"MAARING paghiwalayin tayo ng oras balang araw. Pero habang nabubuhay pa tayo, gawin natin lahat ng mga bagay na ikakasaya natin." Ngumiti si Serena sa kanyang mga kaibigan. Sabay-sabay naman nagsigawan ang kanyang mga kasama biglang pagsang-ayon sa kanya.
Nagsimulang magtakbuhan ang kanyang mga kasama. Masayang naghahabulan at naglalaro sa lugar na tanging sila lang ang laman. Nilingon niya ang katabi at nakitang tuwang-tuwa rin 'yon sa pakikipaghabulan sa mga kalaro.
"Malapit na nga pala ang birthday ni mo Serena." Muling nagsipaglapitan ang kanyang mga kaibigan nang marinig ang sinabi ng isa pa niyang kaibigan.
"Oo nga," pagsang-ayon ng iba. "Bibigyan kita ng magandang-magandang regalo."
Ngumiti siya ng mapakla. Marahil napansin 'yon ng kanyang mga kasama. Ibinaling niya ang tingin sa bawat isa sa kanyang harapan. At lahat ng 'yon ay nababalot ng pagtataka.
"Bakit parang hindi ka masaya, Sena?" Dali-dali namang hinawakan ng lalaki ang kanyang noo. Mas lalo siyang nagulat nang inilapit nito ang noo nito sa palad na nakalagay sa kanyang noo. Napakalapit nila sa isa't-isa. At bilang isang babae, hindi niya maiwasang mailang. "Wala ka namang sakit." Lumayo ito sa kanya.
"Narinig ko kasing nag-uusap sina Mama't papa sa sala kagabi. At narinig kong pinag-uusapan nila ang paglipat namin sa Maynila. Hindi ko alam kung saan doon pero sigurado akong malayo." Narinig niya ang kanya-kanyang daing ng mga kasama. May nalungkot, may hindi masaya, may nakangiti ng mapakla. Napalingon siya sa lalaking katabi at nakita ang dismayadong reaksyon nito na lalo niyang ikinalungkot.
Hindi niya gustong mapalayo sa mga kaibigan. Minsan lang niya nakakasama ang ilan sa mga 'yon dahil sa tuwing bakasyon lang bumibisita ang mga pamilya ng mga 'yon sa kanilang lugar. Kadalasan, napapatagal pa ang ilan sa pagbalik dahil sa ibang lugar nagbabakasyon ang ibang kaibigan. Nagulat siya nang hawakan ng lalaki ang kanyang kamay. Napakaaliwalas ng ngiti nito sa kanya na bumubura sa lungkot na kanyang nararadaman.
"Kung aalis ka pala sa lugar na 'to bago pa man sumapit ang birthday mo, gusto kong sa huling pagkakataon magkikita-kita tayo." Hinawakan ng iba pa niyang kaibigan ang magkahawak nilang kamay. Hindi niya alam kung bakit bigla na lang gumihit ang ngiti sa kanyang labi nang maghawak-hawak kamay silang magkakaibigan. Marahil dahil hawak-hawak din ng lalaking 'yon ang kanyang kamay.
"Gusto ko kayong makita bago ako umalis. At sa hinaharap, babalik ako muli sa lugar na 'to." Buong maghapon nilang nilubos ang oras sa paglalaro, mamamasya at pagkain. Sa bawat oras na dumaraan, nababawasan ang mga kasama niyang kaibigan dahil kinakailangan nang umuwi ng ilan sa kani-kanilang bahay.
"Sena." Napatigil siya sa paglalakad nang tawagin siya ng lalaking 'yon. "Kailangan mo ba talagang umalis? Baka pwede mo naman sabihin sa mama't papa mo na h'wag na lang kayong umalis." Iwas ang tingin nito sa kanya at nakatingin lang sa kung saan.
Napansin niya ring nakakuyom ang mga kamao nito. Humarap siya sa kaibigan, hinahayaan lang nilang dalawa na mauna ang ilang mga kaibigan pabalik sa dulong bahagi ng kakahuyan.
"H'wag kang mag-alala, babalik naman ako sa hinaharap."
"Bakit kailangan mo pa sa ibang lugar manirahan?"
Unti-unting nanlabo ang kanyang paningin na kanyang ikinagulat. Nakikita niyang bumubuka ang bibig ng kausap subalit 'di niya marinig ang tinig nito. Sinubukan niya itong lapitan subalit parang mas lalong lumalaki ang distansya nila sa isa't-isa. Parang isang yelong nalulusaw ang buong imahe sa kanyang paningin. At sa sandaling 'yon, nanaig ang kaba sa kanyang dibdib.
"Serena." Napabalikwas siya ng dilat. Unang bumungad sa kanyang harapan ang nag-aalalang mukha ng matanda. Iginala niya ang kanyang paningin at walang dudang nasa kwarto siya ni Gin. Dahan-dahan siyang tumayo mula sa pagkakahiga at nakitang papasok ang binata sa silid.
"Kamusta ang pakiramdam mo?" bungad tanong nito. "Bigla ka nalang nag collapse sa buhangin kanina. Anong nangyari sa 'yo?"
"Gagawa muna ako ng makakain ni Serena. Nang magkaroon naman ng sustansya ang katawan niyan." Pansamantalang lumibang ang matanda sa silid. Pareho lang nilang sinundan ng tingin ang pag-alis ng Lola nito. Umayos siya ng pagkakaupo at sumandal sa pader, iniisip kung ano ang mayro'n sa kanyang panaginip.
Nagulat na lang siya nang hawakan ng binata ang kanyang noo. Mas lalong namilog ang mga mata niya nang idikit no'n ang noo nito sa palad na nakalapat sa kanyang noo. Pansamantalang tumigil ang kanyang sistema sa nangyari, naghuhurumentado ang kanyang puso. Parang hinahabol siya ng kung ano dahil sa bilis ng t***k nito. Nakikita niya ng maayos ang kabuuang mukha ng binata, naamos ang halimuyak ng buhok nito maging ang pabango sa damit. Napakahaba ng pilik mata nito lalong na't bahagya itong nakapikit.
"Wala ka namang sakit." Mas lalo siyang napatitig sa binata. Para bang nakikita niya ang imahe ng kanyang panaginip sa reyalidad. Ang batang lalaki sa kanyang panaginip, ang paraan ng pagsasalita nito. Lahat ng 'yon ay katulad ng paraan ng pagsasalita ni Gin. Subalit alam niyang imposible ang bagay na 'yon dahil kung si Gin at ang bata sa kanyang panaginip ay iisa, dapat ay naalala siya nito. "Ano bang nangyari nawalan ka ng malay?" tanong nito.
"Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa akin." kalmadong sagot niya. "Bigla na lang nandilim ang paningin ko."
Umupo ang binata sa sahig at bumaling ng tingin sa kanya. "Ano sa tingin mo ang nangyari? Posible kayang may koneksyon 'to sa maaring mangyari sa 'yo?"
"May dalawang linggo pa ako, Gin."
Umiwas lang ito ng tingin sa kanya. "Sinabi mo sa akin noon na kapag nagdasal ako, may posibilidad na matupad ang kahilingan ko." Kumunot ang noo niya. "Kung ipagdarasal ko ba na h'wag kang mawala, sa tingin mo matutupad kaya?"
"Kung marunong kang magtiwala, magiging possible ang lahat."
Ginulo-gulo ni Gin ang kanyang buhok at bahagyang yumuko. Ilang minuto niyang tinginan ang sahig at habang nadaragdagan ang segundo, mas lalong lumalalim ang kanyang pag-iisip. Nagtatalo ang kanyang isip at damdamin. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili kung bakit siya nakakaramdan ng sakit sa tuwing iniisip na ilang linggo na lang niya makakasama ang dalaga.
Napakalayo ng ugali nito sa tinatawag niyang 'ideal girl'. Madalas ay naiinis siya sa tuwing nakikita niya ang dalaga, naririnig ang tinig, nararamdaman ang presensya. Ngunit habang dumadaan ang bawat araw, natutunan niya kung papaano makihalubilo rito. Na hindi siya tulad ng ibang babae na ang hangad lang ay ang makuha ang gusto, 'di tulad ng mga babaeng sarili lang ang iniisip. Isang babaeng ngumingiti kahit na nasasaktan, isang babaeng nais pang magpasaya ng mga tao ngunit ang tadhana na ang humadlang dito.
"Okay ka lang ba?" dinig niyang tanong nito.
Tumayo siya mula sa pagkakayuko. Inayos ang damit at binaling ang tingin sa dalaga. Kitang-kita niya ang inosenteng tingin nito sa kanya. Katulad ng tingin na una niyang nakita sa dalaga noong unang beses silang magkita sa kakahuyan.
"Pupunta ako sa bayan para ibili ka ng meryenda. Anong gusto mong kainin?"
Ngumiti ito at sinabing, "Cheesecake."
Marahan siyang tumango at tumalikod. Bumuntong hininga na lang siya habang pababa sa unang palapag ng bahay. Ni hindi na niya masyadong napansin ang kanyang lolo't lola na abala rin namang nagdidilig ng mga halaman. Mabilis siyang sumakay sa bisikleta at pinatakbo 'yon patungo sa bayan. Kakaiba. Hindi niya maintindihan kung bakit hinahanap-hanap niya ang presensya ng dalaga sa kanyang likuran. Iniisip na naroro'n 'yon habang nakahawak sa kanyang baywang habang nililipad ng hangin ang mahabang buhok nito. At dahan-dahang yayakap sa kanya habang isinasandal ang ulo nito sa likod niya.
Mas lalong bumilis ang pagpadyak niya sa bisikleta. Humigpit ang pagkakahawak sa manibela habang tinatahak ang daan patungo sa bayan. Sinabi ni Serena sa kanya na kapag nakita niya ang para sa kanya, magsisimulang magkaroon ng kulay ang kanyang mundo. Mas matinkad, mas buhay na buhay, mas gaganda at mapupuno ng saya. Na tatakpan ng kulay na 'yon ang malungkot na mundo ng isang tao. Subalit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit hindi gano'n kasaya ang pagkakaroon ng kulay ng kanyang mundo.
"Damn!" bulalas niya. "Bakit siya pa!"
Itinigil niya ang pagbibisikleta sa tulay. Halos mamula ang mga kamay niya sa mahigpit na pagkakahawak sa bisikleta. Nag-uumapaw ang inis na kumakain sa kanyang sistema. Mula sa kanyang kinaroroonan ay matatanaw ang magandang tanawin ng dagat. Dahan-dahan niya iyong binalingan ng tingin. Habang pinagmamasdan ang karagatan, hindi maiwasang sumagi sa kanyang isipan ang imahe ng nakangiting si Serena. At ang makulay na kapaligiran ay napapalitan ng kulay ng kalungkutan.
Ano nga ba ang karapatan niyang masaktan kung alam niyang sa simula pa lang ay maghihiwalay din sila? Bakit nga ba niya hahangarin na makasama ang dalaga kung alam niyang darating ang araw na tatalikod ito sa kanya. Maglalakad papalayo, maglalaho kasama ng mga ala-ala niya. Bakit nga ba nakilala niya pa ang dalaga kung hindi rin naman ito para sa kanya. At dahil sa mapait na katotohanan, hindi niya maamin sa dalaga kung ano ang totoo niyang nararamdaman para rito.
"Gin!" nilingon niya ang bike lane at nakita si Jodi habang nakasakay ito sa sariling bisikleta. "Namamasyal ka rin ba? Sama naman ako sa 'yo."
Napalunok ng malalim ang binata. Hindi niya masabi na kailangan niya lang bumili ng cheesecake sa bayan. Para bang nakasulat sa mukha nito ang mga salitang 'h'wag mo akong tanggihan, minsan lang ako magyaya' kung kaya't nahirapan siyang humindi rito. Bukod pa ro'n, mayroon naiwang katanungan sa kanyang isipan na kailangan niyang itanong sa kaibigan.
"Bibili lang ako ng cheesecake para kay Lola. Gusto mong sumabay?" nakita niya itong tumango.
"Woah. Ang lakas talaga ng De javu kapag narito ka sa probinsya. Parang kahapon lang ang bata pa natin." Nagsimula silang magpidal patungo sa bayan. "Kamusta naman ang pag-aaral sa maynila? Sayang nga lang at hindi tayo magkakalapit ng mga bahay kaya ang hirap makipagmeet up sa inyo." Narinig niya ang pagtawa nito.
"Maayos naman. Sadyang nasa mood ang ilang teachers namin para magbigay ng napakaraming homeworks para ma-enjoy namin ang bakasyon." Sarkastikong sagot niya. "Nakakatanggap naman ako paminsan-minsan ng ilang mensahe sa mga naging kaibigan natin dito. Biruin mo ba naman si James, may girlfriend na ang kupal."
"Hindi nga? Bakit hindi ko yata alam 'yon?" pumantay ito sa kanyang bisikleta. "Ang daya-daya talaga no'n! Palagi na lang ako ang nahuhuli sa balita."
"Sinabi nga niya na h'wag namin itext sa 'yo para mahuli ka nga sa balita." Panunudyo niya.
"Argh! Nakakainis talaga siya! Ang malas-malas ng girlfriend niya. Baka naman ginayuma ni James 'yon kaya na-inlove sa kanya?"
Tumigil sila sa tapat ng bakery shop. "Ang sabihin mo bitter ka lang. Si James kasi may lovelife na. Ikaw life lang." mabilis na dumapo sa kanyang balikat ang hampas ng kaibigan.
Hindi naman niya maiwasang matawa sa ekspresyon nito. At sa tingin niya, hindi pa rin nagbabago ang kaibigan na nakilala niya sampung taon na ang nakakalipas. Maliban na lang sa kilos ilang kilos nito, mas nangingibabaw na ang p********e rito kung ikukumpara sa pagiging boyish nito noon.
"Nagsalita ang may lovelife." Sarkastikong sambit nito habang nilalagyan ng kandado ang kanilang mga bisikleta. "Bakit ikaw mayro'n ka na bang lovelife?"
Namulsa siya habang pinagmamasdang ang mga tinapay na nakadisplay sa bakery. Itinuro niya sa tindero ang cheesecake na gustong ipabili ni Serena sa kanya. Pansin niyang nasa kabilang parte ng bakery ang kasamang kaibigan at abala rin sa pagpili ng tinapay. Sinenyasan niya ang tindero na dalawang cheesecake ang bibilhin niya na kaagad naman nitong sinunod. Marahan naman siyang napangiti nang maalala kung gaano kalakas kumain ng tinapay si Serena.
"So ano na?" Lumapit sa kanya ang kasama. "May lovelife ka na rin ba o life lang?" may panunudyong sambit nito habang naglalabas ng pera sa bulsa.
"Bakit ko sasabihin?" naglabas din siya ng pera at ibinigay 'yon sa cashier. "Ako na ang magbabayad sa tinapay mo."
"Oh. Okay. So sa tingin ko life lang ang mayroon ka." at saka ito nagpigil ng tawa. "How poor." Kinuha nito ang tinapay na para sa kanya at muli siya nitong hinarap. "Namiss ko tuloy si Mendez. Kayong dalawa pa naman ang magkasama palagi."
Doon na nagsimulang kumunot ang kanyang noo. Kamuntikan na rin niyang makaligtaan itanong ang tungkol sa bagay na 'yon. Sinundan niya lang ng tingin ang kasama hanggang sa makalabas silang dalawa sa bakery. Abala sa pagnguya ang kaibigan at sumandal sa pader katabi ang kanilang mga bisikleta.
"Gusto ko sanang itanong sa 'yo noong nakaraang araw kung sinong Mendez ang sinasabi mo. Nagkita na ba kayo ng kaibigan mo?" tila ba nasamid ang kausap nang marinig siya. Pareho silang nataranta habang hinahampas naman nito ang dibdib at pilit na nilulunok ang tinapay.
"Okay ka lang ba?"
"Nasamid ako tapos itatanong mo kung okay ako? Eh kung itulak kaya kita sa tulay tapos itanong ko sa 'yo kung ayos ka lang." Sinamaan siya nito ng tingin. "Seriously? H'wag mo nga akong pinaglololoko!"
"Hindi ako nagbibiro, Jodi. Sino ba kasi 'yang si Mendez na 'yan? Boyfriend mo 'no?" May panunudyong sambit ko sa kanya. Subalit sa sandaling 'yon, para bang natigilan ang kanyang sistema. Kunot noo lang siyang tumingin sa kanya na para bang may gustong sabihin. Mas lalong namuo ang pagtataka sa kanyang isip.