Nang makarating sila sa maliit na Nayon ng Calawis, pinaiwan ni Theodore sina Martin, Jaime, Serrando at Bernard sa kagubatan. Samantalang sina Micah, Abra at ang hapon ay pinasunod niya sa bayan.
Nagtungo sila sa kabahayan, partikular sa bar kung saan nagpupulong ang ilang hapon upang magsugal at mag-inuman.
Pagkatok ni Theodore sa likod ng malaking bahay, nagulantang ang lalaking nagbukas niyon. Pagkatapos bumalik ito sa loob upang tawagin ang amo. Ilang saglit pa ay lumabas na ang may-ari ng bahay.
Batay sa singkit na mga mata at maputing kutis mahahalata na hindi Pilipino ang lalaki. Hindi inaasahan ng grupo na ang tinutukoy na kakilala ni Theodore sa lugar na iyon ay isa palang Chinese-Filipino.
Nagulantang ito nang makilala si Theodore, luminga-linga sa paligid na parang nagsuspentsa bago sinabing, "Pa-sok ka li-to."
Sumunod si Theodore at pumasok sa loob, bumuntot naman sila sa pinuno. Pinatuloy sila ng lalaki sa lagusang matatagpuan sa ilalim ng bahay. Mayroon palang lihim na silid doon.
"Siya si Mr. Lee Yuzon, matagal na kaming magkakilala, kabilang siya sa grupo ng Wha-Chi," maikling paliwanag ni Theodore sa mga kasamahan nang makarating sila sa taguan.
Wha-Chi. Sila ay mga boluntaryong Tsino na sumali sa gerilya upang lumaban sa pananakop ng mga Hapones. Dahil sa matagal nang pananatili sa Pilipinas, ang ilan sa mga ito ay natuto ng wikang Filipino.
"Puweydi manadili peilo di puweydi matagal," wika ni Mr. Yuzon sa tagalog subalit ang bigkas ay parang sa chinese pa rin kaya hindi nila masyadong naunawaan.
Mabuti na lamang at naintindihan ni Theodore ang sinabi nito. "Alam kong mahigpit din ang mga mata ng hapon sa lugar na ito, subalit kailangan talaga namin ng matutuluyan. Ang ilan sa mga kasamahan ko ay mga sugatan pa. Saglit lang kami."
"Peilo di kayo pu-weyde lahat sa pasugalan ko malami hapon li-to."
"Kung hindi pwede ay hindi pwede. Pero kung may kakilala ka na makakatulong sa amin, maaari bang ipagpaalam mo kami? Kahit isang araw lang, sapat na iyon sa 'min."
Napakamot ito sa ulong malapit nang mapanot. Napaisip ito nang saglit bago sinabi kay Theodore, "La-la-bas ako, u-u-sap ko ang ma-ga kasama peilo alam mo di puweydi kayo sa-ma-sa-ma. Hi-wa-lay ka-yo ba-hay," pasya nito at natigilan nang makita ang hapon na kasama nila.
"Sino yan?" Kunot-noong itinuro ni Mr. Yuzon ang lalaki.
Napalingon sila sa itinuro nito, lumilibot lamang ang tingin ng hapon sa paligid at hindi na naman nagsasalita.
"Kaalyansa 'yan. Huwag kang mag-alala sa kaniya. Magagamit namin siya kaya isinama namin dito," paninigurado ni Theodore.
"O chi-ge, balanakayo," huling wika nito bago tumalikod at bumalik sa itaas.
Habang nag-aantay sa pagbalik ni Mr. Yuzon, nagmuni-muni muna sila sa loob ng silid. Maya-maya pa ay napatingin si Theodore sa lamesang nasa gitna. Naroon ang ilang kopya ng peryodikong nagpapatuloy pa rin ang palimbagan subalit kontrolado ng mga hapon ang impormasyong nakasulat doon. Manila Tribune, Philippine Herald, Liwayway at Shimbun... ilan lamang iyon sa mga pahayagang hawak ng mga hapon.
Kinuha niya ang isa roon upang basahin ang headline na nasa harap. Nakakainip ang paghihintay kaya naisip niyang magbasa muna.
"Papalitan ang presidente?" Ikinagulat ni Micah ang nabasa roon. Nasa likod ni Theodore ang dalaga, nakikibasa sa hawak niya. Nakasilip din si Abra sa hawak niyang dyaryo.
"Si Jose P. Laurel ang itatalaga nilang presidente. Gagawin ito ng mga hapon upang itatag ang isang gobyernong makokontrol nila,"simpleng paliwanag ni Theodore.
"Paano si Manuel Quezon? Siya pa rin ang president natin, ah! Pumunta lamang siya sa Amerika para bumuo ng alyansa!" wika naman ni Abra.
"Hindi siya kinikilala ng mga hapon bilang presidente," wika ni Theodore at muling ibinaba ang hawak na peryodiko.
Naudlot ang pag-uusap nila nang bumalik si Mr. Yuzon sa loob ng silid. "Pa-yak na sila. May ma-ga ba-hay na ka-yong tutul-yan," anito.
"Maraming salamat, Mr. Yuzon. Isang pabor na lang, pwede ba kaming humiram ng mga damit?" huling hiling ni Theodore sa lalaki.
"Mey-lon ako sa ta-as." Itinuro nito ang kisame bago tumalikod upang kunin ang mga sinabi ng kausap.
"Maraming salamat muli," pahabol pa ni Theodore.
Nakahinga sila nang maluwag dahil sa wakas magkakaroon na rin sila ng pagkakataong makapagpahinga.
***
Dalawa sa mga kakilala ni Mr. Yuzon ang pumayag na pansamantalang kupkupin ang mga kabataan— sa tahanan ng mag-asawang nagmamay-ari ng pagawaan ng makinarya. At sa simbahang pinamumunuan ng isang pari na tumutulong din sa mga guerilla.
Pinulong muli ni Theodore ang mga kasamahan sa tagong parte ng kagubatan.
"Mapupunta si Abra sa tahanan ng mag-asawang matanda at kasama niya sina Jaime at Micah sa tahanan na iyon. Para hindi mahalata, magpapanggap raw kayong magkakapatid," paliwanag ni Theodore sa mga kasama.
"Samantalang sina Serrando, Martin at Bernard ay magpapanggap na mga altar server o sakristan sa simbahan. Huwag kayong magbibigay ng sakit sa ulo kay Padre Gomez."
Natawa sina Jaime nang marinig iyon. "Magiging alagad ng Diyos ang demonyo!" panunukso pa ni Jaime na tumingin kay Martin. Sumama naman ang tingin ng huli.
"Tama na nga 'yan! Para kayong mga bata!" Naiinis na si Theodore sa mga parinigan. Kahit sa totoo lamang ay puro mga bata pa ang kasama kaya isip-bata pa ang mga ito.
"Saan po kayo mananatili, bossing?" untag naman ni Abra kay Theodore.
"Mananatili kami sa bar ni Mr. Yuzon. Magkukunwari kaming mga trabahador doon at kasama ko ang lalaking iyan." Itinuro ni Theodore ang hapon na nasa likod ni Micah. Napatingin sila sa tinuran, nagtataka naman na itinuro ng hapon ang sarili sapagkat hindi nito naunawaan ang mga sinasabi ni Theodore.
"*はセオドアの**でいる." (Kimi wa Seodoa no mikata de iru.) Sinabi ni Micah na mananatili siya sa poder ni Theodore. Itinuro pa ng dalagita ang pinuno.
"You know a little bit of English?" unang beses na diretsong kinausap ni Theodore ang lalaking hapon.
Natahimik sila at hinintay ang magiging sagot ng lalaki. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ito ng tensyon dahil sa mga mata nilang nakatitig.
Nag-aalinlangan na tumango ito. Ibig-sabihin ay oo. Nakakaunawa ito kahit na kaunting ingles.
"Kung ganoon ay wala nang problema," desisyon ni Theodore at himalang walang umangal. "Tandaan ninyo, maging matalino at maingat kayo rito. May mga kempetai na umiikot sa lugar. Huwag kayong magpapahalata sa kilos."
Kempetai ang tawag sa mga hapon na tumutugis sa mga miyembro ng gerilya. Nagsisilbi silang mga secret police.
"Sige na. Kailangan na nating magpalit ng mga damit at pumunta sa kabahayan," utos ni Theodore sa mga ito at ibinigay ang mga damit na hiniram niya kay Mr. Yuzon.
***