CHAPTER 4 - Kambal na basbas

1668 Words
MABILIS na kumalat ang balitang nagsilang ng kambal na lalaki si Esmeralda. Umugong din ang kung anu-anong haka-haka ng mga tao tungkol sa magkaibang kulay ng mga sanggol. "Aba eh, parang puto at dinuguan pala ang kulay ng kambal ni Esmeralda!", natatawang sabi ni Aling Iska. "Hindi kaya nasalisihan si Julian!", malaswang biro naman ni Aling Pitang. "Kuu, kayo talaga Aling Pitang. Baka ho maringgan kayo ni Aling Dalmacia sa sinabi ninyong iyan.'', simpleng pananaway ni Ploring na may-ari ng tindahang iniistambayan ng mga nagkukwentuhang ale. "Ako nama'y nagbibiro lang, Ploring. Nagkakatuwaan lang naman tayo rine.", pangangatwiran ni Aling Pitang. Bahagya itong napahiya subalit hindi nagpahalata. ''Mangyari ho kasi ay hindi magandang pakinggan ang inyong biro. Baka ho magdamdam si Aling Dalmacia kung makakarating sa kanya ang pagkakatuwaan natin sa kanyang anak at mga apo.", magalang na paliwanag ni Ploring. "Magkaiba naman talaga ang itsura ng kambal. Hindi ko naman gawa-gawa lang ang napuna ko. Aba, eh nakarating na ako sa edad kong ito, ngayon lamang ako nakakita ng kambal pero hindi magkamukha!", hirit pa rin ni Aling Pitang upang makapagbangong puri. "Magkamukha naman ho ang kambal, Aling Pitang. Magkatulad ang kanilang ilong, ang kanilang mga mata, ang kanilang labi at ang hugis ng kanilang mukha. Kutis lang ho ang magkaiba sa kanila.", hindi nakatiis na sagot ni Barang sa usapan. Bibili ito ng isang balot na matchakaw ngunit nakaharang si Aling Pitang at Aling Iska sa harapan ng tindahan. Agad namang nagbigay ng reaksyon si Aling Iska. Nakapamewang nitong ibinuga ang nginunguyang nganga bago paangil na nagsalita. "Ano bang magkamukha ang sinasabi mo ha, Barang? Magkamukha ba ang tawag do'n? Kulot na kulot at itim na itim ang buhok ng panganay samantalang iyong bunso naman ay gaya ng sa mais ang buhok. Pagkaitim-itim ng una samantalang pagkaputi-puti naman ng ikalawa. Paano naging magkamukha iyon? Ako itong matanda at malabo ang mata pero parang ikaw ang may diprensya sa paningin!", pamimilosopo ni Aling Iska na sinundan ng malakas na pagtawa. Nagtawanan din ang mga naroroon. "Oo nga naman, Barang.", ayuda ng iba pang nakatambay. Lumakas naman ang loob ni Aling Pitang sa narinig na pagsang-ayon ng mga kaumpukan. Mataray na rin itong nagsalita. Bahagya pa nitong iniingos ang mukha. "Pagkaganda-ganda ng bunso samantalang parang taong putik naman ang panganay. O ayan.., pinuri ko ang isa sa kambal, ha. Baka naman sabihin ninyo ay panay pintas lang ang sinasabi ko. Opinyon ko iyon, dahil iyon ang napuna ko. Bahala naman kayo sa opinyon ninyo. May kanya-kanya tayong pagkilatis!", nakataas pa ang babang sabi ni Aling Pitang. Muling umugong ang nang-uuyam na tawanan ng mga matatandang aleng namamahinga sa harapan ng tindahang nasa ilalim ng malagong puno ng mangga. Nailing na lamang si Ploring at Barang sa daloy ng usapan ng matatandang kapitbahay. Napamihasaan na ng mga itong gawing pampalipas oras ang hanapan ng kapintasan at pagkatuwaan ang buhay ng may buhay. "Ano ba naman iyang mga kapitbahay mo, Ploring. Matatanda na ngunit parang walang mga kinatandaan. Kung hindi nga lang labag sa kabutihang asal ang patulan ang nakakatanda eh kanina ko pa pinagsasagot ang mga iyan. Sila ang dapat kakitaan ng magandang halimbawa ngunit pakinggan mo ang mga pananalita. Paano igagalang ng gaya nating nakakabata ang ganyan? Hay, nako!", mahinang reklamo ni Barang. Natapik pa nito ang sariling noo. Matapos iabot ni Ploring ang sukli ay nagmamadali na itong naglakad palayo. Pigil na pigil ang sarili upang hindi makapang bastos ng nakatatanda sa kanya. Si Ploring naman ay nagbingi-bingihan na lamang. Ginawang abala ang sarili sa pagkayod ng niyog na gagamitin sa palitaw na paninda. Hindi na nakipagtalo pa sa mga kapitbahay na matanda pa sa kanyang ina ngunit sa asal at pananalita ay daig pa ang mga bata. Paano naman niya sasabihing mali ang ginagawa ng mga ito kung pare-parehong ang pinaniniwalaan ay wala namang masama sa ginagawa nila? ------------------------------ Ang usap-usapan at pagtatawa ng ilang kapitbahay tungkol sa isa sa kambal ay nakarating kay Aling Dalmacia. "Mga walanghiya! Ano ang karapatan nila para insultuhin ang aking apo?! Napakagaganda ba ng mga apo nila?! Mga perpekto ba sila na ni kapiranggot ay walang kapintasan?! Makikita nila! Makakatikim sila sa akin!", pulang-pula ang mukha ni Aling Dalmacia sa galit. Masamang-masama ang loob nito sa pang-iinsulto sa kanyang mga pinakamamahal na apo. Maagap namang pinigilan ni Julian ang ina sa balak gawing panunugod. "Inang, huwag na lang po nating pansinin ang gano'ng mga tao. Wala rin namang magandang ibubunga kung papatulan natin sila. Magkakaroon lang po tayo ng kaaway. Magiging pansinin lang lalo ng mga kapitbahay natin ang dalawang bata. Baka mahantad pa ang itinatago nating lihim tungkol sa kanila.", pagpapakalma ni Julian sa kanyang ina. "Tama po si Julian, Inang. Manahimik na lang po tayo. Tiisin na lang po natin ang pait na ating nararamdaman. May mas malaking suliranin pa tayong dapat solusyunan para sa inyong mga apo. Huwag na lamang po nating intindihin ang pangit na sinasabi ng ilan sa ating kapitbahay.", pagpapaliwanag din ni Esmeralda sa biyenan. Napahinuhod naman ang matandang ale sa payo ng mga anak. Napaupo na lamang ito at paulit-ulit na sumagap ng hangin. Sinikap na paluwagin ang naninikip na dibdib. "Inumin n'yo na po muna itong tubig upang mahimasmasan kayo.", nakangiting sabi ni Esmeralda sabay abot ng isang basong may lamang inumin. Inabot naman iyon ni Aling Dalmacia at agad na tinungga. Tinabihan ni Esmeralda ang biyenan at buong pagmamahal na hinawakan ang kamay. "Inang, paano na kaya ako kung wala kayo?", madamdaming sabi ng ginang. Dalagita pa lamang siya ay kinupkop na at itinuring na anak ng mabait na biyenan. Ang maagang pagkawala ng kanyang mga magulang ay hindi naging napakasakit dahil sa pagmamahal na ipinadama nito sa kanya. Ito ang tumayo bilang ama at ina para sa kanya. At ngayon naman ay matapang na tagapagtanggol ng kanyang mga anak. Napakalaki ng pasasalamat niya sa Diyos sapagkat nawalan man siya ng mga magulang ay binigyan naman siya ng mapagmahal na asawa at walang kasing bait na biyenan. "Ang anak kong ire kung anu-ano ang sinasabi.", nangingilid ang luhang sabi ni Aling Dalmacia. "Maraming salamat po, Inang. Mahal na mahal ko po kayo.", buong katapatang sabi ni Esmeralda na sinundan ng mahigpit na yakap. "Mahal na mahal din naman kita, anak. Diyaskeng bata, ire. Dalawa na ang anak eh, nagpapa baby pa.", biro ni Aling Dalmacia ngunit pumapatak na rin ang luha. Buong pagsuyong hinaplos nito ang likod ng manugang na kahit ano pa ang kanilang pagdaanan ay hindi niya pababayaan at iiwanang mag-isa. "Nakakainggit naman, baka naman pwedeng makisali.", nakangiting sabat ni Julian. Nasisiyahan siyang makitang magkasundo at nagmamahalan ang dalawang babaeng pinakamahalaga sa kanyang buhay. "Nainggit pa ang damuho! Pumarine ka at makiyakap ka na rin sa amin!", natatawang sabi ni Aling Dalmacia. Ang galit na nararamdaman ay napalis na. "Uha...! Uha...! Uha...!", magkasunurang iyak ng kambal. Napaunat ang tatlo pagkarinig sa iyakan ng magkapatid. Pare-parehong napatayo at nagmamadaling nilapitan ang dalawang duyan na kinaroroonan ng kambal. "Naku, ang mga apo ko! Gusto n'yo rin sumali sa amin ng Inay at Itay ninyo? Gusto n'yo rin ang yakap ng lola, ano?", nakangiting tanong ni Aling Dalmacia sa mga apo na para namang maiintindihan siya. Palihim na nagkatinginan ang mag-asawa at nangiti. Maaliwalas na ang mukha ng kanilang ina na kanina lang ay napakadilim. Kinuha ni Aling Dalmacia ang bunsong apo mula sa duyan at kinarga. Pinaghahalikan at tuwang-tuwang kinausap. Habang ang panganay naman ay karga ni Esmeralda. Matapos yakapin ang bunso ay kinuha naman ng matanda ang panganay na apo. Ito naman ang niyakap at pinupog ng halik. Tila nakaintindi naman ang sanggol. Nagpipilit itong dumilat at pangiti-ngiti. Napatawa ng malakas si Aling Dalmacia pagkakita sa mukha ng maitim na apo. Aliw na aliw sa tila pagpapakitang gilas nito sa kanya. "Ang apo ko, napakahusay mambola! Nakita n'yo ba kung paano ako nginitian nireng anak n'yo? Naku, ay napakatamis! Kilala na kung sino ang may karga sa kanya!", tuwang-tuwang pagbibida nito sa mag-asawa. Mabilis namang tumango si Esmeralda at Julian. Agad na sinang-ayunan ang pagyayabang ng kanilang ina. Tuluyan nang napalitan ng tawanan at masayang usapan ang kaninang hinanakit at galit na naramdaman nilang lahat. Sa piling ng dalawang sanggol ay mabilis na napawi ang kanilang sama ng loob. Hanggang sa lumipas pa ang tatlong buwan...... "Kailangan na nating pabinyagan ang kambal bago pa umusli nang todo ang mga pakpak nila. Pagkatapos ay asikasuhin mo na ang kubong lilipatan natin sa bukid. Kailangan nating lumayo sa karamihan. Kung doon tayo titira ay maii-iwas natin ang kambal sa mata ng mga tao.", sabi ni Aling Dalmacia kay Julian. "Opo, Inang. Napaghandaan na namin ni Esmeralda ang bagay na iyan. Nakausap na rin namin sila Mario, Agustin, Hesusa at Lagring. Isang payak na binyagan lamang po, ang importante ay mabasbasan sila.", sagot ni Julian. Tumango-tango naman si Aling Dalmacia. Kilala niya ang mga kababata ng mag-asawa. Dumalaw pa ang mga iyon nang manganak ang manugang at aliw na aliw pagkakita sa kambal. "Nakahanda na rin po ang kubo natin sa bukid. Patitibayin ko na lang iyon upang dumating man ang pagsama ng panahon ay ligtas tayo.", sabi pa rin ni Julian. Humahangang tinignan ni Aling Dalmacia ang anak. Responsable at maaasahan talaga ito. Mga katangiang natitiyak niyang mamanahin ng dalawa niyang apo. Hanggang sa dumating na nga ang araw nang pagtanggap ng dalawang sanggol sa matrimonyo ng binyag. Tila nakikiisa sa pagdiriwang ang maganda at maaliwalas na panahon. Ang hangin ay banayad na umiihip at ang haring araw ay nagbigay ng makinang na liwanag. Hawak ni Julian ang panganay at ang bunso naman ay na kay Esmeralda. Si Aling Dalmacia naman ay abalang-abala sa pag-aasikaso sa munting hapag na nakahanda upang mapagsalu-saluhan ng mga ninong at ninang at ng ilang panauhing inimbitahan nila. Ilang oras pa ay narinig na ang pagtunog ng kampana na siyang hudyat sa katatapos na binyagan. Bagaman at simple lamang ay nairaos na nila ang binyag ng kambal. Padilim na nang matapos ang pagdiriwang. Pagod man ay may ngiti sa labi ang mag-asawa lalo na ang lola ng kambal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD