"Pa, gusto kong magsundalo..."
"Hindi pwede dahil babae ka!"
Bakit bigla na lamang nagugunita ni Theodore ang nakaraan? Bakit bigla na naman niyang naalala ang yumaong anak na dalaga?
Kasalanan ni Micah— sa isip ni Theodore.
Kahit kadalasan ay nais niyang protektahan si Micah, may mga pagkakataon na naiinis siya rito. Dahil pinapaalala ni Micah ang kaniyang anak na babae.
Subalit iba ang paniniwala niya pagdating sa mga ganitong bagay. Hindi nauunawaan ng bunso niya ang kaniyang rason. Ayaw niya itong pumasok sa militar, hindi dahil sa maliit ang tingin niya sa mga kababaihan. Kundi dahil alam niya ang hirap at pasakit ng pagiging sundalo. Ayaw lamang niya maranasan ng anak ang mga paghihirap na iyon. Mga araw na walang pahinga, mga gabing walang tulog at mga pagkakataon na magtitiis sa gutom.
Isa pa sa kinakatakot niya, ang mapagsamantalahan ang kaniyang anak. Marahas ang mga kalalakihan sa industriya.
At ngayon na nandito si Micah— isang babaeng katulad ng anak niya. Mapusok, matapang at may abilidad. Natatakot si Theodore sa maraming bagay. Nagising ang paternal instinct niya na akala niya'y naglaho simula nang mamatay ang kaniyang anak na dalaga.
Paano ba raw maging masama? Ewan niya. Walang nakakaalam kung kailan o paano nagiging masama ang isang tao. Subalit palaging may dahilan kung bakit nagaganap iyon.
Noong una rin, halos maihi siya sa pantalon bago niya unang kalabitin ang baril. Nangangatog din ang mga kamay at tuhod niya sa una. Subalit, dumating siya sa puntong kailangan niyang pumatay kundi siya ang mamamatay. Kusa niyang kinalabit ang gatilyo at iyon ang unang pagkakataon na nakapatay siya ng tao.
Nakakabigla rin. Subalit ang isa ay masundan pa ng pangalawa, pangatlo, pang-apat, panglima...
Mga pagkakataon na tinanong niya ang sarili kung tao pa ba siya?
Kung siya ang tatanungin, matagal nang naglaho ang kaniyang konsensya simula nang pumatay siya. At isa lamang ang hangarin niya— ang maipanalo ang digmaan upang wala nang pamilya ang mawawasak.
Naudlot ang pagkakaidlip ni Theodore nang tapikin siya ng katabi. Nagulantang na mabilis niyang minulat ang mga mata at natatarantang tumingin sa paligid. Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog pala siya.
Sa likod ng military vehicle ay nakaupo ang grupo, nakasandig sa haligi at mga tulog din. Sinamantala ng mga ito ang pagkakataon na makapagpahinga.
Samantala, nakatulala lamang ang hapon na bihag nila, walang kibo pa rin ito na para bang may sariling mundo. Kumunot ang noo ni Theodore. Bakit parang may kakaiba sa lalaking iyon? Masyado itong kampante. Hindi nagpupumiglas at sumusunod sa kanila. Isa pa, isang palaisipan ang sinabi sa kaniya ni Micah. Niligtas daw ng hapon na ito ang mga buhay nila. Kung totoo man iyon, bakit nito iyon ginawa?
"Boss, pasenya na sa pang-iistorbo sa tulog mo pero may problema tayo," wika ni Jaime na biglang inihinto ang sasakyan sa gitna ng daan.
Nagtatakang napatingin siya kay Jaime na siyang nagmamaneho sa sasakyang ninakaw. "Ano iyon?"
Nginuso ni Jaime ang harap. Saka lamang niya naaninag na may nakaharang sa dulo ng kalsada. Kinapkap ni Theodore ang bulsa at inilabas ang binocular upang matingnan nang maigi kung ano iyon.
Napagtanto niya na may check-point sa dadaanan, at may apat na hapon na nakabantay roon. At sa likod ng mga ito ay may mga tent. "Patay na..." bulong niya. Ibinaba niya ang hawak at lumingon. "Magsi-gising kayo!" sinigawan at yinugyog niya ang pinakamalapit sa kaniyang puwesto. Nagising naman agad si Bernard at pinagtatapik nito ang mga kasamahan.
"Anong gagawin natin?" untag ni Jaime.
"Magtataka ang mga 'yan kapag nakitang karamihan sa atin ay Pilipino," hula ni Theodore.
"Sugurin na lang natin. Unahan na natin sila!" sabat ni Martin na lumapit sa kanila. Gising na gising na agad ang lalaki.
"Hindi tayo pwedeng mapalaban ngayon. Hindi mo ba nakikita na may kampong malapit sa checkpoint. Hindi natin kaya ang bilang nila," pagtanggi ni Micah.
"Bakit? May naisip ka bang ibang paraan?" untag ni Martin.
Saglit na hindi nakakibo ang dalagita na para bang napaisip nang malalim. Pagkatapos, napatingin ito sa likod at sinulyapan ang hapon na bihag. May determinasyon sa mata na bumaling ang babae kay Theodore. "Sir, paki-usap pagbigyan ninyo sana ang plano ko."
Hinayaan niya ang dalagita sa pagsalaysay ng naiiisip nitong paraan. At nang maipaliwanag ni Micah ang buong plano, kaniya-kaniyang reaksyon ang grupo.
"Hindi pwede iyan!" tutol agad ni Martin, "Nababaliw ka na ba? Paano kapag nakatakas iyan?" Itinuro pa nito ang bihag.
"Hindi siya makakatakas! Babantayan n'yo siya sa likod. At ako na ang bahala sa iba!" pagsusumigaw ni Micah.
"Please lang, bago kayo magtalo, magpasya muna kayo ng gagawin," sumingit si Jaime sa usapan habang nakatuon pa rin ang mga mata sa harap. "Napansin na tayo ng mga nagbabantay sa checkpoint. Kapag hindi pa tayo umandar ngayon baka sila na ang lumapit dito."
Inumpisahan muli ni Jaime ang pagbuhay sa makina ng sasakyan. "Ano na? Dalian ninyo!" banta pa nito sa mga kagrupo.
Napabuntong-hininga si Theodore nang malalim bago bumaling kay Micah. Wala siyang maisip na ibang paraan. Kailangan magbaka-sakali sa plano ng dalagita. "Ano pa ginagawa ninyo? Sundin niyo ang sinabi ni Micah!"
"Ano?!" ganoon na lamang ang pagtutol ni Martin subalit wala na siyang magagawa pa sa pasya ng pinuno.
***