Pagkalipas ng tatlong araw...
Ang akala ni Theodore na hindi na mauulit ay magaganap pala nang maraming beses. Sumasakit ang ulo niya sa kakahabol sa hapon na bigla na lamang nawawala sa tabi niya. Gayunman, gumagala lamang ang lalaki sa lugar upang tumulong sa mga sibilyan.
Madalas niya itong mahuli na umaakay sa mga matatandang tumatawid sa kalsada, nag-aayos ng mga sirang bakod at tumutulong magbuhat ng mga paninda sa pamilihan. Mukha ring nakagaanan ng loob ito ng ilang Pilipinong naninirahan doon.
Hindi naman tumatakas ang lalaki, bumabalik din naman ito sa poder niya pagkatapos nitong gumawa ng iba't ibang trabaho sa labas. Hindi rin ito nagsasalita, kahit sa harap ng mga sundalong hapon na nag-iinuman at nagsusugal sa bar, hindi nito binubuka ang bibig. Kahit pa paminsan-minsan ay parang pinagtri-tripan ito ng mga Pilipino at Hapon na naroon.
Minsan ay naaawa siya rito. Minsan naman ay pinapabayaan na lamang niya ang binata. At mahirap nang laging nakabuntot at nakabantay sa isang tao.
Ang tingin ng karamihan sa misteryosong lalaki ay pipi. Subalit alam ni Theodore na hindi pipi ang loko-loko, sadyang pinipili lamang nito na hindi magsalita.
Napabuntong-hininga si Theodore na sumandig sa pinto ng kusina at nakatanaw sa bughaw na kalangitan, sumasabay ang daloy ng utak niya sa banayad na paggalaw ng mga ulap. Naisip niyang magpahinga muna habang hinihintay ang pagkulo ng sinaing na niluluto sa kusina.
Nagsindi siya ng sigarilyo at nagbuga ng usok sa hangin. At habang nakatingin sa mga ulap, napagtanto niya kung gaano kapayapa ang umagang ito. Animo'y malayo sila sa digmaan kahit ang totoo'y katabi lamang nila ang sigalot.
Subalit hanggang kailan ang kapayapaan na ito?
Pinag-iisipan pa ni Theodore kung ito na ba ang tamang pagkakataon para lumisan sa Calawis at ipagpatuloy ang paglalakbay patungong Tanay.
Kailan nga ba sila aalis? Hanggang saan sila mananatili rito?
Magkasama sina Abra, Micah at Jaime sa tahanan ng dalawang matandang kabilang din sa Wha-Chi. Samantalang sina Bernard, Martin at Serrando ay nasa piling naman ng simbahan at nagpapanggap bilang mga sakristan ni Padre Gomez, isang pari na tumutulong din sa mga guerilla. At marahil naghihintay rin sa kaniyang utos at senyales ang mga kagrupo.
Tatlong araw ang mabilis na lumipas, subalit wala pa rin siyang nakukuhang panibagong impormasyon ukol sa mga kasamahan nilang nagtatago sa Tanay. Sa totoo lamang, hindi niya alam kung anong susunod na magiging hakbang.
Kung makapadpad man sila sa Tanay at mahanap nila ang ibang miyembro ng mga Hunters, ano naman ang gagawin nila pagkatapos?
Isa pa, wala siyang ideya kung anong gagawin nila sa hapon na nakabuntot sa kanila. Paano niya ipapaliwanag sa kumander nila ang sitwasyon? Hindi man niya gusto, subalit kailangan niyang iharap ang kaibigang hapon sa kanilang pinakapinuno. At kung anumang maging pasya ng kumander ay hindi sila makakatutol. Wala siyang magagawa. Susunod siya sa utos kahit sabihin nitong ipapapatay ang pobreng lalaki.
Malalim siyang napabuntong-hininga. Kailan ba siya nagkaroon ng pakialam sa hapon na iyon? Ito nga at wala na naman sa tabi niya ang mokong...
Naudlot ang malalim na iniisip niya nang matanawan ang isang pamilyar na mukha sa hindi kalayuan. Tumuwid siya nang tayo at sinalubong ang papalapit na binatilyo.
Hinihingal at pawisan na lumapit sa kaniya si Abra. Nakakunot ang noo nito at halos nakapikit ang mga mata dahil sa mataas na sikat ng araw.
"Tatlong araw na Abra, sana nakabisado mo na ang pasikot-sikot dito," umpisa niya rito.
Opo, boss. Kabisado ko na. Mag-doble ingat lang po tayo dahil hindi lang hapon ang mga kalaban natin dito. May mga Pilipinong espiya rin po na gumagala-gala sa lugar."
Napahawak si Theodore sa baba. "Pilipinong espiya?" Napaisip siya nang malalim subalit naudlot nang marinig na magsalita muli si Abra.
"Naghihintay po sina Ate Micah at Kuya Jaime ng balita sa inyo. Pati na rin po sila Kuya Bernard sa parokya. Kailan ba raw tayo aalis?"
Naiinip na siguro sila rito, gusto na nilang umalis. Kung ganoon ay kailangan ko nang magpasya. — sa isip ni Theodore.
"Balita ko ay sinuyod ng mga hapon ang Pinugay. Tama lang na umikot tayo ng daan. Kailangan na nating maghanda dahil bukas ay aalis na tayo," aniya.
"Sige po, sasabihin ko po sa kanila, boss." Hindi lang magaling na land navigator ang binatilyo, magaling din itong maniktik at magbigay ng mensahe sa mga kasamahang malayo sa kaniya.
"Ito, itago mo." Ibinigay niya nang palihim ang compass na nakupit niya sa ilang mga hapon na nakatulog sa bar dahil sa sobrang kalasingan. Mabilisan na kinuha iyon ni Abra at inilagay sa bulsa. "Kapag nagbigay ako ng senyas, ikaw na ang bahalang magsabi sa kanila. Abra, kabisado mo ang lugar na ito, may tiwala ako sa kakayahan mong makahanap ng rutang malulusutan."
Tumango lamang ang batang lalaki. "Opo, Ah...." Binuka nito ang bibig na tila may naalala. "Si Yamyam, boss?"
Kumunot ang noo niya dahil hindi niya naunawaan ang sinabi nito. "Ano?"
"Si Yamyam po?"
"Sinong Yamyam?!" Halos lumaki ang butas ng ilong niya dahil sa pagtataka sa tinutukoy nito.
"Ay, 'di n'yo pa rin ba alam ang pangalan niya?"
"Ha?!" Lumaki naman ngayon ang buka ng kaniyang bibig.
"Itsuki Yamamoto, 'yan ang buo niyang pangalan. Hindi mo ba alam, bossing? Yamamoto-san ang tawag sa kaniya ng ilan. Ako, binigyan ko siya ng nickname na Yamyam." Tila pinagmamalaki pang wika ni Abra na may ngiti sa labi at tinuro pa ang dibdib.
Nakaramdam ng pagkabuysit si Theodore sa kausap. Alam na pala nito ang pangalan ng hapon na kasama nila, hindi pa nito sinabi sa kaniya.
"Punyeta!" Kinuyom niya ang kamao at kinutongan ito sa ulo, napa-aray naman ito at napahawak sa bumbunan.
"B-Bakit bossing?" nagtatakang tanong nito.
"Alam mo na pala pangalan ng taong 'yon, hindi mo pa pinaalam sa 'kin? At paano mo nalaman, ha?" pag-uusisa niya.
"Nitong mga nakalipas na araw, madalas ko siyang makita sa labasan. Sinusundan ko dahil baka isumbong niya tayo. Marami siyang pagkakataon na magtraydor sa 'tin pero hindi niya ginawa. Tapos, hayun! Nahuli niya akong sumusunod sa kaniya, pagkatapos niyaya ko siyang magsanay sa pag-asinta ng target," paliwanag naman ni Abra na sumama ang loob dahil nabatukan ng pinuno. "Sinabi ko sa kaniya kahapon kung pwedeng mag-praktis ulit kami ngayong araw."
Hindi makapaniwala si Theodore sa narinig. "Kinakausap ka ni Yamamoto-san?"
Tumango si Abra. "Nagsa-sign language siya. Nalaman ko kung anong pangalan niya dahil isinulat niya sa buhangin gamit ang patpat. Marunong siya ng alpabet. Pero kadalasan, patango-tango at pailing-iling lang siya kapag kinakausap ko."
"Pero nakakaintindi siya ng Tagalog?"
Napaisip nang saglit si Abra, napatingin siya sa itaas at napahawak sa baba. Pagkatapos, tumango siya. "Opo, boss. Hindi naman ako nag-i-ingles o nagni-nihongo pero nauunawaan niya ang sinasabi ko."
Bago ito sa kaniya. Nakakaintindi pala ng Filipino ang loko-loko? At mukhang magaan ang loob ng kaibigang hapon kay Abra.
"Abra, maraming beses na pinilit ni Micah na makausap ang lalaking 'yon. Papaano mo nagawang mapalapit kay Yamamoto? Bakit pagdating sa 'yo ay tila wala siyang problemang makisalamuha? Ngunit pagdating sa 'min ay umiilag siya."
Nagkibit lamang ng balikat si Abra. Hindi rin nito maunawaan kung bakit. Subalit may ideya na agad si Theodore kung anong dahilan. Marahil dahil bata pa si Abra, kaya hindi naiilang si Yamamoto na makisama rito.
"Pero isa pa ring palaisipan, kung nakakaintindi siya ng Tagalog at marunong siya makisalamuha sa mga Pilipinong nakatira dito... ibig-sabihin ay matagal na siyang nasa Pilipinas. Kakaiba talaga ang lalaking 'yon." Napaisip nang malalim si Theodore. "Punong-puno pa rin ng misteryo sa 'kin ang Yamamotong 'yan."
"Huwag natin s'yang pilitin kung ayaw niyang magsalita, bossing. Mabait naman s'ya. Mas mabait pa nga s'ya kumpara kay Martin. Naturingan pa naman na sakristan ngayon si Martin." Natawa si Abra nang may maalala. "Nahuli daw siya ni Padre Gomez na naninilip sa kumbento ng mga madre!"
Mapalad pa ang lugar na ito dahil wala pang sinisira ang mga hapon. Samantalang sa kabihasnang Maynila, giniba at pinasabog ang ibang mga simbahan. Kinitil ang buhay ng mga pari, madre at mga taong nasa kumbento.
Kinamumuhian ng mga hapon ang mga impluwensya ng kanlurang bansa. Kaya walang pag-aalinlangan na sinira ng mga ito ang mga arkitekturang espanyol at mga cathedral.
Ngunit isa sa mga pinangangambahan ni Theodore- ang biglaang pagsugod ng batalyong sundalong hapon dito upang maghasik ng lagim. Sana walang makaalam na maraming miyembro ng guerilla na nagtatago rito. Kapag nakarating sa kinauukulan na karamihan dito ay tumutulong sa Filipino Resistance Group, siguradong ibabagsak nila ang barangay na ito.
Muling napabuntong-hininga si Theodore. "Hinahanap mo si Yamamoto-san, 'di ba?"
Sumeryoso ang mukha ni Abra nang mapansin ang pag-iiba ng kaniyang tono.
"Maya-maya ay babalik din 'yon dito. Saan ba kayo nagprapraktis ng pagbaril? Dadalhin ko na lang siya roon," bilin ni Theodore.
"Sasama po kayo, boss?" Nagtaka agad si Abra. Minsan talaga ay mahirap maunawaan ang takbo ng isip ng kanilang pinuno.
"Oo. Sunduin mo rin sina Micah at Jaime. Gusto ko silang makausap," utos niya sa binatilyo.
***
Samantala, dinig na dinig ang pagtatalo nina Micah at Jaime mula sa sala ng tahanan. Natatawa tuloy ang mag-asawang matanda sa mga ito habang nagluluto sila ng almusal sa kusina.
Pinagtatalunan ng dalawa ang sigarilyong tinago kamo ni Micah habang natutulog ang lalaki. Sa huli ay hindi natiis ng konsensya ni Jaime na patulugin ang babae sa malamig na lapag, kaya ito na ang nagsakripisyong humiga sa banig katabi si Abra. Subalit nang umagang nagising ang binata, hindi na mahagilap nito ang isang kaha ng sigarilyo.
"Saan mo dinala? Alam mo bang pinaghirapan kong kupitin iyon!" Nagpuputok na ang butsi ni Jaime na nakikipag-argumento sa babae.
"Aba'y ewan ko sa 'yo! Ikaw lang naman ang gumagalaw n'yon. Ako pa ang sinisisi mo," pagtataray ni Micah na nagtaas pa ng kilay.
"Naaalala ko tuloy ang kabataan naming mag-asawa." Naudlot ang pagtatalo nila nang sumabat si Aleng Selya, may malapad itong ngiti sa labi. "Iyan din ang madalas naming pag-awayan. Tinatapon ko ang tobacco ni Ador noon." Natawa ito nang maalala iyon.
"Kung magtalo kayo ay para na kayong mag-asawa, 'yan ang gustong sabihin ng mahal ko," tudyo din ni Mang Ador na nakangisi pa.
Napatingin silang dalawa sa isa't isa at napanganga nang mabasa ang nasa isip ng kaharap.
Para mapawi ang pagkapahiya at pamumula ng mukha dahil sa hiya, pinagtakpan ni Jaime ang damdamin gamit ang pang-iinsulto sa kausap. "Hindi 'yan mangyayari! Napakaarte ng babae na 'yan!"
"Kapal ng mukha mo, hindi rin ako papatol sa taong amoy baktol tuwing umaga!" Hindi magpapatalong panlalait ni Micah.
Naudlot ang kanilang mahabang pagbabatuhan nang salita nang may kumatok sa pinto. Pinagbuksan agad ni Jaime ang taong nambubulabog at ikinagulat pa nang makita si Abra na nakatayo roon. "Gusto raw kayong makausap ni bossing," wika agad ng binatilyo.
***