Halos mapasabunot sa sariling buhok si Theodore nang mapagtanto nitong isang babae si Micah. Hindi pa rin makapaniwala ang lalaki sa natuklasan, nagpuputok pa rin ang butsi nito na tumalikod at naglakad palayo sa kanila.
Kasalukuyang nagpapahinga at nagtatago ang grupo sa paanan ng bundok Mapatad, malapit sa lagaslas ng isang talon. Nakapaikot ang mga kasamahan doon, pinapanood ang kanilang pinuno na hindi mapakali at nagpabalik-balik ng lakad sa harap nila.
Tumayo rin si Micah, lumapit at kinompronta si Theodore. Suot-suot ng dalagita ang dyaket na ipinahiram ni Jaime sa kaniya dahil nahubo ang kaniyang kasuotan kanina at hindi na nila nakuha pa. May benda rin siya sa balikat sapagkat dito siya nadaplisan ng bala kanina. Sa ngayon ay mas maayos na ang kaniyang pakiramdam.
"Sir, ano ba sa inyo kung babae ako?!" umpisa niya sa kanilang pinuno, napahinto ito at napatitig sa kaniya nang diretso. "Kaya ko pa ring makipaglaban!"
"Dapat noon mo pa ipinagtapat ito sa amin! Kung hindi ka pa napahamak doon sa kuweba, hindi pa namin malalaman!"
"Kapag ginawa ko 'yon, alam kong hindi n'yo ako tatanggapin sa grupo! Itinago ko lamang ito dahil gusto kong mapabilang sa inyo, sir!"
"Kahit na..." Dismayado sa kaniya ang lalaki.
Hindi maunawaan ni Micah kung bakit napakalaking problema kung siya ay babae. Hindi ba't dahil sa kaniya ay nakapag-raid sila ng mga sandata at pagkain na magtatawid-gutom sa kanila sa mga susunod pang mga araw.
"Porque, babae ako ay hindi n'yo na ako isasama?! Anong gusto n'yo, magpabilang ako sa mga prostitute sa bahay-aliwan katulad ng kapatid ko at ina?"
Hindi ito nakasagot, malalim na napabuntong-hininga lamang at nag-iwas ng tingin.
"Kahit ayaw n'yo, sasali pa rin ako sa laban! Kahit babae ako ay miyembro pa rin ako ng guerilla!" Pakiwari niya'y nakikipagtalo siya sa sariling ama.
"Hindi n'yo ko mapipigilan, sir!"
"Sir, mawalang-galang na po." Napatingin silang dalawa kay Jaime na tumayo at lumapit din sa kanila. Seryoso lamang ang mukha ng binata.
"Aminin n'yo man o hindi, kailangan natin si Micah. Sa ating grupo, siya lamang ang marunong ng nihonggo. Isa pa, kung hindi dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa mga espiya ng brothel, wala tayong makukuhang impormasyon. May mga pagkakataon na hindi ako sang-ayon sa paraan niya ng paniniktik sa lugar ng kalaban. Ngunit isipin ninyong maigi, malaki ang pakinabang niya sa atin at kaya rin niyang usisain ang bihag nating hapon."
Malalim na napaisip si Theodore dahil sa paliwanag ni Jaime, mukhang nahimasmasan na sa wakas ang lalaki at napagtanto na may utang na loob sila kay Micah.
Namamangha na napatitig naman si Micah kay Jaime, subalit hindi siya nito tinapunan lamang ng tingin. Nanatiling nakatingin ang mga mata at atensyon nito sa pasya ng kanilang pinuno.
Naninibago si Micah, para bang nag-iba ang pakikitungo ni Jaime sa kaniya matapos malaman nito na isa siyang babae. Pumapanig ang binata sa kaniya ngayon, dati ay halos pagalitan siya nito kahit sa harap ng kanilang pinuno. Nag-iba yata ang ihip ng hangin.
"Sang-ayon ako!" sumingit din si Martin sa usapan, nakakrus ang mga braso nito nang marahang lumapit sa kanila. May nakabahid na mapanuksong ngisi sa mukha nito at tumingin pa kay Micah. "Tama lang na may babae sa grupo. Nakakatigang naman kung puro lalaki lang tayo rito." Tila ba nang-iinsulto pa itong nagtungo sa likod niya, at ipinatong ang mga kamay nito sa kaniyang balikat
Masama naman ang tingin ni Micah sa lalaki. Gusto niya itong suntukin para mawala ang ngiting nakalagay sa mukha nito. Gayunman, hindi siya umiwas dito nang hawakan nito ang kaniyang mga balikat mula sa likod.
"Mas masaya kapag may babae. May mag-aalaga sa atin, may tagapagluto at may tagasalsal pa. Hindi ba, Micah?" Ngunit parang baliw na bigla nitong hinalikan ang kaniyang balikat. Napasinghap siya at nandidiring napalayo sa lalaki. Para siyang nabastos.
Sasampalin niya sana si Martin ngunit mas mabilis ang biyas ni Jaime na biglang hinila ang kuwelyo ng lalaki at walang pakundangan na tinutukan ng baril sa mukha.
Napatayo sina Bernard, Abra at Serrando nang makitang nagkakainitan na sa kabilang kumpulan. Napanganga si Micah dahil sa bilis ng paghila ni Jaime kay Martin.
Pinagpawisan naman sa kaba na itinaas ni Martin ang mga kamay na tila ba sumusuko na agad kahit hindi pa nag-uumpisa ang laban. "Kalma lang, Jaime. N-Nagbibiro lang ako."
"Kumantot ka na lang ng kabayo, Martin! Wala kang magagalaw na babae hangga't nandito ka sa poder ko!" nagbabanta ang boses at mga mata ni Jaime. Hindi pa rin nito ibinababa ang sandatang nakadikit na ngayon sa sentido ng mapaglarong lalaki.
Napasapo sa noo si Theodore at napabuntong-hininga nang malalim. Ito na nga ba ang sinasabi niya... Bigyan siya ng isang batalyon na mga lalaki, kaya niyang kontrolin sapagkat kahit sa gitna ng pagkakaiba ay siguradong matututong magkaisa pa rin ang mga ito. Subalit, haluan ng babae ang grupo, siguradong magkakaroon ng dibisyon.
Si Martin ay dating kabilang sa mga gangster at isa sa mga pinuno ng fraternity sa eskwelahan nito. Rebelde ang lalaki at naranasan na ring makulong sa presinto dahil sa labis na kapilyuhan. Matapang ito at palaban, tila walang sinasanto at kinakatakutan. Isa siyang malaking pakinabang sa grupo subalit babaero ito, malibog at maliit din ang tingin sa kababaihan- at isa iyong malaking problema.
Si Jaime naman ay galing sa pamilya ng mga pulis, may pagka-mayabang din ito sa kilos. Maprinsipyo na tao at may matibay na moralidad kahit paminsan-minsan ay siga-sigaan din katulad ni Martin.
Noon pa man, ay may kutob na siyang magbabanggaan ang dalawa kapag nagkaabutan ng init ng ulo.
"Tama na iyan!" umawat siya sa mga ito. Pumagitna siya at tinulak nang bahagya si Jaime. "Tumigil na kayo. Hindi dapat tayo ang naglalaban-laban." Mas mahinahon na siya ngayon na magsalita.
Huminto naman ang dalawa, ibinaba ni Jaime ang hawak na baril at lumayo sa lalaki. Nang maawat naman ang mga ito, muling tumitig si Theodore kay Micah.
Si Micah ay anak ng isang sundalo, namatay ang ama ng dalagita nang sinubukan itong sagipin ng ama laban sa mga kaaway. Nauunawaan ni Theodore kung anong nagtutulak sa babae na gumawa ng hakbang, naiintindihan niya kung bakit nais nitong makipaglaban.
"Ang hapon na dinala mo ay nakatali roon sa puno." Itinuro ni Theodore ang kaliwang bahagi. Itinali muna nila ang hapon sa puno ng alatires. Nangamba kasi sila na baka ito ay tumakas at magsumbong sa mga kalaban na sa kasalukuyan ay hinahagilap din sila sa kagubatan.
"Ba't hindi pa natin patayin iyan?" singit ni Martin na inaayos ang kuwelyong ginusot ni Jaime.
"Iniligtas niya kami! Nakita nina Bernard at Jaime iyon," pagtatanggol ni Micah. "Hindi ba, Jaime? Bernard?!" Naghahanap ng kakampi na bumaling siya sa dalawang tinawag.
"Tama iyon, sir. Hindi nagsisinungaling si Micah." Kalmado na tumango si Jaime samantalang nahihiya at parang timang na nagyuko lamang ng ulo si Bernard. Kanina pa hindi makapagsalita nang maayos ang binatilyo.
"Kahit na. Hindi pa rin natin siya mapagkakatiwalaan nang lubos. Patunayan mo sa akin na nararapat ka Micah. Ikaw lamang ang may kakayahang umintindi ng nihonggo rito, usisain mo siya. Kunin mo ang lahat ng impormasyong makukuha mo... Ikaw ang nagdala sa kaniya rito, kaya ikaw rin ang magbabantay."
Hindi makapaniwala si Micah na binigyan siya ng pinuno ng personal na misyon. Napatitig siya sa hapon na nakayuko lamang, nakapikit ang mga mata na tila natutulog, nakaupo ito roon habang nakagapos ang mga kamay sa likod at nakatali ang katawan sa puno.
Nakaramdam siya ng awa... lalo pa't may iniinda rin itong sugat sa balikat.
"Anong balak ninyong gawin sa kaniya?" tanong niya habang nakatingin sa bihag.
"Dadalhin natin siya kay kumander, sila na ang bahala na puwersahin at pahirapan siya para magsalita," simpleng wika ni Theodore.
Nakaramdam siya ng pagtutol sa sinabi ng kausap. Ang lalaking iyon ay walang ginawang masama sa kanila, hindi patas na saktan ang taong iyon.
Nagugulumihanan na tumingin siya kay Theodore. "Ako na ang bahala! Huwag n'yo na siyang ibigay sa nakakataas."
Umiling si Theodore. "Hindi mo alam kung anong sinasabi mo."
"Basta ako na po ang bahala!" Muli siyang tumingin sa kaawa-awang bihag. "Gamutin po natin ang sugat niya, kung hindi, baka maubusan siya ng dugo at mamatay siya." Ito lamang ang naisip niyang palusot upang payagan siya ng kaharap.
Bumaling ang balitataw ni Theodore sa lalaking bihag at napaisip nang ilang segundo.
"Hah!" Muling sumabat si Martin."Bakit mo tutulungan ang isang kalaban? Nasisiraan ka na ba ng bait? Hayaan mo siyang mamatay!"
Napalingon si Micah sa binata, nagbigay ng masamang tingin ngunit hindi kumibo. Sa halip, bumaling ulit siya kay Theodore.
"Sige na po, payagan n'yo na ako," pagmamakaawa pa rin niya sa pinuno. "Ang taong iyon, ang nagligtas sa akin kahit papaano ay may utang na loob pa rin ako sa kaniya."
Napabuntong-hininga si Theodore. "Bahala ka, pero huwag mo siyang pakakawalan. Maaaring tumakas pa rin siya."
Tumango si Micah. "Maraming salamat, sir." Sumaludo muna siya bago tumalikod at pumunta sa kinalalagyan ng mga kagamitan, kinuha niya roon ang first aid kit.
***