ko para isiping magbabayad ka ng lalaki para lang paligayahin ka. I'm sorry." Muli, naantig na naman ang damdamin niya sa nakita niyang sinseredad sa mga mata nito. "Pareho lang tayong may kasalanan sa isa't isa, kaya kalimutan na natin 'yon." Ngumiti ito. "Okay. Mabuti na rin pala at magkasama tayo ngayon. May gusto kasi akong sabihin sa'yo." Kumunot ang noo niya. "Ano 'yon?" Tumayo ito habang isa-isang inaalis ang butones ng suot nitong polo hanggang sa malantad ang maputi at matipuno nitong dibdib, maging ang abs nito. "Kung pasado talaga sa'yo itong katawan ko na 'to, pumapayag na kong ipinta mo ng hubo't hubad." Mabilis na bumaba ang mga mata niya sa katawan ni Colin. Kahit ilang beses na niyang nakita iyon, hindi pa rin nawawala ang malakas na epekto niyon sa kanya. Parang nililok ng pinakamahusay na iskulptor ang makasalanang katawang iyon. "It's art, right? Malaking karangalan sa'kin ang maipinta ng isa sa pinakamahusay na artist sa buong mundo," nakangising sabi nito na nagpalobo sa pride niya bilang isang artist. "Pero himbis na bayaran mo ko ng pera, hihilingin ko na lang na patuluyin mo na lang ako sa bahay mo. Wala kasi akong bahay ngayon. Don't worry. Marunong ako sa gawaing-bahay." No'n lang dumako ang tingin niya sa guwapong mukha nito. Pinag-isipan niya ang sinabi nito. "Marunong ka talaga ng gawaing-bahay?" Ngumisi ito. "Try me." Well, kailangan niya ng modelo at gagawa ng mga gawaing-bahay. "Okay. Deal."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD