“ARNULFO, saan mo ba ako dadalhin? Madilim na dito, bumalik na lang tayo,” nag-aalalang sabi ni Soledad.
Matapos nitong kausapin ang mga kaibigan, nang bumalik ito ay bigla siyang ng nobyo at umalis sila sa sayawan, sinabi nitong may ipapakita daw sa kanya ngunit hindi maintindihan ni Soledad kung bakit hindi mawala ang kanyang kaba. Nang medyo lumayo na sila sa sayawan at mapunta sa medyo liblib na bahagi ng kakahuyan ay saka lalo siyang nakaramdam ng pag-aalala.
“Dito, konti na lang,” sabi pa nito.
Ilang sandali pa ay huminto sila sa paglalakad pagdating sa gitna ng kakahuyan kung saan walang ibang tao kung hindi silang dalawa. Madilim. Malamig at nakakatakot.
“Ano ba ang ginagawa natin dito?” kinakabahan nang tanong ni Soledad.
Sa halip na sumagot ay tumitig lang ito sa kanya at ngumiti. Nang humakbang ito palapit ay napaatras si Soledad hanggang sa mapasandal siya sa katawan ng malaking puno.
“Nais ko lang na magkasarilinan tayo, Soledad. Kaytagal kong nangulila sa’yo,” sabi pa nito.
“Pero kailangan ba talaga dito? Ayoko dito, nakakatakot.”
“Huwag kang mangamba, narito naman ako.”
Ngunit iyon nga mismo ang totoong kinakatakot ni Soledad, na si Arnulfo ang kasama niya doon sa lugar na iyon na tila ba walang makakarinig sa kanya sakaling sumigaw siya.
“Puwede bang bumalik na tayo?” tanong niya saka tinangka na umalis.
Hindi naituloy ng dalaga ang balak nang biglang itukod ni Arnulfo ang kamay sa puno kaya naharangan nito ang kanyang daraanan.
“Mahaba pa ang gabi, Soledad. Bakit ka ba nagmamadali?”
“Dahil ayokong narito kasama ka,” galit na angil niya.
Ngunit tila hindi alintana ni Arnulfo ang kanyang galit. Sa kabila niyon ay ngumisi pa ito sabay angat ng kamay at hinaplos ng likod niyon ang kanyang pisngi.
“Isang taon na lang ay matatapos ka na sa kolehiyo. Pagkatapos ay itatakda na ang ating kasal. Hindi na ako makapaghintay,” sabi pa nito.
Hindi sumagot si Soledad at pilit na iniwas ang mukha.
“Ano ba talaga ang gusto mong mangyari?” deretsong tanong ni Soledad.
Sinalubong nito ang kanyang tingin.
“Hindi ba’t tayo naman ay magkasintahan? Mula nang tayo ay pinagkasundo ng ating mga magulang. Hindi ko pa natitikman ang iyong halik,” sabi nito sabay baba ng tingin sa kanyang labi.
“Ano?!”
“O kaya naman, bakit hindi na lang natin gawin ngayon? Magsiping tayo, tutal naman ay doon din ang punta natin kapag naikasal tayo.”
Nanlaki ang mga mata niya sabay tulak palayo kay Arnulfo.
“Anong sinabi mo?!” galit na sagot sabay sampal ng malakas dito.
“Bastos ka!”
Tila hindi nito nagustuhan ang kanyang ginawa at agad nabalot ng galit ang mukha nito. Nagulat si Soledad nang bigla nitong hablutin ang kanyang braso at sa higpit ng hawak nito ay hindi niya maiwasan na masaktan.
“Bitiwan mo ako, Arnulfo! Nasasaktan na ako!”
“Bakit ba masyado kang pakipot?! Anong masama sa hinihiling ko?! Nobya naman kita!” galit na tanong nito.
“Kahit na! Ayoko pang magpahalik sa’yo at lalong hindi ko ibibigay ang sarili ko sa’yo?!”
Nahigit niya ang hininga nang bigla siyang hinawakan ng mahigpit ni Arnulfo
sa magkabilang balikat saka sinandal sa puno.
“Ang dami mo pang pasakalye!” galit na sagot nito.
“Bitiwan mo ako, Arnulfo. Nasasaktan sabi ako!” daing niya.
Ngunit hindi siya pinakinggan nito. Sa halip ay nagulat si Soledad sa sunod na ginawa ng lalaki. Nabalot ng takot ang buong katawan niyang katawang nang bigla nitong halikan pilit ang kanyang leeg. Napasigaw siya at nagpumiglas. Ngunit malakas si Arnulfo at wala siyang laban dito. Kahit anong tulak niya rito ay ayaw siya nitong bitiwan. Labis na kilabot at pandidiri ang kanyang naramdaman sa bawat dampi ng labi nito sa balat niya.
“Arnulfo! Bitiwan mo ‘ko!” umiiyak na palahaw niya.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagmamakaawa ay tila naging bingi ang lalaki.
“Parang awa mo na! Huwag mong gawin ‘to! Arnulfo huwag!”
Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay ng mahigpit para hindi siya lalo makagalaw.
“Tulong! Tulungan n’yo ko!” malakas na sigaw niya habang umiiyak.
Nang itataas na nito ang laylayan ng suot niyang bestida. Nagulat na lang si Soledad nang bigla itong natumba sa lupa matapos may sumipa ng malakas dito. Dahil sa bilis ng pangyayari at gulo ng kanyang isipan, hindi na nakilala pa ni Soledad ang lalaking dumating at tumulong sa kanya. Mabilis siyang lumayo at nagtago sa likod ng isa pang puno.
Nagpambuno ang dalawang lalaki at sa huli ay napaibabaw ang lalaking nagligtas sa kanya at sinuntok ng ilang ulit nito ang mukha ni Arnulfo.
“Tama na ‘yan!” mayamaya ay awat niya.
Doon lang huminto ang lalaki sa pagsuntok pagkatapos ay tumayo na. Agad nitong iniwan si Arnulfo na halos hindi makatayo. Nang humarap ang lalaki, ganoon na lamang ang gulat ni Soledad nang makikilala ito. Walang iba kung hindi si Badong.
Hindi kayang ipaliwanag sa salita ang nakita niyang galit sa mga mata nito.
Mabilis siya nitong nilapitan at hinawakan sa magkabilang balikat.
“Nasaktan ka ba?” tanong agad nito nap uno ng pag-aalala.
“Hindi naman.”
“Tayo na,” yaya nito sa kanya.
Nang hawakan ni Badong ang kamay niya para alalayan siya sa paglalakad ay hindi tumanggi si Soledad. Sa halip ay naramdaman niya ang kapayapaan at seguridad ngayon magkadaop ang kanilang mga palad. Nawala ang kanyang takot sa sandaling masilayan ang makisig nitong mukha.
Mula doon ay dinala siya ni Badong hindi kalayuan sa sayawan. Ngunit ng mga sandaling iyon ay sila lamang dalawa ang naroon habang abala at nagkakasiyahan pa rin ang mga tao. Pinaupo siya nito sa malaking bato habang nakasandal naman ito sa puno.
“Ayos ka lang ba?” tanong ulit nito.
“Oo, salamat.”
“Mabuti na lamang at sinundan kita,” sabi pa nito.
Huminga ng malalim si Soledad.
“Maraming salamat, Badong. Hindi ko alam ang gagawin ko kung natuloy ang kanyang balak.”
“Iyon ba ang kasintahan mo?” tanong nito.
Marahan siyang tumango.
“Hindi ka dapat sumama sa kanya kanina.”
“Hindi ko naman alam na doon niya ako dadalhin.”
“Kahit na nobyo mo siya, hindi ka dapat niya binastos ng ganoon. Hindi nararapat ang ganoon lalaki sa’yo. Lapastangan at walang respeto sa babae.”
Sa halip na sumagot ay napangiti siya. Iyon ang unang beses na mag-usap sila ng maayos. Kaninang hapon lamang sila nagkakilala pero daig pa nila ang
matagal nang magkakilala kung magsalita ito at magsermon.
“Anong nakakatawa?” tanong nito.
“Ikaw. Daig mo ang matanda kung magalit.”
Mayamaya ay natawa na rin ito. Lumukso ang kanyang puso nang masilayan ang magandang ngiti nito. Ang saya na pilit niyang hinahanap kanina habang kasama ang nobyo ay kay Badong niya naramdaman.
“Natanggap mo ba ang bulaklak?” pag-iiba na nito sa usapan.
“Oo, salamat. Ang gaganda ng mga iyon.”
“Mabuti kung ganoon, alam mo bang muntik manganib ang buhay ko makuha ko lang ang mga bulaklak na iyon.”
Biglang nanlaki ang kanyang mga mata ni Soledad.
“Siya nga?” gulat na bulalas niya.
“Oo. Hinabol kasi ako ng nanay ko ng walis tingting noong mahuli niya akong pinipitas ang mga tanim niya.”
Bigla siyang natawa sabay palo sa braso nito kaya mabilis itong umiwas.
“Ikaw talaga, akala ko naman totoong nanganib ang buhay mo!”
“Aba, hindi mo alam kung gaano kalakas mamalo ng walis ang nanay ko! Nakakamatay!”
Natatawa habang umiiling lang siya sa kuwento nito.
“Iyan, mas maganda ka kapag nakangiti,” mayamaya ay sabi nito.
Napatingala siya kay Badong. Sinalubong nito ang tingin niya. Kasunod niyon ay muling naging mabagal ang musika doon sa sayawan. Dahil malapit lang naman ang kanilang puwesto kaya’t rinig na rinig nila doon ang musika.
“Kung iyong mamarapatin, Soledad, maaari ba kitang isayaw?” magalang na tanong nito sabay lahad ng palad sa kanyang harapan.
Ngumiti siya at pinatong ang kamay dito. Inalalayan siyang tumayo ni Badong. Kaba. Hayun na naman ang mahiwagang kaba sa kanyang dibdib. Kaybilis ng t***k ng puso ni Soledad. Pinatong ng binata ang kamay niya sa balikat nito at yumapos ang mga braso sa kanyang beywang.
Sino ba itong estranghero na ito? Kanina lang sila nagkakilala ngunit tila may kapangyarihan ito na umaakit sa kanya. Nang mga sandaling iyon ang tanging nais ni Soledad ay patuloy na tignan ang magandang pares ng mga mata ng binata. At si Badong ay halos hindi kumurap habang nakatitig sa dalaga.
“Oo nga pala, kayganda ng bestidang suot mo. Bagay sa’yo ang disenyo ng damit. At wala nang mas gaganda pa sa’yo sa gabing ito, Soledad.”
“Dadang,” sa halip ay sagot niya.
“Dadang?” ulit nito.
Nahihiya siyang ngumiti at tumango. “Iyon ang itawag mo sa akin, Dadang. Iyon ang tawag sa akin ng mga taong malapit sa akin.”
Ngumiti ito. “Ibig bang sabihin ay malapit na ako sa’yo?”
“Niligtas mo ako, utang ko sa’yo ang buhay ko.”
“Kung ganoon, mamarapatin mo ba kung ikaw ay aking liligawan ko?”
Kunwari ay tumaas ang isang kilay niya. “Hindi ba’t marami kang nililigawan dito? Maraming nagsabi sa akin na isa ka raw pabling, at nakita ko ‘yon kanina. Iba’t ibang babae ang sinayaw mo kanina pagkatapos ay may tatlong babae pa ang humarang sa’yo.”
“Hindi ko itatanggi iyon sapagkat natitiyak ko na marami na ang nakapagsabi sa’yo na isa akong pabling. Ngunit maniwala ka man o hindi. Wala akong seryosong relasyon sa kanila. Wala pang babaeng nakabihag ng puso ko, ikaw pa lang.”
Nag-init ang mukha ni Soledad. Nakaramdam siya ng pagkailang nang makitang nakatitig pa rin sa kanya si Badong, ngunit ang ilang na iyon ay may halong kasiyahan. Upang mabasag ang katahimikan ay marahan siyang tumikhim.
“Baka mamaya ay kagaya ka rin ni Arnulfo,” sabi niya.
“Arnulfo? Iyong kasintahan mong hilaw? Sole… ang ibig kong sabihin, Dadang. Inaamin ko na naging mapaglaro ako sa mga babae ngunit kahit kailan ay hindi ako gumamit ng dahas gaya ng kasintahan mo na ‘yon,” depensa nito.
Kunwari siyang umismid. Hmmp… baka mamaya ay pinapasakay mo lamang ako.”
“Dadang, mahal ko, hindi ko magagawa ‘yon sa’yo.”
Kumunot ang noo niya sa narinig niyang sinabi ito matapos ang kanyang pangalan.
“Bakit may mahal ko agad?”
“Aba’y mas mabuti nang maaga na malaman mo.”
Mayamaya ay huminga siya ng malalim at sumeryoso ang mukha.
“Ngunit may kasintahan na ako, Badong. Nakatakda ang kasal namin matapos ng aking pag-aaral sa Kolehiyo. Isang taon na lang mula ngayon. Hindi ko na maaaring ibigay ang pahintulot ko sa’yo para ako’y ligawan mo. Marami naman diyan babae na nakakagusto sa’yo.”
“Mahal mo ba siya?” sa halip ay deretsong tanong nito.
Hindi nakasagot si Soledad. Sa halip ay umiwas siya ng tingin.
“Pinagkasundo kaming dalawa ng mga magulang namin, mabait naman ang mga magulang niya. Saka—”
“Hindi mo sinasagot ang tanong ko, Dadang. Mahal mo ba siya?” mariin tanong ulit ni Badong.
“Oo,” pagsisinungaling ni Soledad.
Marahan natawa si Badong at umiling. “Hindi ka magaling magsinungaling, mahal ko. Dahil kung talagang mahal mo siya, binigay mo na ang iyong sarili sa kanya kanina pa lang. Bukod doon ay kanina pa kita pinagmamasdan, ang sayang
nakikita ko ngayon sa mga mata mo ay hindi ko nakita nang siya ang kasama mo.”
Bumitaw si Soledad at bahagyang lumayo kay Badong.
“Sinasabi mo bang masaya ako ngayon na ikaw ang kasama ko? Masyado yatang malakas ang bilib mo sa sarili mo?”
“Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako.”
Hindi na nakakibo si Soledad dahil totoo at walang bahid ng kasinungalingan ang mga sinabi ni Badong. Muling nagtama ang paningin nila nang tumayo ito sa kanyang harapan.
“Unang beses pa lang kitang nasilayan kahapon ay binihag mo na ang puso ko, Soledad. Mula noon ay hindi na ako matahimik. Madali akong makalimot sa pangalan ng mga babaeng dumaan sa buhay ko. Pero ikaw, ang pangalan mo maging ang ganda mo ay hindi nawaglit sa aking puso at isipan. Wala na akong ibang inisip kung hindi ikaw. Patawarin ako ng Diyos, pero nakahanda akong agawin ka sa lalaking iyon. Hindi ako papayag na mapunta ka sa tao na alam ko na sasamantalahin at sasaktan ka lang. Kung ako ang iyong mamahalin, papatunayan ko na kaya kita pasayahin.”
Tumikhim siya. “Masyado pang maaga para sabihin mo sa akin ang mga iyan, Badong. Hindi pa tayo labis na magkakilala.”
“Kung ganoon kikilalanin kita. Handa akong maghintay sa’yo.”
Huminga siya ng malalim. “Ang mabuti pa mauna na ako sa’yo. Uuwi na ako,” paalam niya.
“Sige.”
Aalis pa lang sana siya nang makitang parating si Arnulfo. Biglang napaatras si Soledad at nagtago sa likod ni Badong.
“Nakilala ka ba ni Arnulfo kanina?” tanong niya.
“Hindi ako sigurado dahil madilim doon sa gubat. Ang mabuti pa ay ihatid na kita sa inyo at doon na tayo dumaan sa kabila, mahirap na kapag nakita ka niya.”
Nang hawakan ni Badong ang kamay niya ay hindi nagprotesta si Soledad. Sa halip ay hinayaan lang niya itong alalayan siya. Mula doon ay dumaan sila sa kakahuyan at lumusot sa isang ilog. Pagkatapos ay lumusot sila sa bukid saka nakarating sa bahay ng mga Mariano. Madilim na ang paligid at halos wala nang tao sa kalye.
“Maraming salamat, Badong. Pasensiya ka na at hindi kita maaaring imbitahin sa loob dahil tiyak na magugulat ang papa at mama,” sabi nito.
“Walang anuman ‘yon.”
“Sige, papasok na ako. Maraming salamat ulit.”
Ngumiti ito at tumango. Papasok pa lang siya sa bakuran nang maramdaman na hinawakan siya ni Badong sa kamay.
“May nakalimutan ka pang sabihin?” tanong pa niya.
Sa halip na sumagot ay inangat ang kamay niyang hawak nito. Muling lumukso ang kanyang puso nang gawaran nito ng halik ang likod ng palad niya.
“Magandang gabi muli sa’yo, Dadang.”
“Magandang gabi rin.”
Nang tumalikod si Badong ay hindi napigilan ni Soledad ang mapangiti habang hinahatid ito ng tanaw. Sa kabila ng ginawang pagtatangka sa kanya ni Arnulfo. Natakpan ng saya ang gabing iyon dahil kay Badong.