Kabanata 07: Pagtakas

1489 Words
Nanginginig pa ang mga kamay ni Bernard nang unti-unting itinaas ang mga iyon at marahan ding lumabas sa tinataguan. Nalulunod pa rin sa luha ang mga mata ng lalaki dahil sa malaking takot sa kamatayan. Dahil nahuli ang dalawang kasama, wala na rin siyang ibang magagawa kundi ang sumuko. Nilapitan siya ng isang hapon at itinali rin ang mga kamay niya sa likod. Pagkatapos, marahas na itinulak siya nito patungo sa gawi ng kaniyang mga kasamahan. Humahagulgol siyang pinaluhod sa lupa, katabi niya si Jaime na masama ang tingin sa kaniya. Nabasa niya ang pagbuka ng bibig nito. "Potanginang iyakin..." bulong nito na tila ba kung hindi nakatali ang mga kamay nito sa likod ay kanina pa siya nito sinapak. Hindi niya masisisi ang kaibigan, siya man ay dismayado sa sarili. Subalit, ano ba ang kaniyang magagawa? Hindi siya ipinanganak upang maging sundalo, hindi siya ipinanganak upang makipaglaban. Napilitan lamang siyang sumali sa mga Hunters dahil wala na siyang mapuntahan. Nagyuko siya ng ulo dahil sa pagkapahiya at nagpatuloy pa rin sa pag-iyak. Natigilan lamang siya sa pag-iinarte nang mapansin sa gilid ng mga mata si Micah. Akala niya ay nagmamalik-mata siya kaya dalawang beses siyang napatingin sa babae... Babae? Iyon lamang ang nagpahinto sa pag-iyak ni Bernard. Nakaawang ang bibig niya na nakatutok lamang ang mga mata kay Micah. Hindi siya makapaniwala sa nakikita... Babae si Micah?! Inirapan lamang siya ng huli na parang nais din siya nitong suntukin. Nag-usap pa ang mga hapon sa harap nila na para bang pinag-iisipan pa kung anong gagawin sa kanilang tatlo. Maya-maya pa ay marahas na hinila ng mga ito si Micah at sapilitan na pinatayo, napa-igik ang babae dahil nasaktan. "お*の**はどこだ?" (Omae no nakama wa doko da?!) Malakas ang boses na tanong ng pinakapinuno nila. Hindi iyon masyadong naunawaan ni Micah, at kahit maintindihan man niya, hindi siya magsasalita. Nagyuko siya ng ulo na para bang ayaw pansinin ang mga ito. "そっ、*えろ!" (Kuso, Kotaero!) Minura siya ng hapon kasabay ng pagtutok ng baril nito sa kaniyang sentido. Nangamba sina Bernard at Jaime nang makita ang eksenang iyon. Hindi nila maaatim na masaksihan ang pagkamatay ng isa nilang kakampi. Subalit hindi makikitaan ng takot ang mukha ni Micah, masama ang tingin na nag-angat siya ng mukha. Naunawaan niyang minumura siya ng hapon at binabantaan, subalit imbis na sumagot o matakot— dinuraan niya ito sa mukha. Napanganga sina Bernard at Jaime nang masaksihan iyon. Iba talaga ang katapangan ni Micah. Nagulantang din ang mga hapon sa kaniyang ginawa at lahat ng mga baril nito ay itinutok sa kaniya. Wala na siyang pakialam. Mamatay na kung mamatay... Nang mapunasan ng sundalong hapon ang mukha, walang pagpipigil na sinapak siya nito at napasubsob siya sa lupa. Ilang segundo siyang nakahiga lamang doon nang bigla na naman siyang hilahin ng kalaban upang muling iharap sa pinuno. May sinabi pa sa kaniya ang hapon na hindi na niya naunawaan sapagkat hilong-hilo pa rin siya sa tinamong pinsala. Ang sumunod na eksena ang lalong nagpahindik sa kanilang mga puso, nang hilahin ng pinunong hapon si Micah at marahas na inipit sa pader ng kuweba. Nakadikit ang katawan ng babae sa malamig na haligi at hindi na halos makakilos. Nanlaki ang mga mata ni Jaime nang makitang naghuhubad ng pantalon ang kalaban... Mukhang balak nitong tirahin si Micah nang patalikod. Nagpumiglas si Jaime subalit mahigpit siyang kinapitan ng isang hapon sa likod at muling pinaluhod. Alam din ni Micah kung anong mangyayari... Namimilog ang mga mata niya sa takot kasabay ng pagtili at pagpupumiglas. "Ah! Huwag!" Ito ang kinakatakutan niyang mangyari– na lumabas ang kahinahaan niya bilang isang babae. Na makuha ang kaniyang iniingatan na puri. Ngunit bago pa man magawa ng hapon ang nakakahindik na gawain, nakarinig sila ng putok ng baril sa kung saan... At pagkatapos napasigaw ang lalaking nagtatangka kay Micah at bigla itong lumagapak sa sahig. Pagtingin ni Micah sa likod, ang nakita niya ay ang nakadilat na mata ng lalaki habang umaagos ang dugo nito sa ulo. Headshot. Lahat sila ay napatingin sa taong bumaril at halos mapigil ang mga hininga nila nang suriin kung sino ang gumawa niyon. Sa likod ng mapanlaw na liwanag ay naroon ang isang aninong nakatayo, nakahawak sa sandata nito... Ang inaakala nilang mga kakampi ay hindi dumating. Subalit isang misteryosong lalaki na nakasuot din ng unipormeng pang-hapon ang nakita nilang marahan na lumalapit habang nakatutok pa rin ang baril sa