Kamalasan at kapatid pa ni Rupert si yabang!
Ano ba itong napasok ko?
Wala akong balak sumama at sa hiya lang kaya ako napapayag, dahil sa mama ni Opet. Niyaya namin si Butas pero as usual may lakad sila ni Mikka.
Tatlo kaming umuwi pagkatapos ng exam kasama si Obet (palayaw ng may ari ng mundo at hari ng yabang)
Wala akong pasok kinabukasan.
Nabasa ni Opet(palayaw ni Rupert) ang schedule ng exam permit card ko kaya hiniling niya na kung pwede akong sa kanila matulog. Nakwento ko rin kasi na magulo sa bahay dahil sa renovation na pinapagawa ng tatay. Pauwi kasi ang lola galing abroad at magpapasikat ata sa nanay ng nanay ko.
Hindi ko na pinapansin ang extra naming kasama. Kami madalas ni Opet ang nag-uusap papunta sa kanilang bahay. Sa daan ay bumukod ng lakad si Obet dahil nayaya sa siya sa bilyaran kaya dalawa na lang kami nakarating ng bahay.
Kung gaano kainit ang nanay ni Opet na tanggapin ako kahapon mas mainit ngayon. Ewan ko ba?
Wala naman kaming gaanong papasadahan ng review dahil sa makalawa pa muli ang susunod na araw ng exam namin.
Sa sala na lang kami tumambay at nagkwentuhan.
Pansin ko lang...
Hindi sa pagmamayabang ng katayuan pero parang mas nakakaluwag kami sa pamilya nina Rupert.
Huwag sana akong masamain, ang tatay niya ay isang aircon and refrigirator technician. Ang nanay niya ay naghahabi ng doormat. Pansin naman sa dami ng mga retasong katabi ko sa lumang sofa at patong patong na doormat na inuupuan ni Rupert.
Medyo naawa ako sa pamunuhay nila dahil parang kayod marino ang mga magulang ni Rupert at sa isang mamahaling eskwelahan pa nag-aaral silang magkapatid.
Nakwento nila sa akin na pinapag-aral pala si Rupert ng kaniyang lolo na nakatira sa amerika at ang kuya naman niya ay isang scholar sa school.
Sila na rin ang nagbukas ng dahilan kung bakit payat si Rupert. Masasakitin at mahina talaga ang katawan nito. Bihira lang lumabas ng bahay at hindi kaya makipagsabayan sa paglalaro noong maliit at tanging kuya lang niya ang laging kasama at bantay.
Nandoon na kami sa peak ng pag-uusap tungkol sa kuya Jobert niya nang biglang itong dumating na may pasang aircon.
Nakasando at pawisan ang matipuno niyang mga braso.
Sa liit ng kanilang sala ay sa harapan ko ibinaba ang aircon.
Napakagat ako ng labi...
Dahil sa paanan ko ibinaba ang aircon at ramdam ko sakit ng madaganan ang daliri ko sa paa.
"Oopss sorry!!!!sorry!!!"
Iniangat niya ang aircon upang maalis ko ang naipit kong daliri.
"Ano ginawa mong bata ka! Ano nangyari?"
Nataranta naman ang nanay ni Rupert kaya ako na lang ang gumawa ng paraan upang pagtakapan ang ginawa ng mabuti nilang panganay.
"Wala ho tita nagkakabiruan lang po kami."
Hindi napansin ni tita ang nangyari kayat bumalik siya sa pagluluto.
Nakatingin sa akin si Rupert, walang kamalay-malay na nadonselya ang paa ko ng huwaran niyang kuya.
Ang kuya naman niya ay nagpe-flex-flex pa ng mga braso habang papasok sa silid ni Rupert.
"Nay aalis po ako mamaya may swimming kami ng mga classmate ko."
Paalam ni Yabang sa nanay niya na narinig ko sa loob ng silid.
Doon ko naisip yung usapan nila sa kubo kahapon.
Swimming o binyag? Sinungaling!
Gusto ko isigaw kung ano talaga ang gagawin nila mamaya sa resort na narinig ko kahapon.
Tinawag kami ng nanay ni Rupert upang maghapunan. Nakakatuwa dahil kumpleto din ang kanilang pamilya kung kumakain. Sa isang lamesa, walang bukas na tv o radyo. Salo salo sa pagkain at sa kwentuhan.
Wala palang dapat ikahabag sa pamilya ni Rupert dahil sa masaya silang magkakasama.
Oras na para gumanti...
Habang nakain ay nagtanong ako.
"Umm kuya Obet, saan swimming nyo mamaya?"
Napaubo si Jobert sa tanong ko. Nabilaukan ata dahil alam ko kung saan sila pupunta mamaya.
"Uminom ka nga muna."
Utos ni tito dahil talagang nabilaukan ata ang inuubong baby.
"Diyan lang sa Rosario...ehem..."
Lihim niya akong pinanglakihan ng mata at lihim ko din naman siyang pinanglakihan ng butas ilong ng hindi napapansin ng aming mga kasalo. Natutuwa ang kalooban ko dahil nakaresbak ako sa ginawa niya kanina.
Papayag ba akong uuwi ng bahay na naiskoran ng loko na to?
Pagkatapos kumain ay nag-alok ako na tumulong sa paghuhugas ng plato subalit pinigilan ako ng nanay nila. Trabaho pala ni Jobert ang paghuhugas ng plato.
Kahit paano ay nahiya ako sa aking ginawa kanina. Okay, medyo may natitirang kabaitan si yabang. Naghugas ng plato.
Hugas lang...
Pero kahit paano may nakita akong kabaitang totoo sa kaniya.
Ang pagiging matulungin sa loob ng bahay.
Kahit pala mukhang goons marunong maghugas plato? Ameysing!
Pagkatapos kumain ay nagpaalam kami sa kanila upang kumuha ng gamit sa amin. Nagdesisyon na ako na makitulog kina Rupert dahil hindi na ako nakatanggi sa paanyaya.
Sinamahan ako ni Opet sa amin.
Nakita niya ang ayos ng aming bahay. Sa likod kami dumaan papasok sa kusina dahil hindi pa pwede sa sala. Sa kwarto ko ay magulo na rin pala dahil sisimulan na rin bukas ang pagta-tiles dito.
Nagpaalam ako sa nanay at tatay na makikitulog ako sa classmate ko. Pinayagan naman ako na huwag lang maglalabas kung hating gabi at huwag mag-iinom.
Senegundahan naman ni Rupert na hindi naman ako pababayaan sa kanila.
Okay lang sa magulang ko ang makitulog kung kani-kanino. Tiwala sila sa akin dahil hindi naman talaga ako nagsasasama sa mga taong pahamak.
Sa loob ko ito yata ang unang pagkakataon na binigo ko sila sa pagtitiwala. Di pa nila kilala ang kuya ng kasama ko.
Bumalik kami kina Rupert.
Wala na si best in honesty at nagswimming na raw ayon sa mama ni Rupert.
Sa silid nagkwentuhan kami ng ilang mga bagay. Isa lang ang kama sa kwarto ni Rupert. Inalok niya sa akin ang kama subalit tumangi ako. Sanay ako sa sahig matulog noon pa kaya sa sahig ako pumuwesto.
Natulog kami.
Kasarapan ng tulog ng maramdaman ko ang isang ingay. Nauga ang kama. Sa dilim nakita si Rupert na nanginginig. Pilit ko siyang ginigising at baka binabangungot na.
Agad akong tumayo at binuksan ang ilaw. Natakot ako ng lumiwanag dahil nakita kong nangingisay si Rupert na bumubula ang bibig.
Napasigaw ako sa nangyayari kayat sa kalapit na silid ay narinig ako ng kaniyang mga magulang.
Kalmado silang inasikaso si Rupert na nilagyan ng nerolyong bimpo ang kaniyang bibig at pinakagat ito.
Epileptic ang kaibigan ko ng hindi niya sinasabi sa akin.
Naawa ako sa kaniya. Paano kung wala siyang kasama? Paano kung may masamang nangyari sa kaniya?
Kabado akong pinanood si Rupert na unti-unting kumalma ang katawan mula sa pangingisay.
Unang pagkakataon kong makasaksi ng ganito. Nakakatakot pala ngunit sa harap ng mga magulang niya ay parang madaming beses na itong nangyari. Parang sanay na sanay na sila. Parang madaming beses ng nangyari sa kanila ang ganitong eksena.
Nahimasmasan na si Rupert.
Pinainom ng gamot at siniguradong ayos na ang kaniyang pakiramdam ng iwan na kami sa kwarto ng kaniyang mga magulang.
Hindi na ako inantok sa pag-aalala sa kaniya na baka sa pag-idlip ko ay magkikisay na naman siya.
"Pasensya na ha, kung hindi ko sinabi sa iyo ang sakit ko. Ayaw ko kasing pabigat baka maging iba ang trato nyo sa akin."
Wala akong imik na nakikinig sa kaniya. Ang totoo kumikirot ang dibdib ko para sa kaniya sa awa.
Tahimik sa klase, hindi pinapansin, walang barkada at mapagsolo. . Lumalayo sa karamihan dahil sa sakit niya.Malungkot ang simula ng araw niya sa kolehiyo.
Lumapit ako sa kaniyang pagkakahiga at hinawakan siya sa kamay.
"Kung may mabago man, siguro mas dapat pa yata kita bantayan dude..."
Ngumiti siya sa akin.
Pinunasan ko ang pawisan niyang noo. Sa loob ko,obligasyon ko bilang kaibigan ang kundisyon ni Opet. Ang lalo siyang tanggapin at pakaingatan. Ngayon ko naintindihan kung bakit siya ganito,kung bakit ganoon ang mga magulang niya sa pagtanggap ng bisita ng kanilang anak.
Ngayon nauunawaan ko na ang lahat.
Isa lang ang di ko makuha...si Jobert.
*****
Ayan oh nakapart two na tayo. Next part,nakaraan part 3. May M.U. daw na mangyayari.
ABANGAN!!!