CHAPTER 3 - Pakpak ng dalawang sanggol

1684 Words
SA LOOB naman ng silid-tulugan ng mag-asawa... "Lakasan mo ang iyong loob, Esmeralda. Hindi ka maaring matulog.", sabi ni Aling Idang. Napansin kasi nito na tila inaantok na ang pinaaanak. Sinikap naman ni Esmeralda ang manatiling gising. Nang muling humilab ng matindi ay umiri uli siya. "Hayan na! Nakaumang na ang iyong anak! Isa pa.., kaunti pa!", sabi ni Aling Idang. Narinig ni Julian ang sinabi ng hilot. Muntik na nitong mabitawan ang hawak na palangganang may lamang maligamgam na tubig. Sumilip ito sa loob ng silid upang ipaalam sa hilot na nakahanda na ang kailangan nitong tubig. At muling nagbalik sa kakalanan upang panatilihing may kinulong tubig na nakasalang. Sa narinig naman ni Esmeralda ay muli itong umiri nang makaramdaman ng muling paghilab. Isang mahabang pag-iri! At......, tuluyan na nga itong nagluwal. Nanghihinang napangiti si Esmeralda pagkaraan. Nandilat ang mga mata ng hilot sa anyo ng sanggol na hawak. Kasing dilim ng gabi ang kulay ng balat nito. Ang buhok ay kulot na gaya sa mga katutubong Mangyan. Napalinga si Aling Idang sa katabi. Hindi rin naman nakapagsalita si Aling Dalmacia. Hindi ito makapaniwala at takang-taka sa itsura ng sanggol na iniluwal ng manugang. "Uha...! Uha...!", iyak ng sanggol matapos tapikin ang pwet nito. Natauhan si Aling Dalmacia sa malakas na pag-iyak ng apo. "Patawarin mo ang iyong lola, apo. Nagulat lang ako subalit anuman ang maging kulay ng iyong balat ay mahal kita. Aalagaan kita, apo ko!", bulong nito sa apong hawak ng kasamang hilot. Si Julian naman ay napaunat sa pagkakatayo at agad na sumilay ang napakatamis na ngiti sa mga labi. "Salamat po, Panginoon!", anas niya. Ilang sandali pa lang ang nakakalipas ay muling nakaramdam nang paghilab si Esmeralda. "Uummmp...!", iri nito. "May isa pa!", sigaw ni Aling Idang. Agad nitong iniabot kay Aling Dalmacia ang unang sanggol na naputulan na ng pusod. Agad namang inayos ng lola ang apo. Napamaang na lamang ito sa manugang na napipintong magluluwal uli ng isa pang sanggol habang yapos ang nauna. Magkahalong pagkasabik at pag-aalala ang nararamdaman ng ale. Pagkasabik, sapagkat hindi lamang pala isa ang madadagdag na myembro sa kanilang pamilya. At kaba, sa alalahaning kulay at anyo nito. Si Julian na nasa harapan ng kakalanan ay hindi na nakatiis pa. May isa pa raw ayon sa hilot. May isa pa raw silang anak! Nagmamadaling sinilip nito ang kinaroroonan ng asawa. Ngunit agad na sinaway ng hilot. Nasa paniniwala nito na higit na mahirap para sa nanganganak ang magluwal ng sanggol kung nakamasid ang ama. Sumunod naman si Julian at muling bumalik sa kakalanan. Kakailanganin uli ng hilot ang tubig dahil may isa pa siyang anak na isisilang. Maluwang na maluwang ang pagkakangiti niya. Nang makapagpakulo na ay muli nitong dinala ang tubig sa pintuan ng silid na kinaroroonan ng asawang nanganganak at muling bumalik sa kakalanan pagkatapos. Sa silid ay muling umiri si Esmeralda. Ilang iri lamang ay naisilang na nito ang pangalawang sanggol. Nandilat sa labis na paghanga ang mga mata ni Aling Idang. Animo ginto ang buhok at ang kutis ay kasing liwanag ng umaga ang sanggol na tangan-tangan niya! "Napakagandang sanggol!", bulalas nito. At pagkatapos ay ipinaling ito kay Aling Dalmacia. Mabilis na gumuhit ang ngiti sa labi ng lola. Tila anghel ang kanyang pangalawang apo. "Uha...! Uha...!", iyak nito. Habang nililinisan ang pangalawang sanggol ay may nakapa ang hilot sa likuran nito. "Bakit, Idang?", naitanong ni Aling Dalmacia sa nakitang reaksyon ng kasama. Si Esmeralda naman ay tuluyan nang nakatulog sa tindi ng hirap na pinagdaanan. Hindi sumagot ang hilot at inayos muna ang dapat gawin sa inang nagsilang. Pagkatapos magawa ang mga dapat gawin ay binuhat nito ang ikalawang sanggol na natapos na ring ayusin palabas ng silid. Sinenyasan nito si Aling Dalmacia na sumunod sa kanya palabas. Nagtataka man ay sumunod ang lola karga ang unang apo. Napalapit si Julian pagkakita sa dalawa. Napanganga ito nang makita ang mga anak na magkaiba ang kulay. Walang salitang nanulas sa kanyang dila. Maang lamang na nakatingin sa dalawang sanggol na inilapag ni Aling Idang at ng kanyang ina sa sahig. "Idang, bakit?", nagtatakang tanong ni Aling Dalmacia nang umpisahang kalagin ng hilot ang baru-baruang suot ng ikalawang sanggol. "Kalagin mo ang suot ng isa mo pang apo, Dalmacia.", utos ni Aling Idang. Naguguluhan man sa ikinikilos ng hilot ay sumunod pa rin si Aling Dalmacia. Maingat nitong kinalag ang damit ng apo. Nakamasid lamang si Julian sa dalawa. Hindi nagawang usisain pa kung bakit halos hubaran muli ang dalawa niyang anak. "Ngayon.., tignan mo ang likod ng panganay ni Esmeralda.", muling utos ng mahusay na hilot. Sinunod uli ni Aling Dalmacia ang sinabi nito. Napakunot ang noo ng ina ni Julian nang makita ang nakaumbok sa likod ng maitim na apo. Napanganga ito pagkatapos at hindi makapaniwala. "Inang, ano po ba ang ginagawa ninyo? Ano po ba ang nangyayari?", hindi na nakatiis na tanong ni Julian sa ina at pagkatapos ay sumulyap naman sa hilot. "Ikaw na ang tumingin sa likod ng kambal mo, Julian.", utos ng hilot. Kunot ang noo at kinakabahang tinignan nga ni Julian ang anak na hawak ng ina. "Huh! Anong..., parang.., paanong..?", lumabas sa bibig nito. Tatlong katagang hindi nagawang dugtungan. Mga katanungang hindi nagawang ituloy. "Pakpak! May munting pakpak ang anak ninyo ni Esmeralda!", sa wakas ay nasabi na rin ni Aling Idang. "Pero...", umpisang salita ni Julian na hindi na naman nagawang tapusin. "Marahil ito ay sa dahilang napaglihian ni Esmeralda ang larawan ng mga Anghel sa kapilya!", nasabi naman ni Aling Dalmacia. Umiling-iling ang hilot. ''Hindi ko matutukoy kung ano ang sanhi ng pagkakaroon ng pakpak ng mga sanggol na ito, Dalmacia. Walang makakapagsabi kung anong uri ng himala ang naganap sa pagbubuntis ni Esmeralda upang magsilang ng dalawang sanggol na may pakpak.'', naguguluhang wika ng ale. "At bakit ang unang sanggol na isinilang ni Esmeralda ay...? Ipagpaumanhin n'yo sana ang aking nabanggit.", hinging paumanhin ni Aling Idang. Nabigla ito at hindi napigilan ang sarili na maibulalas ang tanong sa loob ng isipan. "Wala kang dapat alalahanin, Idang. Ganyan din ang tanong na gumulo sa aking isipan nang una kong makita ang aking apo. Ngunit hindi iyon dahilan upang hindi ko siya alagaan at mahalin.", madamdaming sabi ni Dalmacia. Agad namang hinagod ni Julian ang likod ng ina. Siya man ay nagulat ngunit gaya ng kanyang ina, mahal din niya ang panganay na anak kahit pa nga iba ang kulay ng balat nito kung ikukumpara sa bunso. "Magkamukhang-magkamukha sila maliban sa kulay ng kanilang balat at buhok. At sa...., pakpak na taglay nila.", puna ni Aling Idang. Ang bunso ay may pino at puting-puting pakpak. Bagamat malalambot at hindi pa naiaangat ay makinis at masarap itong haplusin. Ngunit ang sa panganay ay magaspang at matigas. At ang pinakaikinagulat nila ay katulad ng sa isang ........, PANIKI ang pakpak nito! Habang ibinabalik ng butihing hilot ang pagkakaayos at pagkakabuhol ng damit ng mga sanggol ay nagkatinginan ang mag-ina. Wala man ang tinig upang salitain at mapakinggan ay nagkaunawaan ang kanilang mga mata. "Idang.., mayroon sana kaming ipakikiusap sa iyo.", pag-uumpisa ni Dalmacia sa nais sabihin. "Wala kayong dapat ipag-alala sa akin. Makakaasa kayong walang makakaalam ng tungkol sa bagay na ito. Tiyak na dudumugin kayo ng ating mga kababaryo at ng taga-kabilang baryo kung kakalat ang balitang nagsilang ng dalawang sanggol na may pakpak si Esmeralda. At maaaring mapahamak ang panganay sa kambal dahil sa kanyang anyo.", nakakaunawang sabi ng mabait at respetadong hilot ng Traves. "Isa pa ay makakasama kay Esmeralda ang mag-alala sa mga pangyayaring hindi maganda.", sabi pa rin ni Aling Idang. "Maraming salamat, Idang.", matapat na sabi ni Aling Dalmacia. "Maraming salamat po sa pagmamalasakit n'yo sa aking mga anak at asawa. Isang malaking utang na loob ang tatanawin naming mag-asawa sa inyong kabutihan, Aling Idang.", taos sa pusong pasasalamat ni Julian. "Huwag n'yo nang isipin ang tungkol sa bagay na iyan. Ang inaalala ko ay kung paano n'yo maitatago sa mahabang panahon ang pakpak ng mga sanggol.", sabi ng hilot. Nagkatinginan ang mag-ina. Isang malaking suliranin nga ang tungkol sa bagay na iyon. "Bahala na, Idang. Ang importante ay maiwasan muna ang pagkakagulo ng mga tao sa aking mga apo.", malungkot na sabi ni Aling Dalmacia. Ilang sandali pa ay nagpaalam na si Aling Idang. Ibinigay naman ni Aling Dalmacia ang halagang kabayaran para sa pagpapaanak nito sa manugang. Inihatid na ito ni Julian pauwi. Tila nagdahilan naman ang sama ng panahon. Payapa na ang hangin na kanina lamang ay nag-aalimpuyo. Maging ang ulan ay tumila na rin at ni isang patak ay wala na. Muling nagpasalamat si Julian at pagkatapos ay nagmamadali nang naglakad pauwi. Nang makabalik ay agad na nilapitan ni Julian ang asawang natutulog pa rin. Maingat nitong hinagkan ang noo ng kabiyak. At pagkatapos ay nilapitan naman ang inang matiyagang nakabantay sa dalawa niyang anak. "Julian anak, pantay nating aalagaan ang iyong mga anak. Mamahalin natin silang dalawa. Hindi natin pababayaan ang aking mga apo.", pumapatak ang luhang sabi ni Aling Dalmacia. Magkahalong damdamin ang kanyang nararamdaman. Masaya siya ngunit nag-aalala at natatakot sa maaring sapitin ng mga ito. Lalung-lalo na sa apo na may pakpak ng paniki. Niyakap ni Julian ang ina. Nauunawaan niya ang ipinagkakaganoon nito. Nang magkamalay na si Esmeralda ay agad nitong hinanap ang dalawang sanggol na iniluwal. Nagulat din ito sa itsura ng mga anak. Hindi rin makapaniwala na ang isang anak ay napakaganda at may pakpak na gaya ng sa mga anghel na madalas niyang tignan noong naglilihi pa lamang. At ang isa naman ay maitim at may pakpak na gaya sa paniki. "Julian, Inang, mahalin natin ang aking mga anak. Huwag natin silang hayaang mapahamak.", umiiyak na pakiusap nito. "Oo, anak. Mamahalin natin silang dalawa at pangangalagaan.", luhaang pangako ni Aling Dalmacia. Mabilis na pinahid ni Julian ang luha sa mga mata. Ano man ang itsura ng kanyang mga anak ay hindi siya papayag na saktan o alipustain ang mga ito ng ibang tao. Nagkasundo silang itago sa mata ng ibang tao ang pakpak ng mga sanggol. Imposible man ay sisikapin nilang mapanatiling lihim ang lahat. Lalo na ang pakpak ng panganay nilang anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD