Kabanata 22

1897 Words
LUMIPAS ang mga araw at buwan. Sa loob ng mahabang sandaling iyon ay nagtiis si Badong at Soledad na malayo sa piling ng isa’t isa. Nagkakasya sa mga liham na nagsisilbing bibig at tenga nila, ang mga larawan na pumapawi kahit paano sa kalungkutan na dala ng kanilang pagkakalayo. Ang isang buong maghapon ay tila isang taon para sa dalawa. Halos hilahin ang bawat oras. Gabi-gabing nananalangin na ang panaginip kung saan sila’y magkasama ay maging isang katotohanan. Sa Maynila ay naging abala si Soledad sa kanyang pag-aaral. Naging mataas ang kanyang mga marka kumpara noong nakaraan taon at alam niya na bahagi niyon ay dahil sa inspirasyon na dala ng nobyo. Samantala si Badong naman ay patuloy na nagtrabaho sa bukid at sa talyer. Ngunit ngayon ay tumaas na ang kanyang posisyon sa talyer. Ang binata na ang namamahala ngayon sa buong talyer, habang ang may-ari na si Mang Narding ay nagtayo ng panibagong talyer sa Maynila. Lumipat na rin sa mas malaking lugar ang kanilang talyer kaya’t mas marami nang parokyano ang dumarayo doon. Kasabay ng paglaki ng talyer na pinapasukan ay siya rin naman pagtaas ng kanyang suweldo kung kaya’t dahil doon ay mas nadagdagan ang kanyang ipon para sa kasal nila ni Dadang. Ika-15 ng Nobyembre, 1940 Mahal kong Badong, Natanggap ko kahapon ang iyong liham kaya’t dali akong sumagot. Natutuwa ako na malaman na ikaw na ang namamahala sa talyer. Hindi na rin ako nagulat na tumaas ang iyong posisyon. Masipag ka at tunay na mapagkakatiwalaan. Bukod doon ay palaging maayos at pulido ang iyong trabaho. Huwag kang mag-alala, mahal ko, kapag natapos ko ang aking pag-aaral ay babalik ako agad ng San Fabian para makapagturo sa eskuwelahan. Nang sa ganoon ay matulungan kita sa pag-iipon para sa ating kinabukasan. Katatapos lamang ng aming pagsusulit. Sadyang napakahirap niyon at nag-aalala ako na baka mababang marka ang aking makuha. May mga sandaling naiisip ko na huminto na lamang sa pag-aaral. Ngunit sa tuwing naiisip ko kung gaano ka kasipag at nagpupursige sa pagtatrabaho ay nabubuhayan ako ng loob. Salamat dahil naturuan mo ako kung paano mas magsumikap pa at pagbutihin ang aking pag-aaral. Kahapon ay anibersaryo ng aming Unibersidad. Napakarami ng mga kaganapan doon. Ngunit hindi ko maiwasan malungkot at mangulila lalo sa’yo, mahal ko, sa tuwing nakikita ko ang mga magkasintahan doon sa aking pinapasukan. Naaalala kita. Nalulungkot ako sapagka’t hindi kita kasama dito. Ang daming kong nais gawin at puntahan dito sa Maynila kasama ka. Nais kong mamasyal habang magkahawak ang ating mga kamay. Kumain sa Escolta at manood ng teatro. O kaya naman ay mamasyal sa tabing dagat. Habang lumilipas ang mga araw, pakiramdam ko ay hindi na sapat sa akin ang mga sulat at larawan mo. Mahal ko, labis akong nangungulila sa’yo at gusto na kitang masilayan at makapiling muli. Ang ilang buwan na malayo sa piling mo ay tila katumbas ng habangbuhay. Sana’y palagi mong ingatan ang iyong sarili. Huwag mong kakalimutan na mahal na mahal kita. Ang Nagmamahal Sa’yo, Dadang. HINDI mapalis ang mga ngiti ni Badong sa labi habang hawak ang liham ni Soledad. Nais na niyang hilahin ang bawat segundo, ang bawat pagpatak ng minuto na tila habangbuhay ang katumbas. Gusto na niyang madaliin ang oras makarating lamang ng mabilis sa kinaroroonan ng kasintahan. Sa wakas, dumating na ang pinakahihintay ni Badong, ang muli nilang pagkikita ni Soledad. Ngunit wala itong alam sa mga sandaling iyon. Sadyang nilihim ni Badong ang pagluwas ng Maynila upang sorpresahin ito. Sinadya rin ni Badong na bumiyahe ng biyernes ng hapon nang sa ganoon ay magkasama silang dalawa hanggang ng linggo. Dala ang awto ng pinahiram sa kanya ng amo. Maaga pa lang ay lumuwas na papuntang Maynila si Badong. Matapos matanggap ang huling liham ni Soledad ay sinadya niyang hindi sumagot. Dahil nais niyang personal na ikuwento ang mga nais niyang sabihin. Bukod doon ay nakaplano na rin ang mga gagawin nila sa loob ng dalawang araw na magkakasama sila. Ilang bloke mula sa dormitoryong tinutuluyan ni Soledad. Huminto ang awto ng minamaneho ni Badong upang isakay ang kanyang kaibigan na si Ricardo na doon sa Maynila nakatira. Napangiti siya nang makitang dala nito ang gitara na hiniling niya noong padalhan ito ng telegrama. “Bartolome!” masayang salubong nito sa kanya pagbaba niya ng awto. Tuwang-tuwa na sinalubong ang isa’t isa ng yakap at tapik sa likod. “Kumusta ka na, Ricardo?” tanong pa nito. “Mabuti naman,” sagot niya. “Salamat pala sa tulong mo kaibigan, hanggang ngayon ay maaasahan pa rin kita,” sabi niya. “Alam mo naman basta ikaw, Badong! Hindi ka mabibigo sa akin, sabihin mo lang kahit ano, handa akong tumulong.” Napangiti siya at nakipagkamay sa kaibigan. “Ano? Halina’t mangharana na tayo,” sabi pa nito. Agad silang sumakay ng awto at tinungo na ang kinaroroonan ng dormitoryo. Bago bumaba ay lumingon muna si Badong sa paligid. Pumutok na ang dilim ngunit maliwanag pa rin sa kalyeng iyon dahil sa mga ilaw. Bukod sa kanila ay iilan na lang ang mga tao sa labas at sarado na ang mga establisyimento. “Handa ka na?” tanong pa nito. “Kinakabahan ako eh, paano kung kagalitan tayo ng kasera n’ya at isumbong sa kanyang tatay.” “Hindi ‘yan, akong bahala sa’yo! Halika na at bumaba na tayo, baka mamaya niyan ay matulog na ‘yong pakay mo dito,” pagpapalakas nito ng loob sa kanya. Wala nang nagawa si Badong kung hindi ang bumaba ng sasakyan. Pagkatapos ay lumapit sila sa dormitoryo at tumapat sa may bintana. Hinanda na ni Ricardo ang gitara bago tumingin sa kanya. “Oh, bibilang ako ah, alam mo na kakantahin,” sabi nito. “Sige.” “Isa… dalawa… tatlo…” sabi nito at nagsimula nang kumanta si Badong. “Dumungaw ka, o sinta. Hayaan mo na magisnan ko ang iyong ganda. Nang sa ganoon ay mapawi ang aking pangungulila…” pagsisimula ni Badong. Hindi niya napigilan ang mapangiti nang sa kalagitnaan ng pagkanta ay nagsidungaw ang mga kababaihan. Ngunit wala doon ang nag-iisa niyang pakay. “Aba, si Badong ito ah,” narinig niyang sabi ni Perla. “Soledad! Pumarito ka bilis! Narito ang iyong kasintahan!” sabi naman ni Nena. Mayamaya, sa wakas ay dumungaw na rin ang babaeng kaytagal inasam na muling masilayan. Si Soledad. Tumalon ang kanyang puso sa labis na kagalakan at bumilis ang pintig niyon nang muling makita ang kagandahan nito. Nakita ni Badong ang gulat sa mukha nito. Mayamaya ay tuluyan nang nangilid ang luha sa mga mata ni Soledad. Hinubad niya ang sombrero tinapat iyon sa kanyang dibdib habang ang isang kamay ay tinaas na para bang pilit inaabot ang dalaga. “… ang aking pag-ibig na wagas ay hindi magmamaliw. Dahil hanggang sa kamatayan, ikaw lamang at wala nang iba pang mamahalin…” Nang matapos ang kanyang harana ay kinikilig na nagtawanan ang mga kababaihan. “Magandang gabi sa’yo, Dadang,” bati niya. “Magandang gabi naman,” masayang sagot nito. Mayamaya ay bumukas ang pinto at sumilip ang may edad na babae. “Magandang gabi ho,” magalang nilang bati. “Magandang gabi naman, tumuloy kayo,” sagot nito. “Salamat ho,” sagot nila. Pag-akyat ay sinalubong sila ng mga kababaihan roon. “Oh, kayo ba si Soledad? Bakit nakakumpol kayo dito? Magsipasok na kayo sa mga silid ninyo!” sermon nito sa mga babae. “Kayo naman dalawa, mga ginoo. Hanggang dito lang kayo sa salas at doon sa kusina ha? Bawal kayong pumasok sa mga silid nila,” mahigpit na paalala nito. “Oho.” “Sige, maiwan ko na kayo,” sabi pa nito. Nang maiwan sila doon ay hindi na napigilan ni Badong at Soledad ang sarili. Agad silang lumapit at niyakap ng mahigpit ang isa’t isa. “Halika, dito tayo sa kusina. Ako pala si Nena, siya si Perla,” sabi nito kay Ricardo. “Ricardo naman ang pangalan ko.” “Iwan na muna natin sila,” sabi pa nito. Nang maglayo ay bumungad sa kanya ang luhaan mga mata ni Soledad. “Kung kailan narito na ako ay saka ka pa lumuluha,” sabi niya habang pinupunasan ang pisngi nito ng kanyang mga daliri. “Labis lamang ang aking katuwaan. Hindi ko akalain na darating ka rito.” “Hindi ba’t sinabi ko sa’yo sa liham na sosorpresahin kita.” Muling yumakap sa kanya ng mahigpit si Soledad. “Labis ang pangungulila ko sa’yo kaya’t labis din ang saya ko na narito ka na ngayon.” Matapos iyon ay naupo sila at maghawak ang kamay na nag-usap. “Sinabi sa akin ni Ising na wala ka daw klase ng sabado, kaya naisip ko na imbitahan ka. Mamasyal tayo. Isama natin sila Nena at Perla, kasama ko rin si Ricardo. Mamasyal tayo sa tabing dagat.” “Siya nga?” “Oo. Naihanda ko na ang lahat. Bukas na bukas din ay aalis tayo at babalik ng linggo ng umaga.” “Sige!” “Pero paano ang kasera mo, baka magsumbong siya kay Don Leon.” “Huwag mong alalahanin si Aling Lagring, madali naman pakiusapan ‘yan.” “Kumusta ka na dito?” “Maayos naman ang lagay ko dito. Mahirap minsan ang mga aralin at madalas ay hinahanap-hanap kita.” Inangat niya ng bahagya ang mukha nito at tinitigan ng maigi. “Bakit mo ako tinitignan ng ganyan?” tanong nito. “Gusto lang kitang tignan ng mabuti. Kaytagal kong pinangarap na muli kitang masilayan, mahal ko. Ngayon narito ka na sa aking harapan ay tila naman isang panaginip lang ito.” “Hindi ito isang panaginip, totoo lahat ito,” sabi ni Soledad. “Kung mayroon man sa’yong nagbago, iyon ay lalong tumingkad ang iyong kagandahan.” “Ikaw naman ay lalong naging makisig at tila lumaki yata lalo ang katawan mo,” sabi pa nito habang tinitignan ang kanyang mga braso. “Dala lamang ito ng pagtatrabaho sa bukid at talyer.” Mayamaya ay bumuntong-hininga siya. “Gusto sana kitang hagkan kaya lamang ay baka mahuli tayo ng kasera mo.” Natawa ito. “Huwag kang maingay, baka pagalitan tayo,” saway nito sa kanya. “Ah, sandali lang, kumain ka na ba?” tanong nito. “Hindi pa nga eh, dumiretso ako kasi agad dito.” “Halina sa kusina, may pagkain pa doon.” “Tamang tama ang dating n’yo, tatawagin na sana namin kayo para kumain,” sabi ni Nena. “Sandali lang at kukuha ako ng pagkain,” paalam ni Soledad. Nang makaalis ang nobya ay lumapit siya kay Nena at Perla. “May paraan ba para makapasok ako mamaya sa silid ni Soledad?” pabulong na tanong niya. “Naku, baka mahuli ka,” nanlaki ang mga mata na sagot agad ni Perla. “Hindi. Akong bahala,” sabi naman ni Nena. “Meron. Ituturo ko sa’yo mamaya. Doon din kasi madalas dumadaan ang nobyo ko. Kaya lang, kailangan mo pa maghintay hanggang makatulog si Aling Lagring.” “Anong oras ba siya natutulog?” tanong pa nito. “Mga alas-nuwebe. Kapag malapit na ‘yan matulog, tiyak papaalisin na niya kayo,” sagot ni Perla. “Sige. Basta tulungan n’yo ako ha?” “Oo, kaming bahala sa inyo. Sa bandang likod nitong bahay ang bintana ng silid ni Soledad. Walang mga bahay doon kaya tiyak na walang makakakita sa’yo.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD