Ang lahat ng nakarinig ay nagtawanan sa sinabi ni Aling Timya.
Peste ka po. Sampu!
Ang lakas talaga ng trip nitong babaeng 'to. Mabuti sana kung gwapo ang anak niya at masipag. Ang kaso ay may bisyo na nga, basagulero pa. Tamad pa ang walanghiya! Saan ka pa? All-in-one ang kingina!
"Haroy demonyo ka talaga, Timyang, oo. Kagandang bata niyang si Rusty, ipapaasawa mo kay Miyok na hindi man lang nga marunong magsipilyo. Aba'y hindi mo ba nakikita ang ngipin ng anak mo? Ano ba ang tutpis na ginagamit ng anak mo? Kiwi ba? Aba'y akala ko sa sapatos lang epektibo ang Kiwi, hindi pala, dahil kahit sa ngipin ay garantisado na, epektibo pa."
Mas lalong lumakas ang tawanan sa loob nitong kainan dahil sa sinabi ni Mang Dagul. Isa siya sa mga nagpapasada ng tricycle rito sa lugar.
"Hoy, Dagul, malabo na nga talaga ang mata mo, ano? Dahil ang kagandang lalaki ng anak ko ay hindi mo na makita." Humarap sa akin si Aling Timya. "Pag-isipan mo nang mabuti ang sinabi ko sa iyo, Rusty. Kapag pumayag kang maging asawa ang anak ko ay magbubuhay prinsesa ka."
"Umuwi ka na, My Labs. Huwag mo nang kulitin iyang si Rusty dahil marami na ngang problema iyan. Gusto mo ba ihatid na lang kita sa inyo?" hirit ulit nitong si Mang Dagul. "Aba'y na-miss ko na ang malamyos mong halinghing sa bawat pagsasanib natin." Tumayo si Mang Dagul at nilapitan ang signal number 7 na kapitbahay namin.
"Peneste ka talaga, Dagul! Mangilabot ka naman!" Nagdadabog na lumabas ng karinderya ang kapitbahay naming mahangin kaya nagkatawanan ulit ang mga naiwan dito sa loob.
Ganito parati rito kaya kapag pikon ka, talo ka.
Pero wala akong masabi sa mga tao rito dahil kahit hikahos din na katulad ko ay nagtutulungan at ‘di alam ang salitang lamangan. Solid ang samahan ng mga tao rito kahit ‘di pa magkakadugo.
“Kapag mag-asawa ka, Rusty, iyang katulad niyan,” saad ni Teryo na nakatutok sa flash news sa telebisyon. “Para naman makaranas ka ng magandang buhay. Mayaman na, gwapo pa.”
“Ang gwapong bata nga, ano? Gwapo pa ang bulsa. Sus, pero kita niyo naman, halos buwan-buwan na laman ng balita dahil kung magpalit ng nobya ay wala man lang pakundangan. Kapag iyan ang napangasawa mo, Rusty, magkakasakit ka niyan sa puso,” sansala naman ni Mang Dagul sa sinabi ni Teryo.
“Ano nga ba ang pangalan ng binatang iyan?” sabat na rin sa amin ni Aling Miranda na walang inaasikaso na costumer.
“Krypton. Krypton Salazar,” sagot ko na para bang isang produkto ng isang chocolate factory ang lalaki dahil sa tamis ng pagkakabigkas ko sa pangalan niya. “Naku, Teryo, kapag nagkatuluyan kami ng lalaking iyan, ibibili ko kayong lahat ng tricycle para ‘di na lang kayo namamasada para sa ibang tao.” Binitawan ko ang tinidor at tumayo. “Rusty Tabalanza Salazar. Kingina, bagay talaga, ano?” Napapadyak pa ako dahil sa kalokohan ko.
“Aba’y oo naman, hija. Kaya dapat na mag-asawa ka ng mayaman para naman makaalis ka sa buhay na ‘to. Kung mayroon man kaming pinapanalangin na lahat dito, iyon ay ang makaalis ka sa puder ng pamilya mo.”
Napaupo ako at pinanood muna ang super crush kong bilyonaryo na si Krypton Salazar. Katulad pa rin ng dati ay laman ngayon ng balita ang hottest billionaire in town dahil sa hiwalayan nito ng ex-girlfriend nitong si Sue Ledezma. Nakasuot si Krypton ng equestrian suit kaya nagmukha itong prince charming na pinuputakte ng mga paparazzi.
Nang matapos ang balita sa lalaki ay saka lang ako nagsalita ulit.
“Ang totoo niyan, Aling Maming, hindi naman ako nagrereklamo dahil kahit papaano ay masaya naman ako basta masaya ang pamilya ko. Mabuti nga at hindi pa nila ako pinapalayas, eh.”
“Kuuu! Hindi ka nila pinapalayas dahil kapag pinalayas ka nila ay para na rin silang nagtampo sa bigas. Huwag nga kami. O siya, buhay mo iyan at alam naman namin na alam mo ang ginagawa mo. Basta ang maipapayo namin sa iyo, magtira ka rin para sa iyo dahil kahit yata pambili mo ng damit ay wala ka.”
Hindi ako nakasagot sa sinabi ng matandang babae. Katulad ng nakaugalian ko nang gawin ay pasok sa isang tainga at labas naman sa isa ang mga sinasabi ng iba.
Matapos ang ilang minuto ay isa-isa nang nagsisialisan ang mga costumers pero ako ay nanatiling nakaupo sa pwesto ko. Alas-tres pa lang naman at may time pa ako para makapag-isip ng idadahilan sa mga magulang ko. Kung kanina ay nakakatawa pa ako, ngayon naman ay para akong ‘di makadumi dahil sa tensyon na nararamdam ko.
Dinukot ko ang wallet ko at binuksan para mapalatak ulit.
Sampung libo lang ang pera ko. Paano ko naman pagkakasyahin ‘to? ‘Langyang buhay ‘to, oo.
Patay ka na naman ngayon, Rusty...
“Dumaraan pa ba rito ang poging Bombay, Aling Miranda?” tanong ko. No choice ako kundi ang mangutang.
“Hindi ko napapansin, hija. Bakit?”
“Eh, mangungutang sana ako, eh. Kulang ang pera ko dahil dumating kahapon ang mga bills namin sa bahay.”
Nanlulumo talaga ako ngayon. Ayoko kasi sa lahat ay ang magalit ang mga magulang ko sa akin. Para pa namang nagbubusa ng mais ang bunganga ng ermats ko. Masyadong masakit magsalita ang ermat ko. Tapos ang erpat ko naman, hindi naman ako pinapagalitan pero wala rin namang pakialam.
“Eh, bakit kasi ‘di niyo ipaputol iyang internet niyo? Tutal naman ay ‘di ikaw ang gumagamit.”
“Kailangan po ng kapatid ko, eh.”
Napapailing na lang si Aling Miranda habang may simpatya na nakatingin sa akin. Feel ko naman na may gusto siyang sabihin sa akin pero ayaw niya lang talagang ma-real talk ako.
May mga raket naman ako, kaso nga lang, magkano lang naman ang dilehensiya ko roon. 150? Tapos ang bill namin ngayong buwan ay umabot ng halos 12k. Buwisit na iyan.
Sarap kumuha ng pisi at magbigti, eh. Pero ‘di ko iyan gagawin kasi ang totoo niyan ay takot akong mamatay.
“Gusto mo bang magtrabaho muna rito sa karinderya ko? Kaso ay 500 lang ang maisasahod ko sa iyo araw-araw. Hindi naman kalakihan ‘tong kainan ko, eh.”
Nagliwanag ang mukha ko dahil sa sinabi ni Aling Miranda.
Salamat, Bro. Ikaw talaga ang star ng pasko...