Pakiwari ni Micah ngayon na nalaman ng mga kasamahan niya na siya ay isang babae ay magbabago na ang tingin at pakitungo ng mga ito sa kaniya. Ngunit ano pa ba ang kaniyang magagawa? Malalim siyang napabuntong-hininga at binale-wala na lamang ang mga napapansin.
Lumuhod siya sa harap ng hapon na nakapikit lamang at waring natutulog. Subalit nang maramdaman nito na may tumabi at humawak, bigla nitong ibinukas ang talukap ng mga mata at tumitig sa kaniya.
Nahinto nang saglit si Micah sa ginagawa at napatingin din sa estranghero. Hindi niya mabasa ang emosyon na nandoon sa mga mata nito. Walang kislap ang balitataw, hindi rin ito nagpapakita ng takot o anumang pangamba.
Nang makuha ang atensyon nito, nagkaroon siya ng pagkakataon na mang-usisa.
"なんで*たちを*けたの?(Nande watashi-tachi o tasuketa no?)" tinatanong niya kung bakit nito sinagip ang mga kasamahan o kung bakit siya sinagip nito.
Para bang ikinagulat nito na marunong siya ng nihongo. Subalit hindi ito sumagot sa tanong niya, nanatili itong tahimik, nag-iwas ng tingin at nagyuko ng ulo.
Kumunot ang noo ni Micah. Hindi niya inaasahan na wala itong sasabihin sa kaniya.
"お**は*ですか? (O-namae wa nan desu ka?)" Muli siyang nagtanong, sa puntong ito, pangalan naman nito ang kaniyang nais malaman.
Ngunit wala pa rin naging tugon sa kaniya ang kausap. Nanatiling nakayuko ang ulo nito, nagdidilim sa kalungkutan ang mukha at ang mga mata ay tila nasa ibang panig ng mundo.
Nagtaka si Micah. Hindi nagpa-panic ang hapon kahit na naging bihag nila ito. Hindi ito nagpapakita ng takot. Pero ang mga mata nito ay nalulumbay na para bang may naalalang masalimuot.
Nagkaroon siya ng matinding kuryosidad tungkol sa lalaki. Ngunit wala siyang makukuha sa isang tao na ayaw magsalita.
Napabuntong-hininga siya bago inukol ang atensyon sa hawak na first aid kit. Itinaas niya ang manggas nito upang umpisahan ang paggamot dito. Napakislot ito nang dampian niya ng bulak ang pinsala.
Maya-maya pa ay lumapit si Bernard sa kaniya. Nagtataka na napatingin siya sa kasamahan. "Ako na..." wika ni Bernard na inihanda ang anesthesia. "Ito lang ang maitutulong ko sa inyo."
Tahimik na lumuhod lamang si Bernard at itinuon ang pansin sa pag-aasikaso sa sugat ng bihag. Wala pa ring kibo ang hapon na ginagamot, tila nagpanggap na natutulog lamang.
Nakakailang ang dumaan na katahimikan habang pinapanood ni Micah ang binatilyo. Kumunot ang noo niya sapagkat napansin niyang sanay si Bernard sa ginagawa.
"Mababaw lang... maswerte siya..." bulong ni Bernard na narinig niya. Nakatuon ang mga mata nito sa sugat.
"Parang sanay na sanay ka sa ginagawa mo, ah," usisa niya.
Habang maigi at maingat na tinatanggal ni Bernard ang bala, sumagot ito, "Nag-aral ako ng medisina..."
Napanganga si Micah, nanatiling nakatitig kay Bernard na ngayo'y nakuha na ang bala at inilagay sa takip ng bote na may alcohol. Nasa mga mata ng lalaki ang kalungkutan. Hindi na ito nagsalita muli sapagkat ayaw nang manghinayang sa pinag-aralan.
Napagtanto ng dalaga na may pangarap pala ang duwag na lalaking kausap. Isang pangarap na naudlot dahil sa gera.
"P-Patawad kung hindi ako lumaban kanina..." anito nang hindi na siya magsalita. Nakababa lamang ang mga mata nito sa lupa, hindi makatingin sa kaniya.
"Hindi ka hinasa ng lipunan upang kumitil ng buhay, hinasa ka upang magligtas. Nauunawaan ko. Subalit sa digmaan, walang saysay ang simpatya mo sa buhay. Wala pa ring silbi kung maduduwag kang humawak ng baril."
"Kalimutan mo muna ang pagiging doktor dahil sa kasalukuyan ay isa kang sundalo. Saka mo na ipagpatuloy ang pangarap mo, kapag nakamit na natin ang tagumpay," makahulugan niyang sabi na binawi rin ang linya ng paningin. Muli siyang napabuga ng malalim na hininga. Mabigat ang mga binitawan niyang salita ngunit kailangan iyong marinig ng lalaki.
Tumayo siya upang kausapin muli ang kanilang leader, naiwan doon si Bernand na napapaisip at naguguluhan.
Samantala, nanatiling nakatingin si Theodore sa mga kasamahan. Pinapanood niya ang ginagawang pagguhit ni Abra sa lupa gamit ang napulot nitong patpat, humuhini pa ito ng isang tugtugin na pamilyar sa kaniya.
Nakasimangot naman si Martin. Halatang naiinis pa rin ito sa mga kasama sapagkat piniling gamutin ng mga ito ang bihag na hapon. "Mga tanga, ginamot ang kalaban!" Narinig pa niyang singhal nito nang dumaan sa harap niya at umupo sa gilid ng mga damo.
Nagpapahinga at nakatulala si Serrando na parang pagod na pagod sa buhay.
Napagtanto ni Theodore na mga bata pa talaga ang mga kasama niya, mura pa ang mga isip at diwa. Napakabata pa ng mga ito upang maranasan ang lupit ng digmaan. Ang dapat sa mga ito ay pumapasok sa eskwela pero...
Naudlot ang kaniyang pag-iisip nang may kumalabit sa kaniyang tabi— Si Jaime na inabutan siya ng sigarilyo.
"Saan mo nakuha iyan?" tanong ni Theodore.
Nagkibit lamang ito ng balikat. "Basta! Kunin mo na lang, boss," wika ni Jaime habang may nakasuksok na sigarilyo sa bibig.
Kinuha na lamang niya ang inabot nito at hindi na nagsalita pa.
Sinindihan ni Jaime ang sigarilyo gamit ang lighter pagkatapos ibinigay din sa kaniya ang panindi. At siya naman ang naglagay ng apoy sa kaniyang sigarilyo.
Natahimik silang pareho habang nagbubuga ng usok sa hangin. Kapwa naglakbay ang kanilang isip sa kinabukasan.
"Anak ka nga ng pulis at pulitiko. Mabilis din ang kamay sa pagnanakaw. Maski sigarilyo ng kalaban, pinapaltos mo," tukso ni Theodore sa lalaki.
"Wala akong reklamo sa panlalait mo sa mga pulitiko pero parang sinabi mo na lahat ng pulis ay magnanakaw din. Doon ako hindi sang-ayon," anito.
"Hindi ba?"
"Hindi ganoong pulis si Papa pero... ganoon yata ako."
Tipid siyang natawa dahil sa pagiging palabiro nito. Natigilan sila sa pag-uusap nang lumapit si Micah sa kanila. Napaubo pa ang dalagita at napatakip sa ilong dahil sa usok na ibinubuga nila sa hangin. Nang makita ang reaksyon ng babae, itinapon agad ni Theodore ang sigarilyo sa lupa at inapakan ang upos nito.
Gulat na napatitig si Jaime sa inasal ng lider at napatuon ang mga mata niya sa sigarilyong nayupi.
"Ayaw magsalita ng hapon, sir," bungad ni Micah. Umuubo-ubo pa rin ang dalagita at pinapawi ng kamay ang usok na napupunta pa rin sa mukha niya.
"Dalhin natin ang taong iyan kay kumander at sila na ang bahalang magtanong sa kaniya. Kapag hindi siya nagsalita, siguradong papahirapan siya ng pinuno natin."
Nanlaki ang mga mata ni Micah dahil sa pagtutol. "Pero, sir! Hindi naman yata patas iyon!"
"Huwag ka nang tumutol, Micah. Bukas din ng umaga, dadayo tayo patungong Tanay. Ayaw ko na makarinig ng reklamo mula sa 'yo," wika ni Theodore at naglakad palayo. Hindi na niya pinakinggan pa ang mga sasambitin pa ni Micah.
Hindi na nagbigay pa ng huling tingin ang pinuno sa kanila. Basta, tuloy-tuloy lamang itong lumisan sa harap nila.
Nagtataka nang kaunti si Jaime na sinundan ng tingin ang lalaki. Hindi ugali ni Theodore na magsayang ng yosi. Bumaling ang mga mata niya kay Micah.
Napabuntong-hininga ang babae. Nakatuon pa rin ang mga mata nito sa lugar na pinuntahan ni Theodore habang nakapamaywang. Subalit naramdaman ni Micah ang tingin ni Jaime. Napalingon ito sa lalaki.
"Oh, bakit?" Nabigla si Jaime nang lumapit si Micah at mabilis na hinila ang sigarilyo sa kaniyang bibig saka itinapon sa lupa.
"Ano ba?!" Napasigaw siya lalo pa't inapakan din ng babae ang yosi.
"Mabantot ang sigarilyo! At kung ayaw mo ring pumangit, iwasan mo na 'yan!" Dinuro nito ang mukha niya.
"Paepal ka naman, eh!" iritadong sumbat ni Jaime na dinampot pa iyon sa lupa, subalit yuping-yupi na iyon at hindi na magagamit.
Nakangisi na tumalikod si Micah na tila nanalo sa tuksuhan.
"Tang-ina nito!" bulyaw niya na masamang sinundan ng tingin ang dalagita subalit pinagtawanan lamang siya nito.
***