Prologue

495 Words
Prologue Nitong Mayo 2014, isang nakakatakot na panaginip ang muntik nang pumatay sa akin. Bangungot na kung pwede lang ay ayaw ko nang maulit pa. Paano kung balang araw ay mangyari iyon? Habang naglalakad ako sa pasilyo ng aming simbahan, suot ko ang aking trahe de boda, ay siya namang pagtugtog ng paborito kong musika na tanging si Kuya lang ang nakagagawa ng tama. Ang ganda. At ang galing ng aking kapatid. Sa wakas, ikakasal na rin ako sa taong mahal ko at lam kong ang aking ama ang babasbas sa kasalang ito. Ang lahat ng tao ay nakatingin sa akin. Sila ay nakangiti at nagpapalakpakan ngunit ni isa ay wala akong makilala maliban sa aking ina na umaalalay sa akin papalapit sa altar. At least alam kong hindi ako nag iisa sa mga oras na iyon. Hindi ko rin maaninag ang mukha ng aking mapapangasawa dahil malabo ito. Nang makalapit kami ni Mama sa altar ay iniabot niya ang aking kamay sa aking groom na hindi ko alam kung sino. Hinawakan niya ang kamay ko at inalalayang makalapit sa dambana. Nakangiti ako nang malawak dahil sumasayaw sa tuwa ang aking puso. Ngunit ilang minuto lang ay biglang hinipan nang malakas na hangin na nanggagaling mula sa bukas na mga bintana ng aming simbahan ang lahat ng kandilang nakasindi. Maging ang estante nito at ang ilang disenyo sa simbahan ay natumba dahil sa malakas na hangin. Nililipad na rin nito ang aking suot na trahe de boda maging ang aking belo. Habang abala ako sa paghawak sa aking trahe de boda ay siya namang pagkarinig ko ng mga hikbi. Nilingon ko ang direksyon na pinangagalingan ng mga hikbi na iyon. Iginala ko ang aking paningin at laking gulat ko nang makitang lahat ng tao sa simbahan ay lumuluha. Bakit? Ibinalik ko ang aking paningin sa harapan ngunit naririnig ko na rin ang paghikbi ng lalaking mapapangasawa ko at alam kong umiiyak din siya kahit hindi ko maaninag nang husto ang kanyang mukha. Ang pastor na siyang magbabasbas sa aming kasal ay wala sa aking harapan. Walang pastor, wala siyang imahe. Wala sa simbahan ang aking ama. Nasaan siya? Bakit sila umiiyak? Pati ako ay umiiyak na rin dahil hindi ko alam kung ano ang nangyayari hanggang sa maging itim na nga ang buong paligid. Nagising akong habol habol ang aking hininga, umiiyak at sobrang takot na takot dahil sa bangungot na iyon. Parang gising ang diwa ko sa mga oras na iyon. Nakakatakot at kinikilabutan ako dahil ito ay kakaibang uri ng panaginip na parang totoo. Ngayong araw ding iyon, napagtanto kong, hindi ako maaaring magmahal. Hindi ako maaaring nagkaroon ng karelasyon. Hindi ako maaaring magpakasal dahil kapag ginawa ko iyon, mawawala ang unang lalaking nagmahal sa akin nang totoo. Ang unang lalaking ibinigay sa akin ang lahat, ang aking ama. Ayaw ko na dumating ang araw na iyon, kaya mas mabuting hindi na lang ako magmamahal kung may isang buhay rin lang naman ang mawawala. Ngunit paano kung ang isang bangungot ay magkatotoo? Hindi ako handa. Hindi ko kaya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD