Chapter 1: The Heir

2213 Words
ELIZABETH VILLATORTE POV:) Bitbit ko ang isang basket habang pinitas ang mga talong na puwede nang anihin. Kasama ko ang ilan pang mga kasamahan namin na kanya-kanya rin ng tanim na gulay. Oo, isa akong magsasaka. Dito kami nakatira sa bukid, malayo sa syudad—malayo sa Manila. Kung tawagin, probinsya. Masarap tumira dito. Malinis ang hangin, tahimik ang paligid, at halos kilala ko ang lahat ng tao dito. Sabi nga nila, sa Manila raw, puro ingay, gulo, at problema ang dala ng siyudad. Dito sa amin, simple lang ang buhay—pero kontento ako, lalo na’t kasama ko ang Mama ko. Lumaki akong walang amang nakilala. Sabi ni Mama, iniwan daw kami ni Papa kasi may asawa’t pamilya na pala siya. Mayaman daw noon si Mama, pero nawala lahat dahil sa madrasta kong asawa ng Papa ko—ginawa raw nito ang lahat para pahirapan si Mama hanggang tuluyan kaming naghirap at napilitang umuwi sa probinsya. Bago pa man makalipat si Mama dito, nadiskubre niyang buntis na pala siya—at ako ang naging bunga nila. Kahit ganun ang nangyari, hindi ko naman siya sinisisi. Hindi rin ako nagtanim ng galit kay Papa. Ama ko pa rin siya, baliktarin man ang mundo. Pero higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil may Mama akong napakabait at maalaga. Mahal na mahal ko siya—kahit minsan napagsasabihan niya ako nang paulit-ulit, alam ko namang para sa akin ‘yon. Busog ako sa pangaral niya. Nilagay ko ang napitas kong mga talong sa trak na medyo luma na. Halos hingal na hingal ako sa bigat ng basket pero kinaya ko pa rin. Ilang sandali pa, nagdala rin ang iba ng mga prutas na kasama naming ipapadala sa Manila. "Mang Trino, ingat kayo sa biyahe ha! Yung mga prutas at gulay natin, wag nyo pababayaan. Buhay ng pamilya natin ang nakasalalay d’yan!" sabi ko kay Mang Trino habang paalis na siya sakay ng trak. Siya kasi ang taga-deliver sa Maynila. Pag naibenta lahat, pagbalik niya, may pera kaming panggastos. "Oo, Beth! Huwag kang mag-alala. Pag naubos lahat, magpapainom ulit ako!" sagot ni Mang Trino sabay kindat. "Woooahhh! Gusto namin yan!" sabay-sabay na sabat ng mga kasama naming magsasaka. "Wag kayong mag-alala, mga kaibigan ko! Uuwi akong dala ang kita natin!" sigaw ni Mang Trino mula sa bintana ng trak, kumakaway pa habang nakalabas ang kalahating katawan. "Sige! Ingat kayo!" sigaw ni Mang Josefino. "Bye! paalam naming lahat habang kumakaway. Nang tuluyan nang nawala sa kalsada ang trak, kanya-kanya nang nagbalikan sa kani-kanilang bahay ang mga kasamahan ko. Ako naman, papauwi na sana nang humabol si Mang Josefino. "Beth!" tawag niya. "Po?" "Salamat sa dinala mong ulam kagabi ha. Gustong-gusto ni Loreta yung adobong talong mo." nakangiti niyang pasasalamat. "Sus! Wala ‘yon, Mang Josefino. Basta ako ang Ninang ng magiging anak niyo ni Aling Loreta ha!" pabiro kong sagot habang natatawa. "Oo naman! Ikaw ang unang Ninang ng anak namin ni Loreta. Sana paglaki nun, maging kasing sipag at bait mo rin," wika niya, halata ang tuwa sa mukha. Buntis na kasi ang asawa niyang si Aling Loreta—limang buwan na. Konting panahon na lang, may bagong sanggol na naman sa komunidad namin, at Ninang ako! "Hahaha! Sige po, uwi na ako at baka hinahanap na ako ni Mama," paalam ko sabay kaway. "Sige, ingat ka. Salamat ulit, Beth!" Ngumiti lang ako habang lumalakad pauwi. Habang binabagtas ko ang makitid na daan papunta sa bahay namin, napaisip ako: ang saya talaga ng buhay sa probinsya. Simple, pero totoo ang lahat. Naglakad na ako pauwi sa amin, bitbit ang pagod at saya. Hindi ko maiwasang mapangiti — alam ko na pagbalik ni Mang Trino, may pera na naman kaming maitatabi ni Mama. Sa susunod na linggo, mababayaran na ang mga utang at baka mabili ko na rin ang ilang bagay na matagal nang kailangan namin. Pinangarap ko na talagang mabigyan si Mama ng bagong damit. Nasasaktan ako tuwing nakikita ko siyang suot ang mga lumang damit niya na puro butas at kupas na. Kahit ang lumang panty niya, ilang sinulid na lang ang nagdudugtong. Ilang beses ko na siyang pinakiusapan na palitan na ang mga iyon, pero palagi niya akong tinatanggihan. Lagi niya sinasabi sa akin: “Hindi anak. Ipunin na lang natin ‘yang pera natin para sa kinabukasan mo. Ayokong matulad ka sa akin. Kailangan mo makapagtapos ng High School, at pagkatapos nito, paghahandaan naman natin ang pagko-kolehiyo mo.” Tama si Mama. Kailangan namin mag-ipon. Next pasukan, 1st year college na ako — at alam ko na kung anong pangarap ko: gusto kong mag-Business Management. Gusto kong magkaroon ng sarili kong negosyo balang araw — tulad ng mga negosyanteng tinitingala ko sa Maynila. Yung may sariling building, maraming empleyado, at ako ang boss. Gusto ko rin maiahon si Mama sa hirap. Pagdating sa bahay, binati ko siya agad, dala ang pagod pero puno ng saya: “Ma, andito na po ako!” Maliit lang ang bahay-kubo namin — simple pero maginhawa at maayos. May lumang mesa, upuan, at lutuan, pero kasha kaming dalawa ni Mama. Ibinaba ko ang luma kong bag sa mesa at dumiretso sa kusina para magsaing. “Ma? Ano po bang gusto nyo? Lulutuan ko kayo ng ginataang puso ng saging. Gusto nyo yun, ‘di ba?” Sigaw ko mula kusina. Alam kong naririnig niya ‘yon kahit nasa kuwarto siya — gawain ko na ‘to araw-araw. Ilang saglit na tahimik. Napaisip ako — baka natutulog na naman siya. Minsan kasi inaatake siya ng pagod kaya bigla na lang siyang matutulog. Pero bigla akong napatigil nang may marinig akong malakas na kalabog mula sa kuwarto. Parang may nahulog. Kinabahan ako. Halos mabitawan ko ang hugasang kaldero. Tumakbo ako papunta sa kuwarto — kumakabog ang dibdib ko sa takot. Nang bumungad sa akin si Mama, nakahandusay siya sa sahig. Namumutla at hinihingal. “Ma!” Napaluhod ako sa tabi niya at inangat ko ang ulo niya sa hita ko, niyakap ko siya na parang ayokong pakawalan. “Ma! Huwag nyo po akong iiwan! Ma, laban lang po kayo!” Humahagulgol ako habang binubuhat ko ang kalahati ng katawan niya. Ramdam ko kung paano siya nahihirapan huminga. Alam kong may sakit sa puso si Mama — bata pa lang siya, iniinda na niya ‘yon. Paulit-ulit ko siyang pinakiusapan na magpa-check up pero matigas ang ulo niya. Dahan-dahan niyang hinawakan ang kamay ko — malamig na ang palad niya. Pilit niya akong tinititigan kahit hirap na siyang dumilat. “A-ana…k… hanapin mo… ang Papa mo…” nauutal niyang sabi habang humahagilap ng hininga. “K-ku-kunin mo ang para… sa’yo… t-tulungan mo Papa mo sa masamang… nakapalibot sa kanya…” Napalunok ako sa gitna ng iyak. “Ma, huwag mo akong iiwan… Sabay po nating hahanapin si Papa…” Nauutal na ako sa pagitan ng hikbi. Pero tuloy-tuloy ang bilin ni Mama. Buong lakas na parang huling pagkakataon na niya itong sasabihin: “T-tandaan mo, anak… Hindi mo hahayaang aapak-apakan ka… kahit nino man… L-lumaban ka…” Nilunok niya ang nahuhulog niyang luha at sumapo sa pisngi ko. “Ang pangalan… ng Papa mo… Leandro Yu… Ma-mahal na mahal kita… anak…” Parang unti-unting nabasag ang puso ko nang bigla na lang bumagsak ang kamay ni Mama mula sa pisngi ko. Nanigas siya sa braso ko, nakapikit at tuluyan nang napawi ang hininga niya. “Ma! Ma! Huwag mo po akong iiwan, Ma! Ma! Please!” Hagulgol ko habang yakap-yakap siya nang mahigpit. Ramdam ko kung paano unti-unting lumalamig ang katawan niya. Kung pwede lang sanang gawing immortal ang tao… Sana walang namamatay. Sana walang nang-iiwan. Pero ngayon, ako na lang mag-isa. Ako na lang ang natitirang buhay sa mundong ‘to para tuparin ang bilin ni Mama — na kahit mag-isa ako, lalaban ako. Hahanapin ko ang Papa ko. At babawiin ko ang para sa akin. THIRD PERSON'S POV:) “I hereby announce to you… bibitiw na ako bilang CEO ng Uphone Company.” Malamig pero matatag ang tinig ni Mr. Cedric Sy habang nakatayo sa gitna ng malawak na meeting room. Agad na nagsiingay ang mga board members at department heads na naroroon. Halos sabay-sabay ang bulungan at tanong ng mga tao. “Bakit? Bakit bigla?!” “Paano na ang Uphone Company?” “Sino ang papalit?” Tahimik lang si Cedric. Kita sa kanyang mukha na matagal na niya itong napagdesisyunan. Saglit siyang tumingin sa lahat at muling nagsalita. “May papalit sa akin.” Sa di kalayuan, palihim na napangiti si Johnser Sy, ang panganay na anak ni Cedric. Nakahalukipkip ito, may kumpiyansang tingin sa paligid. Sa isip niya, walang ibang dapat pumalit kundi siya. Pero agad na napawi ang ngiti ni Johnser nang bumungad ang sunod na sinabi ng kanyang ama. “Ang papalit sa akin bilang CEO ay si Jayson Clive Sy — ang bunso kong anak.” Parang sumabog ang bulungan sa loob ng meeting room. Mas malakas ang kaguluhan, halata ang pagkabigla ng lahat. Hindi makapaniwala ang ibang board members — lalo na’t matagal nang nasa States si Clive at bihirang banggitin ni Cedric. Samantala, hindi napigilan ni Johnser ang mapakuyom ang kamay. Ramdam ang nagbabadyang galit sa mga mata niya habang matalim ang tingin sa amang walang bakas ng pag-aalinlangan. Maya-maya, galit siyang nag-walk out sa silid. Bagsak ang pinto. Iniwan niyang umaalingawngaw ang bulung-bulungan ng lahat. Sa Uphone Corporate Office... Sa department floor, mabilis kumalat ang balita. Sa pagitan ng sipi ng mga papel at lagaslas ng aircon, bumubulong-bulong ang mga empleyado. Lumapit si Jenna, isang kilalang chismosa sa team, sa mesa ng kasama niyang si Marites at Liza. “Bes, narinig nyo na? Uuwi na raw dito yung bunsong anak ni Mr. Sy!” bulong ni Jenna, nanlaki ang mata sa sabik. “Ha? Si Jayson Clive? Yung sa States lumaki? Di pa raw nakatuntong ng Pinas ‘yun ah!” sabat ni Marites, halos mapatigil sa pagta-type. “Oo nga! Balita ko pinanganak daw yun dito pero wala pang isang taon, dinala na sa Amerika. Muntikan na raw kasi ma-ambush noon ang buong pamilya Sy.” dagdag ni Liza na halatang malakas ang loob sa mga tsismis. “Seryoso? Kaya pala bigla siyang tagapagmana ngayon!” sabay-sabay ang reaksyon ng dalawa. Napangisi si Jenna, lalo pang binaba ang boses na parang may sikreto pang ibubunyag. “Alam nyo ba? May sabi-sabi… kaya raw siya dinala sa States — bukod sa security — eh para raw ipaayos ang mukha. Pangit daw nung bata pa. Hahaha!” “Hoy! Grabe ka! Hindi naman siguro totoo ‘yan!” sabi ni Marites pero halatang nakikigigil rin sa chismis. “Hindi natin alam. Basta ang sigurado — uuwi na raw si Clive at siya na ang bagong CEO!” malisyosong sumbat ni Jenna sabay irap na kunwari may kaaway. Sabay-sabay silang napahagikhik, habang palihim na lumilinga — baka marinig sila ng HR. Pero wala silang pakialam. Para sa kanila, umpisa pa lang ito ng mas malaking kwento sa loob ng Uphone Company. Sa Estados Unidos... Nakaharap ang isang binatang lalaki sa computer, abala sa paborito niyang laro — Rules of Survival. Buong tutok siya habang mabilis ang daliri sa keyboard at mouse. Sa tabi niya, nakaupo ang kanyang tagapagbantay, si Diego, na hindi rin mapakali sa kakakwento. “You know…” panimula ni Diego, nakahalukipkip habang nakatingin sa monitor, “some people say the reason you’re here in the States is because you were born ugly. They brought you here for plastic surgery daw.” Napahinto sandali ang daliri ng binata. Napangiwi ito bago nagtaas ng kilay nang di lumilingon. “No! I did NOT have any plastic surgery!” inis na tugon niya habang pinipilit balikan ang focus sa laro. “I’ll punch them all! Argh!” Hindi napigilan ni Diego ang mapangising tawa. “They even say you looked like a monster when you were a baby. Haha!” patuloy nito, halatang nang-aasar na. Biglang sumablay ang huling click ni Clive — at nabaril siya ng kalaban sa laro. Game Over. Napahampas siya sa desk, piksi ang kilay. “Ugh! Look! You made me lose! Papa Diego, shut up! I’m NOT a monster!” galit na sambit niya, sabay harap ng upuan sa tagapag-alaga niya. “And I didn’t have surgery! My face is natural. I’m handsome, okay? Handsome!” pangangatwiran niya, nakapamewang pa. Napailing lang si Diego pero hindi rin maitago ang ngisi. “Alright, alright, calm down, my boy.” Maya-maya, naging seryoso ang mukha nito. “Anyway, pack your things tomorrow. We’re leaving.” Napakunot ang noo ni Clive habang kinakalabit ang mouse para i-load ulit ang laro. “Huh? Where?” Huminga nang malalim si Diego at dumiretso ang tingin sa kanya. “We’re going back to the place where you were born — the Philippines.” Napahinto si Clive, isang kamay nakaangat pa sa keyboard. “Why?!” Lumapit si Diego, bahagyang ngumiti at marahang tinapik ang balikat niya. “You will take over your dad’s company. You’re the new CEO of UPhone, Jayson Clive Sy. Congratulations, my boy.” Nanlaki ang mga mata ni Clive. Halos mabitawan niya ang mouse. “What?!! CEO? Me?!” Halos mabingi ang kwarto sa boses niya — pero kita sa mukha niya ang halong gulat, kaba, at bahagyang saya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD