Kabanata 15 : Panibagong Daan

1469 Words
“Hindi tayo maaaring dumiretso sa Pinugay. Madali tayong mahahanap ng mga hapon na humahanting sa atin,” paliwanag ni Theodore sa mga kasamahan habang pinaplano nila kung saang ruta sila tutungo. “Sa’n po tayo pupunta ngayon?” tanong ni Abra. Hawak ng binatilyo ang buong mapa ng rehiyon. Pagdating sa direksyon, si Abra ang pinakamagaling sa grupo. “Magtago muna tayo sa Calawis, pagkatapos ng ilang araw, lilipat tayo sa San Jose,” suhestyon ni Jaime, katulad ng dati may nakasuksok na naman na sigarilyo sa bibig nito at nagpapausok sa hangin. “Iikot tayo sa gubat? M-Mas mapapalayo tayo sa destinasyon natin.” — si Bernard na kumunot ang noo. “Ganoon na nga, hindi dapat ma-predict ng mga kalaban kung saan tayo patungo. At sa kasawiang-palad sigurado akong hahalughugin din nila ang mga barangay na malapit dito,” simpleng tugon ni Jaime. “Alam din nila na may mga guerillang nagtatago sa kagubatan ng Tanay. Alam nilang doon tayo papunta, siguradong ang nasa isip nila na dadaan tayo sa Pinugay,” sang-ayon ni Theodore. “Iiwan natin ang sasakyan dito, sapagkat malalaman at masusundan tayo ng mga hapon kapag dinala natin ang sasakyan.” “Naaawa ako sa sa mga barangay na pinuntahan natin, siguradong sa sibilyan nila ibubuhos ang galit nila dahil sa ginawa natin,” wika naman ni Abra na biglang lumungkot ang mukha. Natahimik ang buong grupo sapagkat may punto ang sinabi ng batang lalaki. Siguradong hinahalughog ngayon ng mga hapon ang Barangay San Jose at syudad ng Antipolong malapit sa Cainta— para mahanap lamang sila. Marahil, nagbibintang na naman ang mga kalaban sa maling mga tao. “Sir, kung iiwan natin ang sasakyan dito sa Inarawan, siguradong pagbibintangan din nila ang mga taong naninirahan dito,” dugtong pa Micah. “Iisipin pa ba natin iyon?!” singit ni Martin na ngayo’y may band-aid sa pisngi dahil sa pinsalang natamo sa suntok ni Jaime. “Saan natin iiwan ‘yan, aber?” Wala silang maisip. Ang unang sasakyan na ninakaw nila ay nasira dahil sa bakbakan kanina, ang bagong utility vehicle na nakamkam nila ay hindi naman nila madadala sa rutang napili. “Bahala na. Basta kailangan nating kumilos agad at makaalis dito,” wika na lamang ni Theodore. “May kakilala ba kayong makakatulong sa ‘tin sa Calawis?” usisa pa rin ni Micah sa pinuno. “Mayroon,” simpleng wika lamang ni Theodore. "Paano po s'ya? Iiwan ba natin s'ya rito?" inosenteng tanong ni Abra na tumingin sa hapong tahimik na nakaupo lamang sa malaking tipak ng bato. Lahat sila ay napatingin sa binanggit at napaisip nang malalim. Hindi pa rin nila alam ang pangalan ng lalaki. At kahit may pagdududa man, nagkaroon sila ng kaunting tiwala dahil tinulungan sila nito kanina. "Ano bang pakialam natin d'yan?! Sabi ko nga sa inyo, patayin na natin 'yan. Pabigat pa 'yan sa 'tin, eh," pagbunganga na naman ni Martin na tinuro pa ang hapon. "Manahimik ka! Hindi ba't dahil sa inyo ni Serrando kaya nanganib tayo kanina!" sambit naman ni Micah. "Kaya kung mayroon man dapat todasin, ikaw 'yon Martin!" "Ako pa ang sinisi mo, bakit sino ba ang nagbitbit d'yan? Hindi ba kayo ni Jaime?!" "Baka gusto mong makatikim na naman?" wika ni Jaime na handang manapak. "Magsitahimik nga kayo!" pigil ni Theodore sa mga kasama na kung magturuan ay parang mga bata sa elemetarya. Bumaling si Theodore sa babae. "Micah, mabuti pa tanungin mo s'ya kung gusto niyang sumama sa 'tin sa Calawis. Kung hindi, hayaan na natin s'ya." Napanganga silang lahat at napatitig nang may pagtataka kay Theodore. "Bakit natin 'yan pakakawalan?! Paano kapag nagsumbong 'yan sa mga hapon kung nasaan tayo?! Nasisiraan ka na ba ng tuktok, Bossing!" reklamo agad ni Martin. "Mukha ba s'yang magsusumbong?" mahinahon na tanong ni Theodore na humarap sa lalaki, "Maraming beses siyang nagkaroon ng pagkakataon na tumakas pero hindi niya ginawa. Sa halip, tinulungan niya tayo. Hindi mo ba nakikita, Martin? Ibig-sabihin kaaway din niya ang mga kaaway natin ngayon..." Natahimik si Martin nang ilang minuto. Nagkatinginan din ang mga lalaki, nagtatanungan ang kanilang mga mata kung tama ba ang pasya ng pinuno. Subalit, sila man ay nalilito. Hindi nila kalahi ang bihag, bakit sila nito tinutulungan? Dahil ba kay Micah? "Pero kahit na boss! Inilalagay mo tayo sa alanganin!" Hindi na pinakinggan pa ni Theodore ang reklamo ni Martin. Tumingin muli siya sa dalaga at tinawag ito. "Micah." Tumango si Micah na parang natauhan. "Yes sir!" "Dalian mo." Pagkatapos mabilis na lumapit at lumuhod si Micah sa harap ng hapon. Napatingin naman ito sa babae, nagtatanong ang mga mata. Nagsimulang magsabi si Micah sa mabagal at pinag-isipang mga salita. "*たちは、あなたがさっきしてくれたことに**しています。そして、*の**たちがしたことについて**します" (Nagpapasalamat kami sa ginawa mo kanina. At humihingi kami ng paumanhin para sa ginawa ng mga kasamahan ko. ) "あなたに*ってほしいのですが… *したくないなら、**に*させるつもりはありません。ですが、*たちはできるだけ*くここを*れなければなりません." ( Gusto naming malaman mo na… kung ayaw mong magsalita, hindi ka namin pipilitin. Pero kailangan naming umalis dito sa lalong madaling panahon. ) そこで、あなたに*ねたいのですが、**に*る**はありますか? それとも、**で*くことを*びますか?(Kaya gusto kitang tanungin—sasama ka ba sa amin? O pipiliin mong mag-isang umalis?) *たちの**は、あなたを**にすると*っています..." (Sabi ng pinuno namin, malaya kang gawin ang gusto mo…) Napanganga ang lalaking hapon at napalingon sa gawi nila Theodore. Napaisip ito nang saglit at hinintay naman nila ang magiging sagot nito. Natahimik silang lahat. "Hayaan n'yo na nga 'yan! Umalis na tayo!" naiirita nang wika ni Martin at nauna nang maglakad paalis. "Tara na, Serrando!" Sumunod naman ang lalaking tinawag, nag-iwan ito ng tingin sa kanila bago bumuntot kay Martin. Napabuntong-hininga at napailing na lamang si Theodore. "Mabuti pa, umalis na tayo. Mukhang mas gusto ng taong iyan ang maglakbay na mag-isa. Huwag natin siyang puwersahin. Tama na ang mga sugat na natamo niya dahil sa 'tin." Pagkasabi niyon ay tumalikod na si Theodore, kinuha ang mga gamit at sumunod kina Martin at Serrando. “Dalhin ninyo ang mga sandata," paalala pa ng pinuno nila. Parang nag-aalinlangan pa ang mga lalaki na kumilos. Ngunit sumunod sila sa utos ni Theodore, tila walang lakas na binuhat nila ang kahon ng mga sandata at iba pang kagamitan. Samantala, hinihintay pa rin ni Micah ang pasya ng nasa harap. Nasa mga mata ng babae ang pagmamakaawa sa hapon na sumama sa kanila. Mali man pero may pakialam siya sa lalaki. Sinagip nito ang buhay nila, tinulungan sila kahit pa masama ang ginawa nila rito. "Micah." Nagpaiwan si Jaime at hinintay siyang tumayo. "Tara na." Mabigat man sa kalooban, tumayo si Micah. Baka maiwan siya ng mga kasamahan kung hindi pa siya kikilos. Wala na siyang sinabi pa sa hapon. Tumalikod na siya at lumapit kay Jaime. Aalis na sana silang dalawa nang matigilan, napalingon sila nang marinig na tumayo ang hapon at sumunod sa kanila sa likod. Nagkatinginan silang tatlo nang makahulugan, walang mga salita ngunit nagkaintindihan sila. Mukhang napagpasyahan ng estranghero na sasama ito sa kanila. *** Nagsimula na silang umusad patungo sa panibagong destinasyon. Hangga't mainit pa ang mga mata ng hapon sa kanila, kailangan nilang mag-iba ng ruta upang maiwasan na rin ang panibagong engkwentro sa mga kaaway. Habang naglalakad sila sa makapal na damo ng kagubatan, napalingon si Martin sa likod. Nasa likod niya si Theodore, kasunod nito sina Bernard at Abra. Nasa likod naman ng mga ito sina Micah, Jaime at ang hapon na hindi pa rin malaman ang pangalan. "Hindi ako makapaniwala na pinapabayaan lang nila ang hapon na 'yan!" wika ni Martin sa kapatid na nasa unahan. Kumunot ang noo ni Serrando sapagkat kahit walang tali ay sumusunod nga sa kanila ang hapon. At ito ang nasa pinakalikod. "Kapag may pagkakataon, Serrando. Patayin natin 'yan," wika ni Martin. Tumango lamang si Serrando at hindi na nagsalita. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD