The Date

2181 Words
NANIBAGO si Liv sa mga sumunod na araw. May mga dinagdag kasi si Rafe sa kung ano sila ngayon. Palagi na siya nitong tinatawagan o tinetext. Binabati siya nito tuwing umaga, lunch o kahit sa hapon. Tinatanong nito kung kumusta siya o kung kumain na ba siya. Sa ganoong paraan, pakiramdam niya ay nagle-level up na sila. Nakakaramdam na siya ng pagpapahalaga kay Rafe! Tuwing umaga at gabi ay madalas silang kumakain na pamilya. Pakiramdam niya ay mabilis na natutupad ang kagustuhan niya. Nagiging maayos na ang pamilya niya. Kagaya pa rin ng dati si Scarlett pero napapasunod na rin naman niya ito. Sadya siguro na hindi maaayos nang mabilis ang matabas na dila ng anak. But she was a kid. Mahirap naman talaga na turuan ang bata. Masaya na siya na kay Rafe ay nakakaramdam na siya ng pagbabago. Pero may mga oras na pakiramdam ni Liv ay nasasakal siya sa pagpapahalaga na iyon ni Rafe. Oo, gusto naman niya iyon. Pero ang halos oras-oras nito na pagtawag sa tuwing alam nito na nasa labas siya ay ikinababahala niya. Para bang gusto nito na alamin ang palagi niyang ginagawa kapag nasa labas. Madalas pa nga na sinusundo nila mismo ni Scarlett sa school kahit may sariling driver naman silang dalawa ng anak. Minsan ay naiisip niya na siguro ay dahil sa apektado pa rin ito sa nakita noong nakita siya na kausap si Ervin. Nagseselos ba ito kaya nagiging mahigpit? Hindi na lang minasama ni Liv ang mga ginagawa ni Rafe. Kung nagseselos at nagiging protective ito, ibig sabihin lang noon ay may nararamdaman ito. Pinasaya ni Liv ang sarili sa isipin na iyon. Dumating ang Biyernes. Lalo lamang naramdaman ni Liv na may kakaiba kay Rafe. Tanghali nang makatanggap siya ng package. Nagtaka pa siya kung kanino iyon galing pero naunahan na kaagad ng tawag ni Rafe ang tanong niya. "Did you like the outfit?" bungad kaagad nito sa tawag. "Ha?" tinignan niya ang package at bahagyang binuksan iyon. Nanlaki ang mata niya nang makitang dress, sapatos at accessories ang laman ng package. "I-ikaw ang nagpadala nito?" "Yes. I expect you to wear it tonight. I'll meet you at Spiral at six thirty in the evening." "Ha? Bakit? Anong gagawin natin sa Spiral?" "'Wag ng maraming tanong. Magpahatid ka sa driver dahil hindi kita puwedeng sunduin mismo. Marami ang magtataka." "A-all right." Tanging nasabi ni Liv. Pinatay na ni Rafe ang tawag. Ang lakas ng kabog ng puso ni Liv. Maraming alaala sa kanila ni Rafe ang Spiral restaurant sa Sofitel. Madalas silang nagde-date roon. She loved buffet foods, lalo na at marami at iba't ibang klase pa ang offer ng pagkain roon. Doon siya madalas dinadala ni Rafe dahil na rin sa nag-e-enjoy siyang makakita ng iba't ibang klase ng pagkain. Tinitikman niya ang mga bago at sumusubok na gumawa ng kanyang sariling version. Gusto bang ibalik ni Rafe ang nakaraan? Siguro. Isa lang naman ang ibig sabihin kung bakit sila pupunta sa Spiral mamayang gabi. They were going to have a date. Sila lamang dalawa. Hindi naman kasi nito binanggit si Scarlett. Bago mag-alas singko y medya ay bihis na si Liv. May pagkakonserbatibo ang pinadalang dress ni Rafe pero bumagay rin naman sa kanya. Light make-up lang ang