---------
***Vienna's POV***
-
“Ms. Lopez, ikinalulungkot kong sabihin na napakarami nang naging paglabag ng kapatid mo sa aming paaralan. Hindi na kita maaaring pagbigyan pa. Ilang beses ko na siyang binigyan ng huling pagkakataon. Sinabi ko na sa iyo noong huli tayong nag-usap na kapag nagkamali pa ulit ang kapatid mo, tuluyan na siyang ma-e-expel dito sa paaralan,” seryosong sabi ng principal sa akin.
Napakabigat ng kanyang mga salita. Parang lalo akong nadaganan ng problema tungkol sa kapatid ko. Hindi ko na alam kung saan paaralan ko siya maipapasok ngayon. Hindi sapat ang budget ko para sa ibang private school. Ito lang ang tanging paaralang kaya kong bayaran, at kahit dito, kinailangan ko pang makiusap sa may-ari ng paaralan para tanggapin ang kapatid ko. Dahil sa record ng kapatid ko, halos lahat ng paaralan ay nagdadalawang-isip na tanggapin siya. Ayaw naman kasi niyang mag- aral sa mga public school.
“Mrs. Cortez, isang pagkakataon pa po, pakiusap. Ipinapangako ko na hindi na gagawa ng anumang problema ang kapatid ko. Bigyan niyo po ako ng isang huling pagkakataon,” nagsumamo kong pakiusap habang nagmamakaawa, umaasang bibigyan pa niya ako ng isa pang tsansa.
“Pasensya na, Ms. Lopez. Pero hindi na talaga kita mapagbibigyan. Napakalaking perwisyo na ang nagawa ng kapatid mo sa paaralang ito. Kaya simula ngayong araw, tuluyan na siyang hindi makakabalik dito,” matigas na tugon ni Mrs. Cortez.
Parang nabingi ako sa narinig. Hindi lang isang beses o dalawang beses nagkamali ang kapatid ko—napakarami na. At ang pinakahuling insidente ay nang pumasok siya sa paaralan nang lasing at muntik nang bugbugin ang gwardiya.
Ramdam ko ang pag-init ng mga mata ko. Gustuhin ko mang pigilan, tuluyan nang bumagsak ang luha ko. Wala akong nagawa kundi tanggapin ang desisyon ng principal at magpaalam dito.
Paglabas ko ng opisina, dumiretso ako sa banyo. Sa loob ng isang cubicle, doon ko tuluyang pinakawalan ang bigat ng nararamdaman ko.
Hindi ko mapigilang maiyak. Wala naman akong ibang pangarap kundi ang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kapatid ko. Kaya nga doble kayod ako sa trabaho. Nagtatrabaho ako sa isang tutorial center sa umaga, at waitress naman ako sa isang club sa gabi. Halos wala na akong pahinga o tulog, pero kinakaya ko para lang maitaguyod kami ng kapatid ko.
Ang kinikita ko sa umaga ay para sa aming pang-araw-araw na pangangailangan, habang ang sahod ko sa gabi ay nakalaan para sa kanyang pag-aaral. Kaya napakasakit ng nangyari. Parang lahat ng pagsisikap ko ay nasayang. Hindi ko mapigilan ang sarili kong magtanong—saan ba ako nagkulang? Ano pa bang dapat kong gawin? Ginawa ko na ang lahat, pero parang kulang pa rin.
Ako nga pala si Vienna, 23 years old. Nagtapos ako ng Bachelor of Elementary Education (BEEd) sa isa sa mga state universities sa Maynila. Dahil naging CHED scholar ako, nakapagtapos ako ng pag-aaral kahit kailangan ko ring magtrabaho para sa amin ng kapatid ko. Nagtatrabaho ako sa umaga at nag-aaral sa gabi, at ginawa ko ito sa loob ng tatlong taon mula nang sabay na pumanaw ang mga magulang namin dahil sa isang aksidente. Sa kabila ng lahat ng pagsubok, nakapagtapos ako isang taon na ang nakakalipas.
Sa ngayon, nagse-self-review ako tuwing may bakanteng oras dahil plano kong kumuha ng board exam.
Mayroon akong isang kapatid — si Benjie, 16 years old, pero may juvenile problem siya. Nagsimula ang lahat nang mamatay ang mga magulang namin. Sobrang naapektuhan si Benjie sa pagkawala nila kaya nalulong siya sa barkada. Simula noon, naging problema siya sa lipunan. Sa loob ng halos apat na taon, dalawang beses na siyang dinampot at ikinulong ng DSWD, pero kahit gano’n, hindi pa rin siya nagbago. Lagi pa rin siyang bumabalik sa bisyo. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
Mabait naman si Benjie bilang kapatid. Ramdam ko rin ang pagmamahal niya sa akin. Pero kahit anong sabihin ko, hindi niya ako sinusunod. Sandaling titigil siya sa bisyo pero pagkatapos ng ilang araw, babalik na naman siya sa dating gawi.
At ito ang pinoproblema ko — paano magkakaroon ng magandang kinabukasan ang kapatid ko kung lagi siyang ganito? Hindi ko na alam ang gagawin ko. May mga pagkakataon na gusto ko nang sumuko dahil pakiramdam ko, wala na talagang pag-asa para mapabuti siya. Pero tuwing naiisip ko ang mga magulang namin at ang pangarap nila para sa amin, nagbabago ang isip ko. Hindi ko kayang pabayaan si Benjie. Alam kong responsibilidad ko siya. At higit sa lahat, mahal na mahal ko ang kapatid ko. Si Benjie na lang ang natitira sa akin.
Pinunasan ko ang mga luha ko bago ako lumabas mula sa cubicle ng banyo at tuluyang lumabas ng gusali. Kailangan ko nang umuwi para makapagpahinga kahit sandali. 8 PM hanggang 2 AM (Martes hanggang Linggo) ang trabaho ko bilang waitress sa club, habang 10 AM hanggang 4 PM (Lunes hanggang Sabado) naman ang trabaho ko sa tutorial center. Ang natitira kong bakanteng oras ay ginagamit ko para sa pagrereview.
Pagdating ko sa lobby ng paaralan kung saan ko iniwan si Benjie, hindi ko siya nakita. Saglit ko lang siyang iniwan para makausap ang principal, pero ngayon, wala na siya sa lugar kung saan ko siya iniwan.
“Saan na naman ito nagsusuot?” bulong ko sa sarili habang inilalabas ang cellphone ko para tawagan siya. Ilang beses kong dinayal ang numero niya bago niya sinagot ang tawag ko.
“Benjie, nasaan ka na naman?” agad kong tanong sa kanya, medyo pagalit ang boses ko. Naiipon na kasi ang inis at pagod ko.
“Ate, relax,” sagot niya sa kabilang linya. “Kasama ko lang ang mga kaibigan ko.” Naririnig ko sa background ang ingay ng lugar kung nasaan siya.
“Benjie naman! Alam mo bang na-kick out ka na sa school mo? Please naman, tigilan mo na ang mga kalokohan mo. Baka sa susunod, sa presinto na kita sunduin!” Frustrated kong sabi sa kanya. Ramdam ko ang kaba at takot na baka may mangyari na naman sa kanya.
“Don’t worry, Ate. Kaya ko ang sarili ko,” sagot niya nang walang bahid ng lungkot o pagsisisi. Pero mas lalo akong kinabahan. Tuwing sinasabi niya na kaya niya ang sarili niya, nagiging pabaya siya at dito na nagkaroon ng problema.
“Natatakot ako, Benjie...” bulong ko, pero hindi niya ako pinakinggan.
“O, sige, Ate. Tinatawag na ako ng mga kaibigan ko,” dagdag niya bago agad na pinutol ang tawag.
Tinawagan ko siyang muli, pero hindi ko na siya makontak. Napabuntong-hininga ako at ibinalik ang cellphone sa loob ng bag ko. Wala akong magawa kundi umupo sa isang bakanteng upuan sa lobby. Pinanghihinaan na ako ng loob. Pakiramdam ko, parang nawawala na rin ang lakas ng katawan ko.
“Kasalanan ko ba kung bakit nagkaganito si Benjie?” bulong ko sa sarili habang pinipilit kong pigilan ang luha ko. Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko. Baka naman nagkulang ako ng pagmamahal at atensyon sa kanya dahil masyado akong nag-focus sa pagtatrabaho. Baka kaya siya nalulong sa bisyo ay dahil hindi ko siya nasubaybayan nang maayos.
Pero ano pa bang magagawa ko? Ginagawa ko naman ang lahat. Paano ko pa mapabuti ang buhay ng kapatid ko kung siya mismo ay walang planong magbago?
-----------
“Ano ka ba, Vienna? Itigil mo na ‘yang paninisi mo sa sarili mo. Hindi mo kasalanan kung baluktot na landas ang pinili ng kapatid mo. Ginawa mo ang lahat para sa kanya, pero hindi niya na-appreciate. Malaki na ang kapatid mo, marunong na siyang magdesisyon para sa sarili niya. Siya ang pumili ng buhay na meron siya ngayon. Kung ano man ang nangyayari sa kanya, kasalanan niya ‘yon, hindi sayo.”
Ito ang sabi ng kaibigan kong si Rose habang inaayos ang kanyang makeup. Kasama ko si Rose dito sa club. Isa siyang dancer, at masasabi na ring prostitute. Pero sa kabila ng trabaho niya, mabait siya sa akin. Sa totoo lang, mas kaya ko pang magsabi ng problema sa kanya kaysa sa mga kasamahan ko sa tutorial center.
“But he’s just 16 years old. Responsibilidad ko pa rin siya,” sagot ko habang napapailing. “Pakiramdam ko, hindi ko nagampanan nang maayos ang tungkulin ko bilang ate. Isa na doon ang paggabay sa kanya sa tamang landas. Ewan ko, Rose… hindi ko alam kung saan ako nagkamali.”
Umirap si Rose habang pinapahiran ng lipstick ang kanyang labi. “Ano ngayon kung 16 years old lang ang kapatid mo? Alam mo ba, ang kapitbahay namin, 13 years old pa lang pero nabuntis na! At take note, mabait pa ‘yun, ha! Honor student. ‘Yung tipong hindi mo iisiping gagawa ng ganun. Pulis ang tatay, guro ang nanay. Pero tingnan mo, nangyari pa rin, nabuntis pa rin sa napakabatang edad.”
Napatingin ako sa kanya. “So, anong point mo?”
“Ang point ko, kahit anong gawin mong gabay, kahit anong higpit ang gawin mo, kung gusto niyang gawin ang gusto niya, gagawin pa rin niya. Hindi mo siya mapipigilan. You can guide him, yes, pero desisyon niya pa rin kung susundin ka niya o hindi. Kaya itigil mo na ‘yang paninisi sa sarili mo. Hindi mo kontrolado ang lahat, Vienna.”
Tumayo si Rose at nag-ayos ng costume. “C’mon, magtrabaho na tayo. Malapit na akong isalang sa stage. Ayaw mo namang mapagalitan tayo ng boss, ‘di ba?”
Napabuntong-hininga ako at tumango. “Oo nga… sige na.”
Alam kong tama si Rose. Pero mahirap pa ring tanggapin. Hindi ko kayang bitawan ang responsibilidad ko bilang ate.
Pagkatapos ng usapan namin, nagmadali akong bumalik sa trabaho. Waitress ako dito sa club. High-class ang lugar na ito, kaya pati ang mga empleyado, dumadaan sa mahigpit na proseso. Kahit ako, na isang simpleng waitress lang, kailangang pumasa sa standard ng club.
Nakapasok talaga ako sa trabaho ko dito dahil sa hitsura ko. May ibang lahi kasi ako, mestiza, at matangkad. Hindi ko alam kung anong ibang lahi meron ako, hindi ko kasi kilala ang ina ko.
Anak ako ng ama ko sa ibang babae. Pagkapanganak sa akin, iniwan daw ako ng nanay ko sa tatay ko. Si Benjie, half-brother ko. Pero kahit magkaiba kami ng ina, itinuring ko siyang tunay na kapatid. At dahil wala na kaming mga magulang, ako na ang tumatayong pamilya niya.
Maraming beses na akong inalok na maging modelo. Pero wala talaga akong lakas ng loob para tanggapin ang ganung trabaho. Natatakot ako na baka maloko lang ako, o baka mapahamak ako sa huli. May nag-offer din na gawin akong trainee para maging pambato sa mga beauty contests, pero hindi ko talaga linya ‘yon. Mahina ang loob ko sa mga ganun.
Iba ang pangarap ko.
Ang pangarap ko lang ay maging isang guro. At alam kong darating din ang panahon na matutupad ko ang pangarap na ito.
“Vienna, pinapatawag ka ni boss,” sabi sa akin ng isang waiter. Kababalik ko lang sa dining area matapos maghatid ng alak sa isang grupo ng customer. Muntikan pa nga akong mabastos kanina. Mabuti na lang at mabilis akong tinulungan ng isa sa mga bouncer ng club.
“Ha? Bakit?” Tanong ko habang nararamdaman ang kabang dumadaloy sa dibdib ko.
May nagawa ba akong kasalanan? Hindi ko maalala na may na-violate akong rules o policy.
“Ewan ko. Basta, punta ka na lang sa opisina niya.”
Wala akong nagawa kundi sundin ang sinabi niya. Kinakabahan ako habang naglalakad patungo sa opisina ng boss namin.
Pagkatok ko sa pinto, agad akong pinapasok.
“Boss, pinapatawag niyo raw po ako. May nagawa po ba akong kasalanan?” tanong ko, bakas ang kaba sa boses ko.
“No,” sagot niya habang tumatayo mula sa kanyang executive chair. “In fact, you’re doing your job very well.”
Napatingin ako sa kanya, nagtataka.
“Pinatawag kita dahil gusto kong ikaw ang mag-deliver ng espesyal na alak na ito sa isa sa mga VIP natin ngayong gabi,” patuloy niya habang itinuro ang mamahaling alak na nasa mesa niya.
Napalunok ako nang makita ko ang alak. Mukhang sobrang mahal!
“Ang alak na ito ay nagkakahalaga ng ilang milyon, Vienna,” seryosong sabi niya.
Halos manikip ang dibdib ko sa narinig ko. Ilang milyon?! Diyos ko, parang natatakot na akong hawakan ang bote!
“Handle it with care. Be extremely cautious!” dagdag pa niya, na parang lalo lang nagpalala ng kaba ko. “At isang bagay pa. Ang VIP na ito ay hindi lang isang napaka-importanteng tao… kundi isa ring napakadelikado.”
Parang bumagsak ang mundo ko sa sinabi niya.
“Kapag pumasok ka sa VIP room, iwasang tumingin sa kanya, lalo na sa mga mata niya. Ayaw na ayaw niya ng tinititigan. Kapag nagkataon na nagtama ang mga mata niyo, baka magalit siya… at baka ik*matay mo pa. Baka patay*n ka niya kung makipag-eye contact ka.”
Natigilan ako. Kinilabutan ako sa bawat salitang binitiwan niya. Para akong nanigas sa kinatatayuan ko.
“So, tandaan mo, Vienna. Gawin mo ang lahat para huwag mo siyang tingnan. Huwag na huwag kang makikipagtitigan sa kanya. Deliver the wine and get out as quickly as you can.”
Humigpit ang hawak ko sa dulo ng damit ko habang pilit kong pinipigilan ang panginginig ng kamay ko.
Sino ba ang VIP na ito?
Bakit parang mas nakakatakot pa siya kaysa sa kahit sinong kilala ko? Sa bawat salitang binibigkas ng boss ko, pakiramdam ko ay unti-unti akong inuubos ng takot.
Malakas na kabog ng dibdib ko ang tanging naririnig ko habang dahan-dahang naglalakad palabas ng opisina ni boss na hawak ang mamahaling alak.