Chapter Two

1857 Words
        DISMAYADO si Regina paglabas niya ng korte. Nasayang ang effort at pamasahe niya dahil wala na naman nangyari sa hearing.         “Oh, nakasimangot ka na naman diyan,” puna sa kanya ni Allan.         Pilit na ngumiti siya dito. “Nakakainis kasi eh, lagi na lang postponed ang hearing. Mauubos na leave of absence ko. Baka hindi na ako makaluwas sa susunod. Tapos pamasahe na naman,” reklamo niya.         Bumuntong-hininga si Allan saka umakbay sa kanya. “Hindi sayang ‘yon, paano masasayang? Hindi ka ba natutuwa na nagkita tayo ulit?”         Doon napangiti si Regina. “Sabi ko nga.”         “Parang napilitan ka naman yata eh.”         Natawa na siya ng tuluyan pagkatapos ay huminga ng malalim. “Sabagay, para naman makahinga ko sa trabaho. Pero sana masentensyahan na ‘yong dalawang suspects. Nauubos na ipon namin nila Tatay, Allan. Iyong lupa namin hanggang ngayon nakasanla pa rin sa bangko. Kailangan na namin mabayaran iyon, kung hindi mai-elite ‘yon.”         “Hep! Ayan ka na naman, hinga ng malalim! Isa-isa. Ini-stress mo sarili mo eh.”         Ngiti lang ang sinagot niya dito saka humarap kay Allan.         “Salamat, ha? Simula noon hanggang ngayon, hindi mo ako pinabayaan sa kaso ni Kuya.”         Gumanti ng ngiti ang lalaki saka hinawakan ang kamay niya.         “Alam mo naman gagawin ko ang lahat para sa’yo, di ba?”         Guwapo si Allan. Ang totoo niyan ay masyado itong guwapo para sa isang pulis. Papasa itong modelo o artista dahil sa tangkad, tindig at gandang lalaki nito. Hindi rin lingid sa kaalaman ni Regina na espesyal ang turing sa kanya nito at noong huling luwas niya ng Maynila ay nagsabi itong liligawan siya. May mga pagkakataon pa nga na pinupuntahan siya nito sa Cagayan para lang makita siya. Gusto ni Regina na bigyan sana ng pagkakataon si Allan. Hindi niya mahal si Allan sa paraan na kung paano siya mahalin nito. Pero mabait na tao ang kaibigan niya, siguro naman ay darating ang panahon na matututunan ni Regina na mahalin ang binata. Ang importante naman sa kanya ay kilala niya ito at komportable siya kapag magkasama sila. Ngunit hindi niya maintindihan kung bakit parang may pumipigil sa kanya na gawin iyon.         Sasagot pa lang sana si Regina sa sinabi nito nang biglang tumunog ang radyo ni Allan. May nangyayaring suicide attempt daw sa isang building sa may Tayuman, isang teenager daw ang nasa pinakatuktok ng gusali at nagbabanta na magpapakamatay. Napamulagat siya nang marinig ang pangalan ng teenager.         “Anak ni Presidente, pare! Yari na naman si Presidente sa mga kritiko niya,” sabi pa ng pulis na kausap ni Allan.         “Sige, papunta na ako!” sagot nito saka siya binalingan. “I have to go. Magkita na lang tayo mamaya.”         Biglang naalala ni Regina ang nangyari kanina na muntik na siyang madukutan.         “Hindi, sasama na lang ako!”         “Pero baka—”         “Sa isang tabi lang ako, promise hindi ako manggugulo!”         Bumuntong-hininga si Allan. “O siya, sige, halika na!”         Nagmamadali silang sumakay sa kotse nito pagkatapos ay mabilis na pinasibad iyon.           NANLAKI ang mga mata ni Regina nang makilala ang teenager na sinasabi na gustong magpakamatay, mabilis siyang bumaba ng kotse. Walang iba kung hindi si Marcela, ang batang nagligtas sa kanya mula sa magnanakaw nitong umaga.         “Marcela!” wala sa loob na sigaw niya.         Nabalot siya ng takot at pag-aalala. Isipin pa lang ni Regina natatalon ito ay hindi kaya ng konsensiya kung wala siyang gagawin.         “Kilala mo siya?!” gulat na tanong ni Allan.         Tumango siya at sinabi ang nangyari kaninang umaga.         “Siya ang nag-iisang anak ni President Javier De Vera. Nagrerebelde siya noon pa,” sabi pa ni Allan.         “Alam ko, p-pero nagkakilala kami kanina. Niligtas niya ako sa magnanakaw kanina lang habang papunta ako sa hearing.”         Nabalot ng takot at pag-aalala si Regina para sa dalagita. Alam niya, ramdam niya at nakita niya kanina, hindi masamang bata si Marcela. Ang kailangan nito ay pang-unawa at isang taong makikinig at magtitiwala dito. Ito na siguro ang panahon para siya naman ang magligtas dito gaya ng ginawa ni Marcela sa kanya kanina.         “Allan, gusto kong makatulong. Susubukan ko siyang kausapin,” sabi niya.         “Ha? Pero…”         “Sige na! Baka mamaya tumalon pa siya eh!”         Mabilis na nilapitan ni Allan ang kasama nitong pulis na naroon din sa pinangyayarihan ng gulo.         “Sigurado ka bang mapapababa mo siya?” tanong pa nito.         “S-Susubukan ko po…”         “Sige, samahan mo siya sa taas, Allan.”         Nang marinig iyon ay hindi nag-aksaya ng oras si Regina. Nagmamadali silang umakyat sa rooftop ng gusali.         “Marcela!” malakas na sigaw niya.         Napatingin sa kanya ang dalagita at nakita ni Regina kung paano bumakas sa mukha nito nagulat ng makilala siya.         “Huwag kang tatalon, please!” pakiusap niya.         Umagos ang luha ni Marcela. “Kilala mo na siguro ngayon kung sino ako, wala kang alam sa pinagdaraanan ko! Walang nagmamahal sa akin! Walang pumapansin sa akin! Walang nakakaintindi sa akin! Sabi nila, pasaway daw ako! Wala daw akong mabuting ginawa! Salbahe daw ako hindi gaya ng Daddy ko na mabait! Wala siyang panahon sa akin! Wala na siyang inintindi kung hindi ang pulitika!” humahagulgol na bulalas nito.         Dahan-dahan humakbang si Regina at inangat ang kamay. Kay lakas ng kabog ng dibdib niya ng mga sandaling iyon. Natatakot siya para kay Marcela at nanlalamig ang kamay niya. Kapag tinuloy nito ang masamang binabalak, alam niyang masasaktan ng husto ang ama nito. Alam ni Regina kung gaano kahirap at kasakit ang mawalan ng mahal sa buhay.         “Ako, naniniwala akong mabait ka, na mabuti kang tao, dahil kung hindi… kung hindi ka ganoon Marcela. Hindi mo ako tutulungan kanina. Natatandaan mo pa? Niligtas mo ako doon sa magnanakaw kanina? Gusto kitang makilala, Marcela. Gusto kong makinig sa lahat ng gusto mong sabihin. Gusto kitang maging kaibigan.”         “Sinasabi mo lang ‘yan para bumaba ako dito!”         “Hindi!” mabilis na sagot niya. “Five years ago, namatay ang Kuya ko. Kaming mga naiwan, ako at ang mga magulang namin, hirap na hirap kaming mabuhay ng wala ang kapatid ko. Ang hirap salubungin ang araw na alam mo na hindi mon a makikita ang mahal mo sa buhay. Limang taon, Marcela…”         Umagos ang luha ni Regina nang tuluyan maalala ang kapatid. “Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na wala na siya. Dahil kaming naiwan, daig pa namin ang namamatay ng paulit-ulit sa tuwing naalala namin na hindi na namin makakasama ang Kuya ko. Hindi na namin siya makikita habang buhay. Gusto mo bang mangyari iyon sa Daddy mo? Marcela, alam ko na mahal ka niya. Dahil naniniwala akong walang magulang ang hindi nagmahal sa anak niya.”         Natigilan ito sa narinig mula sa kanya.         “Kung may problema man kayo ng Daddy mo. Hindi solusyon ang iniisip mong gawin. Tutulungan kita, nandito ako, puwede mo akong maging kaibigan. Kaya pakiusap, Marcela. Bumaba ka na diyan. Humawak ka sa kamay ko…” patuloy ni Regina sa pangungumbinsi.         “Talaga?” sabi pa nito.         Pinilit na ngumiti si Regina at pigil ang luha na tumango.         “Mahal ka ng Daddy mo, Marcela. Maaaring wala siyang panahon sa’yo pero hindi ibig sabihin niyon ay hindi ka niya mahal. Dahil lahat ng ginagawa niya ay para sa’yo rin. Hindi mo man maintindihan sa ngayon. Pero balang araw, makikita mo rin na hindi lang para sa ibang tao ang ginagawa niya, kung hindi mas lalo na para sa iyo.”         Muli siyang humakbang ng dahan-dahan, papalapit kay Marcela.         “Halika na, bumaba ka na diyan…”         Mayamaya ay napalingon siya nang tumingin sa bandang likuran niya si Marcela. Natulala si Regina at parang bumagal ang ikot ng mundo nang dumaan sa tabi niya ang ama ng dalagita. Si President Javier De Vera.         “Anak… mag-usap tayo… please!” pagmamakaawa nito habang umaagos ang luha sa mga mata.         Nang mga sandaling iyon. Hindi niya nakita ang taong namumuno ng isang bansa. Kung hindi isang ama na nasasaktan at nagmamahal.         “Daddy…” umiiyak na usal ni Marcela.         Doon siya napalingon ulit sa dalagita. “Oh, n-nandito na ang Daddy mo. Sabi ko naman sa’yo eh, mahal ka niya. Dahil kung hindi, wala siya dito.”         “Mag-usap tayo, Marcela! This time, Daddy will listen to you. I promise you that.”         Muling humakbang si Regina hanggang sa tuluyan na siyang makalapit sa dalagita. Ngumiti siya dito at nilahad ang kamay.         “Narinig mo ‘yon? Kaya halika na, bumaba ka na diyan.”         Nanginginig na inangat ni Marcela ang kamay. Pababa na sana ito at hahawak na lang sa kanya nang biglang madulas ang paa nito at mawala ng balanse at nahulog mula sa kinatatayuan. Napasigaw si Regina sa gulat.         “Marcela!” sigaw naman ni Javier.         Hindi alam ni Regina kung saan nanggaling ang liksi ng katawan niya pero natagpuan na lang niya ang sarili na mabilis na nahablot ang kamay ni Marcela. Kaya hindi ito tuluyan nahulog pababa. Sa halip ay nakabitin ito sa ere habang hawak niya ng mahigpit ang kamay nito. Nagsigawan pati ang mga tao na nakikiusisa sa ibaba ng gusali.         “Ate!” malakas na sigaw ni Marcela habang umiiyak.         “Kumapit kang mabuti!” sagot niya habang ang kalahati ng katawan niya ay alanganin na rin nakabitin at tila ano man oras ay mahihila na rin siya ni Marcela pababa. Nang mga sandaling iyon ay labis na takot ang naramdaman ni Regina. Takot na baka mabitiwan niya si Marcela. Takot na baka maging siya ay mahulog kasama nito.           Napalingon si Regina nang may mabilis na humawak sa kamay nila ni Marcela. Walang iba kung hindi si President Javier.         “I got you. I got you both, don’t be scared,” sabi nito.         Hindi maintindihan ni Regina kung bakit parang unti-unting nawala ang pangamba sa dibdib niya ng mga sandaling iyon matapos marinig ang sinabi ni Javier. Nanginginig pa rin na tumango siya. “In the count of three, sabay natin siyang hilahin, okay?”         “O-Okay po…” sagot niya.         Lumingon naman siya sa kabila nang hawakan siya ni Allan sa beywang para alalayan at hindi tuluyan makabitaw.           “One, two, three…” bilang ni Javier pagkatapos ay sabay nilang hinila paakyat si Marcela.         Paghila nila sa dalagita, natumba silang tatlo sa semento nang mawalan ng balanse habang ang mga tao sa baba ay nagpalakpakan sa tuwa. Habol ang bawat hininga na nagkatiningan si Javier at Regina. Noon lang niya napansin na malapit ang mukha nila sa isa’t isa. Sa kabila ng malakas na kaba dahil sa mga nangyari, ngumiti si Regina kay Javier.         “Thank you,” anito.         Ngumiti siya saka tumango. “Walang po anuman, Sir.”         “Daddy!”         Mahigpit na nagyakap ang mag-ama. Pakiramdam ni Regina ay gumaan ng husto ang kanyang dibdib. Kasunod niyon ay ang sayang bumalot sa kanyang puso habang nakatingin sa mag-ama.         “Okay ka lang?” tanong ni Allan, habang inaalalayan siyang tumayo.           “Oo.”         Umakbay ito sa kanya. “Ang galing mo kanina ah, dinaig mo pa ako, eh ako ‘tong pulis.”         Marahan siyang natawa.         “Halika na, bumaba na tayo,” yaya ni Regina.         “Okay.”         Saktong pagtalikod nila nang muli siyang mapalingon matapos tumayo ang mag-ama.         “Sandali lang, Miss. I need to talk to you,” sabi ni Javier.                
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD