Kabanata 12: Check-Point

878 Words
Butil-butil ang pawis sa noo ni Theodore habang nakatitig ito sa unahan ng sasakyan. Nakapuwesto siya sa likod habang si Micah ang may hawak ng manibela at katabi nito ang hapon na bihag. Si Martin ang nasa likod ng hapon at palihim na nakatutok ang baril na hawak nito sa tinuran— sapagkat hindi pa rin nagtitiwala si Martin sa lalaki. Para tuloy siyang nagsisisi na pinayagan niya ang binabalak ni Micah. Mas kinakabahan tuloy siya sa magiging resulta nito kaysa sa posibleng pagsugod sa kanila ng mga kalaban— iyon ay kapag nabuking sila. Walang kasiguraduhan na hindi sila isumbong ng bihag na hapon. At si Micah, kaya ba nitong makipag-usap sa mga iyon na hindi nahahalata na sila'y mga dayo? Nakasuot ngayon ng unipormeng pang-hapon si Micah, nilimas nila ang mga damit ng mga napatay nila kanina. Pati na rin ang mga sandata niyon. Hindi naman nila hinayaan lamang sa kalsada ang mga bangkay, bagkos naghukay sila ng lupa upang ang mga iyon ay mailibing. Alam ni Theodore na mas kapani-paniwala kung sila ay nakayuko na para bang naghihirap sa dinadanas. "Magsi-yuko kayo. Huwag ninyong papakita ang mukha ninyo," wika niya sa mga ito nang makitang malapit na sila sa checkpoint. "At maging alerto kayo, kapag nahuli tayo, sugod agad." Nanalangin siya na sana ay hindi rin mabuking si Micah na ngayo'y nakasuot muli ng panlalaking damit at nakasumbrero. "Karera ni hanashikakenaide yo," kinausap naman ni Micah ang katabi. Binantaan niya ito na huwag magsasalita. "Samonaito shinu yo," idinugtong niya na kundi ay mamamatay ito. Hindi naman ito umimik at hindi rin tumingin sa kaniya. Kumunot ang noo ni Micah sapagkat mukhang wala namang balak na magpumiglas ang lalaki. Katulad ng kahapon at magdamag, wala pa rin itong kibo. Huminto ang sasakyan. At halos mapigilan nilang lahat ang paghinga at pagtibok ng puso dahil sa kaba. Katulad ng inaasahan, may kumausap agad kay Micah mula sa labas ng sasakyan. Tumingin ito sa likod at tumaas ang isang kilay nang makitang mga Pilipino iyon na tila nakaposas at nakatali. "**は**に**します。**も**です。**なら、これが*のIDです。" (Horyo wa honbu ni isou shimasu. Buki mo douyou desu. Hitsuyou nara, kore ga watashi no ID desu.) Ipinaliwanag ni Micah na mga bihag ang mga Pilipinong nasa likod at napag-utusan lamang sila na ilipat ang mga ito. Inabot din ni Micah ang pekeng Japanese military I.D. Syempre, mayroon silang mga pekeng dokumento na nakahanda sapagkat pinapanindigan talaga nila ang pagiging magagaling na raiders. At dito sila pinakamagaling— sa pagpapanggap. Subalit parang may alinlangan pa rin sa puso ng nagbabantay. Nagtataka itong bumaling sa katabi ni Micah na hapon. "あなたは?*ですか?" (Anata wa? Dare desu ka?) Kinilabutan si Micah nang mapagtantong pati pala ang katabi niya ay uusisain. Tinanong nito kung sino ang lalaking katabi. Halos tumalon din ang mga puso ng mga kasamahan niya sa likod. Humigpit ang pagkakakapit ni Martin sa hawak na sandata. Napatingin ang hapon sa lalaking nagbabantay sa check-point. Wala naman itong sinabi at kinuha din nito ang ID na nasa loob ng bulsa. Inabot din nito iyon sa lalaki. Nakahinga nang maluwag si Micah, tumupad ito sa usapan na hindi magsasalita sa kalaban. Ngunit nanlaki ang mga mata niya nang biglang sumaludo ang tagabantay nang mabasa nito ang ID ng hapong katabi. "ご**をおかけして*し*ありません、**。**っても***です。" (Gofuben o okake shite moushiwake arimasen, sensei. Ima itte mo daijoubu desu.) Humingi ng tawad ang lalaking nagbabantay sa checkpoint at sinabi nitong pwede na silang dumaan. Pagkatapos ay ibinalik nito ang kanilang mga dokumento. Batay sa paggamit nito ng salita, tila nirerespeto nito ang kausap. "ありがとうございます" (Arigatou gozaimasu) Nagpasalamat si Micah bago niya muling binuhay ang makina ng sasakyan at nagpatuloy siya sa pagmamaneho. Nakahinga nang maluwag ang lahat nang makaalpas sila sa checkpoint. Nang makasigurado na nakalayo na sila sa mga hapon na nagbabantay. Bumaling si Micah sa katabi na nakatingin lamang sa labas ng sasakyan. "**は*ですか?" (Hontou wa dare desu ka?) Itinanong niya kung sino ba talaga ito. Sigurado siyang mataas ang rango ng katabi dahil sumaludo ang isang private dito kanina. Wala pa rin itong sinagot sa kaniya. Nagkibit lang ito ng balikat. "Ano? Pababalikin ko na ba rito 'yan?" untag ni Martin na tinanggal ang pekeng pagkakaposas sa kamay at inilabas na ang baril na kanina pa nakatutok sa kasamang hapon. "Huwag muna!" sumingit si Theodore. "Mamaya na at baka may makapansin muli sa 'tin." Nagkatinginan sina Theodore at Micah. Kapwa, nagtataka sila sa hapon na kasama. Hindi ito nagsasalita subalit tumutulong ito sa kanila. Hindi nila maunawaan kung anong tumatakbo sa isip ng estranghero. At batay rin sa pagsaludo ng sundalo kanina, mas mataas nga ang military rank ng taong ito kumpara sa nagbabantay sa checkpoint. Sino ba ito? Naguguluhan na sila ukol sa lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD