LESSON 07

2693 Words
LESSON 07 “Rooftop’s Ghost” “JAMES!” Tawag ni Maira kay James nang makita niya itong palabas na ng classroom nito. Break time na at talagang ipinagpaliban na muna niya ang pagkain para lang hintayin ang lalaki sa paglabas nito sa silid-aralan. Hindi yata siya nito narinig dahil kausap nito ang kaibigan nitong si Ronnie. Nagtatawanan ang dalawa at mukhang masayang-masaya. Muli niya itong tinawag nang naglalakad na ang dalawa sa may corridor. Lumingon ito ngunit nang makita siya ay mas lalo nitong binilisan ang paglalakad. Kahit parang umiiwas ito sa kanya ay hinabol niya pa rin ang lalaki. Gusto lang naman niya itong makausap tungkol sa panliligaw nito. Kung desidido na ba talaga itong tumigil sa panliligaw sa kanya. Baka kasi nasulsulan lang ito ni Ronnie at hindi naman talaga iyon ang gusto nito. Gusto na rin naman kasi niya si James kaya napakasakit para sa kanya ang pag-iwas nito. Sasagutin naman niya ito talaga pero pinapatagal lang niya ng kaunti at baka isipin nito na madali siyang makuha. Gusto niya na magkaroon ito ng respeto sa kanya kaya ganoon. Halos tumakbo na siya maabutan lang si James. Mabilis niyang iniharang ang kanyang sarili sa daraanan nito. “James! Mabuti naman at naabutan kita!” May saya sa puso na turan niya. Parang nakumpleto na agad ang araw niya nang makita ito. Sumimangot si James at hindi man lang nagsalita. Tinabig siya nito pero naging matigas siya. “Pwede ba, Maira, umalis ka sa daraanan namin?” anito. Umiling siya. “Hindi! Ayoko. Hindi ako aalis dito hangga’t hindi tayo nag-uusap!” Kinuha niya ang kamay nito at mahigpit na hinawakan. “James, alam kong mahal mo ako. H-hindi mo naman ako liligawan kung hindi, 'di ba? Si L-laira ba? 'Yong kakambal ko? Kung gusto mo, lalayo na ako sa kanya kung iyon ang gusto mo. James, please…” Kulang na lang ay lumuhod siya sa pagmamakaawa dito. “Ang gusto ko, ako ang layuan mo! Tumabi ka nga diyan at baka mahawaan pa ako ng pagiging sira-ulo mo!” asik nito sabay bawi ng kamay. Nakagat ni Maira ang ibabang labi niya upang pigilan ang pagpatak ng kanyang luha. Nasasaktan siya sa mga salitang binibitiwan ni James. Ibang-iba na ito. Samantalang noong nanliligaw pa ito sa kanya ay puro matatamis na salita ang kanyang naririnig mula dito. Kaya naman mas lalo siyang nahulog kay James. Umeksena lang talaga si Ronnie at nakialam. Tinapik ni Ronnie sa balikat si James. Bahagya nitong hinila ang lalaki palayo sa kanya. May ibinulong ito kay James at nakikita niya ang ngiti nito na parang may ibig sabihin. Patingin-tingin pa sa kanya si Ronnie at naiilang siya sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Seryoso lang ang mukha ni James. “Ano?” Iyon lang ang narinig niyang huliong sinabi ni Ronnie. Tumango si Ronnie at tinignan ako. “Okay, sige. Kung gusto mo talagang mag-usap tayo. Huwag ngayon,” anito. “Kailan?” bumangon ang saya sa dibdib ni Maira. Atleast, gusto pa rin pala sioya nitong makausap. Nagkaroon tuloy siya ng pag-asa kahit kaunti. “M-mamayang gabi. Dito sa school.” “Ha? Bakit naman dito at mamayang gabi pa?” “Kung ayaw mo, 'wag mo. Hindi kita pinipilit!” “Sige, sige! Mamayang gabi! A-anong oras ba? Saan dito?” Kahit nag-aalangan ay pumayag na lang si Laira sa gusto ni James. Wala naman siyang magagawa kundi ang umayon sa sinabi nito. “Ten o’clock. Sa may rooftop ng lumang building. Sige na, umalis ka na! Tara na, Ronnie,” anito at nilampasan na siya ng dalawa. “Hihintayin kita dito mamaya, James! Salamat!” pahabol na sigaw niya dito. -----***----- “ANONG ginagawa mo, ate?” Napapitlag sa gulat si Maira nang bigla na lang pumasok sa kwarto nila si Laira. Naglalagay siya ng lipstick habang tutok na tutok na nakatingin sa salamin kaya hindi niya namalayan ang pagpasok ng kakambal. “Pwede ba, Laira?! 'Wag kang basta-basta pumapasok dito!” Kumuha siya ng tissue paper at binura ang lipstick sa kanyang labi. Masyado kasing napakapal ang apply niya. “Hala naman! Kwarto naman nating dalawa ito, ate, kaya pwede akong pumasok kahit anong oras!” Mula sa salamin ay nakita niya ang pagtalon-talon nito sa kama na akala mo ay isa itong bata. Ang pagkilos na parang bata ng kanyang kapatid ang isa sa kinaiinisan niya. Nang dahil kasi doon ay nasasabihan itong luka-luka o kaya ay baliw. Tumayo siya at ipinatong ang lipstick sa lamesa malapit sa salamin. “Bakit nakabihis ka, ate? May pupuntahan ka ba? Nagpaalam ka na ba kay tita?” sunud-sunod na tanong ni Laira. “Ang sarap tumalon!!! Wiiih!!!” “Hindi ko na kailangang magpaalam kay tita dahil wala naman siya dito. Umuwi siya ng probinsiya!” Simpleng buhay lamang ang meron sila. Hindi mayaman at hindi rin naman mahirap ang tita nila. Malaki ang utang na loob nila dito lalo na’t hindi na nito nagawang mag-asawa dahil sa pag-aalaga sa kanila ni Laira. “Tumigil ka nga sa pagtalon mo diyan! Para kang bata!” saway niya sa kakambal. “Ayoko, ate! Ang sarap kayang tumalon!” “Tumigil ka na sabi, e! Alam mo bang nang dahil sa pagiging kilos-bata mo ay nasasabihan ka ng baliw? Pati ako nadadamay! Akala nila ay katulad mo ako!” Huminto si Laira sa pagtalon at lumapit sa kanya. “Talaga ba, ate?” “Oo!” “E, pa’no ba dapat ako kumilos? Katulad mo?” “Oo. Katulad ko. Gayahin mo ako, Laira, para hindi na tayo nabu-bully sa school. Naiintindihan mo ba?” “Kung gagayahin kita… ako na rin ba si Maira?” Napakamot na lang sa ulo si Maira. “Ah, ewan ko sa iyo! Bahala ka sa buhay mo!” Sinulyapan niya ang orasan na nasa dingding. Treinta minutos na lang at alas diyes na ng gabi. Kailangan na niyang umalis dahil magkikita pa sila ni James sa school. “Yehey! Ako na rin si Maira! Maira… Maira…” Kinanta pa talaga nito ang pangalan niya. “Sige na, kailangan ko nang umalis. Dito ka lang--” “Ayoko! Ayoko! Sasama ako sa iyo, ate!” “Hindi pwede. Matulog ka na lang at baka tumino pa 'yang utak mo.” “Saan ba kasi punta mo, ate?” Pangungulit nito. “Sa school!” sagot niya para tumigil na ito. “Hala! May pasok ka kahit gabi?” “Oo. Kaya matulog ka na. Uuwi rin ako mamaya.” Pagkasabi niya niyon ay tinalikuran na niya si Laira. Nagpabango lang siya at umalis na rin siya ng kanilang bahay. Naglakad na lang siya papunta sa school dahil hindi naman iyon ganoon kalayo. Mahigit limang minuto lang siyang naglakad at narating na niya ang school. Umakyat siya sa gate para makapasok. Medyo kinakabahan siya dahil baka may makakita sa kanya. Ipinagbabawal pa naman na may pumunta sa school kapag ganitong oras. Naalala rin niya iyong babaeng estudyante na pinatay sa school nila sa brutal na paraan. Malikot pa naman ang imahinasyon niya. Tinahak na ni Maira ang papuntang lumang building. Ang tanging ilaw lang niya ay ang poste ng ilaw sa buong school at ang bilog na buwan. Bakit ba kasi sa lumang building na iyon pa napili ni James? Marami namang lugar sa school nila na hindi nakakatakot. Marami na kasi siyang naririnig tungkol sa lumang building na iyon. Bukod sa abandonado na ay may nagpapakita pa raw doon na multo. Ilang taon na rin daw ang nakakalipas nang isang babaeng estudyante ang tumalon mula sa rooftop ng naturang school building. May ilan na nagsasabi na nagpakita sa kanila ang nagpakamatay na babae pero may ilan din na sinasabing hindi iyon totoo. Ginawa lang daw ang kwentong iyon upang hindi puntahan ng mga estudyante ang lumang building dahil mapanganib. Marupok na raw kasi ang ilang bahagi nito at baka may mangyaring aksidente kaya pinapaiwas doon ang lahat. Sana nga lang talaga ay hindi totoo ang kwentong iyon. Sana ay gawa-gawa lang iyon dahil habang papalapit na si Maira sa lumang building ay nagtataasan na rin ang kanyang balahibo sa braso. Nayakap niya ang kanyang sarili nang may humampas na malamig na hangin sa kanya. Pumasok na siya sa loob ng lumang building at binuksan na niya ang dalang flashlight. Huminto siya sa gitna at tinanglawan ang paligid. Bukod kasi sa multo ay takot din siya sa daga. Baka may daga sa paligid mabuti na ang sigurado siya. Wala namang kahit na ano. Umakyat na siya sa ikalawang palapag. Ipinagpatuloy lang niya ang pag-akyat hanggang sa marating na niya ang ika-limang palapag. Napahinto siya nang may marinig siyang kumalampag sa kung saan. Kinakabahang inilawan niya ang lahat ng sulok ng palapag na iyon. Impit siyang napasigaw nang matanglawan niya ang dalawang daga na naghahabulan. Sa gulat at takot ni Maira ay napatakbo na lang siya nang mabilis hanggang sa marating na niya ang rooftop. Humihingal na napakapit siya sa bakal na sumusuporta sa tanke ng tubig. Nang maka-recover sa pagod ay saka lang niya iginala ang tingin sa paligid. Wala pa roon si James. Nauna pa pala siya dito. Chi-neck niya ang orasan sa kanyang relos sa bisig. Twenty minutes na lang at alas diyes na ng gabi. Mas malamig doon. Kakaiba ang hangin. Kusang tumitindig ang balahibo niya sa buong katawan niya. Pumunta siya sa bandang gitna at doon tumayo. Ayaw niyang pumwesto sa gilid dahil baka itulak siya ng sinasabi nilang babaeng nagpakamatay doon. Pero paano kung bigla na lang magpakita sa kanya ang babaeng iyon tapos patayin siya? Anong gagawin niya? Nakakatakot naman kung mangyayari iyon. Mariing ipinilig ni Maira ang kanyang ulo. “'Wag ka ngang paranoid, Maira! Tinatakot mo lang ang sarili mo, e!” saway niya sa kanyang sarili. Inisip na lang niya na baka muli siyang ligawan ni James kaya gusto siya nitong makausap. Baka hindi na ito makinig kay Ronnie at sundin na nito ang nilalaman ng puso nito. Kapag naman niligawan siya nito ay sasagutin na niya ito agad. Hindi na siya magpapakipot pa. Bigla tuloy siyang kinilig sa naisip. Maya maya ay nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto papuntang rooftop. Marahas ang naging pagbukas niyon na para bang may isang tao na binuksan iyon ng pagkalakas-lakas. Napatingin siya doon at gumagalaw-galawa pa ang pinto. Nakakangilo ang tunog ng pag-ingit nito. At nang huminto ito sa paggalaw ay may narinig naman siyang mga yabag ng paa. Parang nanggagaling sa hagdan paakyat sa rooftop. Nakaramdam ng excitement si Maira. “Si Ronnie na siguro iyon…” bulong niya. Sinuklay pa niya ang buhok gamit ang mga daliri at inayos ang damit. Papalapit na nang papalapit ang yabag. Malalakas hanggang sa parang ang yabag ay nasa mismong bungad na ng pintuan. Kumunot ang noo ni Maira nang wala naman siyang nakitang dumating kahit naririnig niya ang yabag ng sobrang lakas. Nawala na ang yabag at alam niyang huminto iyon sa nakabukas na pinto. Natabunan ng takot ang excitement niya. Nanginginig ang mga kamay na itinutok niya ang flashlight sa may pintuan. Madilim kasi sa bahaging iyon. Baka naman nandoon na si James pero hindi lang niya nakikita. Paglapat ng ilaw sa lugar na iyon ay wala siyang nakita na kahit na sino. Papatayin na sana niya ang flashlight nang mapansin niya na may unti-unting nabubuong imahe mula sa mga anino malapit sa pinto. Para siyang itinulos sa kanyang kinatatayuan. Hindi niya magawang igalawa kahit na anong parte ng kanyang katawan. Nakanganga lang siya habang hawak ang flashlight. Biglang namatay ang ilaw ng flashlight. Nawala ang atensyon niya sa nangyayari sa may pinto. Hinampas niya ang flashlight sa palad sa pag-asang magkakaroon ulit iyon ng ilaw. “Umalis ka dito…” Parang hangin lang na dumaan sa tenga niya ang boses na iyon ng isang babae. Napatingin siya ulit sa may pinto at nanlaki ang mata niya nang may makita siya doong bulto ng isang babae. Nakapalda ito. Hindi lalampas sa balikat ang buhok. Para lang itong isang anino pero ang hugis babae. Pakiramdam niya ay nagtaasan na pati buhok niya sa sobrang takot. “Umalis ka na dito…” Hindi siya sigurado pero parang ito ang nagsasalita. “S-sino k-ka?” Nanginginig ang boses na tanong niya. “Umalis ka…” Napaatras si Maira nang humakbang ng isa ang anino ng babae. Huminto ito. Pinakiramdaman niya ang kasunod na gagawin nito. Umikot ito at naglakad palabas. Muli niyang narinig ang yabag ng paa ngunit sa pagkakataong iyon ay papalayo na. Medyo nakahinga na siya nang maluwag dahil mukhang aalis na ito. Ngunit ganoon na lang ang hilakbot niya nang marinig niyang papalapit ulit sa kanya ang mga yabag! Mabilis! Parang tumatakbo ito. Malakas siyang napasigaw nang muling magpakita sa kanya ang anino. Patakbo itong sumugod sa kanya. Habang papalapit ito ay unti-unting nawawala ang dilim na nakabalot dito. Nagkaroon ito ng anyo. Isang anyo na kahit yata sa pagtulog ay maaalala niya. Puro puti ang mata nito at maputla ang balat. Madumi ang suot nitong school uniform at may malaking sugat sa leeg. Lumalabas doon ang masagana at malapot na dugo! Tumakbo ang babae at niyakap siya. Nabuwal si Maira habang panay ang kanyang pagsigaw habang nakapikit. Parang may isang malakas na pwersang humampas sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang malamig na bisig at kamay na yumakap sa kanya. Pagbukas niya ng mata ay wala na ang babae. Natataranta niyang kinuha ang nabitawan na flashlight at nagtatakbo pababa ng rooftop. Halos hindi na niya maramdaman ang paa sa bilis ng kanyang pagtakbo. Kung anong tagal niya sa pag-akyat sa hagdan ay siya namang bilis niya sa pagbaba. Para na siyang lumilipad nang takbuhin niya ang gate at akyatin iyon. Tumalon siya mula sa tuktok ng gate at nagtaka siya nang hindi man lang siya nakaramdam ng sakit sa kanyang paa. Dahil na rin siguro iyon sa sobrang takot na nararamdaman niya. -----***----- PAGDATING ng bahay ay dumiretso agad si Maira sa kusina para uminom ng tubig. Pagod na pagod at pawis na pawis siya. Malakas niyang naibagsak ang baso sa mesa habang humihingal. Ngayon ay napatunayan niya na hindi gawa-gawang kwento ang multo sa may lumang building. Totoo ito dahil siya mismo ang naka-experience. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin siya sa takot pero nagpapasalamat pa rin siya sa Diyos na nakaalis na siya sa lugar na iyon at wala namang nangyaring masama sa kanya. Bakit ba kasi doon pa napili ni James na magkita sila? Natigilan si Maira nang maalala si James. “s**t! Si James!” bulalas niya. Natatarantang kinuha ni Maira ang kanyang cellphone upang tawagan ang lalaki. Sampung minuto na ang nakakalipas simula ng mag-alas diyes. Baka nasa rooftop na ito at hinihintay niya. Kailangan niya itong makausap. Sasabihin niya na sa ibang lugar na lang sila mag-usap. Huwag lang talaga doon. “The subscriber’s cannot be reach. Please try your call later…” Muli siyang napamura nang hindi niya makontak si James. Maya maya ay pinatay na nito ang cellphone niya. Nakagat niya ang kuko niya sa kanyang hintuturo sa sobrang tense. Baka nagalit na ito sa kanya, a. Mukhang wala na nga talagang pag-asa para ligawan siya ulit ng lalaking iyon. Nakakainis naman kasi ang multo sa building. Talagang sa kanya pa nagpakita. Kung hindi sana ito nagpakita sa kanya, siguradong sa mga oras na ito ay nag-uusap na sila ni James. Baka nga sila na, e. Kaya lang hindi ganoon ang nangyari. Sana pala ay hindi na lang siya nagpadala sa takot niya. Bagsak ang balikat na tinungo na lang ni Maira ang silid nila ni Laira. Matutulog na lang siya tapos bukas ay kakausapin niya si James. Sasabihin niya dito ang totoo. Baka maniwala naman ito sa kanya. Hindi naman masama ang subukan. Patay ang ilaw sa kwarto nila ni Laira kaya binuksan niya iyon. Napakunot ang kanyang noo nang makita niyang wala sa silid na iyon ang kanyang kakambal. “Laira…” Hindi niya alam pero bigla na lang siyang kinabahan sa hindi malamang dahilan. CLASS DISMISSED!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD