CHAPTER 1

1045 Words
Patapos na naman ang araw at heto ako, papunta sa canteen ni Aling Miranda para kumain at siyempre, humingi ng libreng sabaw. Alam niyo naman kapag pobre, kailangan ng libre parati. Ano nga ba iyong kasabihan sa aming mahihirap? Isang kahig, isang tuka? Sus! Iyang kasabihan na iyan ay hindi maikakabit sa akin. Paano kamo? Kasi nga ang ginagawa ko ay dalawang kahig, isang tuka. Putsa! Putsa talaga dahil tagaktak na ang pawis ko pero ‘di ko pa rin marating ang karinderya na tambayan ng katulad kong gustong makalibre ng malinamnam na sabaw. Basa na ang likod ko. Basa na rin ang likiliki ko. Kaunting tiis pa, Rusty. Aano’t yayaman ka rin, pag-aalo ko sa sarili ko. Nang makarating ako sa karinderya ni Aling Miranda ay halos manlumo ako dahil sa dami ng tao. Mula sa barker at driver, mga naglalako ng kung ano-ano at mga dumaraan lang ay nandito. Jusko, may sabaw pa ba kaya ako? Iyon talaga ang unang naisip ko pagpasok na pagpasok ko. “Oh, Ate Rusty, late ka na yata, ah?” bungad agad sa akin ni Lyka. Ang 15 years old na anak ni Aling Miranda. “May sabaw pa ba?” “Pumasok ka na, Rusty, sa loob dahil may itinira na ako para sa iyo.” Kahit hindi ko lingunin ang nagsalita, alam ko na kaagad na ang may-ari na si Aling Miranda ang nagsalita. Sa tuwa ko ay nayakap ko ang matanda. Nakakatuwa lang na isipin na mas mabait pa ang mga taong ‘di ko kadugo kaysa sa tunay kong pamilya. Pero wala akong reklamo roon siyempre dahil mahal ko sila. Kinawayan ako ni Lyka kaya lumapit ako sa kanya. Ipinaghila niya pa ako ng maliit na lamesa at bangko. Dinukot ko ang coin purse ko sa bulsa at kumuha ng buo na 50 pesos. Iaabot ko sana iyon kay Lyka pero agad rin naman siyang tinawag ni Aling Miranda kaya ang ginawa ko ay umupo na muna ako para kumain. Kanina pa kasi ako nagugutom at nagwewelga na ang mga alaga ko sa tiyan. Wala pa rin talagang tatalo sa sabaw ni Aling Miranda... Napapikit pa ako habang hinahayaan na pumasok ang usok ng sabaw sa ilong ko. Sa aroma pa lang ng sabaw, mababaliw ka na, eh, lalo na kapag hinigop mo na. Itinaas ko ang manggas ng damit ko at pagkatapos ay pinaglapat ko ang dalawang kamay ko bago kinuha ang kutsara at tinidor. Handa na sana akong kumain nang may maramdaman akong nakatayo sa likuran. Kaya ang kutsarang puno ng kanin na isusubo ko na sana sa bunganga ko ay nabitin sa ere. Jusmiyo naman! “Miranda...” Boses babae. Eh? “Miranda?” Boses lalaki. Anak ng... Dahan-dahan kong nilingon ang nasa likuran ko at tumambad sa akin ang dalawang matanda—well, maputi na kasi ng buhok—na nakamasid sa akin. Kung sa ibang pagkakataon ay iisipin kong makikiamot sila ng pagkain sa akin but wait... Mukha po silang mayaman. Amoy mayaman din po. “Bakit po?” Normal lang ang boses ko. Ang speaking voice ko talaga. Inilapag ko ang kutsara ko kahit nagugutom na ako. “Pa-order kami ng adobong baboy...” sabi ng lalaki sa akin. Eh??? Kasabay ng panlalaki ng mata ko ay ang panlalaki rin ng butas ng ilong ko. Hinawakan ng lalaki ang kamay ng babae kaya dumako roon ang mga mata ko kaya nakita ko ang pagpisil ng lalaki sa kamay ng babae. Base sa gesture nila, mag-asawa ‘tong dalawang ‘to. Mula naman sa kamay nila ay itinaas ko ang paningin ko sa mukha nila. Napangiti pa ako kasi hopeless romantic ako, eh. Itinuro ko si Aling Miranda na nasa counter at may inasikaso na costumer. “Ayon po si Aling Miranda, Tatang.” Tatang talaga, Rusty? Sorry naman, wala kong maisip na ibang pangalan, eh. “Ah, ganoon ba? I’m sorry for interrupting you—” Hindi ko na narinig ang susunod na sasabihin ng babae dahil nahilo na ako kaya napahawak ako bigla sa gilid ng lamesa. Kung sa gutom o sa pag-i-English ng babae ay hindi ako sigurado. Nang mawala ang hilo ko ay wala na rin sa likuran ko ang dalawang matandang mayaman. Nasa counter na sila at kausap si Aling Miranda. “Mabuti naman,” bulong ko sa sarili ko at kinuha na ulit ang kutsara at kumain. Sa totoo lang, dito lang ako sa karinderya ni Aling Miranda nakakakain nang maayos. Dito ko lang din nararamdam na welcome ako. Sa bahay kasi namin, naaalala lang ako ng pamilya ko kapag may kailangan na linisin at may bayaran. Maghapon na nga akong nagtatrabaho sa labas para kumita ng pera, pagdating ko sa bahay ako pa ang kailangan na mag-asikaso ng lahat. Naririnig ko nga sa mga kapitbahay parati na tinatawag nila akong martir at tanga pero wala lang sa akin iyon. Kailangan ko lang naman na magtiis, eh. Dahil pamilya ko sila at kailangan nila ako. Pamilya ko sila kaya mahal ko sila. Tatlo kaming magkakapatid at ako ang pangnay. 25 years old na ako at ang pangalawa sa akin ay 18 years old lang, babae iyon. Ang bunso naman namin ay 5 years old na lalaki. “Nagkatanggalan daw sa pinapasukan mong pabrika, Rusty?” mayamaya ay tanong ng isang kumakain. Kilala nila ako kasi nga ay parokyano rin sila sa kainan na ‘to na katulad ko. “Opo nga, eh, Tatay Simon. Isa ako sa minalas at natanggal. Mabuti na lang ay nabigyan ako separation pay kasabay ng sahod ko na rin.” “Aba’y mayaman na naman ang pamilya mo niyan ngayong araw na ‘to, Rusty, ano? Ang swerte nila dahil buwan-buwan silang tumatanggap ng pera sa katulong nila.” Iningusan ko na lang si Aling Timya na siyang numero uno na tsismosa sa lugar namin. Ayoko na ring makipagsagutan. Sanay na naman ako sa panlilibak nila sa pamilya ko lalo na sa akin. Akala ko ay tapos na siya sa sinasabi niya nang bigla na naman itong humirit. “Kung pumayag ka na lang na maging asawa mo ang anak ko ay maganda sana ang buhay mo ngayon. Pahiga-higa ka na lang habang nakapatong sa iyo ang anak ko.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD