"Joross? Delaney? Ano'ng ibig sabihin nito?" untag ni Divina matapos nilang lumayo sa isa't isa at napatayo dahil sa pagbukas ng pinto.
"Nagkakamali po kayo ng iniisip, Ma/Tita!" magkasabay nilang sambit.
Kinabahan naman si Delaney nang dali-daling pumasok si Divina sa loob dala-dala ang bag na may lamang mga tupperware. Nilapag nito ang dala sa mesa. Pagkuwan ay pabalik-balik itong napatingin sa kanilang dalawa ni Joross.
Hindi mapakali si Delaney at siya'y natatakot na mangyari na naman ang nangyari sa kaniya noong huli nilang pagkikita ng ina ni Joross.
"Ma, ano'ng ginagawa mo rito? Ba't 'di mo sinabing pupunta ka?" tanong ni Joross sa ina ngunit hindi nito iyon pinansin dahil nakatutok na ito ngayon kay Delaney.
"Tita Divi—" Hindi pa man niya natatapos ang sasabihin ay isang sampal ang natikman niya rito na sabay nilang ikinagulat ni Joross.
"Ma!" suway ni Joross at kinabig siya palapit dito upang ilayo siya sa ina nito at ipagtanggol siya.
Nangingilid na naman ang mga luha sa mga mata niya.
"Wow! Ang galing mo rin, ano? Pagkatapos ng asawa ko, ang anak ko naman ang pinagdiskitahan mo ngayon? Hindi mo ba talaga kayang pigilan 'yang kalandian mo, ha, Delaney? Ba't ang mag-ama ko pa?" angil ng Tita Divina niya.
"Hindi po totoo 'yon, Tita Divina," depensa niyang naiiyak.
"Ma, tigilan mo nga 'yang mga pinagsasabi mo kay Delaney. Walang katotohanan ang mga paratang mo sa kaniya. Hindi siya ganoong babae," protesta ni Joross.
"Bakit mo ba pinagtatanggol ang babaeng 'yan, Joross? Sabihin mo nga. At ano 'yong nakita kong halikan ninyo kanina? May namamagitan na ba sa inyong dalawa nang hindi ko nalalaman? Lagi bang nagpupunta ang babaeng 'yan dito para akitin ka at gawin sa 'yo 'yon?"
"Walang namamagitan sa amin ni Delaney. Nagpunta lang siya rito para tulungan akong maglinis ng apartment ko," pagtatanggol ni Joross. Pilit nitong pinahinahon ang boses dahil ayaw nitong sigawan ang sariling ina.
"Maglinis o maglandian? Naku, Joross, ha. Paalisin mo na 'yang babaeng 'yan dito bago pa maubos ang pasensya ko. Nandidilim ang paningin ko sa tuwing nakikita ko ang pagmumukha niyan."
"Kuya, aalis na 'ko," sabi ni Delaney at tumulo ulit ang isang luha sa mata niya. Kinuha niya ang envelope at naglakad patungo sa pinto. Ngunit nakakatatlong hakbang pa lang siya nang muling magsalita si Divina.
"Dapat lang! Huwag ka nang babalik at magpapakita kahit kailan dahil kahit kailan hindi ka namin naging kadugo!"
"Ma!" ungot ni Joross at napahilamos ng mukha dahil sa ibinunyag ng ina.
Napahinto si Delaney sa may pintuan dahil sa naulinigan. Bumilis ang t***k ng puso niya kasabay ang paglingon niya sa mag-ina. "A-ano po ang sinabi n'yo, Tita?"
Tila namutla si Joross. Ito na ang ikinatatakot niyang mangyari. Kinatatakutan niya ang malaman ni Delaney ang tunay nitong pagkatao. At sa pagkatuklas niyon ni Delaney, baka magalit ito sa kaniya at layuan siya.
Maagap siyang lumapit kay Delaney upang ilayo sa iba pang sasabihin ng ina niya ngunit hindi ito nagpatinag. Pumiglas ito. "Sandali, Kuya Joross. Ano 'yong sinabi ni Tita Divina na hindi tayo magkadugo?" naluluhang usisa nito.
"Delaney, hindi totoo ang—"
"Tama ang iyong narinig, Delaney," pagtatapat ni Divina dahilan para maputol ang sinasabi ni Joross. "Hindi ka namin kaanu-ano. Kaya sana lumayo ka na sa amin," mariin nitong saad. "Kahit iyon na lamang ang kapalit ng pagkupkop at pagpapalaki namin sa 'yo. Kapag hindi mo sinunod ang sinabi ko, baka habambuhay kitang itakwil at kapootan. Nakikiusap ako," patuloy nito.
Kapwa gumuho ang mundo nina Joross at Delaney. Gumuho ang mundo ni Joross dahil nilalayo ng ina niya si Delaney sa kanila, sa kaniya.
Gumuho naman ang mundo ni Delaney dahil sa katotohanang nalaman. Walang patid na ang pag-agos ng kaniyang mga luha habang binaling kay Joross ang kaniyang tingin.
"K-kuya, totoo ba ang sinabi ni Tita?" tanong niya habang nakatuon sa mga nito ang kaniyang tingin.
Hindi maipinta ang mukha ni Joross dahil sa biglaan ang kaganapang ito. Hindi nito akalaing sa ganitong pagkakataon ito mangyayari. At gusto man nitong tumanggi ay wala na itong magawa.
"Delaney..." naluluhang tawag nito sa namamaos na boses.
Pinahid ni Delaney ang sariling mga luha at sumulyap sa ina ni Joross. "Huwag po kayong mag-alala. G-gagawin ko po ang sinabi n'yo. Lalayo po ako. M-maraming salamat po sa lahat. Tatanawin ko pong isang malaking utang na loob ang pagkupkop at pagpapalaki n'yo sa 'kin." Sinabi niya ang mga iyon nang buong puso at walang kahit anong bahid ng galit. Pilit siyang kumawala ng ngiti.
Nakita niyang umiling si Joross bilang pagtutol nang tumingin siya rito.
"Delaney, huwag." Niyakap siya nito. "Huwag kang lalayo."
Gumanti siya rito ng yakap. "Salamat sa lahat, Kuya," aniya at agad ding bumaklas sa pagkakayakap dito.
"Delaney, please..." Humawak ito sa kamay niya ngunit tinabig niya ito palayo.
Umalis na rin siya matapos magpaalam. Narinig pa niya ang pagtawag ni Joross sa pangalan niya ngunit hindi niya ito nilingon at pinansin. Isa pa'y pinigilan ito ng ina nito na sundan siya. Nang makalayo na siya sa apartment ni Joross ay saka lang siya napahagulgol ng sobra habang nilalakbay ang daan pabalik sa kaniyang apartment.
NAPATANGO na lamang si Aljur matapos malaman ang balita mula sa kaniyang sekretarya at sa CFO kanina lang na hindi na matutuloy ang pag-invest ng mga nakilala niya kamakailan.
Ngayon naman ay hawak na niya ang kaniyang cellphone. Naalala niya ang sinabi ng kaniyang kapatid na dapat i-save na niya ang mga numero nang sa ganoon ay hindi siya mahirapan at malito kung sino ang tumawag o tatawagan niya. At upang hindi na siya magkamali. Bakante naman ang oras niya ngayon kaya naman ay dinakot niya ang pagkakataon upang gawin ito.
Ilang minuto rin ang iniukol niya dahil kailangan pa niyang i-back read ang mga conversations upang malaman kung sino ang kausap niya. May ilang hindi niya alam kung sino kaya binura na lamang niya ito. Napadpad naman siya sa mga calls. Isa-isa niyang binura ang mga ito. At sa huli, akmang buburahin na niya ang numero nang tila parehong naalala ng isip at mga daliri niya ang maling numerong natawagan niya noong sinundo niya si Madel. Ito ang numero ng babaeng iyon.
Napakunot siya ng noo. Sinulat niya ang numerong ito sa papel. Pagkuwan ay hinanap niya ang numero ng kapatid niyang si Madel at kinompara ito sa numero ng babaeng natawagan niya. At doon lang niya napansin na halos magkapareho nga ang mga ito. Tanging ang huling dalawang numero lamang ang magkaiba—nagkapalit ang mga ito.
Bumalik siya sa dialed calls at akmang buburahin na niya ito ngunit biglang sumulpot ulit sa isip niya ang sinabi ni Madel.
"Naku! Baka 'yan na ang forever mo, Kuya. Grab the chance na. Kay guwapong lalaki pero walang jowa."