nilagay niya sa sarili dahil hindi rin naman talaga siya mahilig mag-make up. Pero sa kabila ng hindi naman bongga na ayos ay nangislap ang mukha ng mga kasambahay nang lumabas siya. "May date ka, Yaya Liv? Ganda ah!" papuri sa kanya ni Manang Lucia. Kasunod nito si Scarlett na taka at nakahalukipkip na nakatingin sa kanya. "Bakit ka aalis? Puwede ka ba na umalis?" tanong ni Scarlett. Tumango si Liv. "Nagpaalam na ako sa Daddy mo. In fact, ipapahatid niya pa ako kay Manong Juancho," tukoy niya sa driver. "Pero---" humawak ito sa damit ni Manang Lucia. "Hindi po ba dapat palaging nasa tabi ko lamang si Yaya?" Ngumiti at ginulo ng mayordoma ang buhok ni Scarlett. "Ikaw na bata ka. Ang demanding mo, ha? Maawa ka naman sa Yaya mo. Ni hindi pa 'yan nakakapag-day off simula nang dumating siya rito. Ako na muna ang mag-aalaga sa 'yo." Sumama ang mukha ni Scarlett. Parang hindi nito gusto na umalis siya. Ikinatuwa naman niya iyon. "Gusto mo ba sumama sa akin, Scarlett?" niyuko ni Liv ang anak. Umingos ito. "No. I'm just curious where you are going. Ngayon ka lamang aalis ng bahay na hindi ako kasama." Napailing-iling si Liv. "Y-yeah." Huminga siya nang malalim. Kailan kaya magiging maayos ng tuluyan ang relasyon nila ng anak? Kailan nito mararamdaman na mahalaga ito sa kanya para hindi na siya nito itaboy? "J-just take care, okay?" bumawi rin naman ang anak. Parang nasagot na kaagad ang kahilingan niya. Pinapahalagahan rin siya ng anak kahit papaano. "You really are a good girl, Scarlett." Niyakap niya ang bata at as expected, tinanggal rin naman nito agad ang yakap. Naglihis ng tingin si Scarlett. "Ayaw ko lang na may mang-iiwan na naman sa akin. Isa pa, you promised me, right? Ayaw ko ng mga taong nagbe-break ng promise." "Babalik ako. I promised. This is just for tonight." Tumango-tango ito at umalis na sa harap nila. Pupunta daw ito sa garden kung nasaan rin ang pond. May mga binili kasi na koi fishes si Rafe noong isang araw at paborito ni Scarlett na dalawin at pakainin iyon. Niyaya na si Liv ng driver na umalis. Traffic daw kasi ngayon sa daraanan nila kaya kahit mas maaga siyang gumayak ay tama lang iyon para mag-adjust sa traffic. Alas sais kasi dapat ang alis nila ng driver sa bahay. Saktong alas sais y medya ay nakarating si Liv sa Spiral. Naroroon na si Rafe. Binigyan niya ito nang matamis na ngiti pero hindi nito iyon ibinalik. Sa halip, nakakunot ang noo nito. "Bakit ganyan ang suot mo?" weird na tanong pa nito. Natawa si Liv. "Anong klaseng tanong 'yan? Ikaw ang nagpadala nito sa akin." "I know. Sinabihan ko naman ang sekretarya ko na gusto ko ng something conservative pero---" "It looks conservative to me. Anong problema mo?" Hindi ito nagsalita. Pero napansin ni Liv na nagngitngit ang ngipin nito. Inalalayan ni Rafe si Liv papunta sa kilalang restaurant. He looked doubly handsome tonight. Kilig na kilig tuloy siya, lalo na nang para bang ayaw ng umalis ng lalaki sa kanya. Sa bawat punta niya sa buffet table, nakasunod ito. "Lahat ba ng gusto kong kainin, gusto mo rin?" Nagkibit-balikat ito. "Ayaw ko lang na umalis sa tabi mo. With the crowd here..." Tumaas ang isang kilay ni Liv. "What's with the crowd? Hindi naman ako tatakas sa 'yo." Tumiim ang bagang ni Rafe. "Hindi mo ba nakikita? Ang mga lalaki rito, they are looking after you like you are a Goddess. I don't like it!" Natulala si Liv sa narinig. Hindi na niya napigilan na napangiti. Naibaba rin niya ang plato na hawak. "You are jealous." Mukhang nainis ito sa sinabi niya. Tinalikuran siya nito. Siyempre, sinundan ni Liv ang asawa. "May karapatan ka naman. You are my husband." "I hate feeling this way," mahina lang ang pagkakasabi ni Rafe pero rinig niya. "It's okay. I understand. Though nakakapagtaka dahil hindi ka naman ganyan dati. Pinagkakatiwalaan mo ako. Pero gusto ko na lang intindihin na pinagbabago talaga ng panahon ang tao..." Tinitigan lamang ni Rafe si Liv. Nagkibit-balikat si Liv. Niyaya na lang niya ito na kumain. Nakakuha na rin naman kasi sila ng pagkain kanina bago siya nito iniwan sa buffet sa pag-iinarte nito. Habang kumakain, may napansin si Rafe. "Bakit parang kakaunti yata ang mga kinuha mong pagkain?" "Ha? Hindi naman kasi ako gutom." Dahilan niya. Hindi siya ganoon kagutom pero may iba pang dahilan. Marami na sa kanyang pinagbabawal na pagkain simula nang magkasakit siya. Limitado lamang ang puwede niyang kainin. Mabuti na lang at marunong siyang magluto kaya nagagawa niyang iluto ang mga pagkain na puwede lang sa kanya. Pero minabuti ni Liv na hindi na lang sabihin kay Rafe ang mga dahilan. Ayaw niyang pag-usapan ang sakit sa magandang gabi na iyon. Kumunot ang noo nito. Pero umiling at may may inayos sa kutsara nito. Nagulat siya nang itaas nito iyon papunta sa kanyang bibig. "This is just a little amount. Eat." Tinanggap ni Liv ang subo ni Rafe kahit bahagyang natakot siya. Bawal sa kanya ang pagkain na kinuha nito. Pero kung may consequence man ang kinain ay sapat na ang reward na natanggap niya kay Rafe sa paggawa ng bawal. Naging malaki ang ngiti ni Rafe. Siya rin naman ay ganoon rin. Lumikot ang puso niya at nagliparan ang paru-paro sa kanyang tiyan sa gesture lang na iyon ng lalaki. "Good girl. Kumain ka pa. Ang payat-payat mo na." "I'm okay with this," tukoy niya sa pagkain. Ayaw niya na maging abusado. Kinain ni Liv ang mga napili na nasa plato. "I don't want my girls skinny." "So you are considering me as your girl again?" Mukhang nagulat si Rafe sa pag-poke niya. "Hindi ganoon ang ibig kong sabihin." Ngumiti si Liv. "Admit it, Rafe. Pakiramdam ko ay bumabalik na tayo sa dati. You even asked me for a date here. Ang lugar na ito ay kung saan palagi tayo na nagde-date." Hindi ito nagsalita. Tumitig lang ito sa kanya. Nilakihan ni Liv ang ngiti. "I'm thankful, Rafe. I feel like you are opening a space of your life to me. Sa buhay kaya ni Scarlett, kailan mo ako puwedeng pagbigyan? Kailan mo ako ipapakilala sa kanya bilang Mommy niya?" Ibinaba ni Rafe ang mga hawak na kubyertos. "Teka, sumusuko ka na ba?" "Ha? Hindi naman sa ganoon. Hindi siyempre. Pero hindi ba karapatan rin niya na malaman na ako ang Mommy niya. Hindi mo rin naman maalis sa akin na hindi mainip." Ilang linggo na lamang ang natitira kay Liv. Kailangan niyang bumalik muli sa America para sa check-up niya. She's just under remission. Iyon ang dahilan kung bakit may kudlit sa kanyang puso sa binitawan na pangako kay Scarlett. May kaunting porsiyento pa rin na maaaring hindi niya matupad iyon. Puwede kasing bumalik ang sakit niya. Pero dahil sobrang na-miss na niya ang pamilya, bumalik na rin siya kahit papaano. Hindi na kagaya ng dati ang kondisyon niya. Malaki na ang tsansa niya ngayon para mabuhay. Kakaunti lang ang chance na maaaring bumalik muli ang sakit. "Hindi pa ako nakakapagdesisyon sa ngayon ng tungkol kay Scarlett. Masyado pang maaga. Hindi pa rin naman siya ganoon kaayos sa 'yo. Paano kung masamain niya ang lahat? Saka na kapag nakita ko na rin na karapat-dapat ka na muli na maging ina. Ang tungkol naman sa atin, makontento ka na lang sa kaya ko na ibigay sa 'yo ngayon." Tumango-tango si Liv. Ang tanging kaya lamang pala niyang gawin ngayon ay ang umasa at iyon nga...ang makontento sa kayang ibigay lamang ni Rafe para sa kanya. Masakit ang para kay Scarlett pero hindi naman ang kay Rafe. Ang bigyan lang siya nito ng atensyon ay nakakapagpasaya na sa kanya. Hindi na muling nag-usap sina Liv at Rafe ng mga bagay na ikakasakit ng isa't isa. Nagkuwento si Rafe tungkol sa business at masayang nakinig lamang siya. Nakita niya na na-relax ito. Madalas na nag-o-open sa kanya si Rafe tungkol sa mga ganoong bagay sa kanya noon. Pakiramdam niya ay bumalik talaga sila sa dati ngayong araw. She felt contented. Naging maayos at masaya ang gabi. Pero hindi ang pag-uwi nina Liv at Rafe. Aligaga si Manang Lucia nang makarating sila sa bahay. Ni hindi nito napansin na kasabay niyang umuwi si Rafe. Na-sense kaagad ni Liv na may problema. Ganoon rin si Rafe. Tinanong nito ang mayordoma. "Si Scarlett---" "Anong nangyari kay Scarlett?" lumakas kaagad ang t***k ng puso ni Liv. Hindi na rin niya inantay na sumagot ang mayordoma. Umakyat na siya papunta sa kuwarto ng anak. Kasunod niya si Rafe at si Manang Lucia. Kasa-kasama ang isang kasambahay sa loob ng kuwarto ay pinupunasan nito ng basang tuwalya ang umuungol na si Scarlett. Nilalagnat ang bata! Kaagad na dinaluhan niya ito. Nagmulat ito nang mata nang makita siya. "Yaya, you're back..." naggawa pa nitong sabihin kahit mahahalata na masama ang pakiramdam. Kinuha niya ang basang tuwalya. Siya na mismo ang nagpunas sa anak. Niyakap niya ito pagkatapos. Mangiyak-ngiyak na siya. Natakot siya sa isipin na may sakit ito. "I told you I will be back. Hindi kita iiwan 'di ba?" Tumango ito. "Thank you. C-can you sleep beside me tonight?" "You don't have to ask. Kahit paalisin mo pa ako, gagawin ko pa rin." Bahagyang ngumiti si Scarlett. Pumikit na ito. Naging pantay na ang hininga nito maya-maya. Nakatulog na ito. Tinignan niya ang mga nasa paligid. "Ako na ang bahala sa kanya," Lumabas ang dalawang kasambahay. Naiwan si Rafe. "Hindi mo ba gugustuhin na magbihis man lang?" Umiling si Liv. Wala na iyon sa kanyang isip. Sa ngayon, ang gusto lamang niya ay masigurado na nasa maayos na kalagayan ang anak. Hindi niya gustong malayo rito. May pakiramdam kasi siya na kahit mukhang simpleng lagnat lang naman ang dumapo sa bata ay may mangyayaring masama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD