Nang matapos maligo ay madali rin akong umahon sa bathtub at lumabas ng banyo, pakiramdam ko ay parang mabibiyak sa dalawa ang ulo ko. Ang daming sumisigaw sa loob ng utak ko, mga boses na hindi ko ma-identify kung kanino at sinong nagmamay-ari.
Ngunit aware ako na isa roon ay sa akin, hindi ko lang din talaga maintindihan dahil masyado iyong blur sa pandinig ko. Tipong sa sobrang lakas no'n ay hindi ko na makuha kung ano ba ang nais nitong iparating, kaya lalo lang sumasakit ang ulo ko.
Ang sabi ni Gabby, masama raw sa akin ang piliting makaalala. Baka mas lumala ang sitwasyon ko, bandang huli nang magpaubaya rin ako at isinawalang bahala ang mga boses na iyon sa utak ko. Kasi sa totoo lang ay hindi ko malaman kung alin doon ang totoong nangyari at kung tama bang kathang-isip ko lamang iyon.
Marahil ay masyado pa akong nangangapa sa mga bagay na feeling ko ay bago sa akin kung kaya mismong imagination ko na ang gumagawa ng paraan na nagiging dahilan para mas mapasama ang kalagayan ko. Baka hallucination ko lang din iyon and I am more than afraid now for myself.
Nalilito at naguguluhan man ay pinili kong kumalma, pilit kong inalis sa isipan ko ang mga bagay-bagay na hindi ko maintindihan. Tiwala ako sa sarili ko na balang-araw ay makakamit ko rin ang hustisyang ninanais ko, darating din ang panahon na babalik ang alaala ko.
For now, yeah, kailangan kong magtiis sa unfamiliar world na ginagalawan ko. Kailangan kong makisama, kailangan kong umintindi na sa sitwasyon kong ito— ako dapat ang magpapakumbaba. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi.
Kapagkuwan ay mariing napatitig sa mukha ko sa katapat kong salamin. Kitang-kita ko sa itsura ko ang hirap na dinaranas ko, iyong pangungulila at paghahanap ko sa katotohanan. Bandang huli nang tanging pagngiti na lamang ang nagawa ko, isang mapait na ngiti.
Halos maawa pa ako sa sarili nang makita ang kulay itim at malalim kong mga eyebags, iyong tipong parati akong tulog sa hospital ngunit hindi iyon naging sapat. Walang emosyon ang dalawang mata ko ngayon, nagbabadya pa roon ang luhang gustong kumawala.
Ngunit sobrang laki lang din talaga nang pagpipigil ko sa sarili na huwag umiyak. Ayoko nang dagdagan pa ang kapangitan ko ngayon dahil totoong awang-awa ako sa itsura ko, baka lalo lang din lumobo ang mga mata ko sa sobrang pamamaga.
Huminga ako nang malalim bago ibinagsak ang katawan ko sa malambot na kama mula sa kwartong iyon. Natapos na kaming kumain ni Gabby kanina, oras naman na upang makapagpahinga at matulog dahil literal na nanlalanta ang katawan ko.
Nakapapagod iyong araw ngayon ngunit hindi ko naman magawang magreklamo. Honestly, I want to appreciate every little things around me, pero hindi ko rin naman malaman kung paano at saan magsisimula. Gusto kong maging positive kasi iyon naman ang dapat at tama.
Iyong pakiramdam na para akong bulag na hindi ko ma-familiarize iyong mga bagay sa paligid ko, gusto kong alalahanin iyong mga nangyari sa nakaraan ko ngunit sa tuwing gagawin ko naman ay kumikirot lang ang ulo ko.
Ang hirap lang din kasi na nagmumukha akong out of the world species na nangangapa sa kung paano ba gumalaw ang mundo. Ewan ko ba, masyado kong minamadali ang umalala at mabigyan ng hustisya ang pagkabahala ko.
Sa hindi mabilang na beses ay muli akong bumuntong hininga, ilang minuto rin siguro akong nakatulala sa kisame hanggang sa marinig ko na lamang ang sunud-sunod na yabag mula sa labas ng kwarto.
Kaagad kong inayos ang sarili at hinila ang kumot paangat hanggang sa dibdib ko. Mayamaya lang nang gumalaw ang doorknob ng pinto, hudyat na may taong papasok kung kaya ay nilingon ko ito.
Bago pa man din iyon bumukas ay madalian akong tumalikod sa gawi nito, marahan akong pumikit at piniling matulog na. Si Gabby iyon, may ginawa pa kasi ito patungkol sa trabaho niya at hindi ko na pinakialaman.
May ilan akong narinig, partikular ang pagbukas ng kaniyang laptop at ang pag-upo nito sa isang bangko. Ilang minuto pa nang halos matuliro ako nang maramdaman ko ang presensya niya sa likod ko, rason para mariin akong mapapikit.
Hinintay ko ang gagawin nito, kalaunan nang haplusin niya ang buhok ko. Sa pagkakapikit ko ay hindi ko nakita ang pagdukwang nito banda sa gawi ko, kaya namalayan ko na lang ang masuyong paghalik niya sa pisngi ko. Nagulat man ay hindi ako gumalaw.
Mas pinili kong magtulug-tulugan na gaano man din nagwawala ang puso ko ay pinilit kong kumalma. Palihim akong napalunok, saka ko naman naramdaman ang dahan-dahan nitong pag-upo sa gilid ko at ang paulit-ulit niyang pagsuklay sa buhok ko.
"Hindi mo na ako hinintay," bulong nito sa hangin ngunit sapat na rin upang makaabot pa sa pandinig ko.
Hindi ko pa nga malaman kung para saan iyon, kung tama bang dahil nauna akong matulog o may iba pang dahilan? Malungkot kasi ang boses nito, tila ba may pinagdadaanan ito na ayaw niya marahil sabihin sa akin.
Siguro dahil na rin sa kalagayan ko, para sa kaniya ay mas maigi nang sinosolo nito ang problema o baka sadya ring nag-o-overthink lang ako? Tipong wala lang naman ito, pero masyado kong nalalagyan ng malisya.
"Anyway... good night, wifey. Dream of me, okay?" dagdag nito, kapagkuwan ay isa pang halik sa noo ko ang iginawad niya.
Naramdaman ko ang pagtayo at ang pag-alis niya sa likod ko, roon lang ako may pagkakataon na dumilat. Kasabay pa nito ay ang pag-alpas ng mumunting ngiti sa labi ko habang tinatanaw ang madilim na kalawakan— hindi yata ako sanay na sweet ang asawa ko.
Hindi rin nagtagal nang hindi ko na masundan pa ang ginawa nito dahil mabilis lang din akong nahila ng antok at kaagad na nakatulog, ni hindi ko nalaman kung tinabihan ba niya ako sa himbing nang pagkakatulog ko dahil nang magising ako kinabukasan ay mag-isa na lang ulit ako sa kwarto.
Wala na ito, nang malingunan ko pa ang paligid ay walang bakas ng anino niya. Nahihirapan man din ay nagawa kong umahon mula sa pagkakahiga ko at saka sandaling naupo sa gilid ng kama upang hagilapin ang tsinelas kong naroon sa ibaba ng kama.
Ilang minuto kong kinondisyon ang katawan ko, partikular ang leeg kong masakit. Ilang ulit ko ring inunat ang mga kamay ko sa ere, inaantok pa man din ay nagdesisyon na akong simulan ang araw na iyon kung saan unang araw na pakikipagsapalaran sa totoong mundo.
Nakaamba na rin sa tabi ng kama ang wheelchair ko kung kaya ay madali ko lang iyon naabot, dahan-dahan pa ay lumipat ako roon na gaano man nanginginig ang mga tuhod ko at ang dalawang binti ko ay napagtagumpayan kong makaupo roon.
Dumeretso ako sa labas ng kwarto para sana hanapin si Gabby ngunit hindi pa man ako nakalalayo nang madaanan ko iyong isang pinto na bahagyang nakaawang, kaya may pagkakataong naririnig ko ang kung anong ingay ang mayroon sa loob nito.
Dagli akong huminto at dahan-dahan na itinulak ang pinto, iyong sakto lang upang makita ko ang nasa loob. Mula pa sa 'di kalayuan ay doon ko naaninagan ang pigura ng isang babae, nakatalikod ito sa gawi ko kung kaya ay hindi ko makita ang mukha niya.
Rason din iyon upang mangunot ang noo ko. Hindi pa maiwasan na umahon ang kung anong emosyon sa puso ko kung kaya ay natigilan ako at natulala, tila ba naestatwa ako sa mismong kinalulugaran ko habang pinipilit na maging malinaw ang mukha niya sa paningin ko.
Sa sobrang pananahimik pa ng paligid at ng kabuuang bahay ay namumutawi sa pandinig ko ang malamyos niyang boses. Doon ko natanto na may kung sino itong kausap, paminsan-minsan pa ay mahina siyang tatawa na naging mitsa para mas magpantig ang dalawang tainga ko.
May kung ano rin ang tumutusok sa puso ko habang pinagmamasdan ito na para bang mayroong gustong kumawala sa utak ko. Pakiramdam ko ay sobrang pamilyar sa utak ko iyong nangyayari ngayon, ito mismong presensya ng babae sa harapan ko.
Wala pa sa sarili nang mahawakan ko ang ulo ko nang maramdaman ko ang pagkirot doon, bahagya rin akong pumikit upang pakalmahin iyon kung saan ramdam na ramdam ko pa ang paninikip ng dibdib ko na naging mitsa para mas lalo akong hindi makahinga.
Sino siya? Hindi ko alam na may kasama pala kami rito sa bahay, since wala naman ding nababanggit sa akin si Gabby simula kagabi na pagdating namin dito. Kasambahay ba siya rito? Caretaker ng nasabing bahay-bakasyunan ni Gabby dito sa Isla Mercedes?
Alin doon para naman kahit papaano ay magawa kong mahimasmasan, pero nang wala rin akong makapang sagot dahil literal naman na wala akong idea ay mas sumasakit lang ang ulo ko. Mahina akong dumadaing, kalaunan nang matigilan din ako nang bumukas ang pinto sa tapat ko.
Kaagad akong nagmulat at nag-angat ng tingin, siya namang bungad sa akin ng babae na nakadungaw sa akin habang may malaking ngiti ang nakapaskil sa kaniyang labi. Ilang segundo kaming nagkatitigan, tila ba tinatantya pa nito ang emosyon ko.
Marahil ay kitang-kita nito ang paghihirap sa mukha ko, hindi lang niya mawari kung bakit at para saan. Samantala ay nakatitig lang ako sa kaniya habang pinupuna ang bawat sulok ng kaniyang mukha at hindi ko maipag-aakilang napakaganda nitong babae.
Maganda ang maladahon niyang mga mata, matangos na ilong at makapal na labi na madalas tawaging full lips. Bilugan ang mukha nito, mahaba ang kaniyang buhok na umabot hanggang sa baywang nito habang kulot naman ang bandang dulo no'n.
Hindi ko naman magawang makapagsalita dahil wala akong makapang salita sa dila ko na para lang akong naging pipi sa harapan niya. Nagawa ko pang magbaba ng tingin at pasadahan ang kaniyang kabuuan, nakasuot ito ng kulay puting blouse at pants.
Sa suot pa niyang iyon ay bumabakat ang natural na kurba ng kaniyang katawan, partikular ang bandang baywang at balakang nito. Kulang na lang din ay mapagkamalan ko itong isa sa mga fashion model ng bansang Italy, lalo sa tangkad nito.
Kasunod pa ng paglabas niya ay ang pagpasok sa eksena ni Gabby na kalalabas lang din ng kwarto. Napahinto ito at tumabi sa gilid ng babae upang makita siguro kung bakit naroon pa siya kung kaya ay dagli niya itong nilingon at saka naman ako nito napansin.
Nakita ko pa ang unti-unting pagdungaw niya sa akin, doon ay mabilis na bumakas ang masayang ngiti sa kaniyang mukha— ngiti na hindi ko masasabing may ginawa itong mali habang mahimbing ang tulog ko sa kabilang kwarto.
"Gising ka na pala," pahayag nito, kapagkuwan ay dali-dali akong nilapitan.
Tumabi ito sa gilid ko habang hawak-hawak niya ang balikat ko, samantala ay hindi pa rin maalis ang atensyon ko sa babae. May kung ano kasi sa pagtibok ng puso ko kung bakit parang kinakabahan ako at ganoon ko na lamang din pag-isipan ng masama si Gabby.
Ngayon pa nga lang ay gusto ko nang humingi ng tawad sa kaniya dahil sa pinag-iisip kong ito, baka masyado lang akong paranoid at napapangunahan ako ng takot ko para sa sarili. I'm sorry, rason din ito kung bakit gusto ko nang makaalala.
Nasasaktan ako dahil hindi ko magawang banggitin ang pangalan ng babae kung sakali man na kilala ko nga ito. Lalo lang ako nababagabag na baka kapag nagtagal pa ito ay tuluyan na akong mawala sa sarili at ayokong mangyari iyon.
"Jacky," untag sa akin ni Gabby dahilan para mabalik ako sa reyalidad. "Let me introduce her to you. This is Donna— your private nurse."
Sa narinig mula kay Gabby ay umawang ang labi ko, lalo nang ilahad ng babae ang kaniyang palad sa harapan ko. Sandali ko pa ulit binalingan ang postura nito, saka ko natantong pang-nurse nga ang suot niyang uniporme.
Yes, masyado nga lang talaga akong paranoid. Gusto ko pang yumuko para humingi ng tawad sa kanilang dalawa dahil sa naisip kong iyon ngunit hindi ko na ginawa, malalaman lang nila na ganito ako kaapektado sa mga nangyayari sa paligid ko.
"Donna Tuazon," pagpapakilala ng babae habang hindi maalis-alis ang kaniyang malambing na ngiti. "From now on, I will be your private nurse, Mrs. Monte Alba."
Kalaunan nang pagak akong matawa sa loob-loob ko, wala pa sa huwisyo nang tumango-tango ako bago inabot ang kamay niya upang makipagkamay. Nang matapos ay lihim kong inalog ang ulo ko dahil sa kaninang pagdududa ko.
Masyado lang akong napapangunahan ng takot, kung bakit ba naman kasi ganito mag-react ang puso ko. Inakala kong may something or relasyon sila ni Gabby, hindi ko naisip na may iba pang dahilan. Nababasa kaya nila ang iniisip ko? Gosh, this is so embarassing.
Sa kahihiyan ko para sa sarili ay hindi ko na napansin ang pagkawala ni Donna sa paningin ko na malamang ay nauna nang bumaba, namalayan ko na lang din na naroon na kami ni Gabby sa loob ng designated elevator habang akay ako nito sa wheelchair ko at ayaw bitawan.
Dalawa lang kami ang naroon, kaya marami ang pagkakataong pinagtataksilan ako ng puso ko. Malakas ang pagkabog nito na para bang kakawala na ito sa dibdib ko upang siya na mismo ang magpakita kay Gabby. Hindi ko lang alam kung part pa rin pa ito ng nangyari kanina.
O baka dahil sa katotohanang kami na lang ang naiwan doon, kasi literal naman na apektado ako ng presensya ni Gabby na sa tuwing nalalapit siya sa akin ay hindi ako mapakali. Sa ngayon ay hindi pa ako sanay sa ipinaparamdam niya sa akin.
Kung bibigyan ako ng maraming pagkakataon para makasama siya ay hindi hamak na masasanay din ako pagdating ng panahon, pero mas hinahangad ko ngayon na bumalik ang alaala ko— sana ay bukas na paggising ko ulit ay makaalala na ako.
"Hindi ko alam na kumuha ka pala ng private nurse," sambit ko kalaunan nang hindi ko rin makayanan ang pagwawala ng puso ko at ang pananahimik naming dalawa sa loob.
Sakto namang nakalabas kami sa unang palapag ng bahay, deretso naming tinungo ang malawak na kusina. Inihinto rin ni Gabby ang wheelchair ko, saka naman siya umikot upang maupo sa isang stool na nasa harapan ko kung kaya ay nagkapantay ang mga mukha namin.
Kaagad na nagtagpo ang mga mata namin habang tanaw ko ang maliit na ngiti sa kaniyang labi na para bang may kung ano itong iniisip, samantala ay ikinunot ko ang noo ko. Ano nga kaya ang pinag-usapan nila ni Donna sa loob ng kwartong iyon?
Kahit binigyan na ako ng paliwanag kanina ni Gabby ay hindi pa rin maiwasan na lumipad ang utak ko sa ibang dimension ng mundo at kung anu-ano na lang ang gusto kong isipin. Ilang sandali pa nang palihim kong kinurot ang isang kamay ko na naroon sa kandungan ko.
"Naisip ko lang na mas kailangan ko ng katulong sa pag-aalaga sa 'yo dahil aminado ako na madalas ay busy ako sa trabaho. Mas gusto ko na kahit wala ako sa tabi mo ay panatag ako na nasa mabuti kang kalagayan," mahabang paliwanag nito dahilan para mapatango ako.
"Ibig sabihin ay may mga araw na iiwan mo ako rito para bumalik ng Manila?" maang kong pagtatanong, alanganin man din ay dahan-dahan na tumango si Gabby.
"Sort of." Naging kibit ang balikat nito at saka pa dumukwang upang ilapit ang kaniyang mukha sa gawi ko. "But don't worry, kung aalis man ako ay babalik din ako kaagad. Ayokong ma-miss kita, kasi baka mabaliw ako."
Sa sinabi nito ay natigilan ako, wala pa sa huwisyo nang makagat ko ang pang-ibabang labi upang pigilan ang sarili na mapangiti. Ganito ba talaga siya ka-sweet? Parang hindi ko matanggap dahil feeling ko ay baka mamatay na lang ako sa kilig.
Tipong kanina lang ay pinag-iisipan ko siya ng masama. Hindi ako nakaimik dahil hindi ko malaman kung ano ang ire-react ko, samantala ay masaya lang akong pinagmamasdan ni Gabby. Malamang na bawat emosyong naglulumikot sa mga mata ko ay nakikita niya ngayon.
"Anyway..." pukaw ko rito upang kunin ang atensyon niya nang hindi ko rin makayanan ang mainit niyang paninitig sa akin. "Saan ka natulog kagabi?"
Sa tanong kong iyon ay bulgar na umangat ang sulok ng labi ni Gabby para sa isang ngisi, huli ko na ring natanto ang tono ng pananalita ko na nagmukha lang akong police investigator na nag-i-interrogate ng isang suspek.
"What do you think?" aniya sa mapaglarong boses, rason para samaan ko ito ng tingin.
"Doon ba sa kwartong iyon?" Pagtuturo ko sa kaninang kwarto na pinanggalingan nila ni Donna— bakit ba kasi nandoon at nagtatawanan 'di ba?
Mas lalo lang sumilay ang mapuputi niyang mga ngipin nang lumawak ang kaniyang pagkakangisi. Gusto ko pang murahin ang sarili dahil parang ang obvious ko naman yata sa mga katanungan kong iyon.
"Hmm." Ngumuso ito na animo'y nang-aasar lang kung kaya ay tuluyan nang naningkit ang mga mata ko, kalaunan nang matawa ito. "Sa kwarto natin, katabi mo ako kagabi. Hindi mo ba naramdaman? Niyakap mo pa nga ako."
Umismid ako bago nag-iwas ng tingin. "Akala ko ay kasama mo si Donna buong gabi..."
Bago pa man makapag-react si Gabby ay madali akong umatras at minaniobra ang wheelchair upang lampasan ito. Mayamaya lang nang marinig ko ang malakas niyang pagtawa dahilan para mamula ang pisngi ko. Sana pala ay nanahimik na lang ako.
"Wait," pagpapatigil nito ngunit hindi ko siya pinansin o nilingon man lang.
Sa paglipas pa ng bawat segundo ay palakas nang palakas ang kaniyang pagtawa, rason para mas mainis ako sa sarili kong kabaliwan.
"I think someone is jealous, huh?" anang Gabby na ayaw paawat sa kaniyang pang-aasar.
Hindi pa nagtagal nang maabutan ako nito at saka pa hinawakan ang handle ng wheelchair ko, sa isang iglap ay pinaikot niya iyon kung kaya ay magkaharap na kami ngayon. Kaagad ko siyang tiningala habang seryoso siyang tinatapunan ng tingin.
"Kararating lang niya kaninang umaga. Iyong kwarto na 'yon ang magiging kwarto niya para malapit lang sa kwarto natin at para rin madali mo lang siyang matatawag kapag kailangan mo ng tulong," pahayag ni Gabby bago inabot ang ulo ko, masuyo pa niyang ginulo ang buhok ko. "Nagseselos ka ba?"
"Uhm, hindi naman. Hindi naman siguro ako ganoong klase ng tao, hindi ba?" balik pagtatanong ko, saka pa siya nginitian.
Umalpas ang masayang ngiti ni Gabby na para bang sobra siyang natutuwa sa akin. Literal na hindi maipag-aakila ang pagiging masiyahin niya, nakakahawa lang dahil naging magaan ang loob ko sa nagdaang araw.
"Oh, ang nakilala ko kasing Jaquisa noon ay selosa," bulong nito na hindi na rin nakaabot pa sa pandinig ko nang muli ko siyang talikuran.