Nakaligtas sila dahil sa tulong ng Wha-Chi, subalit may isa pa silang problema na dapat harapin ngayon. Maingat na inilapag nina Bernard at Micah ang katawan ni Theodore na ngayo’y halos maligo na sa dugo. Nang makapuwesto sa damuhan ay mabilis na kumilos si Bernard, tinanggal niya ang mga damit na nakaharang sa sugat subalit nang makita ang pinsala ay nanlaki ang kaniyang mga mata.
Anong gagawin niya ngayon? Ngunit kahit papaano ay kailangan niyang pigilan ang pag-agos ng dugo.
Tagaktak ang pawis ni Bernard habang pilit tinatakpan ang dugong umaagos sa malaking sugat ni Theodore sa tiyan. Halata sa mukha ng binata ang pag-aalala at pagkataranta sapagkat hindi alam kung anong gagawin sa ganitong kalalang pinsala. Sa kasawiang-palad ay kita na ang bituka ng lalaki...
Wala silang gamit upang magamot ang ganitong kalalang sugat. Limitado lamang ang dala-dala nilang mga panlunas.
Nakapaikot silang lahat kay Theodore na ngayo’y halos pinipilit na lamang ang paghinga. Nakahiga ito sa damuhan at tinitiis ang sakit subalit makikitang hindi na rin nito makayanan ang mga sugat.
“S-Sir…” Namumula na ang mga mata ni Bernard nang tumingin sa mga mata ni Theodore. Ayaw niyang sabihin subalit wala na talaga siyang magagawa pa. Kahit anong pagpipigil niya sa pagdaloy ng dugo o pagtatakip nito, patuloy pa rin ito sa pagtulo.
At kahit nahihirapan, naunawaan ni Theodore kung anong ibig-sabihin nito. Alam niyang wala nang lunas. Wala silang karampatang solusyon sa mga pinsala niya.
Napagtanto ni Theodore na nakakatakot palang mamatay sapagkat maiiwan niya ang mga taong umaasa sa kaniya at hindi na sila muling magkikita pa. At ano kaya ang kahihinatnan ng mga kaluluwa kapag wala na sila sa mundong ito?
Ngunit hindi ito ang tamang oras upang isipin ni Theodore ang tungkol sa kabilang-buhay. Baka nga roon ay mas magaan, kumpara dito sa lupa na puro pasanin at kaguluhan.
Kailangan niyang maging matapang. Harapin ang kamatayan nang may dangal. Tumingin siya sa mga mata ni Bernard na ngayo’y nagsisibagsakan ang mga luha. Ano bang iniiyak ng binatilyo?
Ah… napagtanto ni Theodore na kailangan niyang maging isang pinuno hanggang sa huli.
Hinawakan niya ang kamay ni Bernard na pilit binebendahan ang kaniyang tiyan kahit ang katotohanan ay malaki ang butas nito at hindi naman iyon kaya ng benda lang. Natigilan naman si Bernard at tumitig sa kaniya. May pagtataka sa kislap ng mga mata ng binatilyo.
“S-Syrettes…” nahihirapan man magsalita, sinabi ni Theodore ang nasa isip.
Naunawaan agad ni Bernard, natigilan siya at napanganga. Hindi niya gusto ang pinatutunguhan ng sinasabi ni Theodore at hindi rin niya inaasahan ang ihihingi nito.
“D-Dali… Bernard…”
“Sir…” At ito na naman si Bernard sa pagluha na parang isang iyaking bata. Hindi niya kayang ibigay kung anong hinihiling nito.
“B-Bernard…” Nais magalit ni Theodore, nais niyang sigawan ang binatilyo. Sa ganitong sitwasyon, impossible nang masagip pa siya. Pero hindi niya magawang magalit kay Bernard, alam niyang napakabigat ng kaniyang hinihiling.
“Ibigay mo na, Bernard.”
Napatingin sila kay Jaime na biglang nagsalita sa gilid. Namamasa rin ng luha ang mga mata nito subalit matatag ang tinig. Katabi nito sina Micah at Abra na umiiyak na rin.
“Sir!” Nagsipatakan ang mga luha ni Micah sa pisngi dahil sa nakakagimbal na katotohanang bumungad sa kanila. Sila ay mga tao lamang, hindi sila immortal.
Bilang mag-aaral ng medisina, alam ni Bernard na kapag wala nang solusyon, mas mabuti pang wakasan agad ang buhay ng isang tao kaysa pahirapan pa. At sa gitna ng digmaan… pinapaboran iyon ng nakakarami. Subalit, mabigat pa rin sa loob. Pinuno nila ang nasa kamay ng kamatayan ngayon. Anong mangyayari sa kanila kapag nawala si Theodore?
Napipilitang kinuha ni Bernard ang morphine syrettes na hinihingi ni Theodore sa kaniya. Isa ito sa mga lethal injection na ibinibigay sa mga sundalo kapag malapit na silang mamatay sa digmaan, upang yaong paghihirap ay hindi na humaba pa.
“J-Jaime,” pinilit ni Theodore magsalita, “I-Itinataas kita bilang pinuno… I-Ikaw na ang bahala…”
“Boss!” Ikinagulat iyon ni Jaime. Naghalo ang dalamhati at pagtatampo sa kaniyang puso. “H-Hindi ko kaya!”
Hindi na sumagot pa si Theodore sa pagrereklamo ni Jaime. Sa natitirang lakas at determinasyon nito, hinablot nito ang injection na nasa kamay ni Bernard at walang pangdadalawang-isip na itinusok sa sarili. Inubos niya ang morphine na nasa loob nito.
Ikinagulat nila iyon, lalo na si Bernard na halatang ayaw pa rin na mangyari iyon. Subalit, nagpasya na ang kanilang pinuno. Ito na ang nagwakas sa sariling paghihirap pagkatapos ipasa ang responsibilidad sa pinagkakatiwalaan nito.
At sa mga mata ni Theodore, nakita niya ang mga luhaang mukha ng kabataang ipinagtanggol niya sa gitna ng digmaan. Napatingin siya kay Yamamoto, nasa mga mata rin nito ang pighati. Sayang… hindi na niya malalaman pa ang itinatago ng lalaki.
Lumipat ang balitataw niya kay Micah na umiiyak lamang habang tinatawag ang pangalan niya. Patawad… gusto niyang sabihin pero hindi na niya magalaw pa ang bibig. Kaya sa isip na lamang siya nanalangin at nagsalita.
At si Jaime… Ikaw na ang bahala. Hindi niya inaasahan na luluha rin ito sa harap niya. Isa-isa niyang tinitigan ang mga mukha ng mga kasamahan sapagkat ito na ang huling pagkakataon na makikita niya ang mga ito.
Sayang, hindi niya madadala ang mga ito sa kaligtasan at hindi na niya makikita pa ang kalayaan. Subalit may panghihinayang man, hindi siya nagsisisi na ibinigay niya ang buhay para sa mga ito.
Unti-unti gumaan ang kaniyang pakiramdam, hindi na niya nararamdaman pa ang sakit ng mga sugat subalit nais niyang matulog. Ipinikit niya ang mga talukap na biglang bumigat. Tila ba ngayon lamang siya makakatulog nang mahimbing.
“Sir Theodore!” tawag ni Bernard. Kadalasan ang morphine ay ginagamit bilang painkiller. Subalit kapag nagbigay ng malaking dosages sa katawan ng tao, ito ay nakamamatay, lalo na kapag malaki ang pinsala sa katawan ng gumamit nito. At mukhang tama siya nang hinala… sapagkat hindi na tumutugon si Theodore sa kaniyang pagtawag.
“Sir!” Humagulgol nang iyak si Micah nang mapagtantong tumigil na sa paghinga ang lalaki. Sa pangalawang pagkakataon sa buhay niya, nawalan siya muli ng ama.
Ang tanging maririnig lamang sa paligid ay ang nakabibingi nilang iyakan. Napagtanto nila na hindi sila naglalaro. Sila ay nasa digmaan. Tumambad sa kanila ang katotohanan na ang isang paa nila ay nasa hukay…
***