Masakit ang mga mata ni Micah. Ipinikit-pikit niya ang mga talukap subalit pagod pa rin ang balitataw. Pinipigilan niya ang sarili na makatulog o bumagsak na lamang dahil sa pagkapuyat at pagkahapo dala ng paglalakbay. Kailangan niyang magpokus habang naglalakad kundi ay baka mapatid siya o mapag-iwanan ng mga lalaki. Pakiwari niya'y umaga na dahil pasikat na ang araw at unti-unti nang lumiliwanag ang paligid.
Walang-tulog ang buong grupo sapagkat kailangan nilang umalis agad sa kagubatan. Kung mananatili pa sila roon para matulog, baka maabutan sila ng mga hapon na naghahanap pa rin sa kanila. Kaya naman buong gabi ay binaybay nila ang daan palabas doon.
Bitbit pa rin nila ang bihag na hapon na hindi man lamang nagpapakita ng takot o pagkataranta sa presensya nila. Tahimik lamang ito habang halos kaladkarin ni Martin. Binusalan din nila ang bibig nito bukod sa posas nito sa likod dahil sa takot nilang baka mag-ingay ito.
Bukod sa bihag ay dala-dala rin nila ang mga kahon ng sandata na nakamkam sa mga kalaban.
Paminsan-minsan ay humihinto sila sa paglalakad upang magpahinga nang kaunti. Sa mga pagkakataon na iyon, nakakaupo si Micah at nakakaidlip siya nang saglit. Subalit agaran siyang tinatapik ni Serrando kapag uusad na ang grupo.
Ang kanilang lider ay nasa unahan at siya naman ang nasa dulo ng pila. Muntik na siyang mabunggo sa likod ni Serrando nang bigla itong huminto. Lumingon sa kaniya ang lalaki.
"Bakit?" nagtatakang tanong niya.
"Maiiwan sina Jaime, Bernard at Abra dito. Pati na rin ang bihag na hapon. Tayo lamang ang uusad. Sasamahan natin sina Bossing at Martin." Bago ito sa kaniya. Ngayon lamang niya narinig ang boses ni Serrando, kahit kailan ay hindi pa siya nito kinakausap. Kumpara sa iba niyang kasamahan, parang palaging walang-emosyon ang binata. Mukhang robot kumbaga.
Kahit hindi siya binigyan ng mahabang paliwanag, tumango pa rin siya sa sinabi nito. Naiwan nga sa lugar na iyon ang ilang kasamahan, samantalang napasama siya sa grupo nina Serrando.
Malapit lamang ang kanilang nilakad, pagkatapos ay sinenyasan sila ni Theodore na umupo saka magtago. Nagtago sila sa likod ng mga puno at mayayabong na halaman. Nang sumilip si Micah sa tinataguan, saka lamang niya napagtantong minamanmanan pala ng pinuno ang isang military vehicle na nakatambay sa malapit na kalsada.
Isa lang ang ibig-sabihin nito, balak ni Theodore na magnakaw ng sasakyan. Sumenyas si Theodore kay Martin at itinuro nito ang harap. Gumapang naman ang binata upang lumapit pa sa kinaroroonan ng mga kalabang sundalo.
May ilang kalaban doong nakatambay na mukhang nagpapahinga rin. Maya-maya pa ay kinalabit siya ni Serrando, napatingin siya sa katabi, at itinuro nito ang unahang puwesto. Saka lamang napansin ni Micah na pinapalapit pala siya ni Theodore.
Maingat na gumapang si Micah palapit sa lalaki. Nang makatabi ito, iniabot nito ang isang sniper riffle sa kaniya. "Alam kong magaling ka sa malayuan, tirahin ninyo sila. Ubusin ninyo. Kailangan natin ng masasakyan."
Ngayon, naunawaan na niya kung bakit siya isinama sa grupo. Pumapangalawa siya sa pinakamagaling sa pag-asinta ng baril. Ang pinakamagaling sa kanila ay si Serrando. Ang hindi lamang niya alam kung bakit kasama pa nila si Martin, anong maitutulong ng malibog na lalaki?
Tinanggap ni Micah ang sandatang ibinibigay nito at tumango. Ibig-sabihin ba nito, tinatanggap na ako ni Boss sa grupo kahit ako'y babae?
Pagkatapos, sumenyas si Theodore sa kanila na maghanap ng iba't ibang puwesto. Tahimik at maingat naman silang nagpalit-palit ng tinataguan.
Nang makahanap ng magandang posisyon, napabuntong-hininga si Micah bago inihanda ang sandata. Itinutok niya ang kanang mata sa telescopic sight ng riffle, ini-adjust niya ang scope upang matantya nang malinaw ang target.
Ang saklaw ay dapat sumusunod sa bala, datapuwat hindi sumusunod ang bala sa saklaw. Ang paggamit ng baril ay katulad ng pagtotono ng isang instrumento—kailangan mong maging bihasa sa larangan ng mga nota. Dahil isang bihasang tao lamang ang makakaayos ng maling tono.
Naturuan siya ng ama na isa ring batikan na tao sa pagbaril. Walang problema sa kakayahan, subalit may suliranin si Micah sa sarili.
Kahit alam niyang tama ang puwesto at tama ang distansya, hindi niya makalabit ang baril. Nanginginig ang mga kamay niya at naluluha ang mga mata niyang nakatitig sa telescopic. Nadarama niya ang nerbiyos sa dibdib.
Sa unang pagkakataon sa buhay ni Micah, napagtanto niyang hindi pala niya kayang pumatay ng tao. May pag-aalinlangan sa puso niya kahit pa ipinangako niya sa sarili na siya'y maghihiganti.
Ito ang unang pagkakataon na papatay siya... Ngunit ito naman ang nais niya.
Ipinikit niya ang mga mata at bumuntong-hininga. Pinakalma niya ang mga matang humahapdi. Baka dahil sa kapaguran kaya siya nahihirapan?
Sinubukan niyang bawasan ang tensyon sa loob. Inihanda niya muli ang mga kamay. Kailangan niyang bumaril kahit papaano.
Subalit dahil nag-aalinlangan pa rin sa gagawin kaya sa balikat niya tinira ang kalaban. Natumba iyon kasabay ng pag-alarma ng iba pang target. Unang putok pa lamang nila, nalaman na agad ng mga kalaban na may bumabaril.
Ikinagulat ni Theodore ang nakita. Hindi nito inaasahan na hindi niya pala papatayin ang target.
Tumaas din ang kilay ni Serrando at napailing dahil nadismayado. Itinutok ni Serrando ang sandata sa lugar ng mga kalaban, tatlong putok ang itinira nito at tatlong ulo rin ang sumabog. Walang nasayang na bala sa lalaki, ganoon ito kagaling bumaril.
Nagulantang si Micah nang makitang binaril din ni Serrando ang ulo ng lalaking binaril niya sa balikat. Napamaang na napalingon siya sa lalaki, wala man lamang pag-aalinlangan sa puso nito na pumatay ng tao.
At nang lumingon siya kay Martin, nakangisi pa ito na tila tuwang-tuwa sa ginagawa.
Napagtanto ni Micah na marami pala siyang hindi alam tungkol sa mga kasamahan.
Sinubukan pa ng mga hapon na bumaril sa panig nila dahil nalaman ng mga ito ang kanilang puwesto, subalit mabilis ang mga kamay nina Martin at Serrando na pinatay lamang ang mga ito.
Nang maubos ang mga kalaban, pinatayo sila ni Theodore at lumapit sila sa sasakyan na ngayo'y may bahid na ng mga talsik ng dugo. Tila nag-aalinlangan pa siyang sumunod subalit kailangan niyang bumuntot.
Bago makalapit, may gumagapang pa na hapon sa sementadong lupa. Naliligo na ito sa sariling dugo subalit buhay pa rin.
"*だけは*けてください" (Inochi dake wa tasukete kudasai)
Narinig niya ang pagmamakaawa ng lalaking kalaban. Hindi siya kumibo, hindi rin niya itinaas ang sandata. Ayaw niyang bumaril ng taong walang kalaban-laban.
"Tasukete kudasai..."
Subalit hindi na iyon pinakinggan pa ni Martin at binaril nito ang ulo ng tao. Palakda ang lalaki sa aspalto, tuluyan nang nawalan ng buhay.
Nanlaki ang mga mata ni Micah na nakatingin lamang sa kamatayan nito. Napasinghap at napakislot pa siya dahil sa gulat. Maraming beses na siyang nakakita ng patay, pero.wala pa talaga siyang napapatay ni isang kalaban...
Kaya ba niyang gawin ang ginawa nina Serrando at Martin? Kung umasta ang mga ito ay parang pumatay lamang ng lamok. Kampante nilang inubos ang mga kalaban. Subalit siya ay ninenerbiyos at nangangatog pa rin...
Akala niya ay napakadali nito. Galit siya sa mga hapon, totoo iyon. Subalit may moralidad pa rin sa loob niya na nagsasabing— masama ang pumatay.
Bakit? Bakit naging duwag din siya katulad ni Bernard?
May ngiti pa sa labi na lumapit si Martin sa sasakyan at binuksan ang pinto ng military vehicle. "Easy peasy!" anito na umupo sa driver's seat at kinalikot ang mga kable ng sasakyan upang subukang buhayin iyon.
Kumunot ang kaniyang noo dahil sa pagtataka, sapagkat wala siyang nakikitang guilt o simpatya sa itsura ng dalawa kahit maraming pinatay ang mga ito.
"Alam kong kaya mong barilin iyon sa ulo pero pinatamaan mo pa rin sa balikat," nagsalita si Theodore mula sa kaniyang likod.
"Pasensya na po, sir... masakit po kasi ang mga mata ko." Totoo naman iyon.
Ngunit hindi nito pinansin ang palusot niya. "Hindi ka pa nakakapatay ng tao, ano?"
Hindi siya nakakibo. Umurong ang kaniyang dila.
"Unti-unti, matuto ka rin pumatay nang walang pag-aalinlangan," wika nito, "sa una lang mahirap."
"Bakit, kayo? Ilan na ba ang napapatay n'yo?"
"Hindi ako nagbibilang, Micah. Darating ang panahon na matututo ka rin pumatay para sagipin ang iba." Iniwas nito ang linya ng tingin. "Sayang, asintado ka pa naman. Magiging magaling kang sniper kung focus ka lang at hindi nagpapadala sa konsensya mo."
"Paano ba?" Natigilan siya at naghanap ng mga tamang salita. "Paano po ba maging masama, sabihin po ninyo... Paano ba mapapatay ang pagiging makatao? Paano ba isinasantabi ang moralidad upang maging halimaw na katulad nila? Sabihin n'yo po sa 'kin, kung paano mawawala ang konsensya?"
Gusto niyang makapaghiganti sa mga kalaban na walang nadaramang pag-usig ng budhi. Natahimik si Theodore sapagkat hindi rin alam kung paano sasagutin iyon.
Naudlot ang usapan nila nang marinig ang pagkabuhay ng sasakyan. Nagawang buksan ni Martin ang makina ng sasakyan. "Bossing, okay na!" Thumbs-up ni Martin na nakangiti pa. Kahit papaano napakinabangan nila ang pagiging kriminal at magnanakaw ng lalaki. Kaya pala ito isinama ni Theodore sa pag-raid ng sasakyan.
Muling bumaling si Theodore kay Micah. "Mamaya na tayo mag-usap. Tawagin mo ang mga kasamahan natin. Aalis na tayo rito."
***