Episode 14: Pagbabalik

2428 Words
Nakatingin lamang ako sa sa mga kakahuyan at wari'y natuod kung sa'n ako nakatayo. Ilang taon na ang lumipas nang tumakas ako sa lugar kong ito dahil kinamumuhian ko—ang lugar kung sa'n ako ipinanganak. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko bago ko inihakbang ang mga paa ko. Tago ang lugar na ito dahil ayaw makihalubilo ng mga angkan ko sa mga tao. May sarili kaming buhay dito noon, malayo sa kabihasnan at hindi rin alam ng karamihan na may isang baranggay sa loob ng kagubatan na ito. Nanlalamig ang katawan ko nang tuluyang tumambad sa'kin ang ilang kabahayan na gawa sa kawayan. May mga sumilip, may mga umismid at ang iba, puno ng galit ang mukha ng mga ito nang madaanan ko. Mga kaanak ko sila, magkakadugo kami sa lugar na ito ng Baryo Mabon, sa pinakaliblib na lugar ito ng Siquijor. Tubong Antique ang magulang ko na napunta lamang dito dahil sa pag-iwas sa mga tao. Kailanman, wala pang nagaganap na pamamaslang sa pagitan ng tao at mga aswang kaya labis ang pagtataka ko sa nangyayari ngayon. "B-bumalik ang taksil na anak ni Felencia." Napatingin ako sa may katandaang babae nang mapadaan ako sa tapat nito, nagdidilig ito ng halaman sa tapat ng bahay nito. Napangiti ako dahil hindi mo aakalain na isa itong aswang. Mas pinili ko lamang manahimik at dedmahin ito. Kilala ako sa lugar na ito na anak ng isang pinuno—pinuno ng mga aswang pero tinalikuran ko silang lahat nang mapag-alaman kong ipapasa sa akin ng magulang ko ang pamamahala oras na tumuntong ako sa edad na 18. Dadaan ako sa maraming training pero hindi na ito nangyari pa nang maglayas ako at piliin kong mamuhay kapiling ang mga sugo ng Diyos, ang mga madre at si Father sa kumbento. "B-bakit ka pa b-bumalik, Roxy?" Isang babae ang agad sumalubong sa dalaga, si Monarkya. "Pagkatapos mong talikuran ang angkan natin, may gana ka pang ipakita ang pagmumukha mo sa baryo natin?" Naging mabangis ang mukha nito na ikinaurong ng dalaga. "Huli ka na, Roxy!" "Ano'ng ibig mong sabihin, Monarkya?" naititigilan kong tanong pero ngisi lang ang isinagot ng aking pinsan nang talikuran ako nito. "Monarkya!" Mas matanda ng ilang taon ang babae sa'kin. Nasa dulo ng kagubatang ito ang bahay namin pero bago ako makarating do'n, dadaan muna ako sa ilang kabahayan ng kamag-anakan ko. Ilang tao pa ang naglabasan sa kani-kanilang kabahayan. May pagmamadali kong tinalunton ang daan papunta sa bahay namin. Dinedma ko ang ilang kaanak ko nang makasalubong ko ang mga ito. Normal lang na namumuhay ang mga ito at kalimitang mga hayop sa gubat ang kinakain namin dito, hindi mga tao. "Nanay?" malakas kong tawag nang mapatapat ako sa isang maliit na bahay-kubo. Pigil ko ang hininga ko nang sumilip ako sa siwang ng nakasaradong pinto. "Itay, si R-Roxy po ito." Nagbabakasali akong marinig din ako ng aking ama. "Nandiyan po ba kayo sa loob?" Napatingin ako sa bitbit kong basket na puno ng groceries. Kahit naman mga aswang kami, kumakain pa rin kami ng mga ganito pero ayon sa magulang ko, kaiba raw ang laman at lasa ng tao o hayop na preska. Napalunok ako nang maalala ko ito. Pangangaso ng hayop ang ginagawa ng mga angkan ko rito dahil liblib ang lugar namin. "S-sino 'yan?" mahinang tanong sa loob, paos ang boses nito at mahina. "Mulan, i-ikaw ba 'yan?" Natigilan ako, ang aking nanay iyon. Nakagat ko nang mariin ang labi ko dahil sa labis kong kunsensya, isa na rito ang pagtalikod sa ina kong nagluwal sa'kin. Ang nanay ko, naging mabuti pa rin ito sa'kin pero ang hindi ko lang gusto, ang maging pinuno ng mga aswang. Gusto ko ang normal na buhay kagaya ng mga kaedaran ko. Nilalayo nila ako sa mga tao na labis kong tinutulan noon kaya naglayas ako. Hindi ko rin gusto ang pag-inum ng dugo ng hayop at pagkain ng laman nito kahit hilaw pa. Ganun ang ginagawa ng kapamilya ko pero mas gusto ko pa rin ang normal na pagkain ng tao. "Sino 'yan?" muling tanong na nagmumula sa loob. "M-mulan, p-pumasok ka na at t-tulungan mo'ko rito." Iginala ko ang tingin ko sa buong paligid. Natatakpan ng malalagong halaman ang maliit naming bahay-kubo at nang mapalingon ako, nasa likod ko na si Mulan, ang aking pinsan. Masama ang tinging ipinukol nito sa'kin bago ako nito nilampasan. Pumasok na ang babae sa loob ng bahay kaya napasunod na lang ako. "Tiyang, n-nandito na ang anak mo, si Roxy," agad na bungad ni Mulan na muling tumingin kay Roxy sa likuran nito. "Iabot mo nga sa-kin 'yan." Nakaturo ang kamay nito sa isang maliit na galoon sa maliit na mesa na agad namang inabot ng dalaga. "Alam mo ba kung ano ito, Roxy?" Natigilan ako. Kulay pula ang laman nito pero hindi ako nagsalita. Natuon ang pansin ko sa isang matandang babae na nakahiga sa papag, ang aking nanay. Isinalin ni Mulan sa isang baso ang laman nito at ipinainum ito sa matanda. "Dugo ito ng tao, Roxy." May inis na saad ni Mulan nang alalayan sa pag-inum ang matandang babae. Nagulat ako at mabilis na inagaw ang baso sa pinsan ko. Natapon pa ang ilang laman nito nang mapasakamay ko na. Gusto ko sanang itapon ito pero naramdaman ko ang mahigpit na paghawak ni Mulan sa kamay ko. "Subukan mo lang itapon 'yan nang makita mo ang hinahanap mo. Nagkakamali ka ng pamilyang binalikan, Roxy." "M-Mulan." "Hindi na masyadong nakakakilala ang nanay mo. Kagaya ng pangkaraniwang tao, may mga dumadapo na ring sakit sa kanya. Matanda na siya, Roxy, pero bakit mo tinalikuran ang pamilyang 'to?" Nakatayo lamang ako sa harap nila at gusto kong umiyak pero pinigilan ko. Nakatutok ang mata ko sa patpatin kong nanay. Puting-puti na ang buhok nito at ang pangangatawan nito, para na itong buto't balat sa sobrang pagkapayat. Ilang sandali pa, nagpapahid na'ko ng luha ko. "Nanay." Yakap ko ang nanay ko matapos itong mapainum ni Mulan. "Sorry po," tanging sambit ko kasabay ng pag-iyak ko. "Hindi kami pumapatay ng tao, Roxy, pero nang mamatay ang tatay mo—" Napatayo ako bigla. "Si Tatay ano'ng nangyari kay tatay, Mulan?" "Wala na siya. Pinatay ng mga tao." Lalo akong napaiyak nang maalala ko ang tatay ko, isa itong magiting na aswang na walang kinatatakutan. Isa rin siya sa dahilan kung ba't ako lumayas dahil pinipilit nitong ipagawa sa'kin ang mga bagay na ayaw ko kagaya ng pagpatay sa mga hayop. Kainin ang laman at inumin ang dugo ng mga ito. Isang bagay na naalala ko sa aking tatay noon na sinabi nito, ang dugo at laman ng tao raw ang kakaibang pagkain na babalik-balikan ng isang aswang kapag natikman na ito. "Sinubukang pumatay ng tatay mo noon ng isang tao nang mahuli siya sa isang barangay ng gabi na iyon. Pinatay siya ng mga tao, Roxy. Nakaranas na kami ng taggutom kaya unti-unting lumulusob ang mga aswang. Wala nang natitirang hayop dito sa gubat kaya wala kaming pagpipilian." "Mulan!" "Oo, Roxy." Unti-unting sumilay ang ngisi sa labi ni Mulan nang titigan nito ang kaharap. "Ganun pala ang lasa, Roxy. Malinamnam. Nang matikman ko kung ano ang lasa ng pinakaayaw mo, hindi ko na tinigilan, pinsan. Ilang tao na ang napapatay ko." "Tama na!" Naiyak ako dahil ang mga ito pala ang pumapatay ng tao. "B-bakit, Mulan. Bakit niyo ito ginagawa? Pwede naman kayong mamuhay nang maayos kagaya ng mga tao." Sunod-sunod na pag-ubo ng matandang babae ang nagpatigil sa'kin. Marahan kong hinimas ang likod ni Nanay pero hindi natigil ang pag-ubo nito. Isa pang baso ang inabot ni Mulan sa matanda pero muli na namang pumigil ang kamay ko. "Nauuhaw ako," pakli ng matanda. "Gusto ko ng dugo ng tao para lumakas ako. Mulan, gusto ko pang uminum at kumain ng laman. Nagugutom ako." "Nay, hindi pwede!" protesta ko pero malakas na pwersa ang nagbagsak sa'kin sa sahig. Si Mulan, mabagsik na ang hitsura nito at ang mata nito, namumula na. Nakikita ko ang unti-unting paglabas ng pangil nito. "M-Mulan, hindi ako kalaban. Please, tigilan niyo na ang pamamaslang at pagsugod." Naitulak ako ng babae kaya nahulog ako sa kinauupuan ko. "Hindi lang kami, Roxy, ang kumakain ng tao. Watak-watak ang lahi natin. Kalat sa buong Pilipinas kaya 'wag mo kaming sisihin. Wala ng mga hayop sa gubat kaya wala kaming aasahan na maglalagay ng laman sa tiyan namin." "Tutulungan ko kayo, Mulan, kaya nandito ako." "Huli ka na!" Nang mapainum na nito ang matanda, mabilis na tumalikod si Mulan at lumabas ng bahay. Iyak ako nang iyak nang kami na lamang ni Nanay ang naiwan. Nanginginig ako sa sobrang tensyon ko dahil sa mga pinagsasabi ni Mulan. Natigilan ako nang maramdaman ko ang malamig na kamay ni Nanay, nakapatong na ito sa kamay ko nang makaupo ako sa gilid ng papag nito. "Roxy," mapait na saad ng matanda. "P-patawarin mo ako, anak." "Nanay!" Napayakap ako sa kanya at ang laylayan ng damit ko, ginawa ko itong pamunas sa dugong nagkalat sa bibig nito. "Maraming paraan, Nay, para mabuhay tayo. Hindi ganito." "Ito lang ang nagbibigay ng lakas sa'kin. Matagal na sana akong patay kung hindi ko nalagyan ang sikmura ko ng pagkaing gusto ko." "Nay!" "Aswang tayo, kumakain ng tao kaya habangbuhay tayong ganito. Wala ka nang magagawa pa dahil nagsisimula nang maghasik ng lagim ang kalahi natin." Napayakap ako muli sa kanya. Naawa ako sa nanay ko pero hindi ako sang-ayon sa sinasabi nito. "Salamat, Nay, na kilala mo pa'ko. Sorry po, kung naglayas ako dahil alam mo naman simula pa lang, na ayaw ko sobra sa mga pinapagawa niyo. Ayokong maging aswang, Nay." "Wala na si Mulan, nasa malayo na siya." Tumingin ang matanda sa anak bago ito napangiti nang mapakla. "Nang umalis ka, nagsimula na kaming kumain ng tao, anak." Nanlaki ang mata ko. "Nay!" "Oo, simula nang mamatay ang tatay mo." "Dahil binalak niyang pumatay ng tao, Nay—" "Dahil aswang tayo! Hindi mo maaalis sa pagkatao natin ang ganitong kalagayan natin, ang pagiging aswang. Kahit ano pang pagtalikod ang gawin mo, darating ang araw na ikaw mismo ang maghahangad sa kakaibang pagkain na natitikman na namin ngayon." "Nay!" Napahalakhak nang malakas ang matanda nang hawakan ng patpatin nitong kamay ang kamay ng dalaga. Hinimas ito ng babae. "Si Mulan, siya na ang magiging pinuno ng mga aswang kapag wala na ako." Bigla kongng naisip si Mihael at ang matandang Iryang na naengkwentro ko sa bayang iyon. "May kilala ka bang Iryang, Nay? Aswang siya at isang pinuno sa isang bayan na pinamumugaran ng mga aswang. B-bakit sinabi kanina ni Mulan na hindi ka na nakakakilala? Ang kaibigan ko, may alam ba ang aswang para baguhin ang isang tao?" Biglang binitawan ng matanda ang kamay ng dalaga. "Wala akong laban kay Mulan na bata pa at maliksi. May edad na ako at nakalibing na rin sa hukay ang mga paa ko, nalalapit na ang kamatayan ko. May kamatayan din ang aswang, anak, nagkakaedad din kami at humihina. Labis akong namuhi sa mga tao nang patayin nila ang tatay mo." "Pero, Nay, may kasalanan si Tatay." "Alam ko," mabilis na sagot ng matanda. "Hindi mo maaalis sa tatay mo ang matakam sa laman at dugo ng tao dahil aswang—aswang na tayo nang ipanganak sa mundong ito." Gustuhin ko mang kamuhian si Nanay, wala akong rason para gawin ito. Matanda na ito at mahina. Tama ba ang pagbabalik ko sa lugar na ito? Mukhang wala akong mapapala. "May kakayahan ang aswang na lawayan ang taong nagugustuhan nila, at ang taong 'yon—" "Ano, Nay?" Bigka kong naisip si Mihael. "May ginawa ba sila sa kaibigan ko kaya nagkaganun siya at sino si Iryang? Binalak niya akong patayin kahit alam niyang may lahi akong aswang." Muling napahalakhak ang matanda nang balingan nito ang dalaga. "Nagpapanggap lamang akong hindi na makakakilala, anak, dahil ito ang gusto ko. Labis kong dinidbdib ang pag-alis mo pati na ang pagkawala ng tatay mo. Dahil kahit ako, wala akong laban sa kaanak natin kahit pa ako ang pinuno rito kaya mas pinili ko na lamang maging lumpo. Lahat sila sumasalakay at naiiwan kaming mahihina sa lugar na ito. Ginawa ko pa rin ang gusto mo na 'wag pumatay, dahil umaasa ako na hindi mo'ko kamumuhian. Bago ako mamatay, gusto kong makita ang nag-iisa kong anak. May ipapamana ako sa'yo para maprotektahan mo ang sarili mo." "Nay, kailangan ko ng tulong mo." "Nandiyan na sila, anak." "Sino, Nay?" Biglang bumukas ang pinto ng maliit naming bahay-kubo. Sumeryoso ang mukha ko nang makita ko ang buong angkan ko, mga kadugo ko sila dahil magkakamag-anak kami. Ang iba naman ay napiling tumambay sa labas dahil sa liit ng bahay namin. "Sumanib ka sa amin, Roxy!" malakas na pahayag ni Mulan kasama ang ilang matatanda sa likuran nito. "Magiging malakas tayo kapag sumapi kang muli sa pamilya natin. Aswang tayong lahat, Roxy, at tinawag ko sila para muli kang tanggapin sa kabila ng pagtalikod mo sa amin. Mas makapangyarihan tayo, mas malakas, kaya bakit tayo magpapakababa sa mga tao? Kailangan nating paramihin ang lahi natin, pinsan." "Mulan." "Oo, Roxy. Kailangan ka namin. Kagaya kitang malakas at bata pa. May mga edad na ang mga tiyahin natin, ang iba nating pamangkin, maliliit pa sila. Kailangan nating magsanib puwersa." Wari'y hapong-hapo ako nang tingnan ko ang mga kaanak ko. Walang kangiti-ngiti ang mga ito at matalim ang titig na ipinupukol ng mga ito sa'kin. Hindi ako makapagsalita. Napatingin ako sa nanay kong nakangiti habang hawak ang kamay ko. Naluha ako. Kahit ano pang ipaglaban ko, sarado na ang isipan ng mga ito. Nakapatay na ang mga ito ng tao. "Gusto ko munang masolo si Nanay, Mulan. Sa tagal kong nawalay sa kanya, gusto kong paglaanan siya ng oras." "Hindi ka makakalis dito, kung may balak ka pang umalis, Roxy. Kasapi ka namin at kung tatakas ka, ako mismo ang papatay sa'yo. Wala kang silbi!" Isang marahas na ungol ang pinakawalan ni Mulan nang unti-unti itong lumapit kay Roxy. "Ituturing kong kadugo ang sinumang sasapi sa angkan natin." Napalunok ako pero si Nanay, naramdaman ko ang sunod-sunod na pagpisil nito sa kamay ko. Nakangiti ang matanda nang sulyapan ko siya saglit. May misyon pa'ko. "Ok, M-Mulan. Hayaan mo'kong makapagpahinga at maialay ang oras ko ngayong araw kay nanay. Please, pinsan... magkadugo tayo. Hinding-hindi ko iyon makakalimutan!" Ilang sandali pang naglagi ang mga ito sa bahay bago muling lumabas. Tahimik na nang mawala ang mga kaanak ko. Nang tingnan ko si Nanay, nakangiti pa rin ito. "Magtatakipsilim na, anak. Dalhin mo'ko sa gubat kung saan ang ilog."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD