"HI, handsome," malapad ang ngiting sabi ng babaeng mahaba ang blonde na buhok kay Aljur. Ang landi pa ng boses nito habang titig na titig sa kaniya. Kanina pa nagpapapansin ang katabi niyang babaeng ito. Alam kasi nitong gising siya.
Kahit naririnig niya ito ay hindi niya ito pinansin. Ni hindi man lang tinapunan ng tingin. Sa halip ay nanatili lamang nakapikit ang kaniyang mga mata. Nais niyang umidlip saglit dahil sa sobrang pagod. Isa pa, ayaw niya sa mga babaeng nilalandi siya. Madalas mangyari sa kaniya ang ganitong eksena sa eroplano. Hindi lamang sa eroplano, kundi pati na rin sa kung saan man siya naroroon.
Bumabyahe si Aljur sapagkat meron siyang dinadaluhang mga conferences o engagements na may kinalaman sa negosyo. Siya ang CEO ngayon ng YLIM Corporation, ang top rival company ng Triple MZ Corporation. At ngayon ay babalik na siya sa Taguig matapos dumalo sa isang meeting at ganoon din sa birthday ng kakilala niyang businessman. Inimbintahan din kasi siya niyon.
"Hmp! Guwapo sana pero hindi naman namamansin. Snob," reklamo ng babae sa mahinang boses pero sinadya nitong iparinig kay Aljur. Padabog pa itong sumandal sa likuran ng inuupuan nito. Humalukipkip pa ito at binigyan ng huling matalim na sulyap si Aljur saka tumigil na sa pagpapansin.
"Didn't she see na sinusubukan kong matulog? Stupid," usal ni Aljur sa kaniyang isip.
Nang makarating sa Taguig ay sinalubong si Aljur ng kaniyang secretary at driver. Inutusan niya ang driver na dumaan muna saglit sa ospital na pinakamalapit sa YLIM building dahil may dadalawin lamang siyang kaibigan na naroon. Naghintay lamang ang driver at secretary sa loob ng kotse.
Pagbalik ni Aljur mula sa ospital ay sa isang restaurant naman sila nagtungo dahil nagugutom na siya. Malapit naman ang secretary at driver kay Aljur kung kaya't hindi nahiyang magtanong ang mga ito.
"Kumusta ang byahe n'yo, Sir?" tanong ni Benny, ang driver na malapit nang mag-kwarenta. Trenta'y syete na kasi ito.
"Maayos naman. I'm just a bit tired. I didn't have enough sleep," sagot ni Aljur dito.
"Mag-rest ka muna, Aljur. You have a pile of things to do pagbalik mo sa office," anang secretary niyang si Miss Bethy na isang matandang dalaga.
"Thanks, Miss Bethy."
"By the way, how was the meeting you had attended?" usisa pa ni Miss Bethy.
"Hayun, I met some representatives from big companies outside the country. They said na willing silang mag-invest sa company. I will follow up them as soon as possible." Kumagat ng karne si Aljur matapos sabihin iyon.
"THANK you rito, Kuya. Ang dami ko na talagang utang sa 'yo." Napanguso si Delaney sa harap ni Joross.
"Wala ka namang utang, ah. Sa pagkaalala ko, libre lahat 'yon. Gaya nitong ngayon," sabat ni Joross sa kaniya. "At saka, huwag mo ngang gawin ang ganiyan," suway pa nito sa ginawang pagnguso niya.
Tumaas ang isang kilay ni Delaney sa tinuran ni Joross. Hindi niya kasi ito naintindihan. "Ang alin?"
"Iyong pagpa-pout mo," kunwaring hindi nagustuhang sabi nito sa kaniya. Ang totoo naman ay gusto nito ang ginawa niyang iyon. Pakiramdam kasi nito ay nagpa-pacute siya rito. Nate-tempt itong halikan siya kung kaya't iyon din ang ayaw nito kapag ngumunguso siya.
Inirapan lang niya ang lalaki saka uminom ng tubig. "Hayaan mo, Kuya. Ako naman ang manlilibre sa 'yo next time kapag sumahod na ako. Okay?"
Tumingkad ang magkabilang tainga ni Joross sa pahayag ni Delaney. Kumislap pa ang mga mata nito at tila kinilig nang palihim. Ngumiti ito kay Delaney. "Woah. Aasahan ko 'yan, ha," masayang saad nito.
Nagkahiwalay naman sila matapos kumain. Hindi na nagpahatid si Delaney kay Joross kahit inalok na siya nitong ihatid sa kaniyang apartment. Tinanggihan niya ito dahil may dadaanan pa siyang flower shop na malalakad lang naman.
"Magandang araw, hija," nakangiting bati sa kaniya ng florist na si Aling Fely.
"Good day po," ganti niya rito saka ngumiti. "White tulips po ang bibilhin ko this time," kaagad na dugtong niya at napalingon sa white tulips. Nakita naman niyang kaunti na lang ang mga ito kaya sinabi niya sa may-ari na bibilhin na niya lahat.
"Okay, hija. Hintay ka lang saglit, ha."
"Sige po."
Tumitingin si Delaney sa iba't ibang bulaklak sa loob ng shop habang binabalot ni Aling Fely ang napili niyang bulaklak. Kilala na siya nito dahil dito siya madalas na bumibili ng iba't ibang klase ng bulaklak. Mahilig kasi siya sa mga bulaklak. Parang nawawala ang kaniyang mga problema sa tuwing nakakakita siya ng mga ito. Laging may lamang bulaklak ang mga flower vase sa apartment niya.
Alam din ni Joross ang pagkahilig niya sa mga bulaklak. Sa katunayan nga ay nais siya nitong bigyan ng bulaklak ngunit inuunahan ito ng hiya at kaba sa hindi nito malamang dahilan. Marahil ay dahil sa may lihim itong pagtingin sa kaniya.
SUMAKAY ng ibang masasakyan sina Benny at Bethy pabalik ng kompanya. Si Aljur kasi ang gumamit ng sasakyan. Napahinto siya sa pagmamaneho nang mapasulyap siya sa isang flower shop. Naalala niya bigla ang kaniyang inang matagal nang pumanaw. Sampung taon pa lamang siya noon at may sakit ang kaniyang ina sa puso. Mahilig sa bulaklak ang kaniyang ina.
Napangiti naman siya nang mapakla dahil nami-miss niya ang kaniyang ina. Paaandarin na sana niya ang kotse ngunit hindi niya iyon natuloy dahil sinasabi ng kaniyang isip na bumili ng bulaklak upang ilagay sa kanilang mansiyon. Bumaba siya at tumungo sa flower shop.
"Thank you po, Aling Fely," sabi ng dalaga sa florist nang maibigay nito ang bulaklak.
"You're welcome, hija. Thank you rin. Suki ka na talaga rito." Masaya itong ngumiti.
Ngumiti rin ang dalaga saka nagpaalam at tumalikod na. Nakakadalawang hakbang pa lang ito nang mapapikit ito upang samyuhin ang white tulips na nabili nito sabay ngiti.
Bumukas naman ang pinto ng flower shop at pumasok si Aljur. Dumaan siya sa kaliwa ng babaeng nakatayo't inaamoy ang hawak na bulaklak. At pagkadilat ng mga mata nito, saka naman siya tuluyang nakalagpas at nakapunta sa likuran nito. Lumabas na rin ang babae nang hindi na ito lumingon pa sa flower shop.
Binati si Aljur ni Aling Fely. "Magandang araw, Sir Pogi. Anong bulaklak ang hanap nila?"
Napangiti naman si Aljur nang marinig ang pagtawag ng florist sa kaniya. Napapatingin siya sa mga bulaklak sa loob ng flower shop.
"Hmm, may white tulips pa po ba kayo?" tanong niya kay Aling Fely habang hinahanap pa rin ang kaniyang nais bilhin. Kahit anong bulaklak namang bibilhin niya ay ayos lang sa kaniya pero iyong white tulips ang unang sumagi sa kaniyang isip at iyon ang lumabas sa kaniyang bibig.
"Naku, Sir! Pasensya na ngunit huli na 'yong kanina. Naunahan ka na ni Delaney, 'yong magandang babaeng kalalabas lang," paliwanag ni Aling Fely sa kaniya at sumulyap pa ito sa labas upang makita kung nasa labas pa ba ang dalaga. Ngunit hindi na ito nakita ng florist dahil naalis na ito.
"Ah, hindi ko po napansin," tugon naman ni Aljur habang lumilingon din sa labas ng flower shop upang tingnan sana kung sino ang tinutukoy ng florist. Nang makapagpasya na siya ng bibilhin ay binaling niyang muli ang tingin sa ale. "White roses na lang po," aniya.
"Okay, Sir. Hintay ka lang d'yan saglit, ha."
Tumango lang si Aljur bilang tugon. Ilang sandali lang ay nakuha na niya ang mga bulaklak. "Keep the change na lang po," saad niya sa florist.
"Naku! Maraming salamat, Sir," ani Aling Fely.
Tumango at ngumiti lang si Aljur bilang ganti. Pagkuwan ay lumabas na siya't umuwi sa mansiyon upang makapagpahinga sapagkat hindi siya nakatulog nang maayos nitong mga nagdaang araw dahil sa sobrang busy.
"Oh! Nandito ka na pala, hijo," bungad ng mayordomang si Evelyn nang magkasalubong sila.
"Opo, Manang. Magandang hapon," bati niya rito at binigay ang nabiling bulaklak upang ilagay ito sa mga flower vase. "I'll just take a rest. Sobrang napagod ako," dagdag pa niya.
"Sige, hijo. Ako na ang bahala rito," anito.
Pumasok na si Aljur sa kaniyang kuwarto at natulog. Aba't nanaginip pang may jowa raw siya at magkayakap silang dalawa lulan ng eroplano. Pagkagising niya ay hindi na niya maalala ang mukha ng kayakap niya sa kaniyang panaginip. Wala naman siyang jowa sa tunay na buhay.