Umarko ang isang sulok ng kaniyang labi kasabay ng marahang pag-iling sa alaalang iyon. Ngunit hindi niya binura ang numero ng babae, sa halip ay s-in-ave niya ito bilang Tulips sa hindi niya malamang dahilan. Basta't iyon ang unang natipa ng kaniyang mga daliri. Naguluhan naman sa ginawa niyang iyon.
"I'm getting weirder now," mahinang sabi niya. Hinayaan na lang niya ang ganoon sapagkat hindi naman niya alam kung sino ang nagmamay-ari ng numero.
"WHAT?! Oh, my God! Totoo ba 'yang mga sinabi mo, Delz?" sambit ng kaibigan niyang si Danica matapos niyang isiwalat dito ang nalaman niya. Tinawagan kasi niya ito at agad naman itong sumugod sa apartment niya nang marinig siya nitong umiiyak.
"Oo, Danz," maagap niyang tugon sabay tango. "Kita ko ang reaction ni Kuya Joross. Alam pala niya ang lahat pero hindi niya sinabi sa 'kin."
"Kung gano'n, nasa'n na ang tunay mong mga magulang? Bakit sila ang kumupkop sa 'yo?" usisa ng kaibigan.
"Hindi ko alam, eh," turan niya. "Iyon lang ang sinabi ni Tita Divina kanina. Sa tingin ko nga, kung hindi 'yon nagalit, hindi niya rin yata masasabi na hindi kami magkadugo."
"Naku naman, Delz. Magpakuwento ka kaya kay Kuya Joross? Para malaman mo ang lahat. Para maliwanagan ka," mungkahi ni Danica. "Isa pa, karapatan—" Napahinto ito sa pagsasalita nang may kumatok sa pinto. "Ano ba naman 'yan? Istorbo naman ang nilalang na 'to," reklamo nito at napatayo.
Ito na ang nagtungo upang buksan ang pinto. Napasinghap naman ito nang bumungad ang guwapong mukha ni Joross.
"Fafa J, ikaw pala 'yan!" sambit nito. "Pasok ka." Nilakihan nito ang awang ng pinto upang makapasok ang lalaki.
Napatayo naman si Delaney pagkakita kay Joross. "Ano'ng ginagawa mo rito, Kuya?" tanong niya rito.
"Delaney, let's talk," pahayag nito. Bakas dito na galing ito sa pag-iyak at nakikiusap din ang mga nito.
"Sige na, Delz. Para malaman mo na ang lahat," sabad ng kaniyang kaibigang si Danica.
Bago pa man siya makaimik ay nagsalita si Joross na ngayon ay humarap kay Danica. "Uhm, can you let us talk privately, Dan?" mahinahong wika nito.
Matulin namang tumango ang kaniyang kaibigan. "Oo naman, Fafa J. Mukhang kailangan talaga ninyong mag-usap ng best friend ko." Binaling nito ang tingin sa kaniya. "Delz, uuwi na muna ako, ha. Just call me kapag need mo ng makakausap or may kailangan ka. Okay?" usal nito.
Isang tipid na ngiti at marahang tango ang ibinigay niya rito. Pagkuwan ay niyakap siya nito bago ito lumabas ng apartment niya.
Isang mahabang katahimikan naman ang namutawi sa pagitan nilang dalawa ni Joross. Hindi alam ni Delaney kung ano ang sasabihin, ganundin ito sa kaniya. Makalaon ay magsasalita na sana siya ngunit isang yakap ang iginawad nito sa kaniya na hindi niya inasahan.
"Galit ka ba sa 'kin?" tanong nito na halos bulong ang lumabas.
Pinigilan ni Delaney ang sarili ngunit sadyang taksil ang kaniyang mga luha at umagos na naman. "Alam mo pala ang lahat, Kuya. Ba't 'di mo sinabi sa akin noon pa? Hindi pala tayo magkaano-ano?" aniya at humagulgol sa dibdib nito.
"Patawarin mo 'ko, Delaney," usal nito. "Sasabihin ko naman sa 'yo noong malaki ka na, eh. Pero nauunahan ako ng kaba at natatakot ako. Baka kapag nalaman mo na 'yon, lalayuan mo kami. Baka lalayuan mo ako," mahabang salaysay nito.
"Please, sabihin mo sa 'kin ang lahat, Kuya. I want to know everything," ang pakiusap niya.