Tulala siyang bumalik sa kinaroroonan ng mga kasamahan, lumilipad ang kaniyang isip dahil sa bigat ng pasanin sa balikat. Sa huli, iniwan niya rin ang batang babae roon. Ano naman kasi ang kaniyang magagawa?
"Hoy, kung squad leader n'yo lang ako, matagal na kitang binigyan ng disciplinary action." Ito ang bungad sa kaniya ni Jaime nang makalapit siya sa grupo. "Kung saan-saan ka nagpupupunta."
Kasama ng mga ito si Bernard na nag-aalala ang itsura, mukhang kanina pa ito natatakot para sa kaniya.
"Nandito na ako, ano pa bang problema ninyo?" tugon niya rito, medyo nakonsensya siya nang mapagtantong pinag-alala niya ang mga kasama.
Naudlot ang pag-uusap nila nang mamataan ang grupo nila Theodore na naglalakad patungo sa kabilang direksyon. Nagkatinginan sila subalit hindi na ito nagbitaw ng mga salita, pasimpleng itinuro ng kanilang pinuno ang tagong kakahuyan na para bang pinapupunta sila sa direksyon na iyon.
Isa lang ang ibig-sabihin nito, hindi dapat sila magpahalata. Kung magkukumpulan sila sa mata ng publiko, masisita sila ng mga hapon na madaling manghinala sa tao. Kaya kung nais nilang mag-usap nang pansamantala, kailangan nilang makahanap muna ng matataguan.
Hindi na sila nagbatian, bagkos hinayaan muna nila ang pangalawang grupo na makaalpas sa kanilang kinaroroonan. Nang mawala ang mga ito sa kanilang paningin, sumunod silang nagtungo sa lugar na itinuro ni Theodore.
Tahimik silang naglakad patungo roon. Ilang minuto silang lumibot, hindi nila matagpuan kung saan lumusot ang pangalawang grupo. Nasa kalagitnaan ng makitid at masukal na daan sila nang may sumutsot sa kanilang gawi. Napalingon sila roon at nakita si Serrando, pinasusunod sila ng mga ito.
At sa wakas nagtagpo na rin ang dalawang grupo sa tagong espasyo ng kagubatan. Pinaupo sila ni Theodore at nakabilog silang masisinsinang nag-usap.
"Totoo nga. Nagtatago sila ng mga sandata at supply ng pagkain sa kwebang pinakamalapit dito," umpisa ni Micah ng pagbibigay ng impormasyon.
"Hindi tayo maaaring sumugod na walang plano. Magmanman muna tayo sa lugar na iyon. Bilangin muna natin kung ilang sundalo ang nagbabantay roon. At alamin natin kung saan ang pasukan at saan ang labasan," wika naman ni Theodore sa mga kasama. "Tandaan n'yo, halos wala nang bala ang mga baril natin. Huwag kayong magsasayang ng bala..."
Lumulutang pa rin ang isip ni Micah at wala na ang atensyon sa mga sinasabing pagpapaliwanag ni Theodore. Naalala niya ang hapon na sumagip sa batang-babae kanina, nagugulumihanan pa rin siya sa mga pangyayari. Nagugunita rin niya ang mukha ng kaniyang Ate Helen at ang possibleng iyon na ang magiging huli nilang pagkikita.
"Micah, nakikinig ka ba?"
Naudlot ang kaniyang malalim na iniisip nang marinig ang pangalan. Napatingin siya kay Sergent Theodore at napansing nakatutok din ang mga mata ng mga kasamahan niya sa kaniya.
"Ah, o-opo." Nailang siya na nagbawi ng tingin.
"Ikaw ang nakakaalam ng lugar. Pupunta kayo roon, isama mo sina Bernard at Jaime. Pagkatapos ninyong magmanman, bumalik kayo rito para makapagplano tayo. Huwag lang kayong magpahalata sa mga ginagawa ninyo."
Tumango lamang siya.
"At huwag ka rin sana kung saan-saan nagpupupunta," bulong ni Jaime, pasimpleng patama sa kaniya.
Inirapan na lamang niya ang lalaki at hindi na sumagot pa sa panunukso nito.
At nagpunta nga sila sa kwebang binanggit ni Helen. May mga hapon ngang nagbabantay roon subalit kakaunti lamang at parang nandoon lamang ang mga iyon upang tumambay. Dalawang hapon ang naglalabas-pasok sa bungad ng kweba, subalit hindi nila sigurado kung may mga kalaban din sa loob. Kailangan nilang maghanda, lalo pa't ang pasukan at labasan ay iisa lamang.
Nang masuri ang target na lugar, bumalik ang grupo nila Micah sa kinaroroonan ng pinuno- upang makapaghanda sila at mapag-usapan ng planong pagsugod.
***