mga kalaban. Pare-parehong napanganga sina Jaime, Bernard at Micah. Hindi na nila maintindihan kung anong nangyayari. At dahil sa may dumating na bagong banta, kaya natuon ang pansin ng mga kalaban sa bagong dumating. Si Micah ay nawalan ng lakas na napaluhod lamang sa maduming lupa habang ang mga mata ay nakatutok pa rin sa hapon na nagligtas sa kaniya. Pinaulanan ng mga kalaban ang misteryosong lalaki, subalit wala man lamang tumama o sabihin nating nakikita nito kung saan pupunta ang mga bala kaya madaling nakakaiwas. Iniangat nito ang hawak na sniper rifle, tinitigan sa scope ang mga puntirya, pagkatapos ay nagpaputok. Tumumba ang lalaking nasa gilid ni Bernard, sumunod ay ang lalaking nakahawak kay Jaime. Hangga't naubos na ang mga katunggali sa paligid nila at wala nang natira pang nakatayo. Nanatiling nakahandusay ang mga ito sa lupa na tila ba wala nang mga buhay. Nilapitan ni Jaime ang mga katawan, sinuri niya kung may pulso pa ang mga ito subalit wala na siyang madama. Tumingin muli siya sa estrangherong hapon... Hindi pa rin sila makapagsalita o makapaniwala habang nakanganga at nakatingin sa lalaking nagligtas sa kanila. Ilang segundo silang natahimik at pinakinggan lamang ang t***k ng mga puso. Ibinaba ng hapon ang hawak na sandata at marahan itong naglakad palapit kay Micah. Yumukod ito at tinanggal ang tali sa mga kamay ng dalagita. Pinanood lamang niya ang ginagawa ng lalaki at hindi nakaimik. Nagkatinginan silang dalawa... at natandaan ng babae ang mga matang iyon. Ito rin ang hapon na sumagip sa buhay ng batang babae noong nakaraang nagmanman siya sa hotel. Subalit agad na napawi ang nakakailang na katahimikan nang may marinig muli silang putok ng baril. Sabay-sabay silang napalingon sa pinagmulan ng bala. At sa kasawiang palad ay natamaan ang misteryosong hapon sa balikat, natumba ito at napaluhod sa lupa. Nanlaki ang mga mata ni Micah dahil sa pagkabigla. Napatayo siya upang lapitan ang tagapagligtas. Kapwa napatitig sila sa gumawa niyon at nakita ang mga bulto nina Theodore, Martin, Serrando at Abra na papalapit. Sa wakas, dumating na rin ang mga kasamahan. Itinutok ng pinakapinuno nila ang baril nito sa hapong nasa harap ni Micah. Natatakot man, iniharang ni Micah ang katawan upang hindi na masaktan pa ang lalaking nagligtas sa kanilang buhay. "Huwag sir!" Napahinto naman ang apat na Pilipino sa paglalakad nang makita ang naabutan. Ang mga kaaway ay nakahilata sa lupa at mukhang wala nang mga buhay. Nagkalat ang talsik ng dugo sa paligid. Ngunit ang kanilang hindi inaasahan at hindi maunawaan ay ang mukha ng mga kasamahan. Partikular na ang itsura ni Micah... at ang hapon na tila pinagtatanggol nito. "Anong ibig-sabihin nito?!" nasa boses ni Theodore ang galit habang nakatutok ang mga mata kay Micah. "Babae ka?!" "Mamaya na ako magpapaliwanag, sir! Baka dumating ang mga hapon dito!" wika niya. Dali-daling sinenyasan ni Theodore ang mga kasamahan na parang tuod na nakatunganga lamang doon. Nagising naman ang mga ito sa pagkabigla at nagsisugod sa mga kahon ng armas upang kunin ang kaya nilang kunin. Lumapit naman si Abra kina Jaime at Bernard upang pakawalan ang mga nakagapos na kamay ng mga ito sa likod. "Tabi ka diyan, Micah. Todasin na natin 'yan!" banta ni Theodore na muling itinutok ang hawak na sandata sa hapon na nasa likod ni Micah. "Hindi pwede! Niligtas niya kami!" Lalong iniharang ng dalaga ang katawan sa pagitan ng sarhentong nag-aapoy sa galit at ng misteryosong lalaki na hindi naman umiimik. O marahil, hindi naman nito nauunawaan kung anong pinag-uusapan nila. "Ano?!" "Sir, totoo po iyon!" Si Jaime naman ang sumagot sa pinuno. Ikinagulat ni Micah nang sumabat si Jaime, napatitig siya sa lalaki. Kalmado lamang ito na lumapit sa kanila. Si Bernard naman ay hindi pa rin alam ang gagawin na hindi man lamang makapagsalita o makakilos sa tinatayuan. Nakarinig sila ng mga sasakyang papalapit. Ibig-sabihin ay may nakaalam agad ng ginawa nilang pag-raid at patungo na roon ang isang grupo pa ng mga kalaban. "Mamaya na tayo mag-usap! Dalian ninyo!" utos na lamang ni Theodore sa mga kasamahan at nagsikilos na agad ang mga ito upang buhatin ang mga kahon ng sandata at tumakbo palabas ng kuweba. Isinukbit ni Micah ang braso ng lalaking hapon sa kaniyang balikat. Hindi man niya ito kilala, nagkaroon siya rito ng utang na loob, kaya hindi niya ito iiwan na mag-isa sa kuweba. Ang hindi niya inaasahan ay nang tulungan din siya ni Jaime na buhatin ito palabas. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD