LESSON 09

2618 Words
LESSON 09 “Getting Viral” AYAW sanang papasukin muna ni Maira si Laira sa school pero nagpumilit ito. Masigla naman ito na parang walang nangyari dito. Hindi siya tanga. Alam niyang ginahasa ang kanyang kapatid. May kung sinong demonyo ang sinamatala ang kakulangan nito sa pag-iisip at ginawan ito ng hindi maganda. Kahit anong pilit niya dito ay hindi nito sinasabi sa kanya ang nangyari dito sa school. Gusto niya kasi na dito mismo manggaling ang lahat. Sa ngayon ay hindi muna niya sasabihin a tita nila ang kanyang natuklasan. Aalamin muna niya kung sino ba ang lumapastangan kay Laira saka siya kikilos. Pagdating sa school ay sinalubong agad sila nina Marvin at Nicolo. Napansin niya na parang balisa ang dalawa. “Maira, nakita mo ba si Abby? Kanina pa kasi namin siya hinahanap, e. Pumasok ba siya?” tanong ni Nicolo. “Bakit niyo akin tinatanong? Kakapasok ko pa lang,” tugon niya. “Saka, bakit niyo siya hinahanap? May problema ba?” “Sa totoo lang, isang malaking problema, Maira.” “Ano ba kasi iyon, Nicolo? Bakit hindi mo pa diretsuhin?” Medyo naiirita na siya sa pagpapaliguy-ligoy nito. “Maira, viral na `yong video ni Abby!” Kumunot ang noo niya. Tumingin siya kay Laira at umiling lang ito. “Anong video?” tanong niya. Kinuha ni Marvin ang cellphone nito mula sa bulsa at may ipinanood itong isang f*******: video na naka-upload sa page na nakapangalan sa kanilang school. Video iyon ng pananampal ni Elise kay Abby sa may kubo dito mismo sa school. Libo-libo na ang comments, shares at reactions niyon at patuloy pang nadadagdagan. Karamihan sa mga nag-comment ay kampi kay Elise. Nakalagay kasi sa caption ng video na nilandi at inagaw ni Abby ang nobyo ni Elise kaya nagawa ni Elise ang pananampal. Dapat lang daw iyon kay Abby dahil malandi ito. Ang sabi pa ng iba, dapat daw ay hindi lang sampal ang pinatikim ni Elise sa kaibigan nila. Hindi na niya kinaya ang pagbabasa ng comments kaya ibinalik na niya kay Marvin ang cellphone nito. “Kailan nangyari `yan? Bakit hindi ko alam na pinagsasampal ng Elise na iyon si Abby?” “Ayaw nang ipasabi sa iyo ni Elise. Hindi naman kasi namin alam na kinuhaan pala ng video at nilagyan ng fake na caption,” sagot ni Marvin. “Kaya hinahanap namin si Abby dahil paniguradong kailangan niya tayo ngayon.” “Hayop talaga ang Elise na iyon! Katulad lang siya nina Ronnie,” nanggigigil na turan niya. Pagkabanggit niya ng pangalan ni Ronnie ay bigla niyang naalala si James dahil kaibigan nito iyon. Oo nga pala, kailangan pa niyang kausapin si James para humingi ng paumanhin dahil hindi sila nagkausap kagabi. Paniguradong galit na galit ito sa kanya at kailangan niyang humingi dito ng tawad. “Ano? Sasama ka ba? Maira!” Napapitlag siya nang hawakan siya ni Nicolo sa braso. Mukhang kanina pa siya nito kinakausap pero hindi niya namalayan dahil lumilipad sa malayo ang isip niya. Napakurap siya. “A-ano nga pala iyon?” “Tinatanong ka namin kung sasama ka ba? Pupunta kami ni Marvin sa bahay nila at baka hindi siya pumasok. Isasakripisyo na muna namin ang first subject namin.” “H-hindi na muna. May exam kami sa first subject, e.” Pagsisinungaling niya dahil ang totoo ay wala naman silang pagsusulit. Uunahin muna niya ang pakikipag-usap kay James dahil para sa kanya ay mas importante iyon. Nandiyan naman sina Marvin at Nicolo para kay Abby kung sakaling may problema nga ito tungkol sa pagviral ng video nito. “Sige. Mauuna na kami, ha. Para makabalik kami agad.” “Okay, Marvin. Mag-iingat kayo,” aniya at tinanaw na lang niya ang awang kaibigan habang papalayo ang mga ito. “Ate!” Nagulat siya nang biglang magsalita sa tabi niya si Laira. “May exam ba tayo sa English? Parang wala naman, e…” Kakamot-kamot sa ulo na sabi nito. “Tumigil ka nga! Sinabi ko lang iyon dahil may mas importanteng bagay akong gagawin!” “Ha? Ano naman iyon?” “Basta! Sumama ka na lang sa akin!” aniya sabay hila sa braso ng kanyang kakambal. “Pero, ate, baka ma-late na tayo. Mapagalitan pa tayo niyan, e. Bakit kasi hindi mo na lang hayaan si James?” Huminto siya at tinignan nang masama si Laira. “Mahal ko si James. Naiintindihan mo ba? At alam kong mahal niya rin ako. Nape-pressure lang siya kay Ronnie kaya niya itinigil ang panliligaw niya sa akin. Kaya dapat ko siyang makausap ngayon! Kung natatakot kang ma-late, `wag ka nang sumama sa akin!” “Hala! Hindi naman pwede iyon, ate. Sasama ako sa iyo!” anito. WALANG tigil ang pagpatak ng luha ni Abby habang isa-isa niyang binabasa ang mga comment ng mga netizens sa viral video niya kung saan sinasampal siya ni Elise nang paulit-ulit. Dahil sa hindi totoong caption ng video ay nabunton sa kanya ang galit ng mga nakakapanood niyon. Lahat na yata ng masasakit na salita ay ibinato na sa kanya. Malandi, haliparot, makati at kung anu-ano pa. Lahat ay masakit para sa kanya kahit hindi naman totoo. Ganoon na ba talaga kadaling humusga ngayon ng isang tao? Kahit hindi naman nila alam ang pangyayari sa likod ng video na iyon ay nahusgahan na agad siya. May mangilan-ngilan din naman na nagsasabi na kawawa naman siya pero mas marami pa rin talaga ang nagagalit sa kanya. Kagabi pa niya alam ang tungkol sa video. Kaya nga hindi na muna siya pumasok ngayon dahil siguradong hindi lang siya matutuwa at pag-uusapan lang siya ng lahat doon. Pero ang ikinababahala niya talaga ay kapag nalaman ng nanay niya ang tungkol sa video. Paano kung mapanood nito iyon? Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon o gagawin nito. Maya maya ay may kumatok sa pinto ng kanilang barong-barong. Nagmamadali niyang pinunasan ang kanyang luha. Tumayo muna siya at binuksan iyon. Sumalubong sa kanya ang nag-aalalang mukha nina Marvin at Nicolo. “Anong ginagawa niyo dito?” Nagtataka niyang tanong. “Nag-aalala kami sa iyo…” Sa sagot na iyon ni Marvin ay nahinuha niyang alam na rin ng mga ito ang tungkol sa video. “Hindi ka kasi namin makita sa school kaya pinuntahan ka namin ni Nicolo dito sa inyo. Sasama sana si Maira pero may exam pa daw siya, e.” Nilakihan niya ang pagkakabukas ng pinto at pinapasok niya ang dalawa. Nagkasya na lang silang tatlo sa pag-upo sa higaan dahil dalawa lang naman ang upuan sa kanila. Wala pa mang sinasabi sina Marvin ay napahagulhol na siya. Hindi niya kasi makalimutan iyong mga comment ng mga tao tungkol sa kanya. Umusog ang dalawa palapit sa kanya upang haplusin siya sa likod. “Tumahan ka na, Abby. Huhusgahan ka man ng ibang tao pero kaming mga kaibigan mo ay hindi. Hindi pa man tayo magkakakilala ng matagal pero kilala ka namin. Mabait ka kaya alam namin na hindi totoo ang nakalagay sa caption ng video na `yon,” pag-alo sa kanya ni Nicolo. “Pero, grabe naman kasi iyong mga comment. Nahusgahan agad nila ako nang dahil lang sa video at caption!” Patuloy pa rin sa pag-iyak si Abby. Napabuntung-hininga si Marvin. “Ganoon naman talaga sa social media, Abby. Huhusgahan ka nila base sa nabasa o napanoo nila nang hindi nila inaalam ang totoong pangyayari. Para sa kanila, entertainment lang ang mga videos na katulad no’ng sa iyo. Pagpipiyesthan ka nila, huhusgahan na para bang perpekto sila.” “Oo nga, Abby. Saka iyong mga manghuhusga sa school, huwag mo na lang silang pansinin. Mapapagod din ng mg iyon,” dugtong pa ni Nicolo. Tama naman sina Marvin at Nicolo. Mabuti na lang at pinuntahan siya ng dalawa kundi baka hanggang ngayon ay nagmumukmok pa rin siya. “Thank you sa inyo, ha. Gumaan kahit papaano ang pakiramdam ko dahil sa inyo at sa mga sinabi niyo.” Pinunasan na niya ulit ang luha sa kanyang mukha. “`Sus! Small thing! Kami nga ang dapat magpasalamat sa iyo, e. Nang dahil kasi sa iyo, nagkaroon kami ng mga kaibigan. Nabuo itong pagkakaibigan nating lima dahil sa iyo,” ani Marvin. “Ang inaalala ko lang talaga ngayon ay si nanay. Kung ano ang gagawin niya kapag nalaman niya ang tungkol sa video. Paano kung pumunta siya s school?” “Okay nga `yon, e. Para ma-suspend na naman si Elise o mas maganda kung mapapatalsik na talaga siya sa SCNHS!” ani Marvin. “Pero sigurado naman na mas lalo siyang magagalit sa akin.” Hinawakan ni Marvin ang isa niyang kamay. “`Wag kang mag-alala, nasa likuran mo lang kami palagi, Abby. Ako, si Nicolo at pati na rin sina Maira at Laira. Magkakaibigan tayong lima. At habang magkakasama tayong lima, wala tayong dapat na ikatakot.” TIG-ISANG malakas na sampal ang ibinigay ni Elise kina Gail at Roxanne nang makasalubong niya ang dalawa sa corridor. Nag-crossed arms siya at tinaasan ng kilay ang dalawa. “Bakit mo kami sinampal?! What was that for?!” Masama ang mukha ni Roxanne habang nakatingin sa kanya. “Bakit niyo kami kinuhaan ng video ni Abby at talagang in-upload niyo pa sa f*******:?! Alam niyo bang nakita na ng mommy at daddy ko ang video na iyon?!” asik niya. “B-but hindi naman ikaw ang lumabas na masama sa paningin ng mga tao, right? Gumawa kami ng caption na si Abby ang lalabas na masama--” “Wala akong pakialam, Gail! Hindi ko nagustuhan ang ginawa niyo!” “Okay. Sorry! Hindi na namin uulitin!” Nakairap na turan ni Roxanne. “Talagang hindi na mauulit dahil simula sa araw na ito ay hindi ko na kayo kaibigan! `Wag na `wag na kayong makakalapit-lapit sa akin! b***h!” At nakairap na nilampasan niya ang dalawa. Talagang hindi niya nagustuhan ang ginawa nina Roxanne at Gail. Ngayong napanood na ng parents niya ang naturang video ay magdududa na ang mga ito kung mabait ba talaga siya gaya ng kanyang namayapang kapatid. Sigurado din siya na sa mga oras na ito ay nakarating na sa pamunuan ng kanilang school ang video ng pananampal niya kay Abby. Hinihintay na lang niya na ipatawag siya sa guidance office o hindi kaya ay principal’s office. “Ano bang iniisip mo, Elise?! Magpapakamatay kami para maging kaibigan mo? Hell no! You’re just an ordinary b***h!” sigaw ni Roxanne. Hindi na niya nilingon ang dalawa. Itinaas na lang niya ang kanyang kanang kamay at nag-dirty finger sa dalawa. Wala siyang oras para patulan ang sinabing iyon ni Roxanne. MABILIS at malalaki ang mga hakbang ni Maira. Nakakapit naman si Laira sa laylayan ng kanyang blouse. Nagmamadali siyang pumunta sa classroom nina James pero wala ito doon. Si Ronnie lang ang nakita niya. Ayaw man niyang kausapin ang lalaki dahil ito ang nagtulak kay James para itigil nito ang panliligaw sa kanya pero wala naman siyang choice. Ito lang ang kilala niyang kaibigan ni James. “R-ronnie…” tawag niya sa lalaki. Nakasandal ito sa upuan at nakapikit ang mata. Bumukas ang mata nito na bahagya pang mapula. Parang puyat na puyat. Ngumiti ito sa kanya. “O, bakit?” tanong nito. “Nakita mo ba si James? Alam mo ba kung nasaan siya?” “Male-late `yon. Bakit?” Kinalabit siya ni Laira. “Ate, tara na. Natatakot ako sa kanya…” Tinabig niya ang kamay ni Laira na panay ang kalabit sa kanyang braso. “Mamaya! Alam mo naman na may kausap pa ako!” aniya. “Ronnie, pwede mo ba siyang--” “Ate, tara na. Ayoko sa kanya…” Alam niya kung bakit takot ang kakambal niya kay Ronnie. Kilala din naman kasi nito si Ronnie bilang bully sa kanilang school. Dagdag pa ang kwento ni Marvin sa kanila dahil si Ronnie ang number one na nambu-bully dito. “Laira, ano ba?!” bulyaw niya sa kakambal. Tumayo si Ronnie at tinignan siya na para bang natatawa ito. “Sino bang kausap mo?” umiling-iling ito sabagy hagikhik. Napakunot ang kanyang noo. “Si Laira… ang kakambal ko.” Hinila pa niya ang kamay ni Laira. “`Eto siya. Siya ang kausap ko. Pasensiya ka na, makulit lang talaga siya.” Muling tumawa si Ronnie. “Tama nga ang sabi-sabi, `no? Katulad ka ng kapatid mong sinto-sinto. Tignan mo, sinto-sinto ka na rin. Anong si Laira? E, wala ka namang kasama!” “Ano bang--” Hindi na niya naipagpatuloy pa ang sasabihin. Unti-unti ay nawala sa kamay niya ang pagkakahawak sa kanyang kakambal. Pagharap niya sa kinaroroonan ni Laira ay wala na ito. Isang malakas na hangin ang humampas sa kanyang mukha. Nagtataka na umikot siya para hanapin ang kapatid pero hindi niya ito makita. “Laira!” tawag niya. “Baliw talaga!” Hanggang sa may makita siyang mga estudyanteng humahangos sa paglalakad. “May patay daw sa rooftop ng lumang school building!” “Ha? Sino?!” “Hindi ko kilala, e! Tignan na lang natin! Basta, babae daw!” Sa narinig niya sa usapan ng mga estudyante ay bigla siyang kinabahan. Si Laira agad ang unang pumasok sa kanyang isip. Iniwan niya si Ronnie na nagtatawa pa rin. Nagmamadali na tinungo niya ang lumang school building. May ilan pa siyang estudyante na nakasabay paakyat na gusto ring makita kung sino ang natagpuang patay sa rooftop. Diyos ko, wag naman Po sana! Dasal niya habang umaakyat. Parang nawawalan na ng lakas ang kanyang mga paa habang palapit na siya nang palapit sa rooftop. Nanginginig na ang mga iyon pero pinipilit pa rin niyang ihakbang. Nagtataka lang siya kung bakit bigla na lang nawala si Laira sa tabi niya at hindi ito nakikita ni Ronnie. Kung hindi ito nakikita ni Ronnie, hindi naman kaya… Mariin niyang ipinilig ang ulo. “Hindi! Buhay pa ang kapatid ko. Buhay siya. Umuwi siya sa bahay kagabi at pinalitan ko pa nga siya ng damit!” pangungumbinse niya sa sarili. Ilang hakbang pa at narating na niya ang rooftop. Maraming estudyante ang naroon at may pinalilibutan ang mga ito. Dalawang babaeng estudyante ang nakita niyang kinakausap ng kanilang principal. “Ano ba ang nangyari? Paano niyo nadiskubre ang bangkay?” “Umakyat lang po kami dito para magpahangin tapos n-nakita na po namin iyong bangkay no’ng babae.” Iyak nang iyak ang babaeng iyon habang nagkukwento kay Principal De Vera. “Sige, parating na ang mga pulis. Kakausapin nila kayo kung paano niyo nakita ang bangkay…” ani ng principal. Mas lalong kinabahan si Maira. Hinawi niya ang mga kumpol ng mga estudyante. Ipinagsiksikan niya ang kanyang sarili kahit ang ilan ay nainis sa ginagawa niya. Hanggang sa marating na niya ang pinakaunahan at makita na niya ang bangkay ng babae na nakahandusay malapit sa likod ng mga kahon. Basag ang mukha nito at sa may tabi ng ulo nito ay naroon ang isang malaking bato na sa hula niya ay ginamit para basagin ang mukha ng babae. Nilalangaw na rin ito at natuyo na nag dugo sa semento. Bumaba ang tingin niya sa damit ng babae. Sumikip ang dibdib niya at naitutop niya ang isang kamay sa bibig. Hinding-hindi siya maaaring magkamali. Si Laira ang babaeng iyon! “Lairaaa!!!” Malakas na palahaw niya. Wala siyang pakialam kahit duguan pa ang kanyang kapatid. Tumakbo siya palapit dito at yumakap dito habang iyak siya nang iyak. Ngayon ay naiintindihan na niya si Ronnie… kung bakit siya nito pinagtatawanan kanina. Dahil ang totoo, kaluluwa na lang ni Laira ang umuwi sa kanila kagabi at nakasama niya sa pagpasok sa school kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD