CHAPTER 2 - Pagsilang ng Sanggol

1614 Words
NANGINGITING pinagmamasdan ni Aling Dalmacia ang manugang na walang kangilo-ngilo habang kinakain ang mga kamias na hinugasan niya at binudburan ng kaunting asin. Napapangiwi siya sa panonood dito. Hindi man siya ang nakakalasa ay natitiyak niyang napakaasim niyon. Mabilis na dumaloy sa kanyang alaala ang nakaraan. Magkasabay na lumaki ang anak niyang si Julian at Esmeralda sa Traves. Matalik na magkaibigan ang kanyang asawa at ang ama ng manugang. Ngunit magkasabay na naglaho ang mga ito nang pumalaot sa dagat upang mangisda at abutan ng malakas na bagyo. Hindi na nakauwi pa. Tanging ang bangkang winasak ng malalaking alon ang natagpuan ng mga kababaryo nila sa gilid ng pampang. Hindi na natagpuan pa ang dalawa na nahinuha nilang nasawi na sa gitna ng laot. Wala mang natagpuang bangkay o labi ay ipinagpalagay na nilang nasawi na nga ang dalawang lalaki. Hindi nakayanan ng ina ng noo'y trese anyos pa lamang na si Esmeralda ang kalungkutan sa biglang pagkamatay ng asawa. Nawalan na rin ito ng ganang mabuhay. Madalas ay nakatanaw ito sa laot na parang may hinihintay. Isang gabi ay bigla na lamang itong nawala at nang matagpuan kinaumagahan ay hinahampas na ng maliliit na alon sa isang panig ng pampang. Kinupkop niya ang naulilang dalaga. Kinse anyos naman si Julian ng mga panahong iyon. At dahil sa pagkakalapit ng dalawa sa isa't isa ay nabuo ang pagtitinginang higit pa sa pagkakaibigan. Napamahal na rin sa kanya ang nag-iisang anak ng matalik na kaibigan ng yumaong asawa at itinuring na rin niya ito bilang anak. Kaya naman nang magtapat sa kanya ang dalawa tungkol sa pagnanais na magpakasal ay wala siyang naging pagtutol. At ngayong may sanggol na ito sa loob ng sinapupunan ay higit siyang natuwa. Magkakaroon na siya ng aalagaang munting Julian o munting Esmeralda. Mabilis na lumipas ang mga buwan na hindi naging kainip-inip para sa kanila. Isang gabi..... "Maryosep! Napakalakas ng hangin!", nahihintakutang sabi ni Aling Dalmacia habang tinatanaw mula sa bintana ang mga sanga ng puno at mga pananim sa gitna ng bukid na binubuno ng hangin. Napaantanda ito at taimtim na umusal ng panalangin. Ganun din ang ginawa ni Esmeralda. Nasa tabi ito ng biyenan at kapwa hinihintay ang pag-uwi ni Julian. Nagpunta ang lalaki sa bukid upang lagyan ng suhay ang mga pananim. Nang lumabas ito ng bahay kanina ay maliwanag pa. Mahina lang ang hangin at tikatik lamang ang patak ng ulan. "Diyos ko! Gabayan n'yo po sana ang aking asawa. Ipahintulot n'yo pong makauwi siya sa amin ng ligtas sa kapahamakan.", dalangin ng ginang habang hinahaplos ang malaking tiyan. Parehong alumpihit ang dalawang babae. Ang una ay isang inang nag-aalala para sa nag-iisang anak na siyang nalalabing alaala ng yumaong asawa. Ang huli ay isang ginang na natatakot mawalan ng kabiyak ng puso at ama ng kanyang magiging anak. Kapwa may takot ang dalawa na maulit muli ang pag-alis at hindi na pagbabalik ng dalawang padre de familia noon. Ang malakas na hangin ay sinabayan pa ng malakas na pagbugso ng ulan. Lalong naging balisa si Aling Dalmacia ngunit pilit na itinatago upang hindi matakot ang manugang. Kung nag-aalala sa kaligtasan ng anak ay nag-aalala rin ito sa kapakanan ng isa pa niyang anak na kagampan. "Inang, parating na po si Julian!", masayang sabi ni Esmeralda. Nakita agad nito ang asawang hirap na hirap sa paglaban sa hanging tila pumipigil dito sa paghakbang. Napangiti na rin si Aling Dalmacia pagkakita sa papalapit na anak. Muli itong umusal ng pasasalamat sa Diyos. Nang makalapit sa hagdanan ay agad na sumalubong si Esmeralda. May dala itong makapal na tuwalya at agad na ibinalabal sa asawang nangangatog sa ginaw. Nang makatuyo ng katawan ay mabilis na nagpalit ng damit si Julian. Lumapit naman si Aling Dalmacia sa kanya tangan ang isang tasang mainit na salabat. "Humigop ka at nang mawala ang panlalamig mo.", nagmamalasakit na sabi ng ina na sinunod naman ng anak. "Salamat po, Inang.", anito matapos higupin ang laman ng tasa. "Mabuti na lamang at napatibay na natin itong ating kubo kung hindi ay tiyak na maaapektuhan tayo ng malakas na hangin at ulan.", wika ng ale. "Napakalakas ng hangin lalo na sa bukid. Parang galit na galit! Umuugong nga ang tenga ko.", reklamo ni Julian. "Ang sabi sa radyo ay bukas pa darating ang bagyo, pero ngayon ay hinahampas na tayo ng malakas na hangin.", sabi naman ni Esmeralda. Magkakasabay na naghapunan ang mag-anak. Mag aalas sais pa lamang ngunit madilim na ang paligid. Sandali pa nilang pinakiramdaman ang pagngangalit ng panahon pagkatapos. "Mukhang lumalakas pa lalo ang ulan at ang hangin. Sana naman ay walang masyadong maging pinsala ang bagyong ito. Harinawa ay walang magbuwis ng buhay. Ang mga kubong ibubuwal ng unos na ito ay mapagtutulungan pang maitayong muli. Ang mga pananim na mawawasak ay maitatanim muli. Subalit ang mga buhay na masasawi ay hindi na magagawang maibalik. Pangalagaan nawa ng Panginoong Diyos ang Traves at ang mga karatig baryo.", matapat na hiling ng ale. "Harinawa po, Inang.", tugon naman ng mag-asawa. Sama-sama silang nagdasal para sa kaligtasan ng lahat. Matapos siguraduhin ang kaligtasan sa loob ng kanilang kubo ay nagtuloy na ang tatlo sa kani-kanilang silid-tulugan. Nasa kasarapan na ng tulog si Aling Dalmacia nang mabulahaw ng malakas na sigaw ng anak. "Inang, si Esmeralda! Manganganak na po yata!", kinakabahang boses ni Julian. Ang antok na humihila pa sa kamalayan ng ina ay naparam dahil sa narinig. Mabilis itong napabangon sa higaan at humahangos na pinuntahan ang silid na kinaroroonan ng mga anak. "Inang.", nagpapasaklolong tawag ni Julian sa ina. Hindi nito malaman kung ano ang uunahing gawin. Sandaling natigilan din si Aling Dalmacia. Nag-isip. Napalinga pa ito sa gawi ng bintana kahit nakasara. Animo may kakayanang maglagos ang paningin sa tinitignan. "Paano kaya ito? Napakalakas pa rin ng hangin sa labas. Maging ang ulan ay hindi pa rin humuhupa.", tanong nito sa sarili. "Ummmp.., ahh..!", daing ni Esmeralda. Sunud-sunod na ang paghilab na nararamdaman. "Sunduin mo na ang hilot! Magmadali ka!", agad na utos ni Aling Dalmacia sa anak. Kumuha ng pananggalang sa ulan si Julian at dali-dali nang pumanaog bitbit ang ilawan. Naiwan ang kanyang ina sa asawang manganganak na. "Ummmpp...!", muling pag-iri ni Esmeralda. "Inang..., Ummmp..!", anito. Hindi na malaman ni Aling Dalmacia kung ano ang uunahin. Naroong punasan ang mukha ng manugang na sa kabila ng malamig na singaw sa paligid dulot ng bagyo ay ginigitlaan pa rin ng pawis. Naroong himasin naman ang balakang o hagurin ang tiyan. "Dalian mo, anak. Baka lumabas na ang apo ko. Hindi ko alam ang gagawin.", kausap nito sa anak na umalis. "Apo, saglit lang muna ha. Huwag ka muna lalabas. Hintayin mo dumating ang iyong tatay, sinundo lang niya ang hilot. Mas alam ni Aling Idang kung ano ang gagawin kapag lumabas ka na. Baka himatayin ako o kaya ay mabitawan kita dahil sa nerbiyos. Hintayin mo ang tatay mo at ang hilot, ha.", pakiusap nito sa sanggol na nasa loob ng tiyan na hinahagod. Samantala.... Nagmamadaling tinalunton ni Julian ang daan patungo sa kubo ng hilot. Hindi niya alintana ang malakas na hampas ng hangin. "Tao po! Aling Idang! Tao po!", paulit-ulit niyang pagtawag. Basang-basa na siya nang may mag angat ng bintana at isungaw ang isang gasera. "Pasensya na po sa pang-iistorbo ko sa inyo, Aling Idang! Si Esmeralda po kasi manganganak na!", malakas na pagsasalita ni Julian upang marinig ng kinakausap. Malakas ang ulan at hangin at kung hindi niya lalakasan ang pagsasalita ay malamang na hindi siya nito marinig. Muling sumara ang bintana. Ilang sandali pa at bumukas naman ang pintuan ng kubo at inuluwa niyon ang hilot. Nakasuot ito ng pananggalang sa ulan at bitbit ang isang nakabuhol na tela na naglalaman ng mga gamit sa pagpapaanak. Maagap na inalalayan ni Julian ang ale. Siya na ang nagbitbit ng dalahan nito at tinanglawan ang daraanan nila. Malalaki at mabibilis ang paghakbang ng dalawa. Walang reklamo ang ale kahit pa ginising siya sa kasarapan ng tulog at sagupain ang malakas na ulan at hangin. Inilaan na nito ang sarili sa pagbibigay serbisyo sa sinumang kababaryo na mangangailangan ng kanyang tulong. Bagama't may dalawang kababaryo na itong naturuan at nakakapag paanak na ay ito pa rin ang madalas na tawagin lalo na kung peligroso ang sitwasyon ng sanggol at ng inang magsisilang. Saglit pa at nakarating na sila sa tapat ng kubo. "Magpakulo ka na ng tubig.", utos ni Aling Idang kay Julian. Agad namang tumango ang magiging ama. "Inang! Narito na po kami ni Aling Idang!", pagbibigay alam ni Julian sa ina habang inaalalayan ang kasama papanik sa hagdanan. Tila nabunutan naman ng bikig sa lalamunan si Aling Dalmacia sa narinig. "Narito na si Idang, Esmeralda. Wala na tayong aalalahanin pa.", masigla ang tinig na sabi nito. Pinalalakas ang loob ng manugang. Tumango si Esmeralda, lumakas na nga ang loob. Agad na inumpisahan ng hilot ang mga dapat gawin. Nakaalalay sa kanya si Aling Dalmacia bagama't kinakabahan. Sa harap naman ng kakalanan ay panay ang dasal ni Julian para sa maluwalhating pagluluwal ng kabiyak. Kung ilang beses nitong nabitawan ang gatong sa t'wing maririnig ang pasigaw na iri ng asawa. Palakad-lakad ito at kahit hindi naman siya ang nanganganak ay butil-butil din ang pawis sa buong mukha. Ang hawak na siit ay nagkaputol-putol rin dahil sa nerbiyos na nararamdaman. Panay ang linga nito sa loob. Gusto man puntahan ang asawang kasalukuyang nanganganak ay hindi naman maiwanan ang nakasalang. Malakas ang hangin at kung hindi niya babantayan ay maaring mamatay ang apoy o kaya naman ay lumakas at dumila sa iba pa at pagmulan ng sunog. "Kayo na po ang bahala sa mag-ina ko, Panginoon. Nawa ay maayos na maisilang ni Esmeralda ang aming anak.", panalangin nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD