Kabanata 29

1589 Words
“HALIKA na!” pagpupumilit sa kanya ni Badong. Pilit binabawi ni Soledad ang mga braso at yumayakap siya sa puno huwag lamang madala ng nobyo. “Ayoko. Ayoko Badong! Natatakot ako!” mariin at kinakabahan niyang tanggi. Natatawa na hinigpitan nito lalo ang pagkakahawak sa kanyang kamay at patuloy pa rin sa paghila sa kanya. “Huwag kang matakot, narito naman ako sabay tayong tatalon.” “Mataas masyado riyan!” “Hindi! Halika na!” Kinakabahan man ay wala nang nagawa so Soledad kung hindi ang tuluyan magpahila kay Badong. Sa halip na doon sa mismong tagpuan sila dinala ni Abel, sa ibang parte ng ilog sila pumunta. Naroon sila ngayon sa isang matarik na bahagi ng lupa kung saan kanina pa tumatalon mula roon si Badong at mga kaibigan nito, maging sila Perla. Tanging si Soledad lamang ang hindi tumatalon sa ilog mula doon dahil sa takot niya sa matataas na lugar. “Talon na!” pang-uudyok pa ng mga kaibigan nila na nakaupo at nanonood sa gilid. “Badong ah, natatakot ako!” “Akong bahala sa’yo.” Mahigpit nitong hinawakan ang kamay niya. “Bibilang ako ng tatlo ah pagkatapos ay sabay tayong tatalon, handa ka na?” sabi pa nito. Huminga siya ng malalim at agad tumango. “Isa… dalawa… tatlo!” Nang sabay silang tumalon pababa ay hindi napigilan ni Soledad na mapasigaw ng malakas kasabay ng pagbagsak nila sa tubig. Pagdating sa ilalim agad niyang naramdaman na hinawakan siya ni Badong at hinila pataas. Habol ang hininga nang makaahon siya at sunod na narinig ang malakas na sigawan ng mga kasama. Tumatawang hinilamos ni Badong ang palad sa mukha niya para maalis ang tubig sa kanyang mga mata. “Ayos ka lang?” tanong nito. Humihingal pa rin na tumango siya. “Isa pa?” “Mamaya na. Nais ko lang magpahinga sandali,” sagot niya. Hinayaan siya ni Badong at sabay silang lumangoy pabalik ng pampang. “Kay lamig ng tubig,” daing ni Soledad. “Palibhasa’y malamig na rin ang panahon dahil Disyembre na,” wika ni Ising. Mayamaya ay naramdaman niyang binabal ni Badong sa kanyang balikat ang tuwalya nito pagkatapos ay paulit ulit na kinuskos ang mga braso niya upang maibsan ang lamig. “Salamat,” nakangiting wika niya paglingon dito. Isang matamis na ngiti ang sinagot nito pagkatapos ay hinalikan siya sa balikat. “Ay, santisima!” biglang bulalas ni Nena. Nang lumingon si Soledad ay nakita niyang umikot ang mata nito at umiiling. “Bakit, Nena? Napaano ka?” tanong ni Perla dito. “Maaari bang huminto kayo sa paglalambingan sa harapan namin? Aba paano naman kaming mga walang kasintahan dito.” Natawa silang dalawa ni Badong. “Kaya naman pala kasing haba ng nguso ng unggoy ang iyong bibig, iyon pala’y naiinggit ka,” panunudyo ni Pedro dito. “Hindi ako naiinggit!” tanggi nito. Mayamaya ay nilapitan ito ni Abel at naupo sa tabi ni Nena. “Kung gusto mo, Nena. Ako na lang maging nobyo mo.” Umalingawngaw ang kantiyawan at malakas na tawanan sa kanila. Lalo na sa tuwing sinusungitan nito ang binata. “Ay naku, Abelardo! Ako nga ay tigilan mo dahil hindi ikaw ang tipo kong lalaki.” “Ano? Aba naman, Nena. Saan ka pa makakahanap ng katulad ko? Simpatiko at masipag, isa pa’y mapagmahal ako.” “Simpatiko, baka ang ibig mong sabihin ay antipatiko.” Muli na naman silang nagtawanan. “Abel, bakit hindi ka umakyat ng ligaw sa kanilang tahanan at suyuin ang kanyang mga magulang?” sabad ni Badong. “Siya nga naman, nang mabawasan ang lumbay ni Nena,” pakikisakay niya sa biro ng mga ito. Nanlaki ang mga mata nito at suminghap. “Kahit kailan ay hindi ako nalumbay, ano ba ang sinasabi mo riyan, Soledad?” Natawa lamang ulit sila ni Badong. “Hayaan mo, Nena. Bukas na bukas rin ng gabi at aakyat ako ng ligaw at haharanahin kita.” “Naku tigilan mo nga ako!” naiinis na sagot nito. “Halina’t bumalik tayo sa tubig. Hayaan na muna natin sila dito,” bulong sa kanya ni Badong. “Sige,” pagpayag ni Soledad. Muli silang tumayo at bumalik sa tubig. Sabay silang lumangoy palayo sa mga pampang hanggang sa makarating sila sa isang bahagi ng ilog. Kung saan maraming malalaking bato at maaari silang maupo nang walang nakakakita sa kanila. Naupo ito sa isang bato na bahagyang nakalubog sa tubig pagkatapos ay naupo siya sa harapan nito. “Hindi kaya hanapin nila tayo?” tanong pa niya. “Tiyak kong alam naman nila na kailangan natin ng pribadong sandali,” sagot nito. “Saka baka tayo’y batuhin ni Nena kung patuloy kitang lambingin sa harapan niya.” Natawa si Soledad at napailing. Mayamaya ay napatingala siya sa kalangitan. “Tignan mo, kayganda ng kalangitan, asul,” sabi pa niya, sabay turo sa taas. “Bakit ko pa kailangan tumingin kung mas maganda ang aking kapiling,” sa halip ay sagot nito. Natawa siya at mabilis na lumingon. “Hayan ka na naman at binibilog ang aking ulo.” “Nagsasabi lamang ako ng totoo.” Huminga siya ng malalim at sumandal sa malapad nitong dibdib. Ilang sandali pa ay napapikit si Soledad nang maramdaman ang pagpatak ng halik ni Badong sa kanyang pisngi. Pagkatapos ay dahan-dahan iyong bumaba sa kanyang leeg. Nang dumilat at salubungin ang tingin ay tuluyan na nitong sinakop ang kanyang bibig. Tumugon si Soledad at muli ay pinaramdam ni Badong ang mainit, ngunit masuyong halik nito. Habang magkahinang ang mga labi ay naramdaman niya ang mahigpit na yakap ng isang braso nito sa kanyang beywang habang isang kamay ay hawak siya sa pisngi. Mayamaya ay huminto sila at ngumiti sa isa’t isa. Nang umihip ang malakas at malamig na hangin ay niyakap siya ng mahigpit nito nang maramdaman ang panginginig ng kanyang katawan. “Nilalamig ka pa?” tanong pa nito. “Hindi na gaano,” sagot niya. “Hayaan mo na pawiin ko ang lamig na iyong nararamdaman, mahal ko,” sabi pa nito pagkatapos ay muli siyang siniil ng halik. “MAY nangyari sa inyo sa ilog, Lola?” nandidilat na tanong ni Marisse. Natawa si Lola Dadang at napailing. “Wala,” sagot niya. “Aw, sayang! Ang romantic pa naman ng set-up. Imagine, making love along the river,” komento ni Kim. “Tapos parang sila lang ang tao, omg!” kinikilig naman na sabi ni Sam. “Sandali, alalayan ninyo ako at gusto kong tumayo,” sabi pa niya. Agad sumunod ang mga apo at inalalayan siya hanggang sa makababa ng kama. Sinundan lang siya ng tingin ng mga apo habang dahan-dahan naglakad papunta sa isang lumang aparador. “Ged, halika at buksan mo ito,” utos niya. Agad itong sumunod. “Kunin mo nga iyang kulay puti na damit,” sabi pa niya. Nang ilabas nito ang damit na kanyang tinutukoy ay agad napangiti si Soledad. “Naalala n’yo ba ang sinabi ko na unang regalong bestida sa akin ng Lolo ninyo?” “Opo.” “Ito ‘yon.” Napasinghap ang mga ito at mabilis na lumapit. “Oh my God, Lola. Ang ganda ganda pa rin!” bulalas ni Marisse. “So old yet very classic and still elegant,” nakangiting sabi ni Kim. “Sigurado akong kasya pa rin ito sa inyo, Lola,” sabi naman ni Ged. Nakangiti siyang tumingin sa mga apo. “Maaari n’yo ba akong tulungan na isuot ito sa akin?” “Oo naman po, lola!” Mabilis siyang binihisan ng mga apo. Hindi lang iyon at nagpaayos din siya ng buhok at nagpalagay ng make-up. Pagkatapos ay muling bumalik sa kama. Ngunit sa halip na mahiga ay naupo siya doon at sumandal sa headboard. Inabot niya ang picture frame kung saan nakalagay ang picture ni Lolo Badong at niyakap iyon. “Bakit po kayo nagpa-ayos, Lola?” nakangiting tanong ni Marisse. “Eh, baka umuwi na ang Lolo mo. Gusto kong maayos ako at pusturang-pustura. Tiyak na matutuwa iyon kapag nakita niyang suot ko itong bestida na ‘to,” nakangiti ngunit naluluha ang mga mata na sagot ni Soledad. “Sa tingin n’yo ba, Lola? Babalik pa si Lolo dito?” tanong naman ni Sam. “Oo, natitiyak ko. Susunduin ako no’n pagkatapos ay babalik kami sa aming tagpuan kung saan kami madalas nagkikita tuwing dapit hapon.” “Eh Lola, ano na po ang nangyari pagkatapos ninyong maligo noon sa ilog kasama ang mga kaibigan n’yo?” mayamaya ay tanong naman ni Ged. Malungkot siyang ngumiti nang muling bumalik ang alaala. Ang parte ng kanyang nakaraan kung nagsimula ang masalimuot na parte ng kanilang pag-iibigan ni Badong. “Matapos iyon ay masaya pa kaming nagdiwang ng pasko...” pagpapatuloy ni Soledad sa kuwento. “… Nagbigayan ng regalo. Araw araw ay nagkikita kami sa aming tagpuan o kaya naman sa gabi ay umaakyat siya bintana ng aking silid. Namamasyal kasama ang mga kaibigan. Wala kaming kamalay-malay na iyon na pala ang huling pasko na magdiriwang kami ng masaya at payapa. Nang matapos ang aking bakasyon ay bumalik na ako sa Maynila. Pinagpatuloy ko ang huling semestre ng aking pag-aaral. Muli kaming nagpalitan ng mga liham at isang beses kada buwan kung lumuwas siya ng Maynila para ako’y dalawin. Hanggang sa wakas ay nagawa kong tapusin ang aking kurso. Nakapagtapos ako sa awa ng Diyos. At sa aking pagbabalik sa San Fabian, tinupad namin ang noon pa ma’y napagkasunduan. Ang humarap sa aking mama at papa.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD