Chapter 01

1213 Words
DAY SERIES #6 Lupaypay ako nang bumagsak na parang papel sa sahig. Pilit kong hinahabol ang hininga ko habang nakapikit nang mariin at nakatihaya sa madulas na sahig nitong basketball court. Walang ibang nanonood sa akin kundi si Papa pero hindi ito ang tamang panahon upang hindi matakot. Anuman ang mangyari, kailangan kong bumangon. Nanlalabo na ang paningin ko. Ramdam kong nababalot na ng pawis ang noo ko at hindi na normal ang pagod ng puso ko. Hangga’t maaari, mas pinipili kong unawain kung bakit ko pinagdadaanan ito. Hangga’t maaari, titiisin ko. But this is too much! This is torture! “Tumayo ka! Huwag kang babakla-bakla!” bayolenteng sigaw ni Papa mula sa bench. Nakaramdam ako ng pagkahilo nang tumama sa ulo ko ang naibato niyang bola. Gusto kong umaray sa sakit ngunit mas pinili kong manahimik. Gusto kong umiyak ngunit mas pinili kong itikom ang bibig, na para bang sa kabila ng lahat ng hirap, sakit, at pagdurusang nararanasan ko ngayon… heto pa rin ako, parang manhid lang sa mga mata niyang nanlilisik. Kailan ba matatapos ito? “Ang bagal!” sigaw pa niya na lalo kong kinataranta. Sa takot na lumala ito ay pinilit kong gumalaw at gumapang. Pilit akong tumayo ngunit hinang hina na talaga ang mga tuhod ko, dahilan kung bakit sa isa pang pagkakataon ay muli na naman akong bumagsak. “Akala ko ba hindi ka bakla huh? Anong kaartehan ‘yan Yuriko? Bumangon ka! Gawin mo ang drill! Magpakalalaki ka!” “P-pa…” mahina kong usal at hiniling na sana masundan ko pa ang mga salitang iyon. But nothing came out from my throat. Masyado na akong pagod na kahit pagsasalita ay hindi ko na rin magawa. Na-execute ko na ang lahat ng basketball drills na pinagagawa niya pero baluktot pa rin ako. Akala ko ba magiging lalaking tunay na ako pagkatapos kong magawa ito? Akala ko ba makararamdam na ako ng pagbabago sa sekswalidad ko? Pero bakit ganito pa rin ang laman ng puso ko? Bakit tumitibok pa rin sa kapwa ko lalaki? Sa mundong nakagisnan ng isang normal na tao, may dalawang uri ng magulang. May isang pamalo ang disiplina at may isang pangaral ang sandata. Simple lang ang dahilan— dahil mahal nila ang anak na nais nilang lumaki nang naayon sa pagpapalaki nila. Ang swerte ‘di ba? Pero sa mundo ko, kakaiba ang klase ng magulang na pinagdadaanan ko. Dahil sa halip na ituwid ako sa landas na alam niyang mali at kakaiba, siya iyong binaluktot pa ako dahil batid niyang wala na akong maitutuwid pa. Paano niya matatangap gayong basura ang tingin niya sa identidad ko? Pinaniniwalaan niyang walang lugar sa lipunang ito ang kasariang hindi naman daw likas sa mundo. Nakapanlulumong isipin. Masakit. Kung sino pa ‘yong dapat na yumakap sa’yo, siya pa ang may hawak ng punyal at isasaksak nang walang pakundangan sa'yo. Kailan kaya niya matatanggap? May pag-asa pa ba akong dapat na asahan? Kung patuloy ang iral ng walang hiyang diskriminasyong ito sa sirkulo ng pamilya ko, sinong pamilya pa ang tatanggap sa akin? Mula sa bench kung saan siya nakaupo, narinig ko ang maingay na bagsak ng kaniyang mga yapak. Hindi ko man siya nakikita dahil nanlalabo na ang paningin ko pero nababatid kong patungo na siya rito. Hinanda ko ang sarili ko. Inasahan ko na sa pagkakataong ito, sasaktan na naman niya ako nang pisikal. At hindi ako nagkamali… “Huwag na huwag kang uuwi hangga’t hindi mo natatapos ‘yan!” gigil niyang bulanghit matapos akong sipain sa sentido. Impit akong umungol sa sakit dahil pinilit kong itikom ang mga labi ko. Napakahirap magtago ng nararamdaman. Ang hirap magkunwari na ayos lang ang lahat gayong higit pa ito sa tinatawag na parusa. “Patunayan mong lalaki ka kaya bumangon ka!” “Pa… hindi ko na po… kaya—” Isang madiing tapak sa daliri ang natamo ko kaya hindi ko na napigilang sumigaw. Mariin kong idinikit ang mga palad kong kumuyom sa sahig upang tiisin ang umiigting na kirot. Gusto kong sabihin sa kaniya na nakamamatay ang drill na pinagagawa niya. Imagine running for six straight hours with no rest and breaks. May hurdles pa akong tinatalunan at hinahakbangan kaya ‘di katagalan ay nadadapa-dapa rin ako. I can’t even believe na magagawa ko iyon sa loob ng sunod-sunod na anim na oras gayong physically inactive ako. Wala akong hilig sa pagwo-workout. Hindi ako athletic. Hindi ako bastketball player. Wala akong hilig sa larong ipinipilit niya sa akin. All I want is to finish my degree and be independent. Gusto ko na magpakalayo-layo hangga’t maaari dahil isang malaking dagok sa akin ang manirahan sa puder niya. Gusto ko lang naman maging masaya pero bakit ako binigyan ng ganitong klaseng pamilya? “Wala tayong lahing bakla, Yuri. Hindi mo ba naiisip ‘yon? Ano na lang ang sasabihin ng mga tiyuhin mo? Puta, mas gugustuhin ko pa yatang magka-anak ng adik kaysa magkaroon ng kadiring gaya mo!” Nang alisin niya mula sa mariing pagkakatapak ang daliri ko, naroon pa rin ang kirot. Pero sa halip na indahin iyon, naroon pa rin ang pagnanais kong patunayan na kayang kaya kong bumangon. Unti-unti ay inangat ko ang tuhod ko. Dahan-dahan kong itinukod ang braso sa sahig na basang basa na ng pawis ko. One last force and I almost fell, buti ay nakayanan ko. Sa tuluyan kong pagtayo nang maluha-luha at papikit-pikit, nasilayan ko ang pa-andap-andap na sinag ng headlights mula sa kisame ng court. Sandamakmak ang bilang ng mga nakakalat na bola. Malayo mula sa akin ang distansya kaya kinailangan ko pang maglakad na parang natututong bata. Sa unang hakbang, halos matumba na agad ako. Sa pangalawa ay naalalayan ko pa ang sarili ko. Kumakapit na lang ako sa laylayan ng jersey ko para mapigilan ang pagbagsak. Ngunit nang sumapit ang pangatlo… “Coach! Pinatawag niyo raw kami?” Huminga ako nang pagkalalim-lalim... Ang boses na iyon… ang malalim at baritonong tinig na iyon… “Bakit ang tatagal ninyo?” dinig kong sagot ni Papa sa likuran ko. Halata ang iritasyon sa mga players na siguradong kanina pa niya pinatawag. “Ayus-ayusin niyo nga ‘yang mga trabaho niyo! Ayaw niyo bang manalo?” “Yes coach. Tatawagan ko na.” Napakagat-labi ako nang magawa ko ang ika-apat na hakbang. Kung kanina’y nanghihina ang tuhod ko dahil sa pagod, ngayon ay dahil na sa presensya ng lalaking nagpabaliw sa akin nang higit pa sa inaakala ko. “Sino ‘yan coach?” dinig kong tanong niya kay Papa. Sa puntong ito ay pinilit kong magpakatatag dahil dama kong nanonood siya ngayon. “Anak ko.” “Woah! Sasali din sa team?” “Pag-iisipan ko, Kahlil.” Napamura ako sa isipan nang makumpirmang siya nga ‘yon. Bakit ngayon pa niya ako makikita kung kailan wala ako sa ayos at parang binugbog nang milyong beses? Madalas ay lihim ko lang siyang sinisilip sa tuwing may basketball practice dahil wala akong lakas ng loob upang lumapit at magpakilala. Bakit ngayon pang halos hindi na ako makalakad? Sa ikapitong hakbang, tuluyan na akong bumagsak. Akala ko ay magagawa ko pang bumangon pagkatapos nito ngunit dahil sa lakas ng pagkakauntog ko sa sahig, ang malay na kanina ko pa pilit ginigising ay tuluyan nang naglaho.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD