LESSON 02

2678 Words
LESSON 02 “Bullied” BASAG ang bungo at utak, halos maligo na sa sariling dugo at nakatirik ang mga mata. Halos masuka na si Marvin sa kalunus-lunos na sinapit ng schoolmate niyang si Tiara. Kahapon lamang ay buhay na buhay pa ito ngunit ngayon ay isa na itong malamig na bangkay habang pinagpipiyestahan ng mga langaw. Huling beses niya itong nakita kahapon. Itinulak siya nito. Pinagtawanan. Pinaiyak. Unang beses siya nitong bi-nully at iyon na rin ang naging huli. Hindi niya alam kung matutuwa siya na hindi na siya nito magagawa pang I-bully dahil lang sa mataba siya pero naaawa talaga siya sa nanyari dito. “Nasaan na ba ang mga pulis? Bakit wala pa?!” halos mag-histerikal na ang isang gurong babae. “Paparating na raw! Si Principal De Vera? Wala pa ba?” sagot at tanong ng kapwa guro nito. “Hindi pa siya dumarating. Diyos ko! Nakakakilabot!” Nag-krus pa ito at napailing. Natagpuan sa classroom nila ang wala nang buhay na si Tiara. Nakaupo ito sa isang upuan at nakatali doon. May pako sa dalawang tuhod at kamay. Sa hitsura pa lang nito ay masasabi niyang pinahirapan muna ito nang husto bago patayin. Parami na nang parami ang estudyanteng nakasilip sa bintana ng classroom para tignan si Tiara. Ang iba ay kinukunan pa ng picture at video. “Hoy! Umalis nga kayo dito! Hindi kayo nakakatulong! At ano 'yan?! Tigilan niyo ang pagkuha ng picture!” saway ng isang guro sa mga estudyanteng nakasilip sa bintana. Dahil ayaw mapagalitan ni Marvin ay umalis na lang siya sa pinangyarihan ng krimen. Pagdating ng mga pulis ay sinuspinde muna ang klase para sa araw na iyon. Pinauwi muna lahat ng estudyante para maisagawa nang maayos ang imbestigasyon. May ilang estudyante na hindi pa rin umuwi at isa na doon si Marvin. Tinatamad pa siyang umuwi sa bahay dahil wala naman siyang gagawin doon. Mag-isa lang siyang nakaupo sa may bench na nasa ilalim ng isang puno na may mayabong na dahon. Tahimik siyang kumakain ng banana cue habang sa isang kamay niya ay isang softdrinks na nakalagay sa plastik. Walang anu-ano ay dalawang lalaki ang lumapit sa kanya at inagaw ang hawak niyang banana cue. Itinapon ng lalaki ang banana cue sa lupa at tinapakan iyon. Maang na napatingin na lang siya sa dalawa. Gustuhin man niyang umapela pero inunahan siya ng takot. Sa mukha pa lang ng mga ito ay mukhang sanay na sanay na sa pakikipagbasag-ulo. May band aid sa pisngi iyong isa habang iyong isa naman ay may pahabang peklat sa itaas ng kaliwang kilay. “Hoy, taba! Kain ka ng kain kaya ka tumataba!” Kilala niya ang dalawa. Kaklase niya ito at ang dalawa ang palaging nambu-bully sa kanya dahil sa mataba siya. Ito ay sina Ronnie at James. Sakit sa ulo ng kanilang adviser dahil palaging napapaaway. “Siguro, ikaw ang pumatay kay Tiara, 'no? Nakita ka namin. Itinulak ka ni Tiara kahapon. Gumanti ka pa sa kanya, ha?!” sinapak pa siya ni Ronnie. Malakas. Halos naalog yata ang utak niya. Napayuko na lang si Marvin habang pinipigilan ang kanyang pag-iyak. “H-hindi ko magagawa iyon…” tanggi niya. “Baka mamaya, kami naman ang patayin mong baboy ka! Tara na nga, James!” turan pa ni Ronnie. Inagaw nito sa kanya ang hawak na softdrinks at ito na ang uminom niyon habang naglalakad palayo ang dalawa. Umangat ang mukha ni Marvin. Matalim ang mga mata na sinundan niya ng tingin ang papalayong sina Ronnie at James. Hindi niya maintindihan ang mga tulad nito. Bakit parang ang saya-saya nila kapag nalalait siya na mataba? Oo, aminado naman si Marvin na mataba talaga siya. Limang talampakan at dalawang pulgada lang ang kanyang taas sa edad niyang fifteen. Tapos ang timbang niya ay seventy kilos. Malakas talaga siyang kumain kaya naman nahihirapan siyang magpapayat. Siya na nga yata ang pinaka mataba sa Santa Clara National High School. Ngunit sapat na bang dahilan na mataba siya para ma-bully? Wala naman siyang ginagawa kina Ronnie at James. Wala na nga siyang kaibigan dahil pakiramdam niya ay pinagtatawanan siya ng lahat. Lalo na kapag PE at tatakbo, sinasabihan siya na parang bola na tatalbog-talbog. Tapos tatawa ang mga ito. Masaya ang mga ito na malait siya pero malaki ang epekto niyon sa kanya. Napakalaki. Mas lalong bumababa ang tiwala niya sa kanyang sarili. Minsan nga, iniisip niya kung pumayat kaya siya, hindi na siya lalaitin ng mga ito? Ire-respeto na rin kaya siya ng lahat? “Bakit kasi ang taba-taba ko?” mahinang tanong ni Marvin habang sisinghot-singhot. Umuwi na lang siya ng bahay nila. Mabigat ang kanyang loob na pumasok sa kanyang kwarto. May kaya naman kahit papaano ang pamilya ni Marvin. May negosyo ang mga magulang niya. Panaderya. Habang nakahiga ay may mahihinang katok siyang narinig sa pinto ng kanyang kwarto. “Bukas 'yan…” Walang gana niyang sabi. Bumakas ang pinto at pumasok ang kanyang nanay na katulad niya ay mataba din. “Marvin, ang aga mo yata ngayon,” anito. “Na-suspend po ang klase…” Hindi na lang niya sinabi kung bakit. Sigurado namang malalaman din nito iyon. “Ganoon ba? Oo nga pala, ipinaggawa ka ng tatay mo ng paborito mong cake. Kumain ka. Nasa kusina. Tirahan mo lang ang kapatid mo at pauwi na rin iyon,” tukoy nito sa kapatid niyang college student na babae. Chubby ang kanyang ate pero dati din itong mataba. May iniinom na kasi itong slimming pills. Bumangon na si Marvin at nagtungo sa kusina. Ibubuhos na lang niya sa pagkain ng cake ang lahat ng kalungkutan na nararamdaman niya. Kumuha siya ng isang hiwa habang sinasalinan ng nanay niya ang kanyang baso ng orange juice. Akmang susubo na siya ng cake nang maisip niya ulit iyong sinabi sa kanya ni Ronnie kanina na kaya siya tumataba ay kain siya nang kain. Natigilan siya dahil doon. Ibinaba niya ang tinidor. Napansin iyon ng kanyang nanay na parang bigla siyang nawalan ng gana. “Bakit, Marvin? Ayaw mo ba ng cake?” tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Busog pa po ako, mama. Nakalimutan ko, kumain nga pala ako sa school bago umuwi. Sige po. Doon muna ako sa kwarto ko. Kailangan ko pa pong gumawa ng assignment, e…” Bagsak ang balikat na nilisan niya ang kusina at bumalik sa kanyang kwarto. Hindi naman totoong gagawa siya ng assignment. Gusto lang talaga niyang mapag-isa. Kinuha niya ang kanyang cellphone at nag-open ng f******k. Bumungad agad sa news feed niya ang video at picture ni Tiara. Napailing na lang siya. Talagang may mga nag-upload pa niyon sa social media. Napabuntung-hininga si Marvin at binitiwan ang cellphone. Nakatingin lang siya sa kisame at nag-iisip. Paano nga kaya kung magpapayat na rin siya katulad ng kanyang ate? Para naman sa ganoong paraan ay hindi na siya ma-bully. Tama. Ganoon nga ang kanyang gagawin. Pero gusto niya ay mabilisang resulta. Nag-isip siya… Napabalikwas siya ng bangon pagkalipas ng ilang sandali. “Tama! Iyong slimming pills ni ate!” bulalas niya. Lumabas ng silid niya si Marvin at nagtungo sa kwarto ng kapatid. Nakita niya agad ang slimming pills ng ate niya dahil nakapatong lang iyon sa ibabaw ng drawer. Kumuha niya ang isang bote at nagpunta sa kusina. Kumuha siya ng isang basong tubig at patakbong dinala iyon sa kanyang kwarto. Itinaktak niya sa kanyang kamay ang lahat ng laman ng bote. Marami pa pala iyon. Punung-puno ang kanyang kamay ng tabletas na pamapapayat. “Para sa aking pagpayat…” determinadong turan niya at sabay-sabay niyang inilagay sa bibig ang lahat ng slimming pills sa kanyang kamay. Agad niya iyong sinundan ng pag-inom ng isang basong tubig. -----***----- NAGISING si Marvin. Nasa kwarto niya siya at madilim doon. Mukhang nakatulog siya nang matagal matapos uminom ng napakaraming slimming pills. Tinignan niya ang kanyang katawan pero mataba pa rin naman siya. Ipinikit na lang niya ang kanyang mata. Mukhang wala na nga yatang pag-asa para pumayat pa siya. Baka nga habangbuhay na siyang mataba at mamamatay rin siyang mataba. Maya maya ay naramdaman ni Marvin ang biglang pagbaba ng temperatura sa loob ng kanyang silid. Dahil doon ay napamulat siya. Hanggang sa makarinig siya ng parang pinupunit na damit sa kanyang kaliwa. Napalunok siya dahil sa gilid ng kanyang mata ay may nakikita siyang nakatayo doon. Hindi nga lang niya alam kung sino iyon. Basta ang alam niya, hindi ito isa sa pamilya niya! “Marvin…” tawag sa kanya ng taong iyon. Boses-babae! Kahit kinikilabutan at natatakot ay marahan siyang lumingon sa kanyang kaliwa. At ganoon na lang ang takot niya nang makita niyang nakatayo malapit sa kama niya si Tiara. Nanginginig ito na para bang nilalamig. May umaagos na dugo sa ulo nito na parang nayupi dahil sa makailang pagpukpok doon ng matigas na bagay. Sinubukan niyang sumigaw pero walang boses na lumalabas sa kanyang bibig. Shock na shock siyang nakatingin kay Tiara. Lumuluha ito ng dugo at humihikbi. Nakita niya na umiikot ang pako sa tuhod nito at kusa iyong natanggal. Sa pagkatanggal ng pako ay umagos mula sa sugat nito ang malapot na dugo. Lahat ng pako sa katawan nito ay umiikot at isa-isang natatanggal. Halos masuka na siya sa kanyang nakikita! Nang mawala na ang mga pako sa kamay at tuhod nito ay yumuko ito at tumigil na sa pag-iyak. Matagal ito sa ganoong posisyon at hindi gumagalaw. Kailangan na niyang makaalis doon dahil baka mamatay na siya sa sobrang takot.Wala siyang ideya kung bakit nagpapakita sa kanya si Tiara. Dahil ba sa siya ang huling na-bully nito? Ah! Hindi niya alam. Basta, isa lang ang nasa isip niya-- ang makalayo dito! Sinamantala ni Marvin ang hindi paggalaw ni Tiara. Marahan at tahimik siyang bumaba sa kanyang kama. Hindi niya inaalis ang tingin sa babae. Nang makababa na siya ay pikit-mata niyang tinakbo ang pinto palabas. Ngunit pagbukas niya niyon ay sumalubong sa kanya si Tiara! Sumisigaw ito at halos kahibla lang ang layo ng wasak nitong mukha sa mukha niya! Doon na rin siya napasigaw nang malakas sa sobrang takot. -----***----- “AHHH!!!” Napabalikwas ng bangon si Marvin. Isang kamay ang agad na humawak sa kanyang braso at likuran. Pagtingin niya sa humawak sa kanya ay nakita niya ang kanyang nanay na may pag-aalala sa mukha. Iginala niya ang kanyang tingin habang hinihingal at doon lang niya napagtanto na nasa ospital siya. Bakit siya nandito? Anong nangyari? Baka naman katulad ng pagpapakita ni Tiara ay isa rin itong panaginip. “Mabuti naman at nagising ka na!” Umiyak ang nanay niya sabay yakap. “A-ano pong nangyari?” Naguguluhan niyang tanong. Kumalas ito ng pagkakayakap sa kanya at mahina siyang pinalo sa braso. May dextrose siya doon. “Tarantado ka talagang bata ka! Hindi mo ba talaga maalala ang ginawa mo? Nilaklak mo lang naman iyong slimming pills ng ate mo! Na-overdose ka. Mabuti na lang at naitakbo ka agad namin dito sa ospital! Bata ka!” Umiiyak pa rin ito. Napamaang si Marvin. Hindi niya talaga alam na ganoon ang nangyari sa kanya. -----***----- KINABUKASAN ay nakapasok na rin agad sa school si Marvin. Maayos na naman ang kanyang pakiramdam. Nang dahil sa kanyang pagkaka-ospital ay hindi na niya inasam ang pumayat pa nang biglaan. Ang gusto lang naman niya ay ang pumayat at hindi ang mamatay. Break time. Katulad ng mga normal niyang araw sa school ay mag-isa lang siyang kumakain sa isang table. Meron siyang burger, fries, spaghetti at isang baso ng iced tea. “Siya 'yon, 'di ba? Nakakatawa naman. Ang taba nga niya!” narinig niya ang bulungan ng grupo ng estudyante sa kanyang likuran. “Kaya nga. Pero mabuti naman at nabuhay pa siya.” “Pero kung ganiyan lang din naman ang katawan ko, mas gugustuhin ko pang mamatay!” Upang malaman ng mga nasa likuran niya na naririnig niya ang mga sinasabi ng mga ito ay lumingon siya. Nakita niya sina Ronnie at James kasama ang ilan nilang kaklase. Nakangisi ang dalawa at halatang inaasar siya. Ipagsasawalang-bahala na lang sana niya iyon pero biglang nagsalita si Ronnie. “Hoy, taba! Kumusta naman ang paglaklak mo ng pampapayat? Ganiyan ka na ba talaga kadesperadong pumayat? E, paano ka naman kasi papayat kung kain ka nang kain!” sigaw nito sa kanya na sinundan ng tawanan ng mga kasama nito. “P-paano mo nalaman?” Nagtataka siya dahil sa pagkakaalam niya ay ang pamilya lang niya ang nakakaalam ng tungkol sa pagkaka-ospital niya. “Aba! Itanong mo sa nanay mong dambuhala. Siya lang naman kasi ang nagtsismis sa nanay ko!” Tawanan ulit ang mga ito. Napatiim-bagang si Marvin habang nakakuyom ang kanyang kamao. “Huwag na huwag mong binabastos ang nanay ko!” galit na sigaw niya. Kaya niyang tiisin ang lahat ng panlalait nito sa kanya pero huwag lang nitong idadamay pati ang pamilya niya dahil ibang usapan na iyon. Labis na siyang napuno kay Ronnie. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at sinugod ito. Patakbo siyang lumapit dito pero mabilis itong tumayo. Naituon nito ang kamay nito sa kanyang ulo. Suntok siya nang suntok. Pilit niya itong inaabot pero dahil sa mahaba ang biyas ng braso nito habang ang sa kanya ay maiksi lang, hindi ito masapulan ng suntok niya. Umugong ang malakas na tawanan. Alam niyang nagmumukha na siyang tanga sa kanyang ginagawa. “Hala! Suntok! Kung maaabot mo ako! Nalaban ka na ngayon, taba, ha!” pang-aasar pa ni Ronnie. Inalis bigla ni Ronnie ang kamay nito sa kanyang ulo kaya naman nawalan siya ng balanse at napasubsob siya. Tumama sa sahig ang kanyang nguso at dumugo iyon. Umiiyak siyang tumakbo palabas ng canteen. Lumabas siya ng school at umuwi sa kanilang bahay. Nang makita siya ng kanyang nanay ay nag-alala agad ito dahil sa dugo niya sa nguso. “Anong nangyari? Bakit umiiyak ka?” “Totoo po ba na kinwento niyo sa nanay ni Ronnie kung bakit ako na-ospital?” “Ha? B-bakit--” “Totoo po ba?!” “Totoo. Naikwento ko lang naman dahil nagkasalubong kami ng nanay niya. Alam mo naman na kababata ko ang nanay ni Ronnie, 'di ba?” “Hindi niyo dapat ginawa iyon!” sigaw niya. Biglang lumabas ang tatay niya mula sa kwarto at pinagalitan siya. “Hoy! Marvin! Bakit mo sinisigawan ang nanay mo! Wala kang galang! Iyan ba ang natututunan mo sa school? Kung ganiyan lang din naman pala ay mas mabuti pang huminto ka na sa pag-aaral!” Mas lalong napaiyak si Marvin dahil pakiramdam niya ay wala na siyang kakampi. Pakiramdam niya ay mag-isa na lang siya. Nanghihina siyang napaupo at umiyak nang umiyak. “Binu-bully po ako sa school! Pinagtatawanan nila ako dahil sa mataba ako! At ngayon, mas lalo pa nila akong pagtatawanan dahil sa nangyari sa akin! Hirap na hirap na ako!” Iyak niya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin niya sa kanyang magulang ang totoo niyang nararanasan sa eskwelahan. “Diyos ko!” Hahawakan sana siya ng kanyang nanay pero tinabig niya ang kamay nito. Nagagalit pa rin siya dito dahil sa ginawa nitong kagkukwento sa nangyari sa kanya sa ibang tao. Dala ang kanyang school bag ay tumakbo siya palabas ng kanilang bahay. “Marvin! Bumalik ka dito!” sigaw ng nanay niya pero hindi niya ito pinansin. “Marvin!” sigaw din ng kanyang tatay. Patuloy lang siya sa pagtakbo hanggang sa makaramdam siya ng pagod. Mukhang nakalayo na siya sa kanila. Napahinto si Marvin nang makakita siya ng tulay. Sumilip siya sa ibaba niyon at nakita niya na malalim ang tubig doon. “Ang mabuti pa siguro ay mamatay na nga talaga ako. Sawang-sawa na ako sa buhay na ito! Kahit kailan naman ay hindi ako naging masaya!” aniya. Tumuntong na siya sa gilid ng ng tulay. “Kaya kayo! Lalo ka na, Ronnie! Wala na kayong malalait na mataba simula ngayon! Sana… Sana mamatay na rin kayong lahat!” Puno ng galit na sigaw niya. Matapos iyon ay walang pagdadalawang-isip na tumalon siya sa ilog. CLASS DISMISSED!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD