“MAGANDANG araw ho, Mang Kanor.”
Iyon ang sinalubong ni Badong nang bumaba ito mula sa awto pagdating
doon sa talyer.
“Oh, Badong. Narito ka pala. Magandang araw naman.”
“Ano ho ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong pa niya.
“Eh, itong sasakyan ni Gobernador ay ilang beses na tumirik sa daan. Dinala
ko na dito para maayos na kaysa lumala pa ang problema.”
Napalingon siya nang biglang dumating ang isa pang kasamahan na
mekaniko.
“Badong, ako na riyan tutal at kadarating ko lang. Magpahinga ka muna,”
sabi pa nito.
“Sige, salamat. Mang Kanor, iwan ko kayo dito sa kasama ko. Huwag ho
kayong mag-alala magaling ito.”
“Sige, maraming salamat.”
Paalis na sana siya nang biglang bumukas ang likod ng sasakyan. Tila
bumagal ang buong paligid nang bumaba doon si Soledad. Ang tagpong iyon ay
nagpa-alala kay Badong noong unang beses niyang nasilayan ang dalaga. Ang ilang
araw nilang pagkakilala ay tila katumbas ng mahabang panahon na hanggang sa
mga sandaling iyon ay hindi pa rin nagbago ang tugon ng kanyang damdamin. Sa
unang sulyap pa lamang ay nagawa na ni Soledad na guluhin ang normal na tibok
ng kanyang puso.
“Magandang araw, Badong,” bati sa kanya ni Ising.
Tinapunan lang niya ito ng tingin at agad din iyon bumalik kay Soledad.
“Magandang araw naman.”
Lihim na ngumiti sa kanya si Soledad. Tumikhim si Badong.
“Magandang araw, Soledad.”
“Gayundin sa’yo, Badong.”
Bigla siyang tumungo at tinignan ang sarili.
“Ipagpaumanhin mo at hindi ako presentableng humarap sa’yo.”
“Walang anuman ‘yon,” sagot nito.
Mayamaya ay lumapit sa kanya si Ising at pasimpleng bumulong.
“Ano nga pala ang sadya ninyo at napaluwas kayo dito sa bayan? Sumama
ba kayo kay Mang Kanor?”
“Ah hindi, sumabay lang kami sapagka’t magkikita kami ng aking nobyo.
Sinama ko na si Soledad dahil nababagot siya sa bahay.”
Ngumiti siya sa dalaga. “Ah, siya nga?”
“Kung gusto mo ay sumama ka sa amin, para naman hindi malungkot ang
aking pinsan habang nag-uusap kami ng aking nobyo.”
Tumikhim siya ay marahan tumango.
“Aba’y kung hindi ako makakaabala. Tamang tama at oras na ng aking
pahinga,” sabi pa niya.
“Mainam kung ganoon.”
“Sandali lamang at maglilinis ako sandali,” paalam pa niya.
Nagmamadaling tumakbo papasok ng opisina si Badong. Kinuha niya ang
tuwalya saka muling lumabas at naghilamos, pagkatapos ay kinuskos niyang
mabuti ang mga grasa na dumikit sa kanyang kamay at braso. Dahil nasa labas ang
kanilang hugasan, doon na rin siya naghubad ng damit na suot pangtrabaho.
Mayamaya ay natigilan siya at biglang napalingon. Eksakto naman na nahuli
niya si Soledad na nakatingin at tila pinapanood siya. Bigla itong bumawi ng tingin
at tumalikod nang makita nitong nakatingin siya dito. Hindi napigilan ni Badong ang
matawa at mapailing. Sadyang may simpleng paraan si Soledad para patawanin
siya at pagandahin ang kanyang araw. Matapos iyon ay nagpalit na siya ng damit at
muling pumasok sa opisina. Bago lumabas ay naglagay siya ng pabango.
“Aba Badong, may magandang dalaga lamang diyan sa labas ay nagpabango
ka na,” pabirong puna sa kanyang amo.
“Isa ho riyan ay nililigawan ko. Ayoko naman ho na humarap sa kanya na
amoy pawis at grasa ako.”
Tumawa ito at tinapik siya sa balikat.
“Natitiyak ko na mapapasagot mo ang dalagang iyan. Sinong dalaga ang
makakatanggi sa kakisigan ng isang Bartolome Mondejar.”
Nagtawanan sila.
“Kayo talaga oh, masyadong nagsasabi ng totoo,” pabiro niyang sagot.
“O sige na’t umalis ka na. Hindi magandang pinaghihintay ng matagal ang
isang dalaga. Huwag mong alalahanin ang oras,” sabi pa nito.
“Maraming salamat ho.”
Agad siyang lumabas at lumapit sa dalawang babae.
“Pasensiya na sa inyong paghihintay,” sabi pa niya.
“Walang anuman iyon.”
“Halina’t tiyak na naroon na ang aking nobyo.”
Agad silang nagtungo sa pinakasentro ng bayan ng San Fabian. Doon ay
naabutan nilang naghihintay ang nobyo ni Ising. Matapos nitong ipakilala ang nobyo
ay agad silang nagpunta sa isang kainan.
“Ang mabuti pa ay humiwalay kami sa inyo ng mesa, nang sa ganoon ay
magkasarilinan kayo,” suhestiyon ni Badong.
“Iyan nga rin ang gusto ko,” sang-ayon ng nobyo ni Ising.
Sa isang mesa na hindi kalayuan mula kila Badong at Soledad naupo ang
dalawa. Matapos sabihin sa serbedora ang pagkain na gusto nilang kainin ay tinuon
na ng dalawa ang pansin sa isa’t isa.
“Ngayon ko lang naisip na simula nang magkakilala tayo ay ito pa lang ang
unang beses na lumabas tayo para kumain. Palagi na lamang tayong lihim na
nagkikita sa ilog,” sabi ni Soledad.
“Ipagpaumanhin mo, mahal ko. Nag-iingat lamang tayo dahil ayokong
mapahamak ka sa iyong mga magulang.”
Ngumiti ang dalaga.
“Nauunawaan ko.”
Lumingon sa paligid si Badong, nang masiguro na walang tao na
makakakilala sa kanila bukod kay Ising at nobyo nito. Inabot niya ang kamay ni
Soledad at hinawakan iyon.
“Huwag kang mag-alala, kapag nasa Maynila ka na, dadalawin kita doon.
Pagkatapos maaari tayong mamasyal kahit saan mo naisin at kakain tayo sa labas.”
“Hihintayin ko ang araw na iyon.”
“Siya nga pala, anong oras ka nakabalik sa inyo?”
“Alas otso ng umaga ako nakauwi sa amin.”
“Kumusta naman ang tulog mo kagabi?” tanong pa ulit ni Badong.
“Maayos naman. Mahimbing. Komportable ang silid na pinagamit sa akin ng
Ate Luciana.”
Huminga siya ng malalim at tumungo.
“Kaylalim yata ng hugot ng paghinga mo, may dinaramdam ka ba?” nag-
aalala nitong tanong.
“Iniisip ko lang na hindi makatarungan ang nangyayari.”
“Anong ibig mong sabihin?” kunot ang noo at nagtatakang tanong ni
Soledad.
“Mahimbing kang nakakatulog sa gabi, samantalang ako ay hindi pinapatulog
ng alaala mo. Dahil sa tuwing tayo ay naghihiwalay sa gabi ay hindi mo pa rin ako
pinapatahimik.”
Biglang natawa si Soledad at nagtakip ng bibig. Natawa rin si Badong lalo na
nang mamula ang mukha nito at agad nagpaypay gamit ang dalang abaniko.
“Tumigil ka nga riyan ng pambobola mo, baka mamaya ay may makarinig sa
atin,” saway nito sa kanya.
“Hindi ako nagbibiro. Totoo lahat ng sinasabi ko. Maya’t maya ay iniisip kita.”
Lumingon ito sa kanya.
“Gayundin naman ako.”
Ilang sandali pa ay nahinto sila sa pag-uusap nang ihain na ng serbedora ang
kanilang pagkain.
“Ang mabuti pa ay kumain na tayo,” sabi pa nito.
Nang sandaling iyon ay may bago siyang nadiskubre tungkol kay Soledad.
Hindi gaya ng ibang kababaihan na sinasadyang maging mahinhin sa tuwing
kumakain sila. Naging natural ang kilos ng dalaga. Walang kimi at totoo.
Hahagalpak ng tawa kung kinakailangan. Kakain ng marami kapag nagugutom. Ang
pagpapakatotoo nito na isang bagay na panibago niyang hinahangaan dito.
“Siya nga pala, baka hindi tayo magkita mamaya sa ating tagpuan. Marami
kasi kaming gagawin ng itay sa bukid eh,” sabi pa niya.
Nakita ni Badong ang lungkot at pagkadismaya sa mukha ng dalaga. Ngunit
pilit nitong tinago iyon sa likod ng mga ngiti.
“Huwag kang mag-aalala, naiintindihan ko. Ang mahalaga ay nagkita at
nagkasama naman tayo ngayon.”
Ngumiti siya dito. “Kumain ka ng mabuti,” sabi pa ni Badong.
“NAKAHANDA na ba ang mga gamit mo pabalik ng Maynila?” tanong sa
kanya ng ina.
“Opo, mama,” sagot ni Soledad.
“Kung ako nga po ang masusunod ay mas nais ko na lumipat na lang ng
Unibersidad sa malapit dito,” dagdag pa niya.
“Ang buong akala ko ba’y sanay ka na sa pamumuhay sa Maynila?” tanong
pa nito.
“Tama ho kayo. Ngunit sa pamamalagi ko rito ng ilang araw mula ng piyesta,
napagtanto ko kung gaano ako nangulila dito sa probinsiya natin. Mas nais ko na
gumising sa umaga mula sa mga huni ng ibon. Bukod doon ay mas sariwa ang
hangin at tahimik dito.”
“Maaari ka naman bumalik dito kapag nakapagtapos ka,” sabi naman ng
nakatatandang kapatid na si Efren.
May asawa na ito at dumalaw lang ng araw na iyon kaya’t sinabay na nila ito
sa pagkain ng hapunan.
“Iyon nga aking pinag-iisipan mabuti.”
“Ang buong akala ko ay sa Maynila ka magtuturo kapag natapos mo ang
iyong kurso.”
Huminga ng malalim si Soledad. “Iyon nga ho ang una kong balak. Ngunit
kayrami nang maestra sa Maynila. Samantalang dito sa atin probinsiya ay
nagkukulang ng mga magtuturo sa bata.”
“Ikaw ang bahala sa nais mong gawin, ang mahalaga ay makapagtapos ka,”
sabad ng ama.
“Konting tiis na lang anak, isang taon na lang matatapos ka na sa kurso mo,”
sabi pa ng ina.
Tumikhim ang ama. “Siya nga pala, Soledad. Kailan pa kayo nag-uusap ni
Badong? Hindi ko alam na malapit kayo sa isa’t isa. Iyong anak ng mag-asawang
Gregorio at Selya na magsasaka?”
Biglang natigilan si Soledad. Sa isang iglap ay parang may malakas na
sumipa sa kanyang dibdib. Umahon ang matinding kaba doon. Pakiramdam niya ay
bigla siyang pinawisan ng malamig. Palihim silang nagkatinginan ni Ising at
Dolores. Tumikhim siya at hindi nagpahalata.
“Itong piyesta lang po. Bakit n’yo ho naitanong?”
“May nakapagsabi sa akin na isang kakilala na nakita daw niya kayo
kaninang tanghali sa bayan na magkasama na lumabas sa isang kainan,” sabi nito.
“Opo, totoo po na magkasama kami kanina.”
Kumunot ang noo nito at tumingin sa kanya.
“Nanliligaw ba siya sa’yo?” tanong nito.
“Hi-Hindi po. Magkakilala at bagong magkaibigan lang po kami.”
Parang kinurot ng mariin ang kanyang puso sa naging sagot sa ama. Tinusok
ang kanyang konsensya hindi dahil sa pagsisinungaling kung hindi ang pagtanggi sa
katotohanan. Kung si Soledad ang masusunod, matagal nang nais sabihin ng
dalaga ang panliligaw ni Badong. Gusto niyang pormal na itong umakyat ng ligaw
nang sa ganoon ay masagot na ang pag-ibig nito. Ngunit masyadong kumplikado
ang sitwasyon ngayon lalo na’t nasa eksena pa rin si Arnulfo.
Napalingon sila kay Ising nang tumikhim ito. “Tiyo, wala po kayong dapat
alalahanin. Kasama po ako ni Soledad kanina. Marahil ang nakita ng inyong kakilala
ay nang mauna silang lumabas ni Badong. Ngunit naroon po kami ng aking nobyo
sa loob ng kainan. Ako po ang nakiusap kay Badong na sumama dahil ayaw kong
mailang si Soledad sa amin ng aking nobyo. Naroon lamang po siya dahil sa
pakiusap ko,” paliwanag ni Ising.
“Mabuti kung ganoon, dahil hindi magandang tignan kapag nakita ang isang
dalaga na may kasintahan na at malapit nang ikasal na may kasamang ibang
lalaki.”
Sa isang iglap ay biglang sumama ang timpla ni Soledad. Alam na alam niya
ang tinutukoy nito. Agad niyang tinapos ang kinakain pagkatapos ay padabog na
tumayo.
“Papa, nais ko lang linawin na wala na akong nobyo. Nakipaghiwalay na ako
kay Arnulfo at walang kasal na magaganap.”
Bumuntong-hininga ang ama. “Hanggang ngayon ba ay ipipilit mo pa rin ang
gusto mo?” may bahid ng inis na tanong nito.
Galit na sinalubong ni Soledad ang tingin ng ama.
“Hanggang ngayon ba ay ipipilit n’yo pa rin akong ipakasal sa lalaking
nagtangkang manggahasa sa akin?! Mas importante pa ba sa inyo ang sasabihin ng
ibang tao kaysa sa kapakanan ng sarili ninyong anak?!”
“Mas alam ko ang makakabuti sa’yo!”
“Hindi papa! Hindi n’yo alam kung anong makakabuti sa akin. Dahil kung
alam ninyo, matagal na kayong nagsampa ng reklamo laban kay Arnulfo dahil sa
paglalapastangan niya sa akin. Wala kayong ibang inisip kung hindi ang inyong
sarili at ang posisyon ninyo sa gobyerno.”
Nanlilisik ang mga mata sa galit na tumayo ito.
“Aba’t sumusobra ka na!”
Mayamaya ay tumayo ang kanyang ina at pumagitna sa kanila.
“Ano ba kayong dalawa?! Nasa harapan pa man din kayo ng hapag kainan
hindi na ninyo ginalang ang biyaya ng Diyos!” awat sa kanila nito.
“Ikaw Leon, hanggang kailan mo didiktahan ang buhay ng mga anak mo?!
May sarili nang pag-iisip ‘yang mga ‘yan. Hindi ka na ba nagtanda sa nangyari kay
Luciana?! Gusto mo ba na may isang anak ka na naman ang layasan ka?!” baling
nito sa asawa.
“Huwag kang makailam dito!”
“Hindi makikialam ako dahil mga anak ko rin sila at ako ang nagluwal sa
kanila! Dahil kung ako ang masusunod ayoko sa Arnulfo na ‘yon! Hindi ko
isasakripisyo ang kaligtasan ng anak ko! Hindi ko mapapatawad ang sino man
lumapastangan sa mga anak ko!”
Marahas na bumuntong-hininga ang ama. Kahit paano ay gumaan ang loob
ni Soledad ngayon na nalaman na suportado siya ng kanyang ina.
“Ikaw naman Soledad, magdahan-dahan ka ng pagsagot sa ama mo!” baling
din nito sa kanya.
Tumungo siya at tahimik na lumuha.
“Patawarin n’yo po ako,” sagot niya.
Nang makabawi ay muli niyang inangat ang tingin at puno ng kompiyansa at
determinasyon na humarap si Soledad sa ama.
“Patawarin n’yo ako papa ngunit hindi ko susundin ang gusto ninyo. Kapag
pinilit n’yo pa sa akin si Arnulfo, hinding-hindi n’yo na ako makikita pa,”
pagbabanta niya sabay talikod at pasok sa kanyang silid.
Pagpasok doon ay lalong umagos ang kanyang mga luha. Bumuhos ang
emosyon niya dulot ng patuloy na pagpilit ng ama na magpakasal siya kay Arnulfo.
Maghalo na ang balat sa tinalupan ngunit hindi siya magpapakasal sa kahit
kaninong lalaki, maliban na lamang kay Badong.
ALAS-diyes na ng gabi. Nakahiga na si Soledad sa kanyang kama at madilim
na rin ang paligid ng silid. Ang mga tao doon sa bahay nila ay tulog na at tanging
siya na lamang ang gising. Dahil hindi sila nagkita ni Badong sa kanilang tagpuan
ng hapon. Nag-siesta si Soledad at napahaba ang kanyang tulog. Kaya naman
ngayon ay hindi dalawin ng antok.
Hinayaan niyang bukas ang bintana nang sa ganon ay pumasok ang malamig
at sariwang hangin. Sinubukan niyang pumikit at baka sakali na makatulog siya.
Ngunit hindi pa man din nagtatagal ay may narinig na siyang kaluskos sa labas.
Kunot-noo na bahagya siyang bumangon at lumingon bago nakiramdam.
Mayamaya ay may narinig siyang mga boses na nag-uusap ng pabulong. Doon siya
tuluyan bumangon at bumaba ng kama. Muli niyang pinakinggan mabuti at dinala
siya ng mga tinig na iyon sa labas ng kanyang bintana. Nang dumungaw si Soledad
ay nanlaki ang mata niya at natutop ang bibig nang makitang nasa ibaba si Badong
kasama ang dalawa nitong kaibigan.
“Badong, anong ginagawa mo?!” mahina ang boses na tanong niya.
Tumingala ito at sa halip ay sinalubong siya ng makisig nitong ngiti
pagkatapos ay kumaway pa. Muli itong lumingon sa mga kaibigan at may sinabi.
Ilang saglit pa ay naupo si Badong sa balikat ng isa nitong kasama. Pagkatapos ay
tumayo ito at naupo naman ang kaibigan nito sa balikat ng isa pang kasama.
Kinabahan si Soledad nang tumayo ang nasa ilalim at nagpagewang-gewang ang
tatlo.
“Ano ba? Baka mahulog ako!” mahina ang boses na reklamo ni Badong.
“Bilisan mo, umakyat ka na! Ang bigat n’yo,” reklamo naman ng isa.
Agad hinawakan ni Soledad ang braso ni Badong nang sa wakas ay
makahawak ito sa bintana ng kanyang silid. Puno ng kaba na panay ang lingon sa
pinto ng kanyang silid sa takot na baka bumukas iyon at pumasok ang mga
magulang.
“Ano bang ginagawa mo?” natataranta na tanong niya.
Kahit nahihirapan ay pilit na hinila ni Badong ang sarili makasampa lang sa
bintana. Tinulungan ito ni Soledad at hinila paakyat. Hanggang sa wakas ay tuluyan
na itong makapasok.
“Sandali lang,” mahina ang boses na sagot niya.
Nagmamadali siyang nagtungo sa pinto ng silid at kinandado iyon.
Pagkatapos ay agad na bumalik kay Badong.
“Anong ginagawa mo dito?! Gabing-gabi na,” nag-aalala na sabi niya.
Sa halip na sumagot ay ngumiti ito. Kumabog ng malakas ang kanyang
dibdib nang hawakan siya nito sa magkabilang pisngi at binigyan ng matamis ng
ngiti.
“Hindi ko kayang matapos ang araw ko nang hindi ka nakikita, hindi ako
makatulog lalo.”
Tila hinaplos ang kanyang damdamin sa sinabi nito.
“Ngunit baka makita ka ng papa, hindi ka dapat nangahas na umakyat dito,”
sabi pa niya.
“Huwag kang mag-alala, mabilis akong tumakbo,” pabirong sagot nito.
Binaba nito ang kamay at sumandal sa hamba ng bintana pagkatapos ay
tumango. Tumanaw si Soledad sa labas.
“Hindi ka na dapat pumarito, baka mapahamak ka pa sa ginagawa mo eh.
Isa pa ay nagkita naman tayo kaninang umaga.”
Nahigit niya ang hininga nang tumayo si Badong sa kanyang likod at mula
doon ay kinulong siya sa mga bisig nito. Nagwala ang kanyang damdamin. Bumilis
ang pintig ng puso at parang may mga paru-parong umiikot sa loob ng tiyan niya.
Pagkatapos ay tinapat nito ang bibig sa kanyang tenga.
“Patawarin mo ako kung naging mapangahas ako ngayon, mahal ko. Sinunod
ko lamang ang aking damdamin na nais ka lamang masilayan,” pabulong na wika
nito.
Humawak siya sa braso nito at pumikit. Binigyan ni Soledad ng kalayaan ang
sarili na damahin ang mainit nitong yakap. Mga yakap na pumawi sa malamig at
pangungulila niya.
“Sa isang banda, masaya akong makita ka ngayon. Hindi ko akalain na
susuungin mo ang panganib para lang pumunta dito.”
“Alam mo naman na gagawin ko ang lahat para sa’yo.”
Kumalas siya sa pagkakayakap nito at pumihit paharap.
“Sige na, umalis ka na. Baka may makakita pa sa’yo.”
Kinuha nito ang kanyang kamay at hinalikan ang likod niyon.
“Mauuna na ako,” paalam pa nito.
Muli itong sumampa sa bintana. Nahigit ni Soledad ang hininga sa gulat
kasabay ng takot nang bigla itong tumalon. Ngunit walang kahit anong sakit o
sugat na nakababa ito ng maayos. Tumingala pa ito muli sa kanya at kumaway.
Pagkatapos ay mabilis na tumakbo palabas ng bakuran kasama ang mga kaibigan.
Napangiti si Soledad nang tuluyan mapag-isa. Sumandal siya sa gilid ng
bintana na hindi nawawala ang ngiti, pagkatapos ay niyakap ang sarili habang
binabalikan sa isipan ang mainit na yakap na natanggap niya mula kay Badong.
Marahil ay nasisiraan na siya ng bait. Hindi niya akalain na posibleng siyang umibig
ng ganoon kalalim sa madaling panahon.