THE HEIRESS 02

1100 Words
THE HEIRESS 02 “MJ, anak, naipamigay mo na ba sa iba mo pang mga bisita ang invitation para sa debut mo?” bungad ni Papa pagbaba ko mula sa salas. Lumapit ako sa kaniya at nagmano katulad ng nakasanayan kong gawin.  “Ngayon pa lang po ako mamimigay ng invitation, Pa,” sagot ko rito bago naupo sa tabi niya. “Pero nag-notice na po ako sa lahat ng iimbitahan ko tungkol sa debut ko,” dagdag ko pa. Masyado akong naging busy nitong mga nakaraang araw, walang oras para ipamigay ang mga invitation sa mga naging classmate ko ng Junior at Senior High. Kakaunti lang naman ang mga ‘yon dahil karamihan sa aking bisita ay kamag-anak ni Mama’t Papa. “Mabuti naman,” sagot nito bago bago ako tiningnan mula ulo hanggang paa. “Ngayon ka na aalis?” tanong nitong muli. “Opo, Pa,” tatango-tangong pagsang-ayon ko. “Sa susunod na araw po pupuntahan namin si Tita Marga sa shop niya para sukatin ang susuotin kong gown,” paliwanag ko. “Gano’n ba?” malungkot na sagot ni Papa. “Pasensya na kung hindi mo kasama si Papa sa paghahanda ng debut mo, anak. Naiintindihan mo naman yata ang trabaho ni Papa,” aniya. Tumango ako. “Pa, 'wag ka pong mag-aalala. Naiintindihan ko po kayo. Lahat ng ginagawa niyo ay para din sa akin at sa kinabukasan ko,” nakangiti kong sagot. Kita ko ang pag-ngiti ni Papa sa sinabi ko. Lumapit siya sa akin bago ako niyakap nang mahigpit at sinuklay-suklay ang aking buhok gamit ang kaniyang mga daliri. “Maswerte ako at ang mama mo na nagkaroon ng isang anak na katulad mo,” aniya bago bumitaw sa pagkaka-akap. “Kaso malaki na ang nag-iisa kong prinsesa at sa susunod ay may boyfriend nang iuuwi rito sa bahay,” natatawa nitong biro. “Pa, wala pa sa isip ko iyan, ‘no!” pagtatanggi ko. “Sabi mo ‘yan, ah?” paninigurado ni Papa. “Pero kung mag-bo-boyfriend ka, dapat ay alam namin ng mama mo. Hindi naman kami tututol sa kahit anong desisyon mo dahil alam mo na ang tama at mali.” “Opo na, Pa,” pagsuko ko habang nakanguso. “Kailangan ko na pong umalis. Naghihintay na sa akin ang mga kaibigan ko sa Singrid Café.” “O, siya, mag-ingat ka sa daan, ah?” paalala ni Papa. Tumago lang ako kay Papa at patakbo na lumabas ng bahay kung saan nakaparada na ang sasakyan na maghahatid sa akin sa tagpuan naming apat. Mabilis lang ang naging biyahe ko papunta sa café at kahit na nasa malayo ay kita ko na sila sa madalas naming pwesto. “Manong, dito na lang po,” magalang kong sabi sa driver. Bumaba ako ng sasakyan at dumaan mula sa likod kung saan nakapwesto sina Elle. Tinaas ko ang kanang kamay ko para sana tawagin sila nang saktong marinig ko ang aking pangalan na pinag-uusapan nilang tatlo. Mabilis akong napatago sa isang sulok kung saan sakto na para marinig ang lahat ng sinasabi nila. “Minsan nakakainis ang pag-uugali ni Marie Joyce. Porket tinulungan natin siya sa pagpili ng gown niya, pati sa invitation ay iaasa niya sa atin,” dinig kong reklamo ni Zoe. Napatingin ako sa hawak kong invitation bago muling bumalik ang tingin sa kanila. “Tama ka riyan, sis! Masyadong abusado at demanding porket sinasabayan natin ang gusto niya,” pagsang-ayon naman ni Ava. “Mayaman naman sila. Pwedeng-pwede silang mag-hire ng taong pwedeng magbigay ng invitations para sa kaniya!” dagdag pa ni Zoe habang inis na hinahalo ang inumin niya. “Kung hindi lang malaki ang benefits habang kasama siya ay matagal ko ng kinompronta ang babaeng ‘yon,” kibit balikat na ani Zoe. “Pero malaki ang nakukuha ko sa kaniya kaya tiis-tiis na lang.” “Hindi ko rin naman siya lalapitan kung wala siyang pakinabang sa akin,‘no. Balak ni Daddy na humanap ng investment para sa bago niyang project at ang pamilya nila ang unang target kaya heto ako, nagtitiis na pakisamahan ang babaeng ‘yon,” pag-amin ni Ava. “Ikaw, Elle?” tanong ni Zoe sa kay Elle. “Huwag mong sabihin na bestfriend mo ang babaeng ‘yon? Inaagawan ka niya ng pwesto bilang top student sa school natin kaya hindi mo nakuha ang full scholarship sa gusto mong school at babagsak ka na naman sa Kalayaan University, ‘di ba?” Nakita ko naman ang pagkagulat ni Elle sa biglang pagtatanong sa kaniya ni Zoe. Napangiwi siya rito bago humigop sa kapeng nasa harap niya. “Hindi ko naman siya lalapitan kung hindi sinabi sa akin ni Tito,” maiksing sagot nito sa dalawa. Hindi ako makagalaw sa pwestong pinagtataguan ko mula sa narinig ko sa kanilang tatlo. Napatingin ako sa invitations na hawak ko bago ‘yon tinapon sa basurahan na nasa tabi ko. All this time, ang pamilya ko lang pala ang kailangan nila at ang pakay kaya sila lumalapit sa akin? Kahit nanginginig ang tuhod ko dahil sa mga narinig mula sa kanila ay pilit akong lumabas sa pwesto ko. Sila lang ang tinuturing kong kaibigan dahil sa pagtatanggol na madalas nilang ginagawa sa tuwing na-bu-bully ako ng iba pero lahat ng ‘yon ay dahil lang sa benefits na nakukuha nila sa akin—sa pamilya ko. “Marie Joyce, nandyan ka na pala!” nakangiting bungad ni Zoe sa akin. Mabilis siyang tumayo sa kinauupuan niya at lumapit sa akin. “Pinag-uusapan na namin kung paano hati-hatiin ang ipamimigay ng invitations,” aniya. Hinila niya ako paupo sa pagitan nila ni Ava. Parehas silang nakangiti sa akin, maliban kay Elle na nakatulala lang sa kape na nasa harap niya. “Nasaan na ang mga invitation?” nagtatakang tanong ni Ava nang mapansin na wala akong dala na kahit ano maliban sa cellphone ko. “Oo nga. Akala ko ipapamigay natin ‘yon ngayon?” pagtatakang tanong ni Zoe. Umiling ako sa kanilang dalawa bago nakayukong tumayo sa aking pwesto. “Hindi na tuloy ang birthday party,” anunsyo ko. “At hindi ko na rin kayo kaibigan simula ngayon.” “Ano bang pinagsasabi mo, Marie Joyce?” iritableng tanong ni Zoe. Umiling ako sa kaniya bago sila tuluyang tinalikuran. Narinig ko ang pagtawag nila sa pangalan ko pero hindi ko na nakuha pang lumingon sa kanila. Sapat na ang narinig ko para mapatunayan nila ang mga sarili nila. Hindi nila ako gustong maging kaibigan dahil ang gusto nila ay ang pera ng pamilya ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD