VI. Scattered memories

2185 Words
CHAPTER VI TUMAKBO ng mabilis si Gin papunta sa kakahuyan. Ilang minuto na rin siyang huli sa napag-usapang oras patungo sa kanilang tagpuan. Sa lugar kung saan nila nakita ang isang magandang lugar kasama ang kanyang mga naging kaibigan sa lugar na 'yon. Napangiti siya nang makita ang liwanag sa dulong bahagi ng kakahuyan at sa sandaling minuto, nakita niya ang kabuuan ng lugar. Umihip ang preskong simoy ng hangin, nakita niyang nagliliparan ang ilang mga paru-paro sa paligid at nakita ang mga kaibigan niyang naglalaro sa paligid ng mga bulaklak. Nakita niya ang ilang kaibigan na abala sa paghuli ng ilang tutubi. Ang dahan-dahang paglapit ng mga 'yon para lang maabutan ang mabibilis na paglipad ng mga 'yon. Hingal niya ring tiningnan ang kabilang bahagi ng bulaklakan at nakitang abala ang mga kaibigan niyang babae sa paggawa ng koronang bulaklak. "Nar'yan ka na pala, Gino!" kumaway sa kanya ang isang babae. Isang babaeng hindi niya gaano maaninag ang mukha. Mas lalo niya itong binigyang atensyon at tinitigan ng maayos subalit kahit na lumapit ito sa kanya, hindi pa rin niya makita ng maayos ang mukha nito. "Kanina ka pa namin hinihintay! Nagdala si Michael ng meryenda natin. Ang sabi ng nanay niya, magpicnic daw tayo. Hindi ba ang saya no'n?"          Nakakaramdam siya ng saya sa tuwing malapit sa babaeng 'yon. Subalit parang nagiging blur ang lahat sa tuwing lilingunin niya ito. Nais niyang makita ang kabuuang mukha nito, ang mahabang buhok nito na sumasabay sa hangin, ang maaliwalas na ngiti. Marinig ang pagtawa nito habang ito'y nasa kanyang tabi. Subalit tila ba nagiging hadlang ang lahat sa tuwing nanaisin niyang makita ang babaeng 'yon. Naririnig niya ang tinig nito, naririnig niya ang pagtawag ng mga kaibigan niya sa pangalan nito subalit hindi iyon nagtatagal sa kanyang isipan at mabilis din namang nawawala. Parang isang hangin na nagdaan lang sa kanyang paligid. "Sa susunod na taon, magkita-kita ulit tayo sa lugar na 'to." masayang sambit ng mga kaibigan niya. Napabalikwas si Gin sa kama. Sumunod niyang narinig ang tunog ng isang musika sa ibabang bahagi ng bahay. Nilingon niya ang gilid sa pag-aakalang naroro'n muli natulog si Serena sa kanyang tabi. Subalit naabutan niya lang ang pwestong 'yon na nakaayos maging ang ilang kumot. Sinuklay niya ang kanyang buhok habang iniisip kung anong klaseng panaginip ang kanyang nakita. kung sino ang babaeng kausap niya bago pa man siya magising. At ang mga kaibigan niya na matagal na niyang hindi nakikita sa lugar na 'yon. Noong bata pa siya, madalas siyang naglalaro sa parke sa bayan kasama ang kanyang lolo para magbantay sa kanya. at madalas, maraming bata na tulad niya ang naglalaro sa lugar na 'yon. Kahit na magkakalayo ang bahay ng bawat isa sa isa't-isa, hindi naging mahirap para sa mga bata ang makapaglaro ng sama-sama. Ang ilan sa kanila'y tulad niya na nagbabakasyon lang sa probinsyang 'yon sa tuwing sasapit ang summer at ang ilan naman ay orihinal nang nakatira sa lugar na 'yon. At ngayong ilang taon na ang lumipas, bihira na lang sila magkita-kita sa lugar na 'yon. Ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay nagtatrabaho na tuwing summer, ang ilan ay kinakailangan pa ring pumasok sa eskwelahan, ang ilan ay kasama ang mga magulang at nagbabakasyon sa ibang lugar kung kaya't 'di nagtagal, nawalan sila ng koneksyon sa isa't-isa. Tuloy-tuloy pa rin ang pagtunog ng kakaibang tunog mula sa ibaba, Kasunod no'n ay ang mga tawanan. Napatigil siya sa may hagdan nang magbago ang himig ng tunog. Lumakas ang t***k ng kanyang puso habang patuloy itong pinakikinggan. Hindi niya alam at hindi siya sigurado kung saan niya narinig ang tunog na 'yon. Subalit alam niya, alam ng sarili niya na narinig na niya sa kung saan ang tunog na 'yon. Dahan-dahan siyang bumaba at nakitang nakaupo si Serena sa harapan ng maliit na piano. Nakita niya ring tuwang-tuwang nakikinig sa himig ang mga matatanda sa likuran ng dalaga. Hindi naman siya napansin ng mga 'yon dahil abala sila sa pakikinig. Dumapo ang tingin niya kay Serena na seryosong-seryoso sa pagtugtog ng musika. "Mabuti na lang pala at inilabas ko 'yang instrumento na 'yan sa kwarto ko. At kung suswertehin ka nga naman, marunong pala itong si Serena tumugtog." Ngiting sambit ng lolo niya. Napakagaan sa pakiramdam ng musikang ginagawa ng dalaga. pero hindi niya maiwasang magtaka sa paraan ng pagtunog nito. Para bang nababahiran ng kung anong lungot ang bawat musikang kanyang naririnig. Ang paligid ay para bang nawawalan ng orihinal na kulay at napapalitan ng kulay ng kalungkutan. At naro'n si Serena, na nag-iisa sa lugar na nababalot ng lungkot na para bang may nais ipahiwatig ang musikang ginagawa niya. Tumigil ang pagtugtog nito ng musika at lumingon ito sa kanya. Pansamantala silang natigilan nang makita ang isa't-isa. Hanggang sa maputol ang tingin na 'yon nang makita niyang ngumiti ang dalaga. "Magandang umaga, Gin." Nilingon niya ang kalendaryo at bahagyang nagulat. Ilang linggo na lang, matatapos na ang isang buwang palugid ni Serena para gawin ang unfinished business nito. Ilang linggo na lang at maglalaho na ang dalaga ngunit parang hindi pa rin ito nababahala. "Anong ginagawa mo Serena?" tanong niya sa dalaga nang makalabas sila ng bahay. Muli silang nagbisikleta pababa ng bayan. "Ilang linggo na lang ang itatagal mo sa mundong ito pero bakit parang hindi ka nababahala? Hindi pa natin nalalaman kung ano ba talaga ang unfinished business mo. Hindi ka ba natatakot?" "Hindi ko pa rin maalala ang tungkol sa unfinished business ko. Sa totoo lang natatakot din ako kahit papaano." Naramdaman niyang humigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. "Hindi ko alam ang gagawin ko kung sakaling mabigo ako." "Ano ba talaga ang gustong-gusto mong gawin sa buhay mo?" "Ang mabuhay ng masaya..." pansamantalang nagkaroon ng mahabang katahimikan sa kanilang dalawa habang tinatahak ang daan patungo sa bayan. "Ang lahat naman ay kasundo ko noong bata pa ako, lahat kaibigan ko, lahat napapasaya ko. Masaya naman ako pero hindi ko alam kung ano pa ang kulang na nagawa ko para pabalikin ako sa mundong ito." Dahan-dahan niyang pinatakbo ang bisikleta. Naramdaman naman niyang dumistansya ang katawan ng dalaga sa kanyang likod. Bahagya niya itong nilingon at napansin na pinagmamasdan ang paligid. "Ihinahanda na nila ang ilang disenyo para sa mangyayaring pista sa susunod na linggo." "Nasaan ang mga paputok?" "Sa dalampasigan nila nagset-up ng mga gagamiting paputok sa opening at ending ng pista." Tumigil siya sa pagbibiskleta. Dali-dali namang bumaba ang dalaga mula sa pagkakasakay nito sa likurang bahagi ng bisikleta. "Mas marami nang mabibili sa bayan. May ilang pasalubong na rin." Nagtungo ang dalaga sa ilang mga tindahan at tiningnan ang ilang mga bagong display na mga pagkain at maaring maging dekorasyon sa pagsapit ng pista. Napakamot na lang siya ng ulo habang sinusundan ng tingin ang dalaga. "Gin?" lumingon siya sa kabilang gilid ng kalsada at nakita ang isang babaeng nakapusod ang buhok. Ngumiti ito sa kanya na kaagad naman niyang ipinagtaka. Pagkaraan na pagkaraan ng ilang bisikleta ay kaagad itong tumawid at lumapit sa kanya. "Kamusta? Hindi ko akalaing may ilan pa akong mga kaibigan na patuloy pa rin nagbabakasyon sa lugar na 'to." Minuto ang itinagal niya sa pagtitig bago mamukhaan ang kausap. Isa ito sa naging kaibigan niya noong siya'y bata pa. Isa sa mga nakalaro niya sa kakahuyan at parke ilang taon na ang nakakalipas. Sa sobrang tagal ng panahon na 'di sila nagkikita-kita, napakaraming nagbago sa kanila. Isa na ro'n ang pisikal nilang mga katangian. Napansin niyang mas lalong humaba ang buhok nito kahit na nakapusod, mas pumuti na ang kulay ng balat nito at mas lalong umaliwalas ang mukha nito. "Jodi?"          Ngumiti ito sa kanya. "Bakit parang nag-aalangan ka pa sa pagtawag ng pangalan ko? Oo, Gin. Ako 'to si Jodi na palagi mong inaasar noong mga bata pa tayo." Dahan-dahan siyang napatango nang maalala ang kaibigan. "Ah, oo ikaw nga 'yong iyaking bata." mabilis siya nitong hinampas sa balikat. Pansin niya ring napalingon ang kausap sa bandang likuran niya at nabalot ng matinding gulat. Dahan-dahan nitong itinuro ang lokasyon ng tinitingnan nito kung kaya't sinundan niya rin ito ng tingin at ikinagulat ang pagturo nito sa kasamang si Serena. "On the second thought, akala ko si Mendez ang nakita ko." Narinig niya ang marahang pagtawa ng kausap. "Pero napaka-imposible naman para magpunta siya sa lugar na 'to." "Anong mayroon kay Mendez?" pagtataka niya. Bumuntong hininga ang kausap "Wala naman. Sadyang naalala ko lang ang kaibigan ko. Matagal-tagal na rin ang nakalipas noong huling beses ko siyang makita. Siguro na miss ko lang siya kaya inakala kong narito rin siya sa lugar na 'to." Lumingon ang kausap sa relong nasa braso nito. "Kailangan ko nang umalis. Siguradong hinihintay na ako ng mga pinsan ko at ang pasalubong ko sa kanila. Magkita na lang ulit tayo rito, Gin. Inaasahan kong pupunta ka rin sa gaganaping pista." Nagsimula 'yong maglakad papalayo sa kanya. "Sino si Mendez?" 'yon ang naiwang katanungan sa kanyang isipan nang maakalis ang kanyang kababatang kaibigan. "Gin!" Napalingon naman siya kung nasaan ang kasama at nakitang tumatakbo ito papalapit sa kanya. "Bisitahin naman natin yung paglalagay nila ng mga paputok." "Seriously? Bakit hindi mo nalang isipin ang trabaho mo? Dalawang linggo na lang ang mayro'n ka, Serena." Napakamot ito sa ulo. "Kung hindi ko matandaan ang unfinished business ko, lulubusin ko nalang ang natitirang araw ko rito sa mundo." Bumuga ito ng hangin. "Ang weird palang mamatay ng pangalawang beses." "Hindi ba mas nakakalungkot kung makakalimutan ka ng mga nakilala mo sa pangalawang buhay mo? Hindi ka ba nababahala na ito ang pinakanakakatakot na pagkawala mo?" pansin niyang napatigil ang dalaga. Umiwas ng tingin na para bang iniiwasan ang sinabi niya sa kanya. "Nakakatakot." Sagot nito sa kanya bago muling umakas sa likuran ng bisikleta. Naramdaman niyang yumakap ito sa kanyang likod at isinandal ang ulo. "Pero gano'n naman talaga ang sistema natin ngayon. Darating ang araw na kailangan nating maghiwalay. Sampung taon na akong patay, burado sa takbo ng oras sa mundong ito. Darating ang araw na makakalimutan mo rin ako. Siguro para hindi ka na rin mahirapan kahit ang lolo't lola mo. Hindi na kayo mahirapan sa pagkawala ko. Sa isang taong matagal na talagang patay." "Pero bakit kailangan kalimutan ang ilang mga ala-ala kung iyon ang naging dahilan ng pagiging matatag ng isang tao?" Sinimulan niya uling paandarin ang bisikleta patungo sa dalampasigan. Nanaig ang katahimikan sa mga sumunod na minuto. Napansin niya rin na mas lalong humihigpit ang pagkakayakap sa kanya ng dalaga sa likuran. Tila ba may kung anong malamig na presensya sa pagitan nilang dalawa sa sandaling 'yon. Pakiramdam na para bang napakalayo nila sa isa't-isa kahit na nakayakap ito sa kanya. "Gin," binasag nito ang nakakabinging katahimikan. "Kapag dumating ang araw na 'yon, gusto kong makita kang nakangiti. Kahit na... alam kong naasar ka sa 'kin." Humigpit ang pagkakahawak niya sa manibela. Hindi niya maintindihan kung bakit parang tinamaan ng matigas na bagay ang kanyang puso nang marinig ang sinabi nito. Ramdam na ramdam niya rin na nababahiran 'yon ng kalungkutan. Sa ilang araw na nakasama niya ang dalaga, inaamin niyang nasanay siya sa kaingayan nito, ang makita ang mga ngiti nito, ang makulit na pakikitunggo nito sa kanya. Bakit nga ba madaling nawawala ang mga bagay na magaganda? "Parang sinabi mo na rin na ngumiti ako kahit na asar na asar na ako." "Iniisip ko lang na baka mamiss mo ako." At saka nito sinundot ang tagiliran niya. Para siyang nakurytente sa ginawa ng dalaga at kamuntikan pa siyang mawalan ng balanse. Sumunod na lang niyang narinig ang paghalakhak ng dalaga sa kanyang likuran. "Ano ba! Isa pang gulo d'yan, itutulak kita." Tumakip ang makakapal na ulap sa maaliwalas na kalangitan. Mabilis na bumaba ang dalaga bisikleta at kumaripas ng takbo sa malawak na buhangin. Mula sa kinaroroonan niya, tanaw na tanaw ang mga taong nag-aayos ng mga gagamiting opening celebration ng pista sa kanilang lugar bukas ng gabi. Kitang-kita ang matinding saya sa mukha ng dalaga nang makita ang napakaraming hilera ng iba't-ibang mga patutok. Para itong batang na nakita ang paborito nitong laruan. "Gin! Lahat ba ito papaputukin nila?" tumakbo ito pabalik sa kanya at sinabayan siyang maglakad.          "S'yempre," mas lalong lumawag ang ngiti nito sa mukha at kulang na lang ay kuminang ang mga mata nito. "S'yempre hindi." Mabilis na nabura ang ngiti sa mukha ng dalaga. "Anong gagamitin nila sa katapusan ng pista kung papaputukin nila ng sabay-sabay 'yan? Kaunti lang ang gagamitin nila bukas ng gabi. Mas marami silang papaputukin sa huling araw ng pista." Tila ba naging dahan-dahan ang lahat sa kanyang paningin. Mabilis niyang nabitawan ang hawak-hawak na bisikleta at tumakbo sa kinaroroonan ng dalaga. Sinubukan niyang abutin ang ulo ng dalaga, hindi niya alam kung ano ang eksaktong nangyari. Nakita na lang niyang dahan-dahang bumagsak ang katawan nito habang pinagmamasdan ang mga kaganapan 'di kalayuan sa dalampasigan. Nasalo niya ang walang malay na dalaga bago pa man ito bumagsak sa buhangin. Gulat ang tumakas sa kanyang sistema, tuloy-tuloy ang pagmumura niya sa kanyang isipan. "Serena!" bahagya niyang tinapik-tapik ang pisngi ng dalaga. "Anong nangyayari sa 'yo." Dali-dali niya itong kinarga. Naghuhurumentado ang kanyang isip, unti-unting nilalamon ng takot ang kanyang katawan. Alam niyang hindi pa naman natatapos ang buwan ngunit may kung ano nang nangyayari sa dalaga. At sa sandaling 'yon, wala siyang inisip kung hindi ang kaligtasan ni Serena.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD