Kabanata 23: Labanan sa Calawis

1178 Words
Magkakasama sina Bernard, Martin, Serrando, Micah at Jaime na dumaan sa lihim na lagusan na matatagpuan sa likod ng simbahan. Nagmamadali ang yapak ng limang kabataan sa pagbaybay ng matarik na daan. Nakalabas sila sa gusali at nagtuloy-tuloy sa madamong kagubatan na kumokonekta sa tagong lagusan na iyon. Biglang natigilan si Martin na nasa unahan, halos mailuwa niya ang sariling puso dahil sa gulat. Napahinto rin ang kaniyang mga kasamahan na na nakasunod sa likod. Lahat sila ay napanganga at napatingin kay Abra na bigla na lamang sumulpot sa kung saan. Kabuntot ni Abra sa likod sina Mang Ador at Aling Selya, bitbit ng dalawang matanda ang mga sariling lukbutan. Hinihingal din ang mga ito sapagkat galing din sa pagtakbo. "Abra!" masaya si Micah nang makitang ligtas ang bata. "Dali, kuha na!" Walang bati na nagbigay ng mga sandata si Abra sa mga kasamahan. Isa-isa niyang inabot ang mga baril sa kanila. Habang inilulusot ang bala ng baril sa magazine nito, nagtanong si Jaime. "Nasaan si Sir Theodore?" "Nandoon, madadaanan natin siya." Itinuro ni Abra ang direksyon na pupuntahan din nila. Nangunguna si Abra sa grupo sapagkat ang batang lalaki lamang ang nakakaalam ng labasan. Samantalang nasa huli ng pila si Micah at ang dalawang matandang sibilyan. Hindi sila nagsayang pa ng oras sapagkat anumang oras ay maaari silang mapaligiran ng mga kalaban. Sa kasawiang-palad ay wala silang laban ngayon dahil mas lamang ang mga ito sa bilang at sandata. Kailangan nilang makaalis agad bago pa man mailubog ng mga hapon ang buong baryo. Nakahinga sila nang maluwag nang mamataan si Theodore na naglalakad palapit sa kabilang direksyon. Kabuntot ng kanilang pinuno si Yamamoto, mukhang kahit hindi nakakaintindi ng wikang Filipino, alam nito na hindi dapat humiwalay kay Theodore. Sa wakas ay muling nabuo ang grupo nila. Lalapit na sana ang grupo nila Abra sa kanilang pinuno subalit sabay-sabay silang napalingon sa nakabubulabog na ingay ng mga paang paparating. Napanganga sila dahil sa pagkabigla nang mapagtantong may pangkat pala ng hapon na nagbabantay rin sa kagubatan. "*げている!" (Nigete iru!) sumigaw agad ang hapon na nasa unahan at itinaas ang hawak na revolver. Sa isang iglap, pinaulanan sila ng mga bala. Nagsiyuko sila ng mga ulo, nagtago sa mga makakapal na halaman at malalaking mga puno. Dumapa ang iba sa kanila. Hinila ni Micah ang dalawang matandang sibiliyan at sumalampak silang tatlo sa malaking bato na naroon. Mangiyak-ngiyak sina Mang Ador at Aling Selya dahil sa takot, napayakap ang mga ito sa isa't isa habang nagtatago sa likod ng malaking bato. Sumilip si Micah sa tinataguan upang makita ang nagaganap ngayon sa senaryo. Nakadapa ang iba niyang mga kasamahan at lumalaban ng putukan sa mga hapon na tumitira sa kanila. Hindi niya makita sina Theodore at Yamamoto na nasa kabilang bahagi! Nasaan na ang mga ito?! *** At dahil na-ambush ng mga kalaban, hindi nila ito napaghandaan. Hindi rin inaasahan ni Theodore na ganito ang mangyayari. Mabilis pa lang masusuyod ng mga hapon ang buong baryo dahil pinakalat ng mga ito ang mga sundalo sa iba't ibang direksyon. Hindi sila makakalamang sa dami ng mga kalaban! Lalo pa't hindi siya makaisip agad ng paraan dahil iniinda niya ang tama sa kaniyang tagiliran, tiyan at sa bandang dibdib. Sa kamalas-malasan ay natamaan si Thedore sa unang pagsugod ng mga hapon. Tiniis niya ang sakit subalit hindi talaga siya makatama nang bala, kahit ano pang pagpupumilit niyang lumaban. Nag-aalala ang mga mata ni Yamamoto habang iniisa-isang tirahin ang mga kalaban, katulad noon, walang daplis kung bumaril, sinisiguradong tatama ang bala sa ulo ng kaaway. Subalit sa gitna ng pagtira, saglit na tumititig si Yamamoto kay Theodore na ngayo'y mukhang nahihirapan huminga dahil sa mga pinsala. Isa lang ang nasa isip ng kaibigang hapon, kailangan niyang madala si Theodore kay Bernard. Kinabahan si Yamamoto hindi para sa sarili kundi para sa kapakanan ng mga kasama... Nagkaroon ng pagkakataon sina Abra at Jaime na magtapon ng granada at smoke granade. Natamaan ang mga kalaban na tumitira sa kanila, nagkaroon sila ng pagkakataon na makatayo at makalipat ng posisyon. Nagbato si Serrando ng mga bala ng armalite kay Martin. Ang dalawang lalaki ang nagsilbing depensa habang lumilipat sila ng posisyon patungo sa kinaroroonan ni Theodore at Yamamoto. Hinila ni Micah ang dalawang sibilyan na kasama niya at nakayuko silang tumakbo upang sumunod sa grupo. Nang makarating sa posisyon ni Yamamoto, ganoon na lamang ang gulat nila nang makita ang sitwasyon ni Theodore. Subalit hindi ngayon ang tamang oras para malungkot o maglupasay. Nakikipaglaban pa sina Martin at Serrando, at kailangan nilang tulungan ang mga ito na mapabagsak ang mga kalaban. Naiwan si Bernard, Micah, Mang Ador at Aling Selya sa tabi ni Theodore habang ang iba naman ay nagpatuloy sa pakikipagbakbakan upang depensahan ang mga sarili at ang sugatan nilang pinuno. "Tara, Micah! I-ilipat natin si sir!" mabilis na utos ni Bernard at ginawa naman nila ang sinabi nito. Nagtulungan silang mailipat ang lalaki, malayo sa kaguluhan habang dinedepensahan sila ng mga kasamahan. Nanlaki ang mga mata ni Jaime nang makitang may inihagis din sa gawi nila ang mga kalaban, nagsitakbuhan agad sila sa kaniya-kaniyang direksyon. Kaniya-kaniya silang tago sa mga puno at naglalakihang mga bato. Magkasabay pa sina Jaime at Martin na nagpunta sa parehong taguan. Pagkatapos ay sumabog iyon, swerte na nakaiwas silang lahat, natamaan lamang sila ng malalaking bato ngunit wala naman silang ibang naging pinsala. Alam ni Jaime, hindi sila mananalo. Mauubos sila rito! Ito na nga ba ang kinakatakot niyang mangyari... Subalit biglang tumahimik ang paligid, pagkatapos nakarinig muli sila ng pagsabog. Akmang sisilip si Martin sa likod ng bato subalit hinila muli siya ni Jaime pabalik sa puwesto. "Yumuko ka, gago!" mura pa ni Jaime. Pagyuko ni Martin, muntik na siyang matamaan ng bala. Kung hindi iyon ginawa ni Jaime ay baka nga sabog na ang ulo ng lalaki ngayon. Hindi makapaniwala si Martin na sinagip siya ng karibal. Subalit hindi nila lubos na maunawaan, bakit biglang humina ang pagbaril sa kanila ng mga kalaban? Kanina ay parang umuulan ng mga bala, ngayon ay paisa-isa na lamang. Maya-maya pa ay nagkaroon ng pagkakataon si Serrando na lumapit sa kanila upang maipaliwanag ang nangyayari. "Nandito ang Wha-Chi." Nagkatinginan silang tatlo. Hindi makapaniwala na sumilip sila at napagtanto nga na may tumutulong sa kanila. "Sige na, alis na!" Lalo pa silang nagulat nang makitang palapit si Mr. Yuzon sa gawi nila. Pinapalayas na sila ng lalaki at kasama nito ang mga kasamahang intsik sa grupo. Pinalitan ng mga ito ang kanilang puwesto at ang mga ito ang lumaban ngayon sa mga hapon. Nagpapasalamat ang kanilang mga mata na tumango at tumayo. Ito na ang pagkakataon nilang tumakas, lalo pa't sugatan ang kanilang pinuno. Habang nagsasagutan ng bala ang mga chinese at hapon, tumakbo sila patakas sa kabilang direksyon ng labanan. Buhat-buhat nina Bernard at Micah si Theodore na halos maligo na sa sariling dugo at namumutla na ang buong mukha dahil sa natamong mga pinsala. Kasunod din nila sina Mang Ador at Aling Selya na milagrong hindi nasaktan sa naganap na labanan. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD