Prologo
“THUGS! THUGS! THUGS!” panggagaya ni Marisse sa malakas na musika na kasalukuyang naririnig ng buong kalye ng Tanangco.
“Yeah! Party party!” sigaw pa ng mga pinsan nito na si Karl at Miguel. Mayamaya ay bahagya napahinto si Marisse sa pagsasayaw nang lumapit ang asawa nitong si Kevin at may binulong.
“Pababa na sila,” sabi nito.
“Okay.”
Agad siyang lumapit sa unahan at kinuha ang mic saka binulungan ang lalaking may hawak ng sound system. Huminto ang musika kaya umulan ng kantiyaw mula sa mga bisita na kamag-anak rin nila.
“Bakit nawala?!”
“Ang KJ naman ni Marisse oh!”
“Mga hayok ng dancefloor na ‘to, sandali lang at narito na ang mga celebrant. Wala kayo sa club at tanghaling tapat daig n’yo pa nasa bar, mga baklang ‘to!” natatawang sagot nito.
“Oy, ladies and gentlemen! Pansamantala po muna nating ititigil ang sayawan dahil nandito na po ang ating mga stars of the day! Let’s welcome Lolo Badong at Lola Dadang!”
Nagpalakpakan ang mga bisita. Kasabay ng paglabas ni Badong at Dadang. Mula sa taas ng inalalayan ng iba pang magpipinsan ang dalawang matanda. Pagkatapos ay pinaupo sa dalawang silya na nasa gitna ng stage. Linggo ng tanghali. Sa halip na ordinaryong lunch kasama ang mga apo gaya ng nakasanayan gawin tuwing linggo ay naghanda ang mga ito ng mas malaking handaan para sa selebrasyon ng anibersaryo ng kasal ng dalawa sa pinakamahalagang miyembro ng pamilya Mondejar. Sa likod ay may nakasulat na Badong at Dadang 80th Wedding Anniversary. Naglapitan ang mga apo saka binati ang mga ito.
“Lolo, lola, happy anniversary po!” bati ni Gogoy.
“Salamat, hijo.”
“Happy anniversary, ‘lo! ‘La!” nakangiting bati naman ng kakambal ni Marisse na si Marvin.
“Happy Anniversary po! Lolo, saan kayo magde-date ni Lola mamaya?” pabirong tanong ni Jester.
“Aba eh… magmo-motel kami…” pabirong sagot ni Badong.
Malakas na nagtawanan ang lahat habang si Dadang ay pabirong kinurot ang asawa sa tagiliran. Kasunod niyon ay umulan ng kantiyawan doon sa malawak na bakuran ng mga Mondejar.
“Tumigil ka ngang matanda ka! Uugod ugod na eh!” saway ni Dadang sa asawa.
“Aba Dadang ko… matibay pa ‘to. Kaya pa…”
“Heh! Tumigil ka nga riyan!”
“Yieeeee!” tukso ng mga apo sa dalawa.
“Lolo, lola, kain na muna tayo,” sabi pa ni Jefti.
Muling bumalik ang musika at habang may mga magpipinsan na nagsasayaw, ang iba naman ay nagsisimula nang kumakain. Mayamaya ay napahinto ang dalawa sa pagkain ng biglang tumugtog ang pabirtong kanta ng mga ito.
“Dadang, tumayo ka riyan at tayo’y magsayaw,” nakangiting yaya ni Lolo Badong.
“Ay naku, lubayan mo nga akong matanda ka! Baka maihi pa ako eh!” naiinis na saway ni Lola Dadang.
“Halika na!” sa halip pamimilit nito.
Walang nagawa si Dadang nang hilahin na ito ng asawa. Natatawa na pinanood ng mga apo ang kanilang abuelo’t abuela. Inalalayan pa ng mga ito ang dalawa sa pagtayo. Kahit naiinis ay napangiti si Dadang nang magsimula na silang magsayaw.
“Naalala mo pa ba? Sa tuwing tayo’y nagkikita doon malapit sa ilog?” tanong
ni Badong.
“Ay oo naman…”
“Alas-tres ng hapon ang usapan natin pero dumarating ka palagi ay dapit-hapon.”
Natawa si Dadang habang binabalikan ang nakaraan.
“Paano ba nama’y mahirap takasan sina mama at papa maging ang mga kapatid ko?”
“Pero kahit gaano pa katagal, handa akong maghintay sa’yo doon sa ilog.”
“Walumpong taon na pala ang nakalipas. Kung mabibigyan ulit ako ng pagkakataon ng Diyos na mabuhay, ikaw pa rin ang pipiliin kong makasama habang buhay.”
“Ay ako, hindi na! Masyado kang pabling noong araw!” pabirong sagot ni Dadang.
“Aba, ikaw lang naman ang nakabihag sa puso ko!”
Nagtawanan sila at sinandal ni Dadang ang ulo sa dibdib ng asawa. Kahit mahina na ang katawan ay nagawa pa rin nilang magsayaw ng marahan. Pinikit niya ang mga mata at tila dinala siya ng sandaling iyon sa nakaraan. Sa araw na unang beses siyang sinayaw ni Badong. Ilang sandali pa ay nakaramdam na si Soledad ng pagod, lalo na nang maramdaman ang bigat ng ni Badong na para bang nakasandal na ito sa kanya.
“Halina’t umupo na tayo, Badong. Ako’y napapagod na,” sabi niya sa asawa.
Ngunit hindi kumibo si Badong.
“Badong!” tawag ulit ni Dadang.
Mayamaya ay mas lalong bumigat ng katawan nito. Hanggang sa narinig niya ang isang apo na sumigaw nang tuluyan na silang mawalan ng balanse at muntikan matumba.
“Lolo!” malakas na sigaw ni Wayne.
Biglang huminto ang musika at nagkagulo. Mabilis silang dinaluhan ng mga apo. Inalalayan siya ng apong si Mark habang ang isa pang apo na si Glenn na isang doctor ay agad na lumapit. Nang mailayo ang asawa, saka nakita ni Dadang na wala nang malay si Badong. Mabilis na umahon ang takot at pag-aalala sa puso ni Dadang.
“Ano bang nangyayari sa Lolo mo?” tanong pa niya kay Glenn.
Hindi agad siya nasagot nito dahil abala sa pag-aasikaso sa kanyang asawa.
“Lolo, Lolo? Gising na po! Lolo!” paulit ulit na sabi ni Glenn.
Kinapa nito ang pulso sabay tingala sa nakakatanda sa magpipinsan na Mondejar na si Gogoy.
“His pulse rate is weak, kailangan natin siyang madala agad sa ospital. Mukhang inatake sa puso si Lolo,” sabi nito.
“Let’s go!”
“Sandali lang, sasama ako!” mabilis na sagot niya.
“Lola, dito ka na lang. Baka hindi ka papasukin sa ospital eh. Huwag ho kayong mag-alala, kami ang bahala kay Lolo,” sabi pa ni Gogoy.
“Hindi! Sasama ako!” giit niya.
Walang nagawa ang mga ito kung hindi ang isama siya. Walang patid ang pagdarasal ni Lola Dadang habang nasa loob ng sasakyan at tahimik na lumuluha. Puno ng takot at pag-aalala ang kanyang puso para sa asawa.
HEART attack. Tama ang hula ni Glenn noong una pa lamang. Marahil daw ay may iniinda na si Lolo Badong pero hindi lamang nagsasabi. Nakaupo sa isang bakanteng silya si Lola Dadang sa tabi ng kama habang hawak ang kamay ng asawa na wala pa rin malay sa mga sandaling iyon. Kayraming nakakabit na mga tubo at kung anu-anong aparato sa katawan nito.
“Eh kailan magigising ang papa ko, doc?” tanong ni Armida, ang panganay na anak na babae ni Lola Dadang.
“Ang mabuti pa ay dito na tayo mag-usap sa labas,” sa halip ay sabi ng doctor.
Bahagyang lumayo ang mga ito ngunit kahit na noventa anyos na ay malakas pa rin ang kanyang pandinig.
“Ma’am mas makakabuti po na ihanda n’yo na ang mga sarili n’yo. Paprangkahin ko na po kayo, hindi ko sigurado kung magigising pa ang papa n’yo. Noventa y cinco na ang papa n’yo. Mahina na ang kanyang katawan. Naghihintay na lang siya ng oras. Mas maganda po na ikondisyon n’yo na ang mama ninyo para masabi ang totoo.”
“Goy, tawagan mo na ang mga Tito at Tita mo.”
“Yes Mommy,” sagot nito.
Tahimik na lumuha si Dadang at mahigpit na hinawakan ang kamay ng asawa. Sa likuran ay naririnig niya ang mahinang pag-iyak ng mga anak at mga apo. Bumuntong-hininga siya.
“Ito naman matandang ‘to, hindi pa bumangon! Kanina ka pa natutulog diyan!” malakas ang boses na sabi niya habang salubong ang dalawang kilay at pinipigil ang pag-iyak.
Lumapit sa kanya ang isang apo. “Lola, hayaan po natin magpahinga muna si Lolo,” sabi ni Miguel.
“Magpahinga eh, kanina pa ‘yan natutulog!” masungit na sagot niya.
Mayamaya ay lumapit naman ang panganay na anak ni Dadang.
“Ma, bakit hindi muna kayo umuwi para makapagpahinga kayo? Hindi kayo puwedeng magtagal dito at baka kung anong sakit ang makuha n’yo.”
“Ay hindi! Hindi ako uuwi at baka magising ang papa mo. Hahanapin ako tiyak n’yan!” mariin tanggi niya.
“Ma, kami nang bahala magsabi kay Papa. Huwag ho kayong mag-aalala, ipapatawag ko kayo agad kapag nagising siya!”
Labag man sa loob. Wala nang nagawa si Lola Dadang kung hindi ang sumama
sa mga apo.
“Marisse, Marvin, kayo na ang mag-uwi sa Lola mo.”
“Sige po, Tita.”
“Sasabay na ako sa kanila, Tita,” sabi naman ni Wesley.
Habang nasa sasakyan ay tahimik lang si Dadang. Hindi sinasabi na narinig niya ang sinabi ng Doktor. Hanggang sa makauwi sa bahay nila sa Tanangco. Tanghalian nang simulan ng mga apo nila ang selebrasyon ng walumpung taon anibersaryo ng kasal nilang mag-asawa. Alas-tres y medya pa lang ng hapon pero tahimik na agad ang buong bakuran nila. Ang dapat sana’y masayang selebrasyon ay nauwi sa lungkot.
Pagdating sa kuwarto ay tinulungan si Dadang na magbihis ng kasama sa bahay na si Inday. Pagkatapos ay saka ito lumabas at naiwan sa kanyang tabi si Marisse at ang asawa ng kanyang mga apo na si Ged, Sam at Kim.
“Lola, huwag po kayong masyadong mag-alala kay Lolo. Gagaling din siya,” pag-aalo pa ni Kim.
Tinignan niya ang mga ito. Bakas sa mga mata na kagagaling lang ng mga ito sa pag-iyak.
“Hindi ko naman maintindihan sa Lolo n’yo kung bakit siya nagkaganoon. Mas malakas pa sa bakulaw ‘yon eh, napaka-pabling pa noong araw.”
“Lola, paano po ba kayo nagkakilala ni Lolo?” tanong naman ni Kim.
“Oo nga po, parang hindi n’yo pa naikuwento sa amin ang love story n’yo,” sabi naman ni Ged.
Doon sumilay ang magandang ngiti ni Dadang nang mabilis na bumalik ang kanyang isipan noong araw na una silang magkakilala ni Badong.
“Ang Lolo ninyo noong araw, bago kami magkakilala, siya ang kilalang pabling sa amin bayan sa San Fabian…”