Kabanata 17: Sa Bahay ng Mag-asawa

1125 Words
Nakabihis ng damit pang-sibilyan sina Micah, Jaime at Abra nang kumatok sila sa pinto ng tahanang itinuro sa kanila ni Mr. Yuzon. Nang maihatid sila roon ay iniwan na sila ng Tsinoy sa tapat ng pinto. Pagkatok nila ay pinagbuksan agad sila ng nasa loob. Walang tanong-tanong na pinatuloy agad sila ng mga ito, niyakap sila at kinamusta na animo'y mga dati na silang kakilala. Mukhang inaasahan na ng mga ito ang pagdating nila sa bahay. Nang ilibot nila ang paningin sa loob, nakita nila ang mga sirang makinilya na kinukumpuni ni Mang Ador. Katabi niyon ang makinang panahi ni Aling Selya. Isa palang tagakumpuni ang lalaki at mananahi naman ang babae. Nais sanang tanungin ni Micah kung nasaan ang mga anak ng dalawa subalit naunang magsalita si Mang Ador. "Sige na, alam kong pagod na pagod na kayo. Kumain muna kayo ng hapunan at magpahinga sa itaas. May bakanteng silid doon." "Magkaibigan din ba kayo ni Sir Theodore?" nais ni Micah ng kumpirmasyon. Hindi siya madaling magtiwala. Hindi naman kumibo sina Jaime at Abra. Sa halip na sumagot, ngumiti lamang si Aleng Selya at sinabing, "Mamaya na natin pag-usapan iyan, 'neng. Magpahinga muna kayo at kumain." Hindi alam ni Micah kung anong itutugon kaya si Jaime na ang sumalo. "Sige po, salamat po." Iginiya nito ang mga kaibigan at nagtungo sila sa hapagkainang nakahanda roon. Pinakalma ni Jaime ang dalawang kasama at pinaupo ang mga ito sa tapat ng lamesa. Nasamyo nila ang init at bango ng bagong lutong ulam. "Huwag kayong mag-alala, wala 'yang lason," parang biro pa ni Mang Ador nang makaupo rin silang mag-asawa sa tapat ng mesa. Nag-alinlangan tuloy ang tatlo na sumubo dahil sa kantyaw ng matandang lalaki. Subalit, naisip ni Jaime na, "Bahala na! Hindi naman siguro..." Kaya siya na ang unang tumikim ng putahe. Nang matikman ang masarap na lasa ng sabaw, sunod-sunod na siyang sumubo. Nang makita nina Micah at Abra na mukha namang walang dapat alalahanin, kumain na rin sila. Natawa na lamang ang dalawang matanda nang makita kung gaano kagana kumain ang tatlong kabataan sa harap nila. *** Nang matapos ang hapunan ay nagtungo sina Micah at Jaime sa nag-iisang bakanteng silid sa itaas upang makapagpahinga. Samantalang si Abra ay nagpaalam na may pupuntahan lamang. Sa bintanang naroon ay nakasandig si Jaime habang pinapanood ang mga tao sa labas ng bahay. May ilang kenpetai na naglalakad sa daanan, nakasuot sila ng unipormeng naaayon lamang sa kanilang mga rango bilang pulis. "Ang dami ngang kenpetai rito," pansin ni Jaime na nagbuga ng usok sa hangin. Napasimangot si Micah nang maamoy ang sigarilyo. Natigilan siya sa pagtatago ng mga armas. Mayroong lihim na lagayan sa ilalim ng papag. "Hindi ba't sinabi ko nang ayaw ko ng amoy ng sigarilyo! Kung gusto mong lutuin ang baga mo, wala akong paki pero huwag mo akong idamay riyan!" Kumunot ang noo ni Jaime subalit sumunod naman ito sa utos ng dalaga. "Napakaarte mo!" reklamo nito na naglakad palapit sa mesa at dinutdot ang dulo ng sigarilyo sa abuhan. Napairap si Micah. Nang maayos ang taguan ng armas, tumayo ang babae at tumingin din sa bintana. Napansin din ni Micah ang mga hapon na pakalat-kalat sa lugar at may kabuntot itong mga Pilipino. "Sino 'yong mga kasama ng Kenpetai?" "Ang ilan sa mga Pilipinong kasama nila ay mga dating opisyales ng bayan. Walang pagpipilian ang mga taong iyon kundi ang sumapi sa mga kalaban, kundi papatayin ang mga kapamilya nila," paliwanag ni Jaime, pagkatapos ay napabuntong-hininga. "Isang taon na ang lumipas at ngayon lang muli ako nakakain ng matinong pagkain. Ngayon lang muli ako kumain sa tapat ng lamesa. Pero alam kong hindi tayo maaaring magtagal dito..." may lungkot sa tinig ng binata. "Kailan kaya tayo makakatikim muli ng ganoong kasarap na pagkain?" Tila nadurog ang puso ni Micah. Nauunawaan niya ang nasa kalooban ng kausap. Pansamantala lamang ang kapahingahan na tinatamasa nila ngayon. Kinabukasan o sa mga susunod na araw, heto na naman sila sa paglalakbay at pakikidigma. Walang kasiguraduhan ang kanilang buhay at kaligtasan. Natahimik silang pareho. Pagkuwa'y naglakad si Jaime at ibinagsak nito ang katawan sa malambot na higaan. "Nakaka-miss ang humiga sa kama!" "Sandali lang, huwag mong sabihin na diyan ka matutulog?" Lumapit si Micah sa lalaki at napatitig naman ito sa kaniya. "Bakit? May problema?" "At saan ako hihiga, aber?" "D'yan sa lapag." Itinuro ni Jaime ang sahig. "Ang kapal talaga ng apog mo!" Nabuysit na napalo niya ito sa hita. "Kung ayaw mo d'yan. Pwede ka naman tumabi sa 'kin, walang problema." Nang-aasar pa nitong wika na umurong at tinapik-tapik ang tabi. Napaismid si Micah. "Hindi bale na lang!" Pinagkrus niya ang mga braso at napairap. "Micah, kahit babae ka wala akong balak na patulan ka. Huwag kang magpantasya sa utak mo. Kahit ikulong pa tayong dalawa sa loob ng kuwarto, walang magaganap!" "Tang-ina mo!" mura ni Micah na napipikon na sa panunukso nito. "Hindi ko 'yan naiisip, no?" "Eh, ba't ayaw mo pang humiga rito." Hindi alam ni Micah kung anong itutugon. Nais niyang burahin ang malaking ngisi sa mukha ng lalaki ngunit hindi niya alam kung paano. "Heh! Hindi bale na lang! Sa banig na lang ako matutulog! Kayo na d'yan ni Abra." Nagbago ang kaniyang ekspresyon nang maalala ang binatilyo. "Oo nga pala, si Abra ay nasaan?!" "Nandoon pa sa labas," mono-tone na sagot ni Jaime, "Pinapakabisado sa kaniya ni bossing ang mga daan at kalye rito." Napaisip si Micah nang marinig iyon. Kung ganoon ay may personal na misyon pala si Abra sa lugar na ito. Ngunit bakit kaya? Ano kaya ang binabalak ni Theodore? *** Samantala, pinagpawisan naman si Theodore sa kaba. Kanina lamang ay kasama niya ang hapon sa paghihiwa ng sibuyas at bawang. Pansamantala silang magpapanggap na trabahador sa bar-resto ni Mr. Yuzon subalit pagkaraan lamang ng ilang sandali ay biglang nawala ang hapon sa tabi niya. Kinakabahan na lumabas siya sa bar at hinanap ang hapon na kasama. Nagkamali ba siya ng pasya? Paano kung tumakas ang lalaki? At kinuha lamang niyon ang loob nila para makahanap ng tiyempo upang makatakas at makapagsumbong? Nagmamadali ang mga paa niya kahit hindi sigurado kung saan papunta. Pinalad naman siya nang makita iyon sa gilid ng gusali. Nagtatapon lang pala ng basura ang lalaki. Nakahinga siya nang maluwag, napasapo sa noo at napailing sa sarili. Kung anong-anong iniisip niya, wala naman palang dapat ikabahala. "Magpaalam ka naman kung aalis ka!" Lumapit siya sa lalaki at hinawakan ito sa balikat. "Naintindihan mo?" Nagtaka ang mukha nito subalit mukha namang naunawaan ang mga sinasabi niya. "Don't go anywhere without my permission! You need to tell it to me first!" Pagod na pagod na napabuntong-hininga siya. Hinila ang damit ng lalaki at kinaladkad ito pabalik sa bar. Hindi naman ito nagpumiglas. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD