Kabanata 25: Paalam, Calawis

1210 Words
Samantala, napagtanto ng grupo ni Mr. Yuzon na hindi nila kaya ang bilang ng mga kalaban. Kaya sa huli, wala silang nagawa kundi ang sumuko. Naubusan na rin ng mga bala ang kanilang mga baril at kalahati sa kanila ang nawalan ng buhay. Sinubukan ng iba ang tumakas sa kagubatan subalit kaunti lamang ang pinalad, karamihan ay nahuli ng mga hapon. At ngayon, nakayuko ang ulo ni Mr. Yuzon habang nakagapos ang kaniyang mga kamay sa likod at halos pagtulakan siya ng mga hapon patungo sa gitna — dito sa harapan ng pinakapinuno. Pinahilera sa lider na hapon ang mga nahuling Pilipinong rebelde. Walang-bahid ng takot sa mukha ni Mr. Yuzon, subalit karamihan sa mga kasamahan niya ay humahagulgol ng iyak. Tinitigan niya ang lalaking nasa harap na nahuhulaan niyang pinakalider ng mga ito. Kadalasan ang nakikita niyang mga sandata ng mga hapon ay bayonete at arisaka rifle. Subalit ngayon ay may nakasukbit na katana sa pantalon ng lalaki. Sa pagkakaalam niya, mga matataas na opisyales lamang ang nagdadala ng mga ganitong sandata, sapagkat sumisimbolo ang katana sa estado at otoridad ng isang tao. Pinaluhod silang mga bihag sa lupa, sa harap ng mga kalabang lider. Tinitigan siya nang diretso ng lalaking nasa tapat, malamig ang mga mata nito kung tumingin. Marahan na nagpalakad-lakad ang lalaki na para bang nagmumuni o nag-iisip nang gagawin sa kanila. Sinundan ng balitataw ni Mr. Yuzon ang bawat pagkilos nito. Ngunit nabaling ang atensyon niya sa iba nang may biglang sumulpot na grupo ng mga sundalong hapon sa kaliwa. May hinihila ang mga ito na isang lalaking nakasuot ng cassock. Nanlaki ang mga mata ni Mr. Yuzon nang makilala ang lalaking iyon... Nagpupumiglas pa si Padre Gomez habang kinakaladkad ito ng mga hapon papalapit. "Pakawalan ninyo ako!" Kahit ano pang lakas ng pagsisigaw at paggalaw nito, hindi siya makakatakas sa kamay ng mga hapon. Napanganga si Mr. Yuzon, nais niyang tawagin ang kawawang prayle subalit walang lakas ang kaniyang bibig. Saglit na napatigil sa paggalaw ang pari nang mamataan din siya. Napanganga rin ito nang mapagtantong nahuli din sila. Walang pasubali na hinila nila ang pari at dinala sa sampayang kahoy na nakatayo roon. Itinali nila ang mga paa nito. Iginapos din ang mga kamay sa likod. Pagkatapos, napasinghap si Padre Gomez nang hilahin ng mga kaaway ang mga paa niya at itinali ang lubid sa tuktok ng kahoy. Ngayon, nakapatiwarik o nakabaliktad na itinali sa kahoy ang kaawa-awang padre. Animo'y isang martir ni Hesukristo. Isa ito sa mga paraan ng pagpapahirap o pagbibitay ng mga hapon— ang itali nang patiwarik mula sa isang matibay na istruktura. Habang nakabaligtad ang biktima, ang dugo nito ay dumadaloy pababa sa ulo na nagdudulot ng matinding sakit. Subalit, hindi rito natatapos ang lahat. Upang mas lalong maghirap ang nakatali, nagbubuhos sila ng tubig sa ilong at bibig nito, sanhi upang hindi ito makahinga. Alam ni Mr. Yuzon na hindi niya maliligtas si Padre Gomez dahil siya man ay nakagapos din. Subalit ang makitang pinahihirapan ito ay napakabigat sa kalooban... Lalo pa't pinapanood din ng mga taong nandoon ang kaganapan at walang may lakas ng loob na humadlang. Hinahayaan ng mga hapon na panoorin ng mga sibilyan ang kamatayan ng pari, upang magsilbing panakot sa komunidad. Nang sa ganoon, wala nang maglakas loob na lumaban sa kanila. Ipinikit ni Mr. Yuzon ang mga mata, ayaw na niyang manood at ayaw na niyang marinig pa ang paghihirap ni Padre Gomez. Alam din niyang hindi nila agad papatayin ang pari. Hahayaan nila itong nakabitin nang patiwarik doon sa mahabang oras hanggang sa ito'y tuluyang mamatay. At siya... alam din niya kung anong kahihinatnan niya. Napatingala siya sa hapon na tumapat sa kaniya. Hinugot nito ang katana sa tagiliran at inihanda upang gamitin. Ipinikit ni Mr. Yuzon ang mga mata at sa huling sandali ng kaniyang buhay, siya ay nanalangin nang taimtim para sa sarili, sa bansang kinalakihan at sa kapwa... Ilang saglit pa ay makikita ang pagtalsik ng kaniyang ulo kasabay ng pulang likido na kumalat sa aspaltong lupa. At ang kamatayan nila ang naging hudyat upang simulan ng mga kalaban ang mas masalimuot na pagpaparusa. Iyakan, sigawan at putok ng mga baril ang maririnig sa buong bayan. Hindi nagpakita ng awa o pagdadalawang-isip ang mga hapon na sunugin ang mga bahay at kamkamin ang mga bagay na mapakikinabangan. Walang nagawa ang karamihan. Dinamay sa kabrutalan ang mga inosenteng pamilya, sapagkat sila ay pinanghinalaan kahit wala namang sapat na katibayan. Ang buong baranggay ay nalugmok sa takot at pighati. Nagkalat ang mga dugo at apoy sa paligid. Ang mga magulang ay naglulupasay sa pagkamatay ng kanilang mga anak at ang mga anak ay nagdadalamhati dahil sa pagkasawi ng kanilang mga magulang. *** Natigilan si Micah sa pag-akyat sa bundok. Namilog ang kaniyang mga mata nang mapansin ang makapal na usok na nagmumula sa pinagmulan na baranggay. Nasa itaas sila ng bundok kaya nakikita nila mula sa ibaba ang bayan ng Calawis na ngayo'y binabalutan ng makapal na usok at hamog. At alam na ni Micah kung anong ibig-sabihin niyon... Natigilan din si Abra na nasa unahan ng pila at napalingon sa bahaging iyon. At dahil huminto ang batang lalaking sinusundan kaya tumigil din ang buong grupong nakasunod. Lahat sila ay napalingon sa tinitignan ni Abra. Napanganga si Mang Ador, hindi ito makapaniwala sa nakikita. Tinanggal nito ang sumbrero sa ulo biglang pagpapakita ng paggalang at pagdadalamhati. Si Aling Selya rin ay napasinghap at napasapo sa bibig. Napahikbi at napaiyak ang matandang babae nang mapagtantong nilusob nang tuluyan ang kanilang bayan. Kung hindi nakatakas ang dalawang matanda roon, marahil ay makakasama sila sa bilang ng mga nasawi. Muli ay namasa ng luha ang mga mata ni Bernard, sapagkat naalala niya si Padre Gomez na marahil ay wala na ngayon... Dalawang tao na tinitingala niya ang nawala sa kaniya, si Sir Theodore at Padre Gomez. Wala nang masasakit pa sa nararamdaman niya ngayon. Sinisisi rin niya ang sarili dahil hindi niya nagawang iligtas si Theodore kanina. Marahil, hindi talaga siya nararapat na maging doktor. Napaluhod si Bernard sa lupa at napahagulgol ng iyak. Inalo ni Micah ang binata. Lumuhod siya sa tabi ni Bernard at hinimas ang likod nito subalit kahit siya ay lumuluha rin at hindi magawang mapatahan ang sarili. Sapagkat, hindi pa rin matanggap ni Micah na wala na si Theodore. Si Jaime naman ay nanatiling nakatitig sa senaryong nakatambad. Naikuyom niya ang mga palad dahil sa bigat ng pasaning dinadala. Wala na ang lugar na nagdala sa kanila nang saglit na kapayapaan at sa kasawiang-palad sila ang nagdala ng delubyong ito. At ngayong wala na si Theodore, sino ang kaniyang magiging sandigan? Ibinigay sa kaniya ng yumaong pinuno ang pinakamabigat na responsibilidad. Ngayon, nakasalalay na sa kaniya ang buhay ng mga kasama... At si Yamamoto, tahimik lamang na nakamasid sa natatanawang baryo na ngayo'y naging lugar ng kasawian. Naikuyom din niya ang mga palad dahil sa matinding emosyon. Animo'y babakat ang kaniyang mga kuko sa sariling mga kamay. Lalong naglagablab ang galit sa kaniyang puso. Namamahinga na si Theodore sa ilalim ng lupa. Inilibing nila ito bago sila nagpatuloy sa pagtakas sa kabundukan. Mabuti pa si Theodore, may katahimikan na. Nabigyan na rin sa wakas ng kapahingahan ang lalaki. Samantalang sila, kailangan pa ring magpatuloy sa laban... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD