“MAGANDANG araw ho, Gobernador,” magalang na pagbati ni Badong
pagdating sa bakuran ng mga Mariano.
“Oh, Badong, magandang araw din naman at mabuti’t narito ka na.”
“Pinatawag n’yo raw ho ako?”
“Oo.”
“Ano ho ang maipaglilingkod ko?”
Tumayo ito mula sa kinauupuan pagkatapos ay lumapit sa kanya. Umakbay
pa ito at pumunta sila sa garahe kung saan nakaparada ang dalawang sasakyan
nito.
“Maaari mo ba akong tulungan dito sa isang awto ko?” tanong nito.
“Ano ho ba ang nangyari?”
“Tumirik ito noong isang araw pagkatapos ay ayaw nang gumana ang makina
ngayon.”
“Sige ho, titignan ko ‘yong makina,” sabi pa niya.
Nang tignan ang makina ng awto agad nakita ni Badong ang sira nito.
Matapos iyon ay agad niyang sinimulan ang pagkumpuni nito.
“Kumusta na ang pagsasaka, Badong?” tanong ng Gobernador.
“Mabuti naman ho, matatapos na kami sa pagtatanim.”
“Mabuti kung ganoon. Hindi ko na yata nakikita na may kasama kang babae,
samantalang dati ay madalas kitang nakikita na iba’t iba ang nobya mo.”
Napakamot siya ng batok at nahihiyang ngumiti.
“Bagong buhay na po, Gob. Mangyari po kasi na may isang magandang
dalaga ang nakabihag ng puso ko. Mula po noon ay hindi ko na nakuha pang
tumingin sa ibang dalaga.”
Marahan itong natawa. “Mabuti naman kung ganoon. Ngunit hindi naman kita
masisisi, nasa kainitan ka ng kabataan mo. Hindi naman sa pinagmamalaki ko,
ano? Ngunit ganyan din ako noong ako’y nasa edad mo. Kabi-kabila ang aking
nobya at nililigawan. Ngunit nang makilala ko si Juana, huminto ang inog ng aking
mundo.”
Napangiti si Badong habang nakikinig sa kuwento nito. Sa kabilang banda ay
tinutusok ang kanyang isipan ng konsensya dahil wala itong kaalam alam na ang
tinutukoy niya ay ang anak nito.
“Iba ho talaga kapag pinana ni kupido ang puso,” komento niya.
“Totoo ‘yan.”
Mayamaya ay humugot ito ng malalim na hininga, ramdam niya ang bigat
niyon.
“Mayroon ho ba kayong dinaramdam?” tanong pa niya.
“Wala naman, iniisip ko lamang ang isang anak kong dalaga.”
Bahagya siyang napakunot-noo. “Sino ho?” tanong pa niya kahit may hinala
na siya kung sino ang tinutukoy nito.
“Si Soledad, iyong anak ko na nasa Maynila.”
Hindi naiwasan ni Badong na mapangiti nang marinig ang pangalan ng
babaeng minamahal.
“May problema po ba?”
“Hindi ko lang alam ang gagawin ko sa batang iyon. Aba’y napakatigas ng ulo
at ayaw sundin ang sinasabi ko. Umatras sa kasal nila ng kanyang nobyo. Ngayon
ay iniisip ko na kung sino ang susuporta sa akin sa susunod na eleksiyon. Dahil sa
pag-atras ni Soledad ay binawi rin ng pamilya ni Arnulfo ang suporta sa akin sa
darating na eleksiyon. Hindi ko na rin mapilit ang anak ko dahil pati ang aking
asawa ay nagagalit na rin sa akin,” kuwento nito.
Tumikhim si Badong habang pinagpapatuloy ang pagkukumpuni ng sasakyan
nito.
“Maaari ko ho bang sabihin ang aking saloobin tungkol sa sinabi ninyo?”
tanong
pa niya.
“Sige, sabihin mo. Oo nga pala tutal at magkaibigan na ng apala kayong
dalawa.”
“Naniniwala ho ako na hindi ninyo kailangan ng suporta ng kahit na sinong
mayaman dito sa ating bayan. Makikita ho ng mga kababayan natin dito sa San
Fabian kung karapat-dapat kayong iboto muli. At nakikita ko naman ang mga
ginawa ninyo dito sa ating probinsya. Sa tingin ko po ay mas magtiwala kayo sa
mga tao. Isa pa’y may sarili na rin pag-iisip si Soledad at sa kanyang edad ay may
kakayanan na siyang makapagpasya para sa kanyang sarili at para sa ikaliligaya
niya.”
Napangiti ito ang ama ng dalaga. “Gusto ko ‘yang sinabi mo. Salamat, kahit
paano’y nabawasan ang bigat sa aking dibdib,” nakangiti pang sagot nito.
“Wala pong anuman,” sagot niya.
Mayamaya ay dumating si Ising. “Tiyo, hinahanap ho kayo ni Tiya Juana.”
“Oh, siya nga pala Ising, anong oras ang luwas mo sa Maynila?” tanong ni
Don Leon.
“Bukas ho ng umaga.”
“Huwag mong kakalimutan iyon mga dadalhin mo kay Soledad ha?”
Nabuhayan ng loob si Badong dahil sa narinig.
“Oho, mamaya ho ay ihahanda ko na ang mga dadalhin,” sagot ng babae.
“Badong, maiwan muna kita sandali riyan,” paalam nito.
“Sige ho.”
Nang umakyat na ito at maiwan sila ni Ising ay agad lumapit sa kanya ang
babae.
“Badong, luluwas ako sa Maynila bukas at may pinapadala si Tiya Juana para
kay Soledad. May nais ka bang ipabigay sa kanya?” tanong pa nito.
“Iyon nga sana ang sasabihin ko sa’yo eh,” sagot niya.
“Sige at ibigay mo sa akin.”
“Sandali lang, bibilhin ko pa lang binigla mo ako eh. Sana’y sinabi mo sa akin
kahapon nang nakapaghanda ako agad.”
“Ang mabuti pa ay magkita tayo bukas ng umaga doon sa kanto, mga
bandang alas-siyete. Dadaanan kita doon, kapag dito mo kasi iaabot ay baka
magtaka sila,” sabi pa nito.
“Sige, darating ako roon.”
“Oo, sige ha?”
Masayang pinagpatuloy ni Badong ang paggawa ng sasakyan ni Don Leon.
Makalipas ang isang oras mahigit ay natapos na niya iyon. Pagkatapos gawin ay
sumakay siya sa loob ng awto at sinubukan buhayin ang makina. Napangiti si
Badong nang tuluyan gumana ang sasakyan.
Nang bumaba sa awto ay napatingala siya at nakitang nakadungaw mula sa
bintana si Don Leon. Nakita niya ang saya sa mukha nito nang marinig na
gumagana na ang sasakyan.
“Sadya talagang maaasahan ka, Badong.”
“Salamat ho.”
“Ay umakyat ka rito nang maiabot ko sa’yo ang bayad,” sagot niya.
“Naku, hindi na po! Ayos lang po.”
Nagulat ito sa pagtanggi niya sa bayad nito.
“Anong hindi? Hindi maaaring hindi kita bayaran, halika’t pumanaog ka rine.”
“Hindi na ho, Don Leon. Para naman tayong hindi magkapitbahay eh,” sabi
pa niya.
“Sigurado ka ba?”
“Oho, sige ho mauuna na ako, kailangan ko pa ho pumunta sa bayan eh,”
nakangiting sagot niya.
Nagtataka man ay iniwan niya si Don Leon na tila hindi pa rin makapaniwala
sa pagtanggi niyang kunin ang bayad nito. Magaan ang kanyang bawat hakbang,
masaya na kahit paano nakatulong siya sa ama ni Soledad. Hindi maatim ni Badong
na tanggapin ang perang binabayad ng ama ng kanyang kasintahan. Ginawa niya
ng bukal sa puso ang paggawa ng sasakyan nito bilang pagsisilbi at parte ng
pagsuyo niya sa dalaga. Mula doon sa bahay ng mga Mariano ay dali siyang umuwi
para maghugas ng kamay.
“Inay, maaari ho ba akong pumitas ulit ng mga bulaklak sa tanim n’yo?
Luluwas ho kasi si Ising sa Maynila, gusto ko sanang ipabigay kay Soledad,” paalam
niya sa ina.
Nagtataka na lumingon ito sa kanya.
“Aba’t himala at nagpaalam ka. Dati rati nagugulat na lang ako at ubos na
ang bulaklak ng mga rosas ko.”
“Sige na ho.”
“O siya, sige. Huwag mong uubusin ha?”
“Salamat ho inay!”
Matapos iyon ay bumalik na siya sa bukid at pinagpatuloy ang ginagawang
pagtatanim. Lumipas ang mga oras, sa kabila ng pagod at sakit ng katawan dahil
sa maghapon pagtatrabaho sa bukid ay hindi iyon ininda ni Badong. Isipin pa
lamang si Soledad ay nawawala ang kanyang pagod. Binibigyan siya nito ng lakas
para magpatuloy kahit gaano kahirap ang gawain.
Naligo lang siya sandali pagkatapos ay agad pumunta si Badong sa bayan.
Dumiretso siya sa tindahan ng mga damit ngunit dahil wala naman siyang alam
kung paano pumili ng damit pambabae. Humingi siya ng tulong sa tindera.
“Nakapili ka na ba?” tanong pa ng tindera.
“Hindi pa nga ho, inang.”
“Ano ba ang gusto mong bilhin?”
“Iyong pong magandang bestida para sa aking nobya. Gusto ko siyang
regaluhan eh, kaya lang ho hindi ako marunong pumili ng damit pambabae,” sagot
niya.
“O siya, tutulungan kita,” sabi pa nito saka nagsimulang tignan isa-isa ang
mga damit na tinda nito. Mayamaya ay may kinuha ito sa mga iyon.
“Oh, ito. Tiyak na magugustuhan niya ito,” sabi pa nito.
Napangiti si Badong nang makita ang isang kulay puting bestida. May mga
palamuti itong maliliit na bulaklak. Sa kanyang isipan ay nakita niyang suot ito ni
Soledad. Natitiyak niyang lalo itong gumanda sa bestida na iyon.
“Sige ho kukunin ko na ito,” sabi pa niya.
Matapos bayaran ay agad siyang umuwi. Nagpatulong pa siya sa kapatid na
si Marciana para maibalot iyon ng maganda. Kinahapunan ay nagtungo siya sa
kanilang tagpuan at doon niya sinulat ang liham na ilalakip sa kanyang regalo.