“Anong mga sinabi niya?” mahinahon niyang tanong. Tama ang naging desisyon niyang dalhin ako rito sa dalampasigan upang humupa ang emosyon ko. Nilamon kasi ako ng galit, nawala ang pasensya hanggang sa napigtas pati pagtitimpi ko. Sa dinami-dami ba naman ng mga narinig kong hindi maganda, paano pa ako magiging kalmante? Wala akong ibang hinangad kundi ang manatili rito nang matiwasay ngunit kung puro kasinungalingan at panloloko ang aking maririnig, sinong matutuwa roon? Mas maliwanag ang buwan kumpara sa mga gabing nagdaan. Rumereplika ang sinag nito sa lawak ng dagat, partikular na sa parte na nakapailalim mismo sa liwanag. Walang katao-tao rito. Wala ring kahit na anong sasakyang pandagat. Maliban sa amin, mga tala, buwan, at dilim ang tangi naming kasama. I took a deep breath.

