CHAPTER 1 - Karugtong ng Kahapon

1449 Words
HAPON. "Ang dami-dami na pa lang pwedeng anihin sa mga gulay na itinanim ni Apa!", nasisiyahang sabi ni Ada. Iginala niya ang paningin. "Nasaan na kaya ang taong 'yon? Siguro ay naroon siya sa pinagtamnan niya ng mais.", sagot niya sa sariling tanong at pagkatapos ay nakangiting inumpisahan ang pamimitas ng mga gulay. Inilalagay niya ang mga iyon sa isang basket na nakasukbit sa braso. "Naku, anak! Marami na naman tayong makakaing gulay! Tiyak na paglabas mo ay malusog ka at malakas!", kausap niya sa sanggol na nasa loob ng malaking tiyan. Nakangiti pa niya iyong hinihimas. Napansin niya ang mapipintog at mamula-mulang bunga ng mga kamatis sa 'di kalayuan. Nangingintab ang mga iyon at tila napakasarap pungusin. Natatakam siyang lumapit at pumitas ng isa. Ikiniskis lamang sa laylayan ng suot na damit ang manibalang na kamatis at agad na kinagat. "Hmnn.., ang lutong at ang tamis!", aniya. Habang nginunguya ang isinubong natira, ay inumpisahan na niya ang pamimitas. Dalawang puno pa lang ang napipitasan niya nang mapansing dumidilim na. Nagtatakang tiningala niya ang langit. "Gaano na ba ako katagal dito? Gabi na kaagad?", tanong niya sa sarili pagkakita sa mga nangingitim na ulap. "Siguro ay may bagyong parating kaya kahit hapon pa lang ay tila gabi na.", sagot niyang muli sa sariling tanong. "Sayang ang mga gulay na narito kung hindi ko pa aanihin. Masisira lang ng ulan eh pwede nang iluto at makain. Pinaghirapan pa naman ni Apa itanim at alagaan ang mga ito.'', aniya habang pinipitas ang mga bunga sa pananim. Muli siyang tumingala sa langit. "Ang bilis kumalat ng dilim. Malakas siguro ang darating na bagyo. Mabuti na lang at napatibay na ni Apa ang aming kubo. Nasaan na kaya ngayon ang taong 'yon?'', tanong niya kasunod nang muling paglinga sa paligid. "Siguro ay nagagahol na din s'ya sa pag-ani ng mga mais.'', nangingiti niyang sabi. Nakikini-kinita ang itsura ng asawang nagmamadali. ''Biglang-bigla naman kasi ang pangangapal ng mga ulap eh. Kanina lang ay tirik na tirik ang sikat ng araw tapos ngayon naman ay uulan.'', pumapalatak niyang reklamo. ''Kunsabagay, siguradong hahanapin naman ako no'n kung hindi ako dadatnan sa bahay. Tiyak na susunod 'yon dito.", sabi niya sa sarili habang patuloy sa ginagawa. Napangiti siya nang maramdaman ang yabag na papalapit. "Sabi ko na nga ba eh.", sa loob-loob niya. Nagkunwari siyang hindi ito namamalayan. Humakbang pa siya pasulong upang pagmukhaing hindi niya ito nararamdaman. "Balak siguro akong gulatin ng lalaking 'to. Pwes, humanda ka dahik ikaw ang gugulatin ko!", nangingiting saloobin pa rin niya. Hinintay niyang makalapit ang asawa. Nangingiting nakiramdam. Nang maramdamang nakatayo na ito sa kanyang likuran ay mabilis siyang pumaharap. "Hoy!", panggugulat niya. Ang pagkakangiti ay nawala sa kanyang mga labi. Walang Apa na naroon! "Paanong--- ?", takang-taka niyang inilinga ang paningin sa paligid na lalong dumilim. "Imposible! Naramdaman ko at narinig na may naglalakad palapit sa akin! Bakit ----?", ang malakas na pagkabog at bumilis na pintig ng puso ay nagpasikdo sa kanyang dibdib. Nanlamig ang kanyang mga palad. "A-apa...", mahinang tawag niya sa asawa habang naghahanap ang mga mata. Maya-maya ay napangiti siya. "Hayun!", aniya pagkasabi sa nakatalikod na lalaking nakatayo sa ilalim ng balag. "Apa!", malakas niyang sigaw. Kasunod nang pagsigaw niya ay humampas ang malakas na hangin. "Ayan na ang bagyo!", sa loob-loob niya matapos tingalaing muli ang langit. "Apa!", muli niyang pagtawag kasabay ng mabilis at malalaking hakbang palapit sa nakatayong lalaki. Ang malalaking hakbang ay naging maliliit. "A-apa?", mahina niyang tawag. Ang bilis ng kanyang paghakbang ay unti-unting bumagal. "A-pa..", pabulong na lamang ang tinig na lumabas mula sa kanyang bibig. Walang katinag-tinag sa pagkakatayo patalikod sa kanya ang asawa. Sinaway niya ang sarili na matakot. Kilala niya ang asawa. Kabisado n'ya ang tindig nito. Asawa n'ya ang lalaking lalapitan niya. Hindi dapat mangatog ang kanyang mga tuhod. Hindi siya dapat makaramdam ng kilabot at panlakihan ng ulo. Hindi siya dapat huminto. Hindi siya dapat ..................., humahakbang patalikod! Ang pagkasabik kanina na malapitan ang asawa ay napalitan ng takot at pagnanais makalayo! Tila naramdaman ng lalaking nakatalikod ang kanyang pag-aatubili. Mula sa bahagyang pagkakatungo ay umangat ang ulo nito. Napasinghap siya! Ang takot ay kumalat na sa kanyang buong sistema. Nagmistulang slow motion ang pagkilos ng lalaki sa kanyang paningin. Dahan-dahan itong pumapaling paharap sa kanya! Takut na takot na siya subalit hindi niya magawang alisan ito ng tingin. Kanina, nasisiguro niyang asawa ang nakita, ngunit ng mga sandaling iyon ay tila hindi na. Nakatagilid na ang mukha nito, papaharap na sa kanya! Huminto siya sa pag-atras. Inaaninag maigi ang mukha ng asawa sa kabila ng dilim na tuluyan nang kumalat sa buong paligid. "A-apa...", paos ang garalgal niyang tinig. Napahumindig siya nang pumaharap sa kanya ang kabuuan ng mukha nito. Ngunit......... ang katawan ay nanatiling nakatalikod! Sa tindi ng pagkagulat ay nawalan siya ng balanse sa paglakad paatras. Paupo siyang bumagsak sa magaspang at mamasa-masang lupa! Kaya kitang-kita niya nang kumislap ang kulay dilaw nitong mga mata! "Eeeeeeeeh!", sigaw niya ngunit walang tinig. Halos mapugto ang kanyang hininga ngunit nagsikap pa rin makatayo pagkakita sa pagngisi ng lalaking nagsisimulang humakbang palapit. Nakaharap ito sa kanya ngunit nakatalikod pa rin ang katawang humahakbang paatras na pasulong! Hindi na niya kinaya ang nakikita. Kumaripas siya ng takbo upang makalayo! Hindi na naisip na loob na ng kagubatan ang kanyang pinapasok. "Hah..., hah..., hah..", habol niya ang hininga sa walang tigil na pagtakbo habang sapo ang maumbok na tiyan. Nilingon niya ang lalaki. Nakasunod pa rin sa kanya! Sa paglingong ginawa ay hindi niya naiwasan ang isang nakahigang puno na ang sanga ay tila brasong nakadipa. "Ah!", daing niya matapos tumama ang tiyan. Napauklo siya! Nalingunan niya ang nakangising mukha ng lalaking ayaw maglubay sa pagsunod sa kanya. Kagat ang pang-ibabang labi upang matiis ang paninigas ng tiyan ay muli siyang tumakbo. ''Aaaaaaada..." Tawag ng lalaki na tila malapit na! Lalo niyang binilisan ang lakad-takbong ginagawa. Ngunit lumusot ang isa niyang paa sa maliit na hukay ng malambot na lupa! Pasubsob siyang nadapa! "Aaaaaaaada.." Nangatal siya sa takot nang malingunang ilang hakbang na lang ang pagitan nito sa kanya! Paluhod siyang tumayo, nagmamadali! "Aaaah!", sigaw niya habang panay ang pagpasag. Hawak na nito ang magkabila niyang paa at hinihila! Nangunyapit siya sa mga dahong nahawakan at pilit pumadyak. Sinisikap makahulagpos sa may hawak. Nanlaki ang mga mata niya nang maramdamang sumasampa ito sa kanyang likuran! Nakadagan na sa kanya! Lalo na nang dahan-dahan nitong ikiniskis ang mukha sa kanyang mukha! "Eeeeeeeeh......!" "Ada! Ada! Gumising ka!", tinig ng asawa at ang mahinang pagtampal sa kanyang pisngi ang nagpabalik sa kanyang kamalayan. Napalunok siya pagkakita sa nag-aalang mukha ni Apa. Inalalayan siya nitong makaupo. Nakita niyang tumayo ang asawa at nagsalin ng tubig sa baso. "Uminom ka muna para maginhawahan ka. Umuungol ka kaya ginising kita. Ano ba ang napanaginipan mo at pawis na pawis ka?", tanong nito habang masuyong pinupunasan ang kanyang noo. Umiling siya at bahagyang ngumiti. "Ikaw at ang nakakatakot mong anyo ang napanaginipan ko. Salamat at hindi pala totoo.", sabi na lang niya sa sarili. Unti-unti nang bumabalik sa normal ang pintig ng kanyang puso nang malilis ang kumot na nakatabing sa kanyang katawan. "Huh!", aniya pagkakita sa maruming harapan ng damit! Agad siyang napatayo at muntik nang bumagsak pagkakita sa isa niyang paa, na puro putik! "Aaaaaaada............" Nanigas ang buo niyang katawan pagkakita sa asawang nakatalikod ang katawan ngunit nakaharap sa kanya ang mukha! "Eeeeeeeeeeh...............!" "Ada! Gumising ka!", gising ni Apa habang mahinang tinatampal ang mukha ng asawa. "A-apa?", nanunuyo ang lalamunang sabi ni Ada. "Bakit ba naman dito mo naisipang matulog? Tignan mo nga at nakatutok sa iyo ang sikat ng araw. Hayan tuloy, pawis na pawis ka. Uminom ka nga muna para mahimasmasan ka.", sermon ni Apa sabay abot ng inumin. Tila noon lang nanumbalik ang wisyo ni Ada. Nagpapahangin siya habang nakaupo sa malapad na duyan na yari sa rattan. Naisipan niyang sumandal at 'di na namalayang nakatulog pala. Luminga ito sa paligid habang iniinom ang laman ng baso "Anong nararamdaman mo?", nag-aalalang tanong ni Apa. "H-ha? Wala naman, ayos na 'ko.", aniya kasunod ng pagtingala sa langit. Bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag ng sikat nito. "Kaya siguro ako binangungot.", dahilan n'ya sa sarili. "Halika na sa kubo at doon mo nalang ituloy ang tulog mo...., katabi mo pa 'ko.", pilyong biro ni Apa habang inaalalayang makaahon sa duyan ang asawang kagampan. "Heh! Kay laki-laki na ng t'yan ko nakakaisip ka pa ng ganyan!", bumu-bungisngis na sagot ni Ada. Nawala na ang takot sa napanaginipan. Nagbibiruan at nagtatawanan pa ang mag-asawa habang magkahawak-kamay na bumalik sa kanilang kubo. Hindi napansin ang patuloy na paggalaw ng duyan na iniwanan. Kung saan nakasakay at nangunguyakoy ang lalaking may dilaw na mata!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD