Nagulantang sina Theodore, Jaime at Bernard sa naabutan. Ilang minuto lamang silang nawala, naglaho ang mga kasama sa lugar na pinag-iwanan, maski ang sasakyan ay wala roon. Saglit silang nataranta nang walang naabutan, hangga't nakarinig sila ng putukan sa kung saan. Mabilis silang nagtungo roon at nakitang nakikibakbakan ang mga kagrupo sa grupo ng mga hapon. Ano bang nangyayari?
Matulin silang nakagapang sa kinaroroonan nina Micah at Abra. Kumunot ang noo niya nang makita ang kalunos-lunos na kalagayan ng hapon na bihag. Gustong mag-usisa ni Theodore subalit wala silang oras para magkwentuhan.
"Mamaya na ako magpapaliwanag, sir!" bungad agad ni Micah kahit wala namang sinasabi si Theodore.
Pinagbabaril din ni Serrando ang mga kalaban na nasa unahan, kahit lasing ito ay nasa tamang pag-iisip pa rin. Subalit si Martin ay tatawa-tawa lamang sa tabi ng lalaki na para bang hindi nito nakikita na delikado ang sitwasyon.
Tumulong si Theodore sa mga kasamahan, lumipat siya ng puwesto sa bandang unahan. Subalit nangamba sila nang may dumating pang isang ulitilty vehicle, mukhang nakatawag ng back-up ang mga kalaban.
"Puta!" napamura si Jaime dahil sa stress at pressure na nararamdaman. Labing-anim na hapon laban sa pito. Anong laban nila rito?!
Sa gitna ng tensyon, napakislot si Micah nang marinig ang boses ng katabi.
"*を**して!" (Watashi o kaihō shite!)
Ito ang unang beses na narinig niya ang boses ng lalaki. Ito rin ang unang beses na kinausap siya nito. Pinapatanggal nito ang pagkakatali ng mga kamay. Saglit na napaisip si Micah kung susundin ba ang sinabi nito. Subalit nagunita niya ang pagtulong nito sa kanila sa kweba at sa pag-raid ng sasakyan. Hindi man niya maintindihan kung bakit, sa tingin niya ay mapagkakatiwalaan nila ang lalaki.
Hindi na ipinaalam pa ni Micah kay Theodore, tinanggal niya ang tali sa kamay ng bihag.
Nagtataka tuloy na napatingin sa kanila si Jaime na katabi lang nila. "Anong ginagawa mo, Micah?!"
Pinakawalan ng babae ang hapon at inabutan pa ng baril. Hindi makapaniwala ang mga kagrupo na napanganga na lamang sa ginawa ng dalagita. Ngunit dumapa ang hapon katabi ni Micah at isa-isa nitong tinira ang mga kalaban na nasa unahan.
Hindi pa rin magawa ni Micah na makapatay ng tao, sa braso lamang niya pinapatama ang bala, samantalang ang hapon na nasa likod naman ang pumapatay sa mga pinapatamaan ni Micah. Tinitira nito ang ulo ng mga iyon.
Labing-anim laban sa walo, atleast kahit tig-dalawa ang mapatay nila ay siguradong makakatakas sila rito. Nang makitang nangangalahati na ang mga kalaban, sumugod si Micah sa gitna upang kunin sina Martin at Serrando na lango sa alak. Nahulaan naman ni Jaime ang binabalak ng babae kaya sumunod din siya.
Nang makitang tumakbo sa gitna sina Jaime at Micah, tumayo ang hapon at pinagbabaril ang mga kalaban upang magsilbing depensa ng dalawa. Tumulong din si Abra, subalit natamaan ang kamay ng binatilyo at nabitawan ang sandata.
Nakuha ni Micah si Martin na nakahilata lamang sa ilalim ng manibela. Iritadong hinila niya ang lalaki at kinaladkad palabas.
Nakakatayo pa si Serrando kahit halatang lasing pa rin sa alak. Sumunod ito sa likod ni Micah, habang gumaganti rin sa mga kalaban subalit ang mga bala nito ay hindi tumatama sa mga iyon. At sa kasawiang-palad, natamaan ito sa hita. Tumulong naman si Jaime sa pagbuhat kay Serrando patungo sa likod ng sasakyan.
Tagumpay silang nailipat ang dalawang kasamahan sa likod. Delikado kasi ang harap lalo pa't nabasag na ang mga salamin doon.
Nang makuha sina Martin at Serrando, walang-awa na inubos ng hapon ang mga kalaban na bumabaril sa kanila. Napanganga si Micah nang mapagtantong magaling din palang umasinta ang estranghero. Sa tingin niya ay mas magaling pa ito kumpara sa kaniya.
Dahil sa pagtutulungan ay napatumba nila ang mga kalaban, kahit sa totoo lamang kalahati niyon ang napatay ng hapon na bihag. Maya-maya pa ay tumahimik ang paligid, pagod na bumagsak ang hapon na lalaki sa asplatong lupa dala ng pinsala sa katawan. Mabilis na nilapitan siya ni Micah at tinulungan na makatayo.
Marami pang katanungan si Theodore subalit mamaya na siya mag-uusisa, kailangan nilang makamkam agad ang mga gamit ng kalaban at makatakas dito, siguradong malalaman agad ng mga kaaway ang naganap na labanan. Baka hindi na nila maipanalo ang susunod na batalyong susugod.
"Dali!" sinigawan ni Theodore ang mga kasama.
Sinigurado nilang namatay ang lahat ng mga kaaway, kinuha nila ang mga gamit at sandata ng mga iyon at isinunod nilang nakawin ang sasakyan ng mga ito. Iniwan nila ang lumang military vehicle upang kunin ang bago.
***
Binuhusan ng malamig na tubig ni Jaime si Martin, nagulantang naman ang huli at natarantang napamulat ang mga mata. Pagkatapos ng bakbakan kanina, natulog lamang ang lalaki na parang walang masamang nangyari— na para bang hindi nanganib ang mga buhay nila.
"Tang-na!" napamura ito subalit natigilan nang makita ang masamang tingin ni Jaime.
Tila nais bugbugin ni Jaime ang kagrupo. Sumingit si Theodore sa eksena at pinigilan ito.
"Wala ring saysay ang turuan siya ng leksyon. Nasa gera tayo, kahit ayaw mo sa kaniya, kailangan pa rin natin siya," wika ng leader nila, "Gayunpaman... binibigyan kita ng permiso na bigyan siya ng isang suntok sa mukha."
Pagkasabi niyon, walang pakundangan na inupakan ni Jaime ang lalaki. Halos masubsob si Martin sa lupa dahil sa lakas ng impact niyon. Napahawak agad ito sa panga na nasaktan, iniinda ang sakit niyon, habang nanatili pa ring nakalupasay. Sa wakas, mukhang nagising na rin ang natutulog na diwa ni Martin, salamat sa pagsuntok ni Jaime.
Pansamantalang nagpapahinga sila sa Inarawan. Umalis sila sa San Juan pagkatapos nilang makipaglaban sa mga hapon na nandoon, sigurado silang malalaman pa ng iba ang kanilang ginawa. At maaaring mahuli sila ng mga kaaway kung hindi agad sila lilisan doon.
Nasa tapat sila ngayon ng isang balon upang makapaglinis man lamang sila ng katawan at makainom ng tubig. Swerte lang talaga na nakakatagpo sila ng malinis na tubig para sa kanilang mga pangangailangan.
Isa sa mga kalamangan nila ay pamilyar sila sa kagubatan. At mas maigi na manatili sa kagubatan lalo na kapag labanan, sapagkat mas madaling makahanap ng makakain at tubig.
Ngunit sa kasawiang palad ay hindi pa rin sila nakakalabas ng Antipolo. Sa daan patungong Tanay, dalawang beses na silang napalaban. Sigurado si Theodore na hina-haunting na sila ngayon ng mga kalaban sa buong syudad at kilala na sila ng mga ito. Kailangan nilang makalipat sa lalong madaling panahon.
Napabuntong-hininga si Theodore at napatingin sa mga kabataang nagpapahinga. May tama sina Abra at Serrando at ginagamot sila ni Bernard.
Si Micah ay umalis nang saglit upang makapaglinis sa nakitang sapa na malapit doon. Naaawa na rin siya sa babae na hindi man lamang makapagtapal ng pasador dahil sa walang tigil nilang paglalakbay at pakikipaglaban. Akala niya ay magiging pabigat ang babae subalit mas sumakit yata ang ulo niya sa mga lalaking kasama.
Dumako ang tingin niya sa hapon na kasama, punong-puno rin ng benda at sugat ang katawan nito dahil sa pagpapahirap nina Martin at Serrando. Tulala lamang iyon at hindi pa rin nagsasalita. Mukhang walang balak na tumakas ang isang ito kahit pinabayaan nilang wala itong posas o hindi nakatali. Hindi niya talaga maunawaan ang lalaki. Kumakampi ba ito sa kanila?
***