"Pre, baka hindi mo napapansin ang patong na 'to," saad ni Vince na tinapik ang ilang papel na nakalatag sa lamesa ng opisina. "Matagal-tagal pa'ng upuan ang gagawin mo sa dami ng naghihintay na report."
Nag-angat ng mukha ang kinakausap na si Gregor mula sa hawak na cellphone. "Huh?"
Pinagkrus ni Vince ang mga braso saka humilig sa sementong pader. "Ang sabi ko, baka gusto mong umusad diyan sa nag-iisang report na hinaharap mo para makalabas tayo nang maaga mamaya rito. Mamaya niyan mahuli pa tayo ng dating kina Jess. Taya pa naman sa gastos ng inuman kung sino ang mahuhuling dumating."
Saka pa tiningnan ni Gregor ang mga papel na tinuro ni Vince. "Kaya 'yan."
"Ang busy yata ng cellphone natin ngayon? May bago kang negosyo?"
"Negosyo?" tanong ni Gregor sa magkatagpong mga kilay. Anyong walang maintindihan sa pinagsasabi ng kaibigan. "A...hindi. Walang negosyo."
Kumibut-kibot ang nguso ni Vince habang nakamasid ang nang-uusisang mga tingin sa lalaking kakalapag lang ng cellphone.
Pagkatapos mapailing ay tumuwid ng tayo saka nilisan ang opisina.
"Labas muna ako."
"Mm...sige," sagot ni Gregor na hindi nag-aksaya ng enerhiyang lingunin ang kasama.
Nakadalawang linya pa lamang siya ng sinusulat na report nang umilaw muli ang kanyang telepono.
'Bumili ako ng sandwich sa 7 Eleven.' Ang mensaheng natanggap niya mula kay Ruki.
Kaagad siyang gumawa ng isasagot kaya nawala na naman ang kanyang atensiyon sa tinatrabaho.
'I'll make it up later, okay? Kumain ka ng kanin sa tanghali. Kasalanan ng alarm clock kung bakit hindi ako nakapaghanda ng agahan kanina. Hindi tumunog.'
'Okay lang.'
Sa katunayan, hindi talaga niya nai-set ang alarm clock nang nakaraang gabi. Nawala na sa kanyang isip bago siya gapiin ng antok.
Kung hindi sa mahinang tapik ni Ruki sa kanyang braso ay hindi siya magigising nang kusa. 'Sing lalim yata ng tubo ng poso ang tulog niya kaya hindi man lang siya nagising nang bumangon ito.
'Sabi ko naman, hindi na kailangan. May duty rin ako mamaya sa cafe. Baka doon na ako magdi-dinner.'
'May lakad ako mamaya. Nagyaya kasi ang barkada ng inuman sa bahay ng kaibigan namin.'
Hindi muna binalikan ni Gregor ang nakatenggang gawain sa computer dahil plano niyang tapusin na lamang muna ang pag-uusap nila bago ipagpatuloy muli. Ngunit dumaan ang ilang minuto ay hindi na muling umilaw ang kanyang cellphone.
Nagtatakang binuksan niya ang inbox para silipin kung may pumasok na mensahe.
Paano niya ba sinabi ang huling message? May nakasama ba sa loob nito sa paraan ng pagkakasabi niya?
Muli niyang binasa ang pinadalang text.
Wala na man yata. Baka na-busy? Gagawin na muna niya ang reports habang hihintayin ang reply nito.
Ngunit nakatapos na siya ng dalawa ay blangko pa rin ang screen ng kanyang cellphone.
Dahil hindi mapakali sa iniisip, nagpasya siyang tawagan na lamang ng direkta si Ruki.
"Hello? Gregor..."
"Hindi ka na nagreply."
"A, sorry. Kasi nag-report ako kanina sa gitna ng klase."
"Nasa klase ka pa?"
"Tapos na ngayon, naglalakad ako papunta sa kabilang room."
"Mamaya, mag-iinuman kami ng mga barkada ko sa bahay ng isang kaibigan. Iyon ang last message ko."
"Oo nabasa ko. Hindi lang ako nakapag-reply."
"Baka matapos kami nang maaga, susunduin kita."
"'Wag na! H-hindi naman kailangan."
"Masyado nang gabi ang uwi mo minsan, kaya nakakatagpo ka ng rapist. Dadaanan kita mamaya. Hintayin mo 'ko"
Rinig ang buntong-hininga na ginawa ni Ruki sa kabilang linya. "'Kay..."
"Sige."
Gaya ng sabi ni Vince, kailangan na niyang tapusin kaagad ang mga gawain sa opisina para huwag silang mahuli. Hindi naman sa natatakot siyang maglabas ng pera para sa inuman, nakakasakit lang kasi sa tenga ang mga kantiyaw ng kanilang mga kabigan. Kahit ano na lamang ang naiisip na dahilan ng kanilang pagka-late.
Ngunit nabigo siyang tapusin ang lahat sa tamang oras. Ang resulta, kalahating oras silang nahuli.
"May taya na!" saad ni Dylan pagkapasok na pagkapasok nila ng gate. Nakaupo na ang tatlo sa kanilang mga baraka sa metal na table set sa garden.
"Hindi!" Sabi ni Vince na tinuro ang isang bakanteng upuan. Maliban sa dalawang nakalaan para sa kanilang dalawa, may isa pa'ng hindi naookupa. "Si Bren."
"Si Bren, andito na dapat 'yon, nagpadaan na lang kami ng ice sa convenient store sa kanto kaya siya pa rin dapat ang mauuna."
"Technically kami ang nakaabot dito. Bakit kami ang tataya?" maktol ni Gregor.
"Kasi nga inutusan namin ng ice. 'Li na kayo at nang makapaghapunan. Ikokondisyon natin nang maigi ang mga sikmura nang makarami mamaya."
Ilang minuto lang ang lumipas simula ng pagkarating nila ni Bren ay lumangitngit na rin ang gate.
"Si Bren na 'yan," anang may-ari ng bahay na si Jess.
Bumungad ang isang may kaputiang lalaking naka t-shirt ng green at itim na pantalon. Sa kamay ay bitbit ang isang bag ng ice cubes. "Saved ako sa taya ha?"
"Oo, tanggap na nila Greg ang pagka-late nila. Umupo ka na rito." Si Jess na naglalapag ng mga ulam.
"Kayo lang naman ang madaya," angal ni Vince na sumandok ng kanin.
"Walang dayaan 'to. Ang babagal n'yo kasi."
Gumugol ng lampas isang oras ang kainan ng magkakabarkada dahil na rin sa mahaba-habang usapan habang nasa hapagkainan. Pagkatapos mailigpit ang mga ginamit sa pagkain saka pa lamang nila nasimulan ang inuman sa bakuran ng bahay. Dala nila ang ilang pulutang hinanda at ulam na naiwan.
"Hindi ba pupunta rito ang girlfriend mo?" tanong ni Dylan kay Jess.
"Nandito siya kahapon. Sinabihan ko talaga na lumayo muna ngayong araw. Kung kami na lang lagi ang magkakasama baka maikasal kami nang maaga," sagot ng lalaki na humalakhak.
"Bakit? Hindi pa ba? Matagal na kayo, 'di ba?" Si Nero, ang kaibigan nilang professor ng Math.
"6 years. Pinag-iisipan na namin. Kailangan ko na rin talagang magkapamilya sa edad na ito. Para naman may matinong pupuntahan na ang araw-araw kong kayod." Piloto ito ng private aircraft ng isang mayamang pamilya.
"Not bad. Matino naman si Cathy. Huwag mo nang pakawalan," anang junior manager na bankero, si Dylan.
"Ikaw ba? 'Di ba nagpaplano ka na rin?" Hinarap ni Jess ang huli.
"Baka next year."
"Maganda 'yan! Dapat pala magtino ka na. Putulin mo na ang extra mo."
"Pinagpa-planuhan ko na kung paano."
"Loko 'to, patay ka kung mahuli ka last minute ng kasal n'yo," natatawang usal ni Vince habang dinadala ang sariling baso sa bibig.
"Nagsalita ang tatlong beses magpalit sa isang buwan!"
"At least ako, wala pang planong magpatali."
"Ano'ng klase na ngayon ang hawak mo? Iyong fashion designer pa rin?" tanong ni Nero. "O ang accountant? Kaya siguro na-late kayo, nag-report muna."
Hinawakan ni Jess ang leeg ng bote saka nagsalin sa sariling baso. "Bakit ayaw mo pa'ng mag-settle down, Pre? Ayaw mo pa bang makita kung ano ang hitsura ng lahi mo? May stable ka naman ng trabaho. Mahirap bang pumili? O baka naman iba ang hanap mo?" anitong ngumisi nang malapad. "Ikaw na lang ang zero sa atin. Si pareng Greg, mayro'n na, e."
"Pre, ikaw? Ano ang plano? Meron na rin ba?" baling ni Dylan kay Greg. "Mag-iisang taon na yata kayo ng girlfriend mo."
"Wow naman 'tong si pareng Dylan, talo pa ang girlfriend ko magbilang," nakangising usal ni Nero.
"Hindi ko pa napag-iisipan," ang tanging sagot ni Gregor habang hinihithit ang tangang sigarilyo. "Mas marami pa akong dapat isipin."
"Hindi talaga dapat minamadali ang ganitong bagay. Kailangang idaan sa matinding pag-iisip bago magdesisyon. Baka pagsisihan sa huli kapag ipipilit. Take you time. Ang sabi nila, mararamdaman n'yo na lang daw kapag nakita n'yo na ang dapat ninyong pakakasalan. It's as if you can't resist over them. Parang magnet ang tindi ng intuition. Mapapasabi ka na lang na 'siya na nga!"
"Naramdaman mo ba 'yan kay Beth, pareng Jess?" tanong ni Gregor.
"Yeah. Sure."
"Suwerte mo."
Lampas hatinggabi na ng makatakas si Gregor sa bahay ng kaibigan. Isang oras bago nangyari iyon ay sinubukan niyang umalis na ngunit mahigpit siyang pinigilan ng mga ito. Kesyo uubusin na lamang daw ang natirang laman ng bote. Actually, inasahan na niya ang ganoong reaksiyon pero akala niya ay makakatakas siya. Ginawa na lamang hatian ng lahat ang gastos ng kanilang salu-salo bilang kondisyon para sa kanyang pananatili.
Dahil mukhang madedehado ang kanyang pangako kay Ruki, hindi niya kinalimutang magpadala ng mensahe para ipaalam dito na mahuhuli siya na sinagot naman ng huli ng 'ok'.
Ngayong pauwi na siya ay sinusubukan niyang tawagan ang cellphone nito pero hindi na sumasagot.
Dadaan pa ba siya sa café? Mukhang mas mainam kung gagawin niya iyon, baka naroon pa ito at naghihintay.
Nang makitang madilim na ang café at walang bulto ni Ruki ang naroon, dumiretso na siya sa condominium para unuwi.
Ilang magkasunod na katok ang pinakawalan niya sa pintuan ng kapatid bago narinig ang pag-click ng lock.
Napangiti siya. Mabuti at nakauwi naman nang maayos si Ruki. Magagalit kaya ito o magtatampo sa hindi pagtupad sa kanyang pangako? Mas lalong lumapad ang kanyang ngiti nang maisip kung ano ang magiging hitsura niyon kapag nagalit.
Ano kaya ang gagawin niya?
Ngunit tila buhangin na hinipan ng malakas na hangin, napawing bigla ang kanyang ngiti at imahinasyon nang mapagtantong hindi naman pala ang taong inaasahan ang nagbukas ng pintuan.
"Kuya?" mahinang sabi ni Rei, ang mga mata ay puyat at namumula.
"Nagpuyat ka na naman sa kakalaro, Rei?" tanong niya habang humakbang papasok ng flat. Inilapag ang dalang supot sa lamesa at mabilis na pinalibot ang mga mata sa paligid bago umikot at hinarap ang binatilyo.
"Matutulog na dapat ako. E, kumatok ka."
"Nagpapalusot ka pa. Baka bukas mabubulag ka na. Kumain ka na ba?"
"Opo. Ano 'to? Burgers and fries?"
"...ikaw lang ba mag-isa rito?"
"Nasa loob, tulog na," anitong pinatulis ang nguso para ituro ang direksiyon ng kuwarto ng kaibigan. "Napagod yata sa trabaho. Sa 'kin na lang lahat 'to. Kaya ko naman tong ubusin. Sakto hindi pa 'ko nag midnight snack. Ang aga kong nag-dinner, e."
Pumapalatak na senenyasan niya ang kapatid na huwag ubusin ang pagkain. "Sige...aalis na 'ko."
"Thanks! Morning ang duty mo, 'di ba?"
"Mm..."
"Sige, goodnight!"
Nang mapatuon siya sa pintuan ng silid ni Ruki habang nilalakbay ang pintuan palabas ay pasimple siyang nakiramdam. Tahimik na ang loob. Nakatulog na nga marahil kaya hindi na sumasagot sa tawag.
Uuwi na lamang siya dahil naghahanap na rin ng malambot na higaan ang kanyang katawan.