CHAPTER 2 - Banta ng lalaking may dilaw na mata

1646 Words
"NAGKAKAMALI kayo kung inaakala ninyong tapos na tayo, Ada, Apa! Hindi ko magagawang humarap sa aking panginoong Lucifer na 'di kasama ang inyong mga kaluluwa!", nagliliwanag sa galit ang dilaw na mga matang sigaw ni Alister. Hindi nito mapapayagang patuloy na pagtawanan ng mga kapwa dimonyo! Hindi ito makapapayag na mapalitan bilang pinuno! Kasabay ng pagtatagis ng mga bagang ay muling naalala ng lalaking may dilaw na mata ang naging usap-usapan ng mga dimonyong katulad niya..... "Ang hirap kasi kay Alister, masyadong bilib sa sarili! Masyadong mayabang! Pakiramdam niyakasi siya ang pinakamagaling! Akala mo kayang-kaya lahat! Gusto laging bida at pasikat sa ating panginoon! ", asik ni Lilith, ang babaeng may dilaw na mata. "Nangako kasi siya sa ating panginoon na mag-aalay ng mga kaluluwa mula sa mga taong may pusong umiibig at nagmamahal. Kaluluwa ng mga taong ang budhi ay hindi pa tuluyang nababalutan ng kadiliman. Gustung-gusto niyang ulutin ang mga taong nag-aalanganin sa pinaniniwalaang hari na kalaban ng ating hari. Nagpapakahirap pa siya, samantalang napakaraming taong napakadaling tuksuhin! Napakadaling lansihin! Mga taong walang kasiyahan at handang gawin ang anumang uri ng kasamaan mapasa-kanila lamang ang lahat ng naisin! Nagkalat lang sa bawat sulok ng mundo ang mga taong sa kaunting paghihirap lang ay agad nahihikayat na sumamba at sumunod sa ating mga kagustuhan! Mga taong gagawing ibenta ang lahat pati ang mga kaluluwa! Walang kahirap-hirap, tayo pa ang tinatawag! Hindi ko alam kung maaawa ba ako o matatawa sa kan'ya. Isa siyang hangal!", natatawang sabi ni Abaddon, ang lalaking puro itim naman ang mga mata. "Iba ang gusto ni pinunong Alister, Abaddon. Para sa kanya higit na matamis ang pananangis at paghihiyawan ng mga kaluluwang naibulid niyang maging masama! Iba siya sa ating lahat kung kaya sa kanya napunta ang pinakamasarap na tungkulin. Higit ang kanyang nagiging lakas at kasiyahan sa t'wing magagawa n'yang pasukuin ang mga kaluluwang pinahihirapan hanggang sa kusang loob na maging dimonyong gaya natin! Kung kaya siya ang paborito ng ating panginoon. Kahanga-hanga 'di ba?" , nakangising panggagatong ng isa. Nawalan ng imik sina Abaddon at Lilith. Alam nilang totoo ang sinabi ng kasama. Lumuwang ang pagngisi ng mga diablong nasa tumpukang iyon. Ikinasisiya ang napipintong labanan ng mga nakatataas sa kanila. "Kung gusto niyo pagpustahan natin ang nalalapit na pagpupulong! Sampung kaluluwa!", hamon ng diablong may baluktot na sungay. ''Ano'ng pustahan?", sagot ng isa pa. "Na mapapalitan na si Alister bilang pinuno?!'', nagkukunwang tanong naman ng isa. 'Oo! Maaaring si Abaddon na ang humalili sa kanya bilang pangunahing taga t*****e ng mga kaluluwa!", sabi ng diablong nag-aagaw pula at kahel ang kulay ng balat. Lumiyad ang dibdib ng lalaking puro itim ang mga mata sa sinabi ng kausap habang nakaismid naman ang babaeng may dilaw na mata. "O kaya nama'y si Lilith! Hindi nagkakalayo ang bilang ng mga kaluluwang nadala niya kumpara sa nadala ni Abaddon!", sabi ng diablong nakabaluktot ang sungay. Napaunat sa kinatatayuan ang babaeng may dilaw na mata. Umangat ang baba nito at nakakalokong ngumisi. Lalong umugong ang malakas na kantyawan ng mga diablo. "Payag ako! Sampung kaluluwa ako para kay Abaddon!", sabi ng unang diablo. ''Sampung kaluluwa ako para kay Lilith!", sagot naman ng ikalawa. "Sasali na rin kami!", habol ng dalawang diablong maiigsi ang sungay ngunit ang mga buntot ay doble ang talim. "Kanino ang pusta niyo?'', magkasabay na tanong ng dalawang diablong nauna. "Kay pinunong Alister kami para maikasa ang pustahan! Mas marami ang pupusta mas maganda ang laban! ", sagot ng mga ito. "Ayos! Tatlo ang pagpipilian. Ipaalam niyo na sa iba pa nating kasama para makapusta na rin sila!", mungkahi ng isa. Animo may pista ng mga dimonyo sa impyerno. Nagkanya-kanya ng manok ang mga ito kung sino sa tatlong magkakalaban ang mapipili ng kanilang panginoon upang maging pinuno at pangunahing taga t*****e ng mga kaluluwa. ***** Matapos maalala ang pustahan ng mga kasamahang dimonyo ay lalong nanlisik ang mga mata ni Alister. Tila nagbubuga ng kulay dilaw na apoy ang mga mata nitong nakasunod sa mag-asawang naglalakad palayo. "Walang kasing tinding paghihirap ang igagawad ko sa inyong dalawa oras na makalingat kayo! Titignan ko kung hanggang kailan niyo masayang pagsasaluhan ang pagmamahal sa isa't-isa! Kung hanggang saan ang maaabot ng pag-ibig na tanging sa umpisa lamang mainit at masarap! Susubukan ko kung makakaya n'yong panindigan ang pagbabago at pagbabalik loob sa sinasamba n'yong Hari! Ako si Alister, walang kaluluwang isinanla sa akin ang nagawang mabawi! Walang nakipagkasundo sa akin ang maaaring makaligtas at makatakas sa aking mga kamay!", anito na sinundan ng malulutong at nakakikilabot na halakhak. Halakhak na nag-aadya ng malupit at 'di matatakasang paniningil! ***** NAPAHINTO si Apa sa paghakbang at nilingon ang pinanggalingan nilang mag-asawa. Sandali pa itong nagpalinga-linga sa paligid no'n. "Parang may nagsasalita. Parang may nakatingin sa amin!", kunot-noong bulong nito sa sarili. "Bakit, may nakalimutan ka ba sa duyan?, nakangiting tanong ni Ada sa asawang bumitaw sa kanya. "H-ha? W-wala naman, naisip ko lang 'di ko nga pala 'yon nalagyan ng takip. Sasagap ng init ang upuan no'n, baka kabagin ka kapag nagpahinga ka uli mamaya.", pagsisinungaling ni Apa. Hindi binanggit sa asawa ang naramdaman o mas akmang sabihing, wala siyang balak. Masuyong hinaplos ni Ada ang braso ng asawa. Napuno ng galak ang puso niya sa pag-aalala at pag-aalagang ginagawa nito sa kanya. "Hayaan mo na, dito naman ako sa paligid ng kubo maglalakad-lakad mamaya eh. Sabi ni Ka Andeng makakatulong daw ang gano'n para madali akong manganak.", malambing nitong sagot. Ngiti ang naging tugon ni Apa kasunod ng masuyong pag-akbay sa balikat ng kabiyak. Tila sa pamamagitan ng paraang naisip ay magagawa na itong protektahan. Ikinapit naman ng kagampang ginang ang braso sa bewang niya at saka sabay nilang ipinagpatuloy ang paghakbang patungo sa kubong tinitirhan. ***** Sa mat'yaga niyang paghagod sa ulo at buhok ng maybahay ay nakatulog itong muli matapos sandaling pag-usapan ang gagawin oras na makaramdam ng p*******t at paghilab ng tiyan. Buong paghanga at pagmamahal niyang pinagmasdan ang napakaganda nitong mukha. Maingat na dinampian ng halik sa noo at buong pagsambang binulungan ng pag-ibig na nararamdaman. "Pinakamamahal kita, Ada. Wala na akong mahihiling pa sa buhay. Ikaw lang at ang ating magiging anak ay sapat na upang maramdaman ko ang walang kapantay na kaligayahan." , buong katapatan niyang bulong sa sarili. Nang matiyak ang kahimbingan ng kabiyak ay dahan-dahan siyang umalis sa patagilid na higa at maingat na tumayo. "Magsasaing ako ng saging na saba. Pagkagising ay tiyak na gutom na siya. Hindi ko na siya hahayaang magkikilos pa. Anumang araw mula ngayon ay maaaring isilang na niya ang aming panganay.", nasasabik niyang kausap sa sarili. Inaayos na niya ang pagsusubo ng panggatong sa kalan nang muling maramdamang tila may nakatingin sa kanya! Agad niyang inalala ang kabiyak. Nagmamadali n'ya itong binalikan sa loob ng kubo! Napanatag lang ang kalooban niya nang makita itong himbing pa rin at payapa sa pagkakahiga. "Matagal ko nang nararamdaman na tila may mga matang nakatunghay sa akin, nagmamasid sa mga kilos ko. Kahit sa taniman ay para bang may kasama 'ko. Hindi kaya---? ", aniya habang pabalik sa harapan ng lutuan. "Bwahahaha..! Bumalik ako para sa ating kasunduan, Apa! Nagkakamali ka kung inaakala mong nawalan na 'yon ng bisa! Huwag kang mag-alala dahil hindi ka mag-iisa. Ipagsasama natin sa impyerno si Ada! Bwahahahaha!", dumadagundong na sabi ng isang tinig na pamilyar sa kanya! Kitang-kita niya ang mabilis nitong paglapit habang nagliliwanag ang dilaw na mga mata! "Hindeeeeeee!', malakas niyang sigaw. ****** Napaigtad siya sa pagkakaupong-pasandal sa dingding at agad na nagising! Dahil sa malakas na ihip ng sariwang hangin, idagdag pa ang pagod at maagang paggising kanina ay naidlip siya at agad nanaginip. Pakiwari niya ay totoong-totoo ang lahat ng narinig at nakita! Mabilis ang t***k ng kanyang puso at nanunuyo ang lalamunan. Nakita niya ang umuusok na kalderong nakasalang sa ibabaw ng kalan. At naamoy ang nasusunog na nakasalang sa loob. Kaya nagmamadali siyang tumayo at wala sa loob na hinawakan ang magkabilang tenga ng mainit na kaldero. "Ah!", daing niya nang mapaso. Gising na nga s'ya, katunayan ang namumulang palad. "Tama na! Tinalo ka na namin ni Ada! Iwanan mo na kami! Layuan mo na kami!", sigaw ng kanyang isip. Sa naisip na asawa ay napahangos siya at halos magkandapatid na sumilip sa loob. Nakita niya ang asawang nahihimbing pa rin. Napabuga siya ng hangin upang alisin ang pagkakahirin sa nakabarang kung ano sa lalamunan kasabay nang pagsandal sa pawid na dingding upang tipunin naman ang nawalang lakas. Laking pasalamat niyang hindi ito nagising. Na hindi nito nakita ang takot na pilit niyang pinaglalabanan. Hindi niya nagawang ipagtapat noon at hanggang sa mga oras na 'yon ang tunay na dahilan kung bakit nakarinig siya at nakapagsalita. Hindi na niya masasabi pa lalo na ngayon, ang katotohanan. Hindi na para malaman pa ng kabiyak ang kasalukuyang pinagdadaanan. Gano'n din ang tinitiis na paghihirap ng kalooban mula pa no'ng unang araw nang pagtira nila sa bagong lugar na nilipatan. Na sa t'wing mapipikit at magpapahinga ay tuksong sumasalit sa kanyang balintataw ang kanilang nakaraan. Paulit-ulit! Pabalik-balik! Paano niya sasabihin na nakikita n'ya ang sariling nilalamon ng naglalagablab na bitak sa ibabaw ng patung-patong na nitso habang humahalakhak ang lalaking may dilaw na mata?! Ano ang mararamdaman ng kabiyak kung malalamang ipinagpalit niya ang kaluluwa sa dimonyo dahil sa kagustuhang maging normal na lalaki upang mapangalagaan ito at magawang protektahan?! Hindi niya makakayang makitang sinisisi nito ang sarili. Siya na lamang ang magdusa, hindi ang kanyang asawa! Pagsisikapan pa rin niyang alisin sa isipan ang nakaraan, kahit tila imposible. "Diyos ko, patawarin N'yo po ako sa aking nagawa. Kayo na po ang bahala sa amin. Huwag Niyo po kaming pababayaan. Kayo lamang po ang makakatulong sa amin. Diyos ko, tulungan Niyo po kami.", taimtim niyang panalangin. Sa ginawang pagdarasal ay bahagyang lumayo ang lalaking may dilaw na mata. "Babalikan ko kayo, Apa! Hindi pa tayo tapos! Bwahahahaha!", pangako nito at saka tuluyang naglaